frchito

Archive for Hulyo, 2007|Monthly archive page

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL: ALIN ANG TAMA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 15, 2007 at 12:46

Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 22, 2007

Mga Pagbasa: Gn 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lk 10:38-42

Noong isang Linggo, pinagnilayan natin ang buod ng pagmamahal sa kapwa. Ang kapwa ayon sa ating nabasa ay siyang nangangailangan sa anumang sandali ng atensyon, ng kalinga, ng pag-ibig na natutunghayan sa gawa. Ang Samaritano, na hindi inaasahang titigil at tutulong ay siyang lumingon at nagkalinga sa taong nilapastangan ng mga masasamang-loob sa kanyang paglalakbay. Ang lahat ng iba ay ni hindi lumingon bagkus lumihis ng landas.

Sa Linggo namang ito, kabukasang-puso at kabukasang-palad ang hiblang nag-uugnay sa tatlong pagbasa. Si Abraham ay tumanggap ng tatlong bisitang banyaga. Hindi nag-atubili si Abraham na paghandaan ang kanyang bisita. Pinapasok sila at pinakain, ayon sa batas ng hospitalidad sa mga banyaga. Ang kanyang kabukasang-palad ay ginantimpalaan ng Diyos. Nagka-anak sila ni Sara sa kanilang katandaan. Sa ikalawang pagbasa naman, nakita natin kung paano tinanggap ni Pablo nang maluwag sa kalooban ang sari-saring dalamhati na kanyang dinanas, at itinuring niya ang mga ito na pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristong Panginoon. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang saloobin maging sa mga pasakit sa buhay.

Ang ebanghelyo ay malinaw na may kinalaman din sa kabukasan ng loob sa pagtanggap ng bisita. Si Jesus ay naging bisita ni Marta at ni Maria. Si Marta ay naging punong-abala sa pag-aasikaso sa mahalagang panauhin sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda. Nguni’t si Maria ay nagsalampak sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanyang pangaral, habang ang kanyang kapatid ay nagpapawis.

Madaling magkamali ang nagbabasa nito at ipakahulugang ang Panginoon ay namimili at may kinikilingan sa dalawang magkapatid. Umangal ng kaunti si Marta. Bakit daw baga hindi tumulong sa kanya ang kanyang kapatid na nakasalampak lamang sa sahig at nakikinig sa Panginoon. Umangal siya sa kadahilanang siya ay nagpapagal habang si Maria ay nagdarasal.

Alin ba ang tama?

Sa biglang-wari, para bagang namili si Jesus at pinaboran si Maria sa kanyang sagot kay Martang medyo nagdadabog. “Abalang-abala ka at balisa sa maraming bagay, nguni’t tanging isa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mainam at hindi ito ipagkakait sa kanya.” Ito nga ba ay isang pahiwatig na mas mainam ang magdasal kaysa magpagal? Ito nga ba ay isang pangaral tungkol sa higit na kahalagahan ng panalangin kumpara sa pagtatrabaho?

Ito ay isang lumang usapin sa kasaysayan ng simbahan. Ang kasagutan dito ay siyang naging dahilan kung bakit may mga taong nagkamali sa pagsasabing ang buhay ng mga monje at mga monja sa monasteryo ay higit na dakila sa buhay ng mga taong nasa mundo.

Malaki ang kinalaman ng kinapapalooban o konteksto para maunawaan nang wasto ang mga pagbasa ngayon. Ang kinapapalooban at konteksto ay may kinalaman sa kabukasang-puso at kabukasang-palad. Ito ang pagpapahalagang siyang batayan ng ating pag-unawa sa mga pagbasa. Ang maluwag na pagtanggap sa Diyos ang siyang pagpapahalagang dapat nating maisaloob at maisabuhay. Ito ang kahulugan ng ating binasa noong isang Linggo – na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaisipan, at nang buo nating lakas. Sukdulan dapat ang ating pagpapahalaga at pagtanggap sa Kaniya.

Ito ang diwa na dapat nating gamitin upang unawain ang ebanghelyo. Walang intensiyon ang Panginoon na pamiliin tayo sa dalawang gawaing parehong mahalaga at kinakailangan sa ating buhay. Kailangan nating magpagal at kailangan rin nating magdasal. Hindi natin dapat pagsabungin ang dalawa at ituring na magkasalungat. Hindi dapat sabihing mas dakila ang mga nasa monasteryo at mas mababa ang mga nasa mundo. Ang kadakilaan ng tao ay wala sa kung ano ang kanyang ginagawa. Ang kadakilaan at dignidad ng tao ay angkin niya sa mula’t mula pa, anuman ang kanyang ginagawa – magdasal man o magpagal.

Subali’t may isang bagay na mahalaga para sa ating lahat. Lahat tayo ay tinatawagan sa kabukasan ng puso, at kabukasan ng palad. Lahat tayo ay inaasahang magbigay puwang sa ating puso para sa Diyos. Tulad ni Abraham, tulad ni Pablo, tulad ni Marta at ni Maria, tinatawagan tayo  upang tanggapin at papasukin sa ating buhay at bahay ang Panginoon.
Tinanggap ni Marta si Kristo sa kanyang bahay. Tinanggap rin ni Maria si Kristo sa kanyang bahay. Si Maria ay nagpasyang sumalampak sa sahig at makinig at makipagniig sa Panginoon. Si Marta ay nagpasyang magpagal para sa kanyang Panginoon.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga. Tumpak. Nguni’t ang pinili ni Marta ay wasto rin at tama. Ang higit na mahalaga ay ang Diyos. Kung bukas ang puso natin sa Diyos, alam nating parehong wasto at tama ang magpagal at magdasal. Hindi na problema kung alin man ang ating pagpasyahan – magdasal at magpagal – basta’t ito ay para sa Diyos na siyang dapat mahalin nang ating buong puso, ng ating buong katawan, at ng buong kaisipan.

Kung pinahahalagahan natin at tinatanggap ang Diyos nang higit sa lahat, pahahalagahan din natin ang dalawang daan patungo sa kanya: ang pagdarasal at pagpapagal na nakatuon sa kanyang kadakilaan.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City
Julio 15, 2007

LILINGON KA BA, O LILIHIS?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 9, 2007 at 08:49

Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 15, 2007

Marami ang tumatawag sa ating pansin araw-araw, saan man, kailan man. Mala higanteng paskil sa EDSA ang nagtambad sa ating paningin, na makatawag-pansin sa mga maglalakbay. Ang bawa’t isa ay nang-eenganyo, nagaganyak, at nanghihila ng ating atensyon.

Para sa mga sa simula pa ay interesado na sa isang bagay, sila ay napapalingon. Kung ang hanap nila ay maong jeans, lahat ng patalastas tunkgol doon ay mapapansin nila. Muli silang napapasulyap o napapatingin sa mga patalastas na may kinalaman sa kanilang gusto o kanilang hanap. Subali’t para sa mga hindi interesado at walang pansin sa mga nakapaskil, sila ay lumilihis, pumipikit, o nag-iisip na lamang nang pansarili habang naglalakbay. Hindi sila nag-aaksaya ng panahon upang muling tumingin o magbabad sa mga larawang mala higante. Ito ang dahilan kung bakit ang mga gumagawa ng mga patalastas na ito ay gumagamit ng mga tanyag na artista. Ang mukha nila ang siyang pinakamatinding pang-akit, kung baga ay panggayuma, upang mapalingon at mapatinging paulit-ulit ang mga tao.

Masasabi nating ang mga may interes, ang mga taong sa simula pa ay may hinahanap na, ang siyang nabibighani ng anumang nakapaskil. Mayroon nang panloob na kondisyon sa taong may hinahanap na nagbubunsod sa kanya upang makakita ng kanyang hinahanap.

Nais kong isipin na ang ating ebanghelyo sa Linggong ito ay may kaugnayan sa ating karanasan. Ano ba ang panloob na kondisyon na ito na siyang nagbubunsod sa isang tao upang lumingon at hindi lumihis?

Ang kwento ni Jesus sa ebanghelyo ay may malaking kinalaman sa kung ano ang makapagbubunsod sa isang tao upang lumingon, tumigil sandali, at tumulong sa isang taong nangangailangan.

Isang tao, aniya, ang nabiktima ng mga tulisan, iniwang halos patay na nakalugmok sa daan. Maraming tao ang nagdaan. Kasama rito ang isang pari sa templo at isang Levita. Ang dalawa ay ni hindi lumingon. Deretso ang tingin, nakatuon sa patutunguhan. Masasabi nating sila ay lumihis, umiwas, at nagmaang-maangan. Subali’t may isang hindi inaasahang tao ang lumingon, tumigil, at tumulong. Isa siyang Samaritano, na kinamumuhian ng karamihan sa mga Judio. Itinanghal siya ni Jesus bilang halimbawa ng isang taong maalam sumunod sa hinihingi ng batas ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Sa ating buhay, maraming bagay ang nag-aakit sa ating pansin. Kung ating iisiping maigi, ang binibigyang-pansin natin ay dumidipende sa kung anong saloobin ang taglay natin sa puso’t kaisipan. Kung ang laman ng ating damdamin ay kung paano magkamal ng yaman, ang napapansin natin ay lahat ng may kinalaman sa negosyo at pagpapayaman. Kung ang niloloob natin ay may kinalaman sa pagpapaganda at pag-aayos ng ating katawan, ang makikita natin ay pawang mga kosmetiko, pampaganda, o pampaguapo. Ang mga paskil na ating titingnan nang paulit-ulit ay umaayon sa kung ano ang ating hinahanap. Ang isang interesado sa kotse ay matatawag ang kanyang pansin ng mga patalastas tungkol sa sasakyan. Lilingon siyang muli tuwing makakatunghay ng ganitong patalastas.

Sa Latin, ang salitang “respectare” na naging Ingles na “respect” ay may mahalagang kahulugang dapat nating maunawaan. Ang “respectare” ay nangangahulugang “tumingin muli.” Ang anumang iginagalang natin ay hindi natin tinitikis, o sa salitang makabago, ay “dinededma.” Nililingon nating muli ang anuman o sinumang ating pinahahalagahan.

Walang pagpapahalaga ang pari sa templo at ang Levita sa nabiktima ng tulisan. Masasabi nating wala silang malasakit. Wala silang pansin sa taong iyon, sapagka’t wala silang amor o pagmamahal sa nasabing tao. Hindi siya karapat-dapat tingnan muli. Hindi na siya dapat pang pag-aksayahan ng panahon.

Masasabi natin na ang panloob na saloobin nila ay hindi pag-ibig sa kapwa. Malamang na ang kanilang pinahalagahan higit sa lahat ay ang gumanap sa panglabas na tungkulin, ang tumupad lamang sa kung ano ang hinihingi ng titik ng batas. Hindi tao o kapwa ang laman ng kanilang puso at isipan.

Ang Kristiyano ay pinagkalooban ni Kristo ng higit na malalim na pagkaunawa sa batas ng pag-ibig. Hindi ito napapaloob sa panlabas na kilos lamang, bagkus, may kinalaman sa isang malalim na saloobin. Sa ating buhay, malimit mangyari na tinitikis natin ang ibang tao. Kapag galit tayo sa isang tao, hindi tayo lumilingon. Hindi rin tayo sumusulyap man lamang. Deretso ang lakad at tingin, at hindi natin tinatao ang kapwa.

Ito ang kamalian ng pari ng templo at ng Levita. Walang lingon-lingon, walang tingin-tingin. Pareho silang “dedma” at walang pansin sa taong nangangailangan. Hindi sila nag-asal “kapwa” sa taong nasa malaking pangangailangan.

Ang ebanghelyo ngayon ay isang panawagan upang lumingon at tumingin tayo sa kung sino o ano ang dapat pagtuunan ng ating saloobing kristiyano. At ang saloobing ito ay walang iba kundi ang batas ng pag-ibig sa kapwa. Ang walang pagtingin at walang pag-ibig ay laging deretso ang lakad at laging deretso ang tingin. Walang lingon-lingon. Walang tingin-tingin. Para sa marami sa atin, lilihis pa ng landas, maiwasan lamang ang mapilitang tumulong. Subali’t gaya ng sinasaad ng kahulugan ng salitang “respectare,” ang Kristianong marunong magpahalaga sa kapwa ay marunong ring sumulyap, lumingo, at tumigil sandali.

Ang ating lipunan ay katumbas ng taong iniwanang naghihingalo sa tabi ng daan. Ang lipunang ito ay halos malagutan na ng hininga dahil sa katiwalian, sa kadayaan, sa sobrang politika, at kawalang pansin sa kapakanang pangkalahatan. Parang matira ang matibay sa ating lipunang ang pinahahalagahan ay ang mauna sa kapwa at makalamang sa lahat. Pagkakanya-kanya ang batas na nasusunod sa puso at isipan ng marami.

Ang misang ito ay pagkakataon upang tumigil sandali, lumingon, at sumulyap nang muli sa ating pamumuhay Kristiyano. Bahagi ba tayo ng mga nagwawalang-bahala at nagwawalang pansin at malasakit sa kapakanang pangkalahatan? Kasama ba tayo sa mga taong ni walang kurap sa harapan ng katiwalian, kadayaan, at ganid na pagkamakasarili sa lahat ng antas ng ating lipunan?

Ang bayan natin ay walang iniwan sa taong pinagsamantalahan ng mga tampalasan at iniwang halos patay sa lansangan. Tinatawag niya ang ating pansin …

Lilingon ka ba o lilihis?

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Philippines, Julio 9, 2007