frchito

MAY KATUTURAN BA ANG KAKULITAN?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2007 at 19:35

Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 29, 2007

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Bihasang-bihasa tayong mga Pinoy sa tawaran. Ang unang turing sa pamilihan, lalu na sa Divisoria, ay hindi natin agad tinatanggap. Tumatawad tayo, humihiling … nakiki-usap hanggang sa dumating ang sandaling ang mamimili at magtitinda ay nagkakasundo sa karampatang halaga.

Pwede nating unawain ang unang pagbasa sa liwanag ng tawarang ginagawa natin sa palengke tuwina. Bagama’t ang kwentong ito mula sa aklat ng Genesis ay hindi nangangahulugang ang awa at patawad ng Diyos ay bagay na makukuha sa paki-usap, sa isang walang sawang pagtawad, malinaw na ang kwentong ito ay may kinalaman sa dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayang nagkasala. Malinaw dito ang pagsasaalang-alang ng Diyos sa mga taong nagsisikap magpakabuti, sa mga taong hindi napadala sa kalakaran ng isipan at pag-uugali ng karamihan. Higit sa lahat, malinaw rito ang kahalagahan ng pamamagitan na ginawa ni Abraham sa ngalan ng kanyang bayan.

Maari nating sabihing may kahulugan at kahalagahan ang pagiging makulit sa panalangin. Kung ating bibigyang-pansin ang sinasaad ng mga pagbasa, malinaw na isa sa mga paksang malinaw na dapat natin pag-usapan ay ang pananalangin.

Ang kakulitang ito ang siya ring paksa sa ebanghelyo ni Lucas. Dapat nating tandaan na ang paksa ng ebanghelyo ay may kinalaman, higit sa lahat, sa panalangin. Hiling ng mga disipulo sa kanya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” Bukod sa pagtuturo niya ng modelo ng panalangin, ang “Ama Namin,” nagbigay si Jesus ng dalawa pang halimbawa na ang kakulitan sa paghiling ay nagbubunga ng magaling sa taong mapagpunyagi at mapagporsigue sa panalangin.

Ang lipunan natin saan man ay hindi na bihasang magpunyagi. Maikli ang pasensiya ng marami. Palibhasa’y nabihasa sa puro “instant” – instant mami, instant pansit canton, instant coffee, at sa mga “fastfood” – mga pagkaing makakamit mo sa “unang hiling” at “unang tawad” o “unang tawag,” ang kakulitan sa panalangin ay hindi na nakikita sa balana. Sa panahon ng mga instant messaging at texting, wala nang pasensiya ang tao sa walang patid na panalangin. Wala nang tawaran sa Pizza hut. Wala na ring hintayan … hate late? Tumawag lamang sa Pizza hut, at kapag nahuli kahit isang sandali ay libre na ang iyong pizza.

Subali’t hindi natin dapat isipin na ang sinasaad ng mga pagbasa ay may kinalaman lamang sa kakulitan. Ito ay isang bahagi lamang ng sinasaad ng mga pagbasa. Sa ikalawang banda, ang mga ito ay patungkol, higit sa lahat sa isang Diyos na may malasakit at malaking habag at pagmamahal sa kaniyang bayan.

Ang panalangin ay pagpapahayag ng kabatirang ito ng taong sumasampalataya sa Diyos. Alam ng isang mananampalataya ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Alam ng taong nagmamahal din sa Diyos na handa siyang magkaloob ng lahat ng hinihiling ng taong nagsusumamo. Batid niya na ang Diyos ay handang maglubag ang kalooban sa pagsusumamo ng taong lumalapit bunsod ng kanyang tiwala sa Kaniya. Subali’t bago maganap at mangyari ang kaniyang hinihiling, malinaw na turo ng Banal na Kasulatan na dapat munang aminin ito at ipahayag ng tao sa pamamagitan ng panalangin.

Marami akong halimbawa ng katotohanang ito sa aking maikling karanasan. Kamakailan lamang, mayroon akong kilala na nagkaroon ng malubhang karamdaman. Buong buhay niya ipinagdasal na siya ay pagkalooban ng Diyos ng isang magandang kamatayan. Noong siya ay pinanawan ng buhay, sarado ang Parokya at day-off ng mga pari sa maraming lugar. Subali’t sa sandaling iyon, hindi lamang aksidente o dala lamang ng tsamba na may dalawang pari na nasa tabi niya sa oras ng kanyang pagpanaw. Ipinagkaloob sa kanya ang kanyang hiniling buong buhay. At hindi lamang ito ang nasasa isip ko sa sandaling ito.

Magulo ang daigdig saan man. Walang katiyakan at kasiguraduhan sa maraming lugar sa daigdig na ito. Ang panganib na dulot ng terorismo ay laganap kahit saan. Marami ang patuloy na naghihirap at naghihikahos. Parang wala nang solusyon sa maraming larangan ng buhay ng marami.

Nguni’t ang ating liturhiya ngayon ay walang kinalaman sa kawalang pag-asa. Bagkus ito ay nagpapaala-ala sa atin lahat na ang Diyos na mapagmahal ay may maka-Amang pagkalinga sa ating lahat, sa buong daigdig – sa kabila ng lahat ng suliranin at pangamba ng balana.

May bisa ang panalangin … may katuturan … may kahulugan … at may saysay … lalu na’t dinadaan natin sa banal na kakulitan. Isang tao ang alam kong nangulit sa Panginoon hanggang sa huling sandali – ang mabuting magnanakaw na napako sa krus kasama ni Kristo. Ano ang sagot ni Kristo sa kanyang banal na kakulitan? “Sa araw na ito, ay magkakasama tayo sa Paraiso.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Julio 23, 2007

Advertisement
  1. nagpapasalamt po kami dito sa LOM jubail sa website na ito kc tagalog homily at madaling maintindihan at hiling po namin kung puede ung daily homily kc po meron kaming mga pagtipon-tipon ng mga pinoy dito sa jubail at babasahin namin ung homily nyo.

    salamat
    bro. johnny
    legion of mary – PMHC
    ksa

    • salamat bro. johnny. wala pa ako panahon para gumawa ng pang araw-araw na pagninilay. marahil kapag wala na ako sa trabahong administratibo, kung may awa ang Diyos. pagpalain nawa tayo ng Panginoon tuwina!

  2. Mas lalo nmin po naintindihan

  3. Ngpa2sa£mt po ako d2 ms m£inaw po ang p£iwnag hndi na po aq mhihirpan mghanap ng sagot.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: