frchito

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL: ALIN ANG TAMA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 15, 2007 at 12:46

Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 22, 2007

Mga Pagbasa: Gn 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lk 10:38-42

Noong isang Linggo, pinagnilayan natin ang buod ng pagmamahal sa kapwa. Ang kapwa ayon sa ating nabasa ay siyang nangangailangan sa anumang sandali ng atensyon, ng kalinga, ng pag-ibig na natutunghayan sa gawa. Ang Samaritano, na hindi inaasahang titigil at tutulong ay siyang lumingon at nagkalinga sa taong nilapastangan ng mga masasamang-loob sa kanyang paglalakbay. Ang lahat ng iba ay ni hindi lumingon bagkus lumihis ng landas.

Sa Linggo namang ito, kabukasang-puso at kabukasang-palad ang hiblang nag-uugnay sa tatlong pagbasa. Si Abraham ay tumanggap ng tatlong bisitang banyaga. Hindi nag-atubili si Abraham na paghandaan ang kanyang bisita. Pinapasok sila at pinakain, ayon sa batas ng hospitalidad sa mga banyaga. Ang kanyang kabukasang-palad ay ginantimpalaan ng Diyos. Nagka-anak sila ni Sara sa kanilang katandaan. Sa ikalawang pagbasa naman, nakita natin kung paano tinanggap ni Pablo nang maluwag sa kalooban ang sari-saring dalamhati na kanyang dinanas, at itinuring niya ang mga ito na pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristong Panginoon. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang saloobin maging sa mga pasakit sa buhay.

Ang ebanghelyo ay malinaw na may kinalaman din sa kabukasan ng loob sa pagtanggap ng bisita. Si Jesus ay naging bisita ni Marta at ni Maria. Si Marta ay naging punong-abala sa pag-aasikaso sa mahalagang panauhin sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda. Nguni’t si Maria ay nagsalampak sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanyang pangaral, habang ang kanyang kapatid ay nagpapawis.

Madaling magkamali ang nagbabasa nito at ipakahulugang ang Panginoon ay namimili at may kinikilingan sa dalawang magkapatid. Umangal ng kaunti si Marta. Bakit daw baga hindi tumulong sa kanya ang kanyang kapatid na nakasalampak lamang sa sahig at nakikinig sa Panginoon. Umangal siya sa kadahilanang siya ay nagpapagal habang si Maria ay nagdarasal.

Alin ba ang tama?

Sa biglang-wari, para bagang namili si Jesus at pinaboran si Maria sa kanyang sagot kay Martang medyo nagdadabog. “Abalang-abala ka at balisa sa maraming bagay, nguni’t tanging isa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mainam at hindi ito ipagkakait sa kanya.” Ito nga ba ay isang pahiwatig na mas mainam ang magdasal kaysa magpagal? Ito nga ba ay isang pangaral tungkol sa higit na kahalagahan ng panalangin kumpara sa pagtatrabaho?

Ito ay isang lumang usapin sa kasaysayan ng simbahan. Ang kasagutan dito ay siyang naging dahilan kung bakit may mga taong nagkamali sa pagsasabing ang buhay ng mga monje at mga monja sa monasteryo ay higit na dakila sa buhay ng mga taong nasa mundo.

Malaki ang kinalaman ng kinapapalooban o konteksto para maunawaan nang wasto ang mga pagbasa ngayon. Ang kinapapalooban at konteksto ay may kinalaman sa kabukasang-puso at kabukasang-palad. Ito ang pagpapahalagang siyang batayan ng ating pag-unawa sa mga pagbasa. Ang maluwag na pagtanggap sa Diyos ang siyang pagpapahalagang dapat nating maisaloob at maisabuhay. Ito ang kahulugan ng ating binasa noong isang Linggo – na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaisipan, at nang buo nating lakas. Sukdulan dapat ang ating pagpapahalaga at pagtanggap sa Kaniya.

Ito ang diwa na dapat nating gamitin upang unawain ang ebanghelyo. Walang intensiyon ang Panginoon na pamiliin tayo sa dalawang gawaing parehong mahalaga at kinakailangan sa ating buhay. Kailangan nating magpagal at kailangan rin nating magdasal. Hindi natin dapat pagsabungin ang dalawa at ituring na magkasalungat. Hindi dapat sabihing mas dakila ang mga nasa monasteryo at mas mababa ang mga nasa mundo. Ang kadakilaan ng tao ay wala sa kung ano ang kanyang ginagawa. Ang kadakilaan at dignidad ng tao ay angkin niya sa mula’t mula pa, anuman ang kanyang ginagawa – magdasal man o magpagal.

Subali’t may isang bagay na mahalaga para sa ating lahat. Lahat tayo ay tinatawagan sa kabukasan ng puso, at kabukasan ng palad. Lahat tayo ay inaasahang magbigay puwang sa ating puso para sa Diyos. Tulad ni Abraham, tulad ni Pablo, tulad ni Marta at ni Maria, tinatawagan tayo  upang tanggapin at papasukin sa ating buhay at bahay ang Panginoon.
Tinanggap ni Marta si Kristo sa kanyang bahay. Tinanggap rin ni Maria si Kristo sa kanyang bahay. Si Maria ay nagpasyang sumalampak sa sahig at makinig at makipagniig sa Panginoon. Si Marta ay nagpasyang magpagal para sa kanyang Panginoon.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga. Tumpak. Nguni’t ang pinili ni Marta ay wasto rin at tama. Ang higit na mahalaga ay ang Diyos. Kung bukas ang puso natin sa Diyos, alam nating parehong wasto at tama ang magpagal at magdasal. Hindi na problema kung alin man ang ating pagpasyahan – magdasal at magpagal – basta’t ito ay para sa Diyos na siyang dapat mahalin nang ating buong puso, ng ating buong katawan, at ng buong kaisipan.

Kung pinahahalagahan natin at tinatanggap ang Diyos nang higit sa lahat, pahahalagahan din natin ang dalawang daan patungo sa kanya: ang pagdarasal at pagpapagal na nakatuon sa kanyang kadakilaan.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City
Julio 15, 2007

Advertisement
  1. maganda ang iyong nagawang pagninilay tunkol sa ebanghilyo sa linggong ito.
    Sana, ay magpatuloy ka sa gawaing ito para sa mga nagogotum at nauuhaw sa KATAWAN at DUGO ng ating PANGINOONG JESUS.
    may God our good Lord bless you always.

  2. maganda ang iyong nagawang pagninilay tunkol sa ebanghilyo sa linggong ito.
    Sana, ay magpatuloy ka sa gawaing ito para sa mga nagogotum at nauuhaw sa KATAWAN at DUGO o SALITA ng ating PANGINOONG JESUS.
    may God our good Lord bless you always.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: