Ika-25 Linggo ng Taon K (Setyembre 23, 2007)
Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13
Noong isang Linggo, natunghayan natin kung gaano kalawak ang habag at awa ng Diyos. Nguni’t napagtanto din natin na ang awang ito ng Diyos ay dapat tumbasan ng linaw ng pag-iisip ng tao, na handang tumanggap ng kanyang kamalian. Ang linaw ng isipang ito ang siyang halimbawa ni Pablo na tumanggap at nagkumpisal na siya ay isang makasalanan kung kaya’t malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos na nagpatawad sa kanya.
Sa ebanghelyo naman noong isang Linggo ay nakita natin na ang kakulangan ng lawak ng pang-unawa ng nakatatandang kapatid ay nagbunsod sa kanya upang salubungin ng galit at tampo ang kapatawarang ipinagkaloob ng kanyang ama sa nakababatang kapatid.
Nagsara ng isipan ang kuya. Nagpinid siya ng kaniyang puso sa kapatid. At ang cerradong puso at isip ay nagpuyos sa galit at panibugho sa kanyang ama. Kung gaano kaluwang ang pagtanggap ng ama sa kanyang alibughang anak, gayon di naman kakipot ang puso’t damdamin ng kuya sa kapatid na nalihis ang landas nguni’t nagbalik-tanaw, nagbalik-loob, at pinagkalooban ng balik-dangal.
Lawak ng isipan at lalim ng pang-unawa ang paksa natin sa araw na ito. Ang taong makitid ang isipan ay sakim, madamot, at mapagbilang. Ito ay nagbubunga ng kadayaan, tulad ng binabanggit ni Amos sa unang pagbasa. Subali’t malinaw ayon kay Amos na ang Diyos ay nasa panig ng mga pinagsasamantalahan, ng mga inaapi, at mga walang kaya.
Lawak din ng pang-unawa ang sinasaad sa sulat ni Pablo kay Timoteo. Ipinagtatagubilin niya na ipagdasal ang mga namumuno at may kapangyarihan, upang “mabuhay nang tahimik at mapayapa nang may debosyon at dangal.”
Ang panahon natin, lalu na ang ating lipunan sa Pilipinas ay nababalot ng lahat ng uri ng kadayaaan at katiwalian. Mapa sa mga nasa kapangyarihan, mapa nasa ibaba at pinamumunuan, mapa mayaman at mapa mahirap, ang bayang Pilipino ay tila balot na balot na ng lahat ng uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa kapwa. Kung ang bilang ng mga trangkadong mga kalye ang pagbabatayan, mistulang wala nang tiwala ang mga Pinoy sa isa’t isa. Puro naka-kandado ang mga lansangan … puro guardiado … at puro na lang checkpoint ang makikita natin saanman tayo magpunta.
Sa halip na lawak at luwang ng isipan at saloobin, ay nababalot tayo ng iba-ibang uri ng kakitiran ng saloobin at isipan.
Isa sa mga saloobing lubhang kinakailangan ng ating lipunan ay ang lawak ng isipan at saloobing naipapakita sa wastong paghusga at tamang karunungan. Ang salitang ginamit ni Lucas ay phronesis, na sa Ingles ay katumbas na tinatawag na “practical judgment” o kakayahang magpasya nang wasto at angkop sa hinihingi ng pagkakataon. Kalakip ng wastong pagpapasyang ito ang kakayahang magbalangkas ng isang tuntunin, o isang balak na magbubunga ng inaasahang kahihinatnan. Kasama sa lalim ng pang-unawang ito ang kakayahang gamitin ang lahat ng maaaring gamitin matupad lamang ang binalangkas na balak o adhikain.
Karunungang praktikal ang pinag-uusapan natin dito … karunungang hindi bunga ng mga aklat bagkus bunga ng kakayahang basahin ang kahulugan na napapaloob sa kabuuan, hindi lamang sa maliliit na aspeto ng isang usapin.
Ito ang kalawakan ng isipang kailangan upang maunawaan nang lubos ang talinghaga ni Kristo sa araw na ito. Sa biglang-wari ay parang leksiyon ito sa kadayaan, ang mismong kadayaang kinokondena ng unang pagbasa mula kay Amos. Subali’t hindi ito ang puntong tinutumbok ng talinghaga. Ang leksiyon ng Panginoon ay walang kinalaman sa pandaraya at pagsasamantala sa kapuwa. Ang ikinikintal niya ay ang karunungang magbubunsod sa atin upang gawin ang lahat ng magagawa kung ang pakay ay ang kaharian ng Diyos.
Sa madaling salita, ay hindi pinuri ni Kristo ang kanyang kadayaan. Ang pinuri niya ay ang kaniyang karunungang praktikal na naghatid sa kanya upang magbalak, kumilos, at gumawa upang makamit ang isang napakahalagang pakay na may kinalaman sa kaligtasan ng sarili at ng ibang tao. Ayon sa Panginoon, “higit na maalam ang mga anak ng kadiliman makipagtrato sa katulad nila, kaysa sa mga anak ng kaliwanagan.”
Malalim at masalimuot ang suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Sala-salabat na ang kultura ng korupsyon o katiwalian. Malalim na ang ugat ng kasalanan sa lahat ng antas ng ating buhay personal at buhay pampubliko. Ang mga kampon ng kadiliman ay lubhang matatalino at bihasa na paikot-ikutin ang ulo at isipan ng marami. Hindi na natin matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan, kung ang pagbabatayan lamang ay ang radyo, TV, pahayagan, at internet.
Malinaw na hindi sapat ang maging mabait lamang. Ang mga nasa kabilang panig ay lubhang marurunong at madudulas sa salita at pag-iisip.
Ang mga taga-sunod ng Panginoon ay hindi dapat mahuli at mapag-iwanan. Ito ang paghamon ni Kristo sa atin … ang magsikap magkaroon ng lawak ng pang-unawa at karunungang praktikal upang harapin ang sali-salimuot at sala-salabat na mga suliranin sa ating lipunan at bayan. Ito ang lawak ng pang-unawa na nagbubunga ng karunungang mapagpalaya, kaalamang ginagamit para sa ikapagkakamit ng kaliwanagang walang hanggan.