Ika-24 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 16, 2007
Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Timoteo 1:12-17 / Lucas 15:1-32
Tanging mga hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang kakayahang magbalik-tanaw at magmuni-muni sa mga nagawa ay isa sa mga tanda ng binabanggit nating karunungan na paksa ng liturhiya (unang pagbasa) noong isang Linggo. Itong kakayahang balik-isipin ang nagawa at pagsisihan ang kamalian ay siyang ipinagugunita sa atin maging ng tugon sa unang pagbasa: “Titindig ako at magbabalik sa aking Ama.”
Paglulubag-loob ang pinapaksa ng unang pagbasa ngayon. Sa makataong pamamaraan ng pananalita, ipinahihiwatig ng aklat ng Exodo kung paano matapos manikluhod si Moises sa ngalan ng kanyang kababayang nalisya ng landas at sumamba sa diyus-diyusan, naghupa kung baga ang galit ng Diyos at nagbitaw ng salitang hindi na niya parurusahan ang kanyang bayang nagkasala.
Tanging hangal ang hindi nagbabago ng isip. Bagaman at hindi dapat unawaing ganito nga ang literal na pangyayari, ang malinaw na aral na lumulutang sa kwento ay ang dakilang habag ng Panginoon sa taong nagsisisi at naninikluhod.
Ang ikalawang pagbasa ay tumutuon din sa paksang pagpapanibago. Ganoon na lamang at sukat ang pasalamat ni Pablo. Sa kabila nang siya ang pinakamasahol sa mga makasalanan, ayon sa kaniya mismo, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Panginoong Jesucristo, na siyang nagbigay-lakas sa kanya. Malinaw rin ang katangian ng Diyos na lumulutang sa kanyang kwento … Malambot ang puso ng Diyos sa isang makasalanang nagsisikap magbago.
Tanging hangal lamang ang hindi naglulubag-loob at nagbabago.
Nguni’t sino ba ang hindi hangal? Sino ba ang lubos na maalam, marunong, at dalisay ang pagpapasya? Ano ba ang mga katangiang kaakibat ng makalangit na karunungan na ayon sa Aklat ng Karunungan na binasa natin noong nakaraang Linggo, ay galing mula sa itaas?
Tatlong talinghaga ang gamit ni Kristo upang magbigay-liwanag tungkol dito. Ang lahat ng kwentong ito ay may kinalaman sa pagkawala at pagkaligaw ng landas. At ang karunungang namayani ay may kinalaman naman sa pagpupunyagi, pagsisikap, at masugid na paghahanap o paghihintay. Ang hindi hangal ay ang handang lisanin ang katiyakan, ang kalimutan muna ang lahat, makita lamang at muling masumpungan ang mahalagang bagay na nawawala. Ang hangal ay ang walang pansin sa nawalang pilak. Ang marunong at maalam ay siyang hindi tumigil hangga’t hindi nakikita ang bagay na nawala. Ang hangal ay siyang walang malasakit sa isang naligaw na tupa. Ang maalam at marunong ay ang handang lisanin muna ang 99 upang hanapin ang isang tupang naligaw ng landas.
Maraming mga pagkakataon sa buhay natin na hindi natin pinahahalagahan ang para baga’y maliliit na bagay. Hindi natin alintana ang patuloy na pagpatak ng tubig sa gripo. Hindi natin pansin ang mga paisa-isang butil ng bigas o kanin na ating itinatapon mula sa hapag kainan. Hindi rin natin binibigyang-halaga ang bawa’t sandali o minuto na nagdadaan at naaaksaya sa ating buhay. Maging ang mga maliliit na balutang plastik o karton ay hindi natin iniisip na makababara ng mga ilog at daluyan ng tubig-baha.
Nguni’t isang tanda ng kaalaman at karunungan ay ang magpahalaga sa mga maliliit at parang walang lubos na halagang mga bagay. Ang hangal ay walang pagpapahalaga sa animo’y walang silbi at maliliit na bagay. Ang marunong ay ang masinop, masikap, at mapaghanap sa anuman at sino mang naligaw, nalisya, o nawala sa tamang landas.
Ito ang dalawang mukha ng karunungang maka-Diyos. Sa isang banda, ang taong marunong, tulad ng Diyos, ay marunong magbalik-tanaw sa nakalipas at marunong magsisi at magbalik-loob. Ito ang ginawa ni Moises sa ngalan ng kanyang bayan. Ito ang ginawa ni Pablo, na bagama’t isang malaking makasalanan, ay nagpadala sa indayog ng biyaya mula sa itaas, at nagbalik-loob sa Diyos.
Sa ikalawang banda, ang karunungang maka-Diyos ay namamalas sa pagiging masinop, mapagpahalaga sa kahit iisa sa marami na naglaho o naligaw. Ito ang karunungan ng ama ng alibughang Anak, na sa kabila ng katotohanang nalustay ng kanyang bunsong anak ang kalahati ng kanyang yaman, ay binigyang-halaga ang katauhan ng kanyang anak, at lalu pang ginastusan sa kanyang tuwa at pasasalamat. Ang hindi hangal, tulad ng amang ito ay handang magbigay-dangal muli sa anak na nagbabalik-loob.
Ito ang karunungan ng Diyos na handang maglubag-loob lalu na sa isang makasalanang naligaw nguni’t nagbalik-loob sa kanya. Sa kaniyang pagpapahalaga sa isang anak na naligaw, handa niyang iwanan ang katumbas ng 99 sapagka’t sa kanyang pakiwari, ang katauhan ng kanyang anak na naligaw ang kumakatawan sa yamang walang kapantay. Tanging ang taong marunong ang handang magsikap upang makamit muli ng sinumang nagsisisi ang kanyang dangal.
Subali’t ang nakatatandang kapatid ay nagpakita ng kahangalan. Sa halip na magsaya sa pagkakitang muli sa kanyang kapatid, siya ay nagkwenta, nanibugho, nagtampo, at nagpuyos ang damdamin. Sa indayog ng malaking habag at pag-ibig ng isang amang matagal na tumangis, ay hindi niya nakayang magpadala. Sa halip na sumayaw sa musika ng pag-ibig ng kanyang ama, ang nakatatandang kapatid ay nagtiim-bagang, nagmatigas ng kalooban, at kumapit nang mahigpit sa katumbas ng 99 na kagya’t iniwan ng kanyang ama sa paghahanap at paghihintay sa nawalang anak. Ang isang hangal ay walang pakundangan sa naglahong dangal ng kanyang kapatid.
Mahigpit ang kapit ng taong hangal sa inaakala niyang kanyang tanging bukal ng kaligayahan. Ipit ang puso ng isang hangal na hindi marunong makisayaw sa panawagan ng pagbabalik-loob at pagbabago. At makitid ang pang-unawa ng isang hangal na hindi kailanman handang maglubag-loob at magbago ng isipan.
Subali’t tulad ni Moises, tulad ni Pablo, tulad ng alibughang anak at ang kanyang ama, ang karunungang maka-Diyos ay nababasa sa kahandaang magbalik-tanaw, magmuni-muni, magbalik-loob, at magpasyang magbalik sa Diyos ng awa at habag.
Tanging hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang marunong ay siyang handang magbalik-tanaw, magbalik-loob, at – dahil dito – ay siyang nakararanas ng pagbabalik-dangal mula sa itaas, na siyang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat ni Pablo.