frchito

PASUBALI, PAGSUNOD, PAGLAYA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 25, 2007 at 20:39

Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 1, 2007

Ang sinumang nakaupo na sa isang panunungkulan, o nakahawak na ng isang posisyon ay kagya’t makakaunawa nito. Mahirap utusan ang taong maraming dahilan. Mahirap pasunurin ang taong hindi nauubusan ng pasubali. Para sa taong gusto, maraming paraan. Para sa taong ayaw, maraming dahilan.

Ito ang paksa ng ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natungyahayan natin kung paano kagya’t tumalima si Eliseo kay Elias. Walang pasubali; walang kondisyon; walang tanung-tanong. Nang ipataw ni Elias and kanyang balabal, iniwan ni Eliseo ang kanyang parang at sumunod kay Elias.

Ang pagsunod ni Eliseo ay naging daan sa kanyang ganap na paglaya.

Hindi madaling unawain ito. Ang pagsunod ay tila malayo sa paglaya. Nguni’t ituloy natin ang ating pagninilay…

Kalayaan ang paksa ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Galatas. Narito sa liham na ito ang susi ng ating tanong tungkol sa tunay na kalayaan. Dalawang batas ang puede nating sundan, ayon kay San Pablo: ang batas ng Espiritu at ang batas ng laman. Malinaw ang kaniyang pangaral. Ang tunay na paglaya ay nasa pagtalima o pagsunod, hindi sa batas ng laman, kundi sa batas ng Espiritu. Ipinagtatagubilin niya sa atin na tumindig nang matuwid at huwag muling pasailalim sa pamatok ng pagka-alipin.

Sa ebanghelyo naman, natatampok ang tatlong uri ng taong kay dami ng pasubali, kay dami ng dahilan, at kay dami rin ng kondisyon. Maaari nating sabihin na ang taong maraming “subali’t, datapuwa’t, nguni’t” at iba pang balakid ay hindi ganap na malaya. Alipin siya ng kanyang mga pasubali. Kung minsan, ang pagbabakod ng sarili, o ang pagtatrangka sa sarili ay nauuwi sa pagka-alipin.

Mayroong alipin ng paghahanap ng katiyakan o kasiguraduhan. Ito ang binabatikos ngayon ng Panginoon. Nang may nagsabi sa kaniya na handa siyang sumunod saanman siya magpunta, sumagot si Jesus: “ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may tirahan, nguni’t ang Anak ng Tao ay wala ni unan para sa kaniyang ulo.”

Mayroon namang taong maraming kadahilanan at laging nag-aatubili at patumpik-tumpik. Hindi nila mapanagutang lubos ang kanilang salita. Ito ang mga taong urong-sulong, na laging may dahilan upang ipagpaliban ang anumang desisyon. Nandiyan ang nagdadahilang kailangan muna niyang ilibing ang kanyang Ama. Ito ang mga taong nagsasabing susunod … mamaya … bukas … hindi, saka na lang siguro … Sa mga taong kagaya nito,  parang marahas pakinggan ang sagot ni Jesus: “Hayaang ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.” Mahirap kausap ang mga taong “hele-hele, pero quiere.”

Mayroon din namang alipin ng kanilang puso. Hindi nila maiwan ang mga tao o bagay na napamahal na sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay kasing sakit ng sagot niya sa nauna: “Ang taong nag-aararo at lumulingon sa kanyang pinagdaanan na ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Iisa ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Ang pagiging disipulo ni Kristo ay nangangailangan ng pagtalima o pagsunod. Nguni’t kabaligtaran sa karaniwang nagaganap sa mundong ito, ang pagsunod na ito ay siyang naghahatid sa ganap na paglaya. Mahirap man unawain, at lalung mahirap man tanggapin, ito ang kabalintunaan ng ating buhay Kristiyano. Ang taong maraming kondisyon at pasubali ay hindi malaya. Alipin siya ng kanyang sariling bakod na nagsisilbing balakid sa paglago. Ang pagdadahilan ay iba lamang tawag sa hindi pagsunod. Nguni’t ang taong walang kurap sa pagsunod, tulad ni Eliseo ay siyang nagpamalas ng wagas na kalayaan.

Marami tayong dahilan upang saka na magbago. Marami tayong pasubali at mga palusot upang makaiwas sa pagbabago ng ating lipunan. Subali’t gaya nang nasabi na natin, ang taong gusto ay maraming paraan; ang taong ayaw ay maraming dahilan. Nguni’t ang ganap na kalayaan ay hindi makakamit sa pagdadahilan. Ang tunay na kalayaan ay nasa daang tinahak ni Kristo – ang daan tungo sa Jerusalem, tungo sa kanyang ganap na pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang pagsunod ay daan tungo sa paglaya.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: