Kapistahan ni Juan Bautista
Junio 24, 2007
Mga Pagbasa: Is 49:1-6 / Gawa 13: 22-26 / Lucas 1:57-66, 80
Tanging tatlo lamang ang may natatanging pagdiriwang sa kanilang pagsilang sa ating Simbahan: si Kristo Jesus, si Maria, Ina ni Jesus, at si Juan Bautista. Subali’t kailangang maunawaan natin na hindi ito pagdiriwang ng kumpleanyo (compleano sa Kastila), o “birthday.” Mababaw ang pagdiriwang ng bertdey. Paggunita lamang ito ng anibersaryo ng pagsilang ng isang tao sa daigdig.
Ang pagdiriwang ng araw na ito, tulad ng araw ng Pasko, at ng Setyembre ika-8, ay hindi isang mababaw na pag-aala-ala ng pagsilang ni Jesus at ni Maria. Ang tatlong ito ay pagdiriwang ng pagdatal – ng pagdating sa ating buhay ng tatlong may mahalagang dulot sa lubos na ikapagpapanibago ng daigdig at ng buhay ng marami sa daigdig na ito.
Bakit ba mahalaga sa atin ang pagdatal ni Juan Bautista?
Una, tingnan natin ang kwento sa Banal na Kasulatan. Ang kanyang pagdatal ay naghatid ng matinding pagkakabulabog sa buhay ni Zacarias at Isabel. Handa na ang dalawa mag-retire at manahimik sa kanilang katandaan. Tanggap na nila na sila ay tatanda nang walang aarugain pang bata. Nguni’t iba pala ang balak ng Diyos para sa kanila. Isang himala ang naganap sa kanilang katandaan. Ang kinikilalang baog at wala nang kakayahang magluwal ng sanggol ay pinagpala ng Maykapal.
Maraming ginambala at binulabog si Juan Bautista. Pati ang kanyang pinsan na si Maria, kabiyak ni Joseng anluwage ay nabulabog. Sinasaad sa ebanghelyo ni Lucas kung paano siya nagmamadaling umakyat sa bulubundukin ng Judea upang tulungan si Isabel na kagampan. At nang magpangita si Maria at Isabel, siya mismo ay nabulabog sa sinapupunan. Nagtatalon siya sa galak nang dumating si Maria at si Jose.
Mahalaga si Juan Bautista sapagka’t mahalaga na mayroong nambubulabog sa atin. Mahalaga siya sa atin maging sa panahong kasalukuyan sapagka’t kinakailangan nating lahat ng isang mahusay mambulabog at maggising ng mga natutulog. Hindi natin kailangan ng birthday celebration. Ang kailangan natin ay ang ipagdiwang at isakatuparan ang dahilan at kahulugan ng kanyang pagdatal.
At ang kahulugan ng kanyang pagdatal ay walang iba kundi ito – ang pukawin ang puso at isipan ng mga taong namihasa nang mamuhay sa kadiliman. Ang kanyang pagdatal ay isang panawagan upang lisanin ang kamangmangan, ang pagkahirati at pagkagulapay sa kawalang pag-asa at kaguluhan ng isipan, ang bumangon mula sa pagkadapa at sa pag-iisip na wala nang pag-asang nalalabi sa mundo.
Sa kasaysayan ng daigdig, may mga panahong ang marami ay tila nanghihinawa at nawawalan ng tiwala at pag-asa. Subali’t sa ganitong pagkakataon ng matinding pangangailangan, nagsusugo ang Diyos ng karampatang tao upang tumugon sa paghamon ng panahon. Nang ang Inglatera ay halos wala nang masulingan dahil sa digmaan, lumitaw si Churchill upang pukawin ang natutulog na pag-asa at kakayahan ng mga Ingles. Binulabog niya ang buong kaharian. Pinukaw niya ang mga tukatok na sa kawalang pag-asa. At ang pinakadakilang sandali ng Inglatera ay narating nila sa pamumuno ni Winston Churchill.
Isang nagngangalang Juan ang isinugo ng Diyos, ayon sa Ebanghelyo ni Juan Ebanghelista. Ang kanyang pagdatal ay mahalaga at makahulugan para sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit natin itinatampok at itinatanghal siya sa araw na ito.
Patuloy niya tayong binubulabog. Pinupukaw niya at inaantig ang ating mga puso. Nagtatatalon pa rin siya sa galak sa sinapupunan ng Inang Simbahan sapagka’t narito tayo at nagmamadaling magtipon sa araw na ito ng Linggo. Tulad na pinagbago niya ang takbo ng buhay ni Zacarias at Isabel, pinagbabago rin niya ang takbo ng buhay natin bilang bayan ng Diyos.
Marami siyang binulabog. Kasama na rito si Herodes na lubhang nabulabog sa kanyang narinig mula sa propeta. Ang katotohanan na dulot at mensahe niya ay lubhang mapanganib para kay Juan. At ang nambulabog sa ngalan ng Diyos ay tuluyan nang pinatahimik ng isang makapangyarihang taong hindi matanggap ang kaniyang pambubulabog.
Tulog ang lipunan natin sa pagtanggi na napakaraming dapat pagpanibaguhin sa ating lipunan. Hindi pa naaantig ang ating bayan na tayo ang pinaka tiwaling bayan sa buong Asya. Hindi pa rin natin lubos na nauunawaan na ang ating mga kayamanang likas ay mabilis na nauubos at inaaksaya nating lahat. Hindi pa sumasagi sa ating kaisipan na tuwing halalan, ay hindi dapat mangyari na laging may patayan at iba pang uri ng karahasan.
Patuloy na dumaratal sa ating buhay ngayon si Juan Bautista. Patuloy niya tayong binubulabog. Subali’t ang pinakamatinding pambubulabog niya ay may kinalaman sa pagtuturo niya sa atin ng tamang landas tungo sa ganap na pagbabago. “Siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Hindi ako karapat-dapat magkalas ng sintas ng kanyang sandalyas.”
Oo, siya ay kilabot ng bulabog. Subali’t ang hari ng bulabog ay hari din ng panloob na kababaang-loob at kabanalan: “Dapat siyang umangat at ako ay bumaba.”
San Juan Bautista, patuloy mo kaming bulabugin tungo sa kabanalan!
Junio 16, 2007
Paranaque City, 8:35 PM