frchito

WALANG PAGTATANGI, WALANG PASUBALI, LUBUSANG PANANATILI

In Cornelio, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-ibig, Panahon ng Pagkabuhay, Sampung Utos ng Diyos, San Pedro, Taon B on Mayo 16, 2009 at 21:48

110_04_0265_BiblePaintings
Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 17, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 10:25-26, 34-35, 44-48 / 1 Juan 4:7-10 / Juan 15:9-17

Mahirap maunawaan kung minsan kung bakit sa mga lansangan natin, tila may mga paboritong “hulihin” at bigyan ng tiket ang mga pulis trapiko. Mahirap din unawain kung bakit sa ilang lugar sa Kamaynilaan, may mga masisipag na pulis na kung kailang Linggo at gabi at madilim ay noon naman sila nagsisipag at nagtatago sa kadiliman upang maghanap ng mga tsuper na may gawang paglabag sa “batas trapiko.”

Alam ko … di miminsan akong “nahuli” ng mga masisipag na alagad ng batas (kuno) sa lugar at oras na di mo aasahang may nagmamalasakit (daw) sa batas!

Pagtatangi … ito ang saloobing mahirap maunawaan at tanggapin … ang kondisyon ng niloloob ng taong may kapangyarihan na tumingin sa iba at tumitig naman sa iba pa. May tinitingnan, ika nga, at may tinititigan.

Pumunta kaagad tayo sa unang pagbasa at unang malinaw na liksyon ng pagbasang nabanggit. “Walang itinatangi ang Diyos,” ani San Pedro. Walang kaibahan ang Kanyang tinitingnan at ang Kanyang tinititigan. Iisa at pareho at pantay-pantay ang tingin niya sa mga taong pawa niyang mahal. Si Pedro ay isang ganap na Judio, hindi isang katumbas ng tawag natin ay mestizo. Dalisay siyang isang Hebreo. Nguni’t si Cornelio ay hindi Judio. Isa siyang Hentil, isang pagano, na walang ni hibla ng kaugnayan sa Judaismo. Subali’t hindi itinangi at pinagtangghan ni Pedro ang kahilingan ni Cornelio upang mabinyagan.

Nasa larangan tayo ng mahalagang usapin ng pag-ibig ng Diyos. Di miminsan sumagi sa puso natin na tayo ay tinitikis ng ibang tao. Hindi pantay ang trato sa atin ng ibang tao. Di kakaunti sa aking mga tagabasa ang nakaramdam sa tanang buhay nila na sila ay maaaring itinangi o ipinagpalumagay na mababa ng ilang tao. Di rin kakaunti sa aking mga tagabasa ang nakaramdam rin ng pagtatangi o pagturing sa ibang tao bilang hindi kapantayng ating dignidad, o kakayahan, o katalinuhan.

Lahat tayo ay makasalanan … lahat tayo ay nagtatangi. Hindi lubos na pantay pantay ang pagtingin natin sa ibang tao. Mayroon tayong normal o natural na pagkiling sa iba o pagsiphayo sa iba namang tao na hindi natin gusto.

Isang palaisipan sa atin ang unang liksyong ito. Ito rin ang idinidiin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.” Sa tanan … sa lahat … saanman … kailanman … Ito ang walang pasubaling pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Kristong nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay.

Ako ay isang guro sa loob ng nakalipas na 32 taon. Alam ko ang aking sinasabi sa larangang ito. Napakahirap ang maging patas sa lahat. Napakarihap ang ituring ang lahat bilang pantay-pantay. Ang karupukang makatao, malimit ay humahadlang sa tama at pantay-pantay na pagturing at pagtingin sa lahat. Noong ako ay Principal sa isang malaking paaralan 23 taon na ang nakalilipas, napakadaling mapadala sa mga pabor na kusang lumalapit sa akin. Napakadaling mapadala rin sa natural na kilos ng puso at damdamin upang higit na pahalagahan ang mga matatalino, ang mga kaaya-aya ang hitsura, ang mga batang masunurin.

Inaamin ko na madaling mahalin ang mga taong dahil sa maraming dahilan ay kaaya-aya at kaibig-ibig sa mula’t mula pa.

Subali’t ang paalaala sa atin ay malinaw pa sa sikat ng araw … ang pag-ibig ng Diyos ay walang pagtatangi, walang pasubali.

Mahirap mahalin ang mga madadayang politico at namumuno sa bayan na walang hinanap kundi sariling kapakanan. Mahirap makaramdam ng maigting na paggalang at pitagan sa mga taong kasuklam-suklam dahil sa katiwalian. Madali ang magpadala na lamang sa kawalang pag-asa, sa pagsuko sa kamalian, at sa pagwawalang-bahala na lamang at sukat.

At dito pumapasok ang isa pang matibay na aral ng liturhiya natin sa araw na ito. Makabagbag-damdamin ang hiling at utos ni Jesus sa atin …. “manatili kayo sa aking pag-ibig.” Paano ba natin magagawa ito? Alam na natin ang sagot … Hindi lamang mahirap … Imposible ito …. Imposible ang magpatawad. Imposible ang magmahal sa taong kasuklam-suklam, sa taong nagpahirap sa atin, at nagbigay ng matinding suliranin sa buhay natin. Imposible ang magmahal sa mga taong sa tingin natin ay sobra na ang panlalamang o panlalait o pag-aalipustang ginawa sa atin.

Sa ganang makataong kakayahan lamang … imposible nga. Walang kaduda-duda. Subali’t sa ganang kapangyarihan ng Diyos mula sa itaas, kaya natin ito. Kung nakaya ni Pedro na mapusok at madaling magalit, na tumanggap kay Cornelio, kaya natin ito… sa tulong at awa ng Diyos.

Pero hindi lamang ito ayon sa daloy ng biyaya mula sa itaas. Mayroon din tayo dapat puhunan. Mayroon din tayong karampatang tungkulin sa kanya … ang manatili sa kanyang pag-ibig … ang manatiling kaugnay at kaakibat ng Diyos, tulad ng sinabi niya sa atin noong nakaraang Linggo … ang kahalagahan ng pagiging karugtong tuwina, tulad ng sanga sa puno, tulad ng mga ubas na hindi mamumukadkad kung hindi ito galing sa sangang nakaugnay sa puno.

Mahirap ang pangaral na ito… Hindi lamang mahirap, bagkus imposible. Nguni’t imposible lamang ito kung hindi natin isasapuso, isasadiwa at isasabuhay ang kanyang paanyaya sa atin sa araw na ito: “Manatili kayo sa aking pag-ibig.”

Sa makataong pamamaraan at takbo ng isipan, wala tayong sapat na kakayahan upang iahon ang sarili mula sa lusak ng pagkamakasarili at kawalang-kakayahan. Nguni’t sa tulong mismo ng Diyos na naparito sa piling natin, ang pag-ibig na walang pagtatangi, walang pasubali, ay hahantong sa tulong rin Niya, sa isang lubusang pananatili sa Kanyang piling.

Ang Eukaristiyang ito ay garantiya, pangako, at katuparan ng katotohanang unti-unting nagaganap na sa buhay natin – pag-ibig na walang pagtatangi, walang pasubali, at lubusang pananatili sa biyayang dulot Niya kay Kristo. Tunay ngang “Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: