frchito

YABANG O YABONG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 1, 2007 at 14:51

Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 8, 2007

Mga Pagbasa: Is 66:10-14c / Gal 6:14-18 / Lk 10:1-12, 17-20

May mga bagay na hindi dapat itago. May mga pangyayaring hindi dapat ipagkaila. May mga pagkakataong dapat ipagmakaingay ang anumang ating pinagpapahalagahan na ating natamo o nakamtan. Ang isang ina ng batang nagtapos sa pag-aaral nang may malaking karangalan ay lubos ang kanyang kagalakan. Ang kagalakang ito ay hindi dapat ikubli. Dapat lamang na kanya itong ipagyabang.

Pagyayabang ang bukam-bibig ni San Pablo ngayong Linggong ito. Pero may kaibahan ang pagyayabang ni San Pablo. Ipinagmamakaingay niya, hindi ang kanyang nakamit, kundi ang nakamit sa kanya ng Panginoon. Ang krus ng Panginoon ang paksa, puno, at dulo ng kanyang pagyayabang. “Huwag nawa ako magyabang liban sa krus ng Panginoong Jesucristo.”

Sa unang pagbasa na halaw sa aklat ni Isaias, yabong, hindi yabang ang paksa. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng Diyos na tulad ng isang ina na nagkakalinga sa kanyang mga anak, binibigyang hula ni Isaias ang darating na kasaganaan na magmumula sa Jerusalem. Ang pagyabong o paglago ng mga anak ng Diyos ay siyang binibigyang-larawan ni Isaias. Ang pagyabong na ito ang siyang magiging dahilan ng wastong pagyayabang na siyang kahulugan n gating tugon sa unang pagbasa: “Umawit nang buong kagalakan ang buong daigdig.”

Ang Ebanghelyo ni Lukas naman ay umiikot rin sa dalawang katagang ito. Pitumpu at dalawang disipulo ang nakuhang makapag-yabang sa kadahilanang nakagawa rin sila ng mga kababalaghan: “Panginoon, maging ang mga masasamang espiritu ay sumunod sa amin dahil sa iyong pangalan.” Subali’t ang pagyayabang na ito ay nakatuon sa pagyabong at paglago ng samahan ng mga sumasampalataya. Tinawag sila at isinugo ni Kristo nang dala-dalawa upang mauna sa mga bayang kanyang bibisitahin.

Ano ba ang ipinagtagubilin ni Jesus sa pitumpu at dalawang disipulo? Simple lamang. Hindi dapat yabang o porma ang mauna. “Huwag magdala ng lukbutan, sako, ni sandalyas, at huwag bumati sa kaninuman sa daan.” “Saan mang tahanan kayo pumasok, kainin ang anumang ihain sa inyo.” Isang mahalagang pagbati lamang ang kanyang ipinagtagubilin – ang pagbati ng kapayapaan.

Ang mga pagbasang ito ay may kinalaman lahat sa ating pagiging tagasunod ni Kristo. Noong isang Linggo, sinabi natin na balakid sa pagsunod at ganap na paglaya ang lahat ng uri ng “nguni’t, subali’t, datapwa’t” sa ating buhay. Ang pag-aatubili, ang mga pasubali, at lahat ng uri ng “teka muna” ay hindi mauuwi sa pagyabong ng samahan ng mga sumasampalataya.

Maraming iba-t ibang uri ng yabang ang dagdag na balakid sa paglago ng bayan ng Diyos. Nariyan ang yabang ng salapi. Nariyan din ang yabang ng katalinuhan at kakayahan. Nariyan ang yabang ng maling pagpapahalaga sa sarili.

Ang lahat ng ito ay hindi dapat mamayani sa isang tagasunod ni Kristo. Noong ang ilang mga disipulo ay nagyabang dahil sinunod sila ng masasamang espiritu, pinaalalahanan sila ng Panginoon: “Huwag kayong magalak sapagka’t pumasailalim sa inyo ang mga espiritu. Magalak kayo sapagka’t ang inyong pangalan ay nakatala sa langit.”

Napakadali para sa mga taong naglilingkod sa Panginoon at sa kapwa ang makalimot sa diwa ng tunay na paglilingkod. Hindi kaila sa lahat na ang namumuno sa bayan, ang mga namumuno sa simbahan, o saan man, ay sinasagian din ng yabang, ng pag-iimbot, at ng pag-iisip na sila ay napakahalaga. Hindi malayo sa buhay ng mga naglilingkod ang hayaang mauna ang pagyayabang, at hindi ang pagyabong ng kanilang pinaglilingkuran. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pinaka-tiwaling bansa at bayan sa buong Asia?

Maraming bentaha ang hatid ng paglilingkod sa kapwa. May mga dulot na gantimpalang makamundo para sa mga nagpapagal para sa kapakanan ng iba. Hindi natin sinasabing ang mga ito ay masama at dapat ituring na kasalanan. Nguni’t sa araw na ito, ito ang turo sa atin ng ating sinusundan at itinuturing na Panginoon. Yabong, hindi yabang ang tanging pakay at layunin ng isang tunay na tagasunod ni Kristo.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mg Kristiyano
Paranaque City – Julio 1, 2007

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: