Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 15, 2007
Marami ang tumatawag sa ating pansin araw-araw, saan man, kailan man. Mala higanteng paskil sa EDSA ang nagtambad sa ating paningin, na makatawag-pansin sa mga maglalakbay. Ang bawa’t isa ay nang-eenganyo, nagaganyak, at nanghihila ng ating atensyon.
Para sa mga sa simula pa ay interesado na sa isang bagay, sila ay napapalingon. Kung ang hanap nila ay maong jeans, lahat ng patalastas tunkgol doon ay mapapansin nila. Muli silang napapasulyap o napapatingin sa mga patalastas na may kinalaman sa kanilang gusto o kanilang hanap. Subali’t para sa mga hindi interesado at walang pansin sa mga nakapaskil, sila ay lumilihis, pumipikit, o nag-iisip na lamang nang pansarili habang naglalakbay. Hindi sila nag-aaksaya ng panahon upang muling tumingin o magbabad sa mga larawang mala higante. Ito ang dahilan kung bakit ang mga gumagawa ng mga patalastas na ito ay gumagamit ng mga tanyag na artista. Ang mukha nila ang siyang pinakamatinding pang-akit, kung baga ay panggayuma, upang mapalingon at mapatinging paulit-ulit ang mga tao.
Masasabi nating ang mga may interes, ang mga taong sa simula pa ay may hinahanap na, ang siyang nabibighani ng anumang nakapaskil. Mayroon nang panloob na kondisyon sa taong may hinahanap na nagbubunsod sa kanya upang makakita ng kanyang hinahanap.
Nais kong isipin na ang ating ebanghelyo sa Linggong ito ay may kaugnayan sa ating karanasan. Ano ba ang panloob na kondisyon na ito na siyang nagbubunsod sa isang tao upang lumingon at hindi lumihis?
Ang kwento ni Jesus sa ebanghelyo ay may malaking kinalaman sa kung ano ang makapagbubunsod sa isang tao upang lumingon, tumigil sandali, at tumulong sa isang taong nangangailangan.
Isang tao, aniya, ang nabiktima ng mga tulisan, iniwang halos patay na nakalugmok sa daan. Maraming tao ang nagdaan. Kasama rito ang isang pari sa templo at isang Levita. Ang dalawa ay ni hindi lumingon. Deretso ang tingin, nakatuon sa patutunguhan. Masasabi nating sila ay lumihis, umiwas, at nagmaang-maangan. Subali’t may isang hindi inaasahang tao ang lumingon, tumigil, at tumulong. Isa siyang Samaritano, na kinamumuhian ng karamihan sa mga Judio. Itinanghal siya ni Jesus bilang halimbawa ng isang taong maalam sumunod sa hinihingi ng batas ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.
Sa ating buhay, maraming bagay ang nag-aakit sa ating pansin. Kung ating iisiping maigi, ang binibigyang-pansin natin ay dumidipende sa kung anong saloobin ang taglay natin sa puso’t kaisipan. Kung ang laman ng ating damdamin ay kung paano magkamal ng yaman, ang napapansin natin ay lahat ng may kinalaman sa negosyo at pagpapayaman. Kung ang niloloob natin ay may kinalaman sa pagpapaganda at pag-aayos ng ating katawan, ang makikita natin ay pawang mga kosmetiko, pampaganda, o pampaguapo. Ang mga paskil na ating titingnan nang paulit-ulit ay umaayon sa kung ano ang ating hinahanap. Ang isang interesado sa kotse ay matatawag ang kanyang pansin ng mga patalastas tungkol sa sasakyan. Lilingon siyang muli tuwing makakatunghay ng ganitong patalastas.
Sa Latin, ang salitang “respectare” na naging Ingles na “respect” ay may mahalagang kahulugang dapat nating maunawaan. Ang “respectare” ay nangangahulugang “tumingin muli.” Ang anumang iginagalang natin ay hindi natin tinitikis, o sa salitang makabago, ay “dinededma.” Nililingon nating muli ang anuman o sinumang ating pinahahalagahan.
Walang pagpapahalaga ang pari sa templo at ang Levita sa nabiktima ng tulisan. Masasabi nating wala silang malasakit. Wala silang pansin sa taong iyon, sapagka’t wala silang amor o pagmamahal sa nasabing tao. Hindi siya karapat-dapat tingnan muli. Hindi na siya dapat pang pag-aksayahan ng panahon.
Masasabi natin na ang panloob na saloobin nila ay hindi pag-ibig sa kapwa. Malamang na ang kanilang pinahalagahan higit sa lahat ay ang gumanap sa panglabas na tungkulin, ang tumupad lamang sa kung ano ang hinihingi ng titik ng batas. Hindi tao o kapwa ang laman ng kanilang puso at isipan.
Ang Kristiyano ay pinagkalooban ni Kristo ng higit na malalim na pagkaunawa sa batas ng pag-ibig. Hindi ito napapaloob sa panlabas na kilos lamang, bagkus, may kinalaman sa isang malalim na saloobin. Sa ating buhay, malimit mangyari na tinitikis natin ang ibang tao. Kapag galit tayo sa isang tao, hindi tayo lumilingon. Hindi rin tayo sumusulyap man lamang. Deretso ang lakad at tingin, at hindi natin tinatao ang kapwa.
Ito ang kamalian ng pari ng templo at ng Levita. Walang lingon-lingon, walang tingin-tingin. Pareho silang “dedma” at walang pansin sa taong nangangailangan. Hindi sila nag-asal “kapwa” sa taong nasa malaking pangangailangan.
Ang ebanghelyo ngayon ay isang panawagan upang lumingon at tumingin tayo sa kung sino o ano ang dapat pagtuunan ng ating saloobing kristiyano. At ang saloobing ito ay walang iba kundi ang batas ng pag-ibig sa kapwa. Ang walang pagtingin at walang pag-ibig ay laging deretso ang lakad at laging deretso ang tingin. Walang lingon-lingon. Walang tingin-tingin. Para sa marami sa atin, lilihis pa ng landas, maiwasan lamang ang mapilitang tumulong. Subali’t gaya ng sinasaad ng kahulugan ng salitang “respectare,” ang Kristianong marunong magpahalaga sa kapwa ay marunong ring sumulyap, lumingo, at tumigil sandali.
Ang ating lipunan ay katumbas ng taong iniwanang naghihingalo sa tabi ng daan. Ang lipunang ito ay halos malagutan na ng hininga dahil sa katiwalian, sa kadayaan, sa sobrang politika, at kawalang pansin sa kapakanang pangkalahatan. Parang matira ang matibay sa ating lipunang ang pinahahalagahan ay ang mauna sa kapwa at makalamang sa lahat. Pagkakanya-kanya ang batas na nasusunod sa puso at isipan ng marami.
Ang misang ito ay pagkakataon upang tumigil sandali, lumingon, at sumulyap nang muli sa ating pamumuhay Kristiyano. Bahagi ba tayo ng mga nagwawalang-bahala at nagwawalang pansin at malasakit sa kapakanang pangkalahatan? Kasama ba tayo sa mga taong ni walang kurap sa harapan ng katiwalian, kadayaan, at ganid na pagkamakasarili sa lahat ng antas ng ating lipunan?
Ang bayan natin ay walang iniwan sa taong pinagsamantalahan ng mga tampalasan at iniwang halos patay sa lansangan. Tinatawag niya ang ating pansin …
Lilingon ka ba o lilihis?
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Philippines, Julio 9, 2007