frchito

Archive for Setyembre, 2007|Monthly archive page

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 11, 2007 at 20:26

Ika-24 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 16, 2007

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Timoteo 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Tanging mga hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang kakayahang magbalik-tanaw at magmuni-muni sa mga nagawa ay isa sa mga tanda ng binabanggit nating karunungan na paksa ng liturhiya (unang pagbasa) noong isang Linggo. Itong kakayahang balik-isipin ang nagawa at pagsisihan ang kamalian ay siyang ipinagugunita sa atin maging ng tugon sa unang pagbasa: “Titindig ako at magbabalik sa aking Ama.”

Paglulubag-loob ang pinapaksa ng unang pagbasa ngayon. Sa makataong pamamaraan ng pananalita, ipinahihiwatig ng aklat ng Exodo kung paano matapos manikluhod si Moises sa ngalan ng kanyang kababayang nalisya ng landas at sumamba sa diyus-diyusan, naghupa kung baga ang galit ng Diyos at nagbitaw ng salitang hindi na niya parurusahan ang kanyang bayang nagkasala.

Tanging hangal ang hindi nagbabago ng isip. Bagaman at hindi dapat unawaing ganito nga ang literal na pangyayari, ang malinaw na aral na lumulutang sa kwento ay ang dakilang habag ng Panginoon sa taong nagsisisi at naninikluhod.

Ang ikalawang pagbasa ay tumutuon din sa paksang pagpapanibago. Ganoon na lamang at sukat ang pasalamat ni Pablo. Sa kabila nang siya ang pinakamasahol sa mga makasalanan, ayon sa kaniya mismo, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Panginoong Jesucristo, na siyang nagbigay-lakas sa kanya. Malinaw rin ang katangian ng Diyos na lumulutang sa kanyang kwento … Malambot ang puso ng Diyos sa isang makasalanang nagsisikap magbago.

Tanging hangal lamang ang hindi naglulubag-loob at nagbabago.

Nguni’t sino ba ang hindi hangal? Sino ba ang lubos na maalam, marunong, at dalisay ang pagpapasya? Ano ba ang mga katangiang kaakibat ng makalangit na karunungan na ayon sa Aklat ng Karunungan na binasa natin noong nakaraang Linggo, ay galing mula sa itaas?

Tatlong talinghaga ang gamit ni Kristo upang magbigay-liwanag tungkol dito. Ang lahat ng kwentong ito ay may kinalaman sa pagkawala at pagkaligaw ng landas. At ang karunungang namayani ay may kinalaman naman sa pagpupunyagi, pagsisikap, at masugid na paghahanap o paghihintay. Ang hindi hangal ay ang handang lisanin ang katiyakan, ang kalimutan muna ang lahat, makita lamang at muling masumpungan ang mahalagang bagay na nawawala. Ang hangal ay ang walang pansin sa nawalang pilak. Ang marunong at maalam ay siyang hindi tumigil hangga’t hindi nakikita ang bagay na nawala. Ang hangal ay siyang walang malasakit sa isang naligaw na tupa. Ang maalam at marunong ay ang handang lisanin muna ang 99 upang hanapin ang isang tupang naligaw ng landas.

Maraming mga pagkakataon sa buhay natin na hindi natin pinahahalagahan ang para baga’y maliliit na bagay. Hindi natin alintana ang patuloy na pagpatak ng tubig sa gripo. Hindi natin pansin ang mga paisa-isang butil ng bigas o kanin na ating itinatapon mula sa hapag kainan. Hindi rin natin binibigyang-halaga ang bawa’t sandali o minuto na nagdadaan at naaaksaya sa ating buhay. Maging ang mga maliliit na balutang plastik o karton ay hindi natin iniisip na makababara ng mga ilog at daluyan ng tubig-baha.

Nguni’t isang tanda ng kaalaman at karunungan ay ang magpahalaga sa mga maliliit at parang walang lubos na halagang mga bagay. Ang hangal ay walang pagpapahalaga sa animo’y walang silbi at maliliit na bagay. Ang marunong ay ang masinop, masikap, at mapaghanap sa anuman at sino mang naligaw, nalisya, o nawala sa tamang landas.

Ito ang dalawang mukha ng karunungang maka-Diyos. Sa isang banda, ang taong marunong, tulad ng Diyos, ay marunong magbalik-tanaw sa nakalipas at marunong magsisi at magbalik-loob. Ito ang ginawa ni Moises sa ngalan ng kanyang bayan. Ito ang ginawa ni Pablo, na bagama’t isang malaking makasalanan, ay nagpadala sa indayog ng biyaya mula sa itaas, at nagbalik-loob sa Diyos.

Sa ikalawang banda, ang karunungang maka-Diyos ay namamalas sa pagiging masinop, mapagpahalaga sa kahit iisa sa marami na naglaho o naligaw. Ito ang karunungan ng ama ng alibughang Anak, na sa kabila ng katotohanang nalustay ng kanyang bunsong anak ang kalahati ng kanyang yaman, ay binigyang-halaga ang katauhan ng kanyang anak, at lalu pang ginastusan sa kanyang tuwa at pasasalamat. Ang hindi hangal, tulad ng amang ito ay handang magbigay-dangal muli sa anak na nagbabalik-loob.

Ito ang karunungan ng Diyos na handang maglubag-loob lalu na sa isang makasalanang naligaw nguni’t nagbalik-loob sa kanya. Sa kaniyang pagpapahalaga sa isang anak na naligaw, handa niyang iwanan ang katumbas ng 99 sapagka’t sa kanyang pakiwari, ang katauhan ng kanyang anak na naligaw ang kumakatawan sa yamang walang kapantay. Tanging ang taong marunong ang handang magsikap upang makamit muli ng sinumang nagsisisi ang kanyang dangal.

Subali’t ang nakatatandang kapatid ay nagpakita ng kahangalan. Sa halip na magsaya sa pagkakitang muli sa kanyang kapatid, siya ay nagkwenta, nanibugho, nagtampo, at nagpuyos ang damdamin. Sa indayog ng malaking habag at pag-ibig ng isang amang matagal na tumangis, ay hindi niya nakayang magpadala. Sa halip na sumayaw sa musika ng pag-ibig ng kanyang ama, ang nakatatandang kapatid ay nagtiim-bagang, nagmatigas ng kalooban, at kumapit nang mahigpit sa katumbas ng 99 na kagya’t iniwan ng kanyang ama sa paghahanap at paghihintay sa nawalang anak. Ang isang hangal ay walang pakundangan sa naglahong dangal ng kanyang kapatid.

Mahigpit ang kapit ng taong hangal sa inaakala niyang kanyang tanging bukal ng kaligayahan. Ipit ang puso ng isang hangal na hindi marunong makisayaw sa panawagan ng pagbabalik-loob at pagbabago. At makitid ang pang-unawa ng isang hangal na hindi kailanman handang maglubag-loob at magbago ng isipan.

Subali’t tulad ni Moises, tulad ni Pablo, tulad ng alibughang anak at ang kanyang ama, ang karunungang maka-Diyos ay nababasa sa kahandaang magbalik-tanaw, magmuni-muni, magbalik-loob, at magpasyang magbalik sa Diyos ng awa at habag.

Tanging hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang marunong ay siyang handang magbalik-tanaw, magbalik-loob, at – dahil dito – ay siyang nakararanas ng pagbabalik-dangal  mula sa itaas, na siyang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat ni Pablo.

BIGAY-HILIG BA ANG PAG-IBIG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 6, 2007 at 09:15

Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 9, 2007

Mga Pagbasa: Karunungan 9:13-18b / Filemon 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33

MARUBDOB NA PAG-IBIG; MAHIGPIT NA PAGTATATAGUBILIN

Maalab at damang-dama ang pag-ibig at pagmamalasakit ni San Pablo para kay Onesimo na isang alipin. Ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa maigting na pagmamalasakit sa kapakanan ng isang aliping tumakas mula sa bahay ni Filemon. Hindi maipagkakaila na, bilang isang Ama, ay nanikluhod si Pablo kay Filemon upang si Onesimo ay muli niyang tanggapin, hindi bilang isang alipin, kundi bilang isang kapatid.

Maigting ang pagmamahal ni Pablo. Subali’t kung gaano kaigting ang pagmamahal na ito, ganoon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin!

Palasak sa ating panahon ang pag-iisip na ang pagmamahal ay pagbibigay-hilig lamang. Ang akala ng marami ay walang dapat anumang pananagutan ang pag-ibig. Ang pag-aakala ng marami, ayon sa takbo ng mga telenobela at teleserye sa ating lipunan, ay walang pananagutan ang tibok ng dibdib, bugso ng damdamin, o lukso ng dugo.

Subali’t kung titingnan natin ang mga pagbasa ngayon, malinaw na sinasaad na ang pagmamahal, unang-una ay dapat sumunod sa batas ng karunungang mula sa Diyos. Ang karunungan, ayon sa unang pagbasa, ang siyang nagtutuwid ng landas ng tao. Ang pag-ibig sa kapwa, maging pag-ibig na naghahari sa isang pamilya ay may malaking pananagutan, may mahigpit na alituntunin, na bahagi mismo ng batas ng pag-ibig.

Mayroong mahahalagang turo sa ating mga Pinoy ang mga pagbasa natin ngayon. Sa panahong ito kung kailan lalung dumarami ang mga tinatawag sa Ingles na “global families” – mga pamilyang ang mga kasapi ay hiwa-hiwalay dahil sa matinding pangangailangang kumita, at dahil dito ay matatagpuan sa iba-ibang bahagi ng daigdig, napakaraming mga bagong paghamon ang dumarating sa mga pamilyang Pinoy.

Nandiyan ang paghamon ng wastong pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Palibhasa’y malayo, ang mga magulang na nasa ibang bansa ay napipilitan kung minsan na ipakita na lamang ang pagmamahal sa mga anak sa pamamagitan ng pagbili at pagbibigay sa mga bata ng kung anong masintahan nila. Ito ang tinatawag na “commoditization of love.”  Ang pag-ibig sa mga anak ay tinutumbasan na lamang ng material na bagay. Sa kagustuhan nilang ipadama ang pag-ibig ay sinusunod nila ang pilosopiya ng “bigay-hilig.” Ibigay na lamang ang masintahan, at huwag nang sansalain ang kanilang kalooban.

Nandiyan din ang paghamon ng wastong pakikitungo at pag-aasal. Sa kadahilanang malayo naman ang magulang, maraming mga bata ang hindi na sumusunod sa utos ng mga nakatatanda – na kalimitan ay ang kanilang mga lolo o lola, na wala nang kakayahan upang gabayan nang tuwina ang mga nagsisipaglakihang mga bata.
Subali’t ayon sa mga pagbasa natin, hindi dahilan ang kalayuan upang hindi gampanan ang utos ng wasto at tamang pagmamahal. Hindi dahilan ang kalayuan, upang bale walain ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Ang halimbawa ni Pablo ay malinaw. Bagaman at siya ay nasa kulungan, at malayo kay Filemon at kay Onesimo, nakuha niyang ipagtagubiling mahigpit kay Filemon ang tamang saloobin at damdamin para sa isang aliping naglayas, tulad ni Onesimo.

Mahalaga ang pamilya para sa ating mga Pinoy. Bagama’t tayong mga Pinoy ay nagkalat sa halos 100 mga bansa sa buong mundo, bagama’t ang maraming pamilya ay pinaglayo-layo at pinaghiwa-hiwalay ng matinding pangangailangan, patuloy nating pinahahalagahan ang ating kaisahan at kabuuan. Patuloy nating pinagyayaman ang pagmamahalan sa isa’t isa.

Nguni’t dapat natin matutunan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng wagas at marubdob na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi ito pag-ibig na bigay-hilig. Hindi pagmamahal na walang pananagutan. Bagkus, sa kadahilanang tayo ay may pag-ibig sa isa’t isa, ay binibigyang-pansin natin ang mga kaukulang pananagutan na hinihingi ng parehong pag-ibig na ito. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon na sa biglang-wari ay tila baga masakit sa tainga: “Ang sinomang sumunod sa akin na hindi nagtatakwil sa kanyang ama at ina, asawa, kapatid, and pati ang sarili niyang buhay, ay hindi karapat-dapat maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. May batas ang pag-ibig. At kung gaano kaigting ang pag-ibig na ito, ay ganuon din kahigpit ang pananagutang kaakibat nito.

Magandang balita ang malamang kay raming pamilyang Pinoy ang nakapagpapa-aral, at nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabroad ng maraming magulang. Magandang balita ang marinig na kay raming mga Pinoy ang nagtatagumpay sa ibang bansa. Subali’t ang magandang balitang ito ay dapat pang maging mabuting balita, ayon sa kagustuhan ng Diyos sa diwa ng ebanghelyo.

Ang diwang ito ng ebanghelyo ang binibigyang-paliwanag ng liturhiya sa araw na ito. Tama ang magmahal sa isa’t isa. Ang pamilyang Pinoy ay tinatawagan upang manatiling nagkakaisa, nagkakabuklod, at nagmamahalan. Subali’t ang pagmamahal na ito ay dapat malukuban ng isang pagmamahal na higit sa anumang makataong pagmamahal. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging larawan ng higit na mahalagang pagkakabuklod at pagniniig – ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang dakilang pagniniig ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa hiwaga ng Banal na Santatlo.

Ang pag-ibig na ito ay hindi bigay-hilig. May pananagutan. May mahigpit na pagtatagubilin. Siguradong mahirap para kay Filemon ang patawarin at tanggaping muli ang naglayas at nagtampong si Onesimo. Mahirap rin para sa atin ang pagsabihan at pangaralan ang ating mahal sa buhay. Mas madali ang bigyan na lamang sila ng material na bagay, ng regalo, ng pasalubong, at ng anumang magustuhan. Subali’t ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na kutungkulan. Hindi totoo ang sinabi ni Ali McGraw sa lumang sineng ang pamagat ay “Love Story” … “Love means never having to say I’m sorry.” Palpak ito. Maganda pakinggan, nguni’t walang kahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling gampanan, hindi madaling tuparin. “Ang hindi magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin, ay hindi maaaring maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. Kung gaano karubdob ito, ganuon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin.