Ika-6 na araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 21, 2009, Lunes
Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lk 1:39-45
Tadtad ng pahimakas ng pag-asa ang maalindog na pananalita ng unang pagbasa. Hango ito sa isa sa pinakanakaka-intrigang aklat ng Banal na Kasulatan, na sa biglang wari ay tila isang nobelang pang-tinedyer na babae. Isa itong awit ng pagsuyo, ng matamis na panunuyo ng magkasintahang parang matagal na napigilan sa pagkikita dahilan sa mahabang tag-yelo o taglamig.
Bumangon na at halina sa piling ko! Ito ang mainit na paanyaya ng magsinta sa isa’t isa. Nguni’t alam natin na ang banal na kasulatan ay isang mahabang salaysay ng marubdob na pagsinta ng Diyos para sa kanyang bayan. Ang salaysay na ito ay bahagi ng mahabang salaysay na ito (meta narrative) na magpahangga ngayon ay salaysay pa ring nagaganap, nangyayari sa pagitan natin at ng Diyos.
Ano ba ang pangunahing hibla ng salaysay na ito? Ano ba ang mayor na elemento o takbo ng salaysay na ito?
Sinagot ito ng Bagong Tipan … Ganoon na lamang at sukat ang pag-ibig na Ama sa atin, kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na anak! Ito ang saad ng ebanghelyo ni San Juan. Ito ang buod ng kasaysayang bumukadkad sa kapaskuhan … isang salaysay na magpahangga ngayon ay atin pa ring sinusuyod at pinagtatagni-tagni, sa kagustuahan nating mabigyang-kahulugan ang karanasan natin bilang tao.
Ano ba ang ating karanasan?
Umiikot ang salaysay ng buhay ng tao sa pagkasalawahan, ang kakayahan nating tumalikod sa tipanan, at mamangka sa dalawang ilog. Ito ang salaysay ng taong, hindi lamang salawahan, kundi balimbing, doble kara, at baligtaran. Ito ang buod ng kasalanan ni Eva at ni Adan at nating kanilang mga supling.
Nguni’t ano ang kinahinatnan ng salaysay na ito? Siniphayo ba tayo ng Diyos at tinikis sa ating pagkagupiling?
Dito ngayon papasok ang ating maalindog na awit … Bumangon na sinta, at halina sa piling ko. Tapos na ang hilahil. Wala na ang unos at ulan, ang nieve at ang taglamig. Sumibol na ang mga figo, namumakadkad na ang mga bulaklak. Panahon na upang suluyan ang mga ubas, at muling nangagsisipag-awitan ang mga bato-bato sa parang!
Awit ito ng patuloy na pag-ibig ng Diyos sa taong salawahan. Awit ito na nagbabaybay ng lahat ng dahilan upang tayo ay bumangon, bumalik, at makipagniig muli sa Diyos.
Hindi ko maubos isipin na ang awit na ito ay puno ng pag-aasam, paghihintay, pag-asa! Kung gayon, ito ay angkop na angkop sa diwa ng ginaganap natin sa simbang gabi – diwa ng pag-aantabay, pag-aantay, at pag-aaguanta sa dilim ng madaling araw, na parang mga abay na naghihintay sa nobyong ganap ikasal sa kanyang kasintahan. Ang galak na bumabalot ay hindi maitago, hindi maipagkaila, kung kaya’t umaawit tayo, tulad ng ginawa natin matapos ng unang pagbasa ng ganito: “Magsaya kayo mga banal sa Panginoon! Umawit ng isang bagong awitin.” (Salmong tugunan).
Wala tayong nieve sa Pilipinas. Pero panay ang bisita ng unos at ng ulan. Wala tayong taglamig sa bayan natin, ngunit masahol pa sa taglamig ang iringan at awayan natin. Ang patayang naganap sa Maguindanao ay masahol pa sa taglamig … masahol pa sa tagtuyot at pagkamatay ng mga punong igos.
Nagkasala tayong lahat at naging hindi karapat-dapat sa luwalhati ng Diyos, ayon kay San Pablo.
Nais kong isipin na ang ating paggising nang maaga at pagpupuyat ay walang iniwan o walang kaibahan sa inaawit ng magkasintahan sa unang pagbasa. Ang Diyos ay tumatawag sa atin. Bangon na, sinta, at halina! Nananawagan Siya sa pagbabalik natin sa kanya. Ang pagpupuyat natin ay simulain ng isang tugon na hindi panandalian lamang. Isa itong tugon rin ng pag-ibig, tulad ng tugon ni Mariang sa kanyang pagkadinig sa balita ng anghel, ay kagya’t umakyat ng bulubundukin ng Judea, upang tumulong kay Elizabet.
Si Maria ay tila tinawagan din ng Diyos: Bangon na, sinta, at halina! Halina at tumulong sa iyong pinsang kagampan! Humayo at ibahagi ang pag-ibig sa kapwa. At pati ang pagpapalang tinanggap niya sa anghel ay ibinahagi niya. At siyang namahagi ay lalu pang higit na pinagpala hindi lamang ng anghel kundi pati ng tao: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala rin naman ang iyong anak na si Jesus!”
Ganyan kahalaga ang tawag ng sinisinta … Bangon na at halina! Kung kaya’t pati ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay halos bumangon rin upang magsaya. Nagtatalon ang bata sa kanyang sinapupunan!
Masaya tayong lahat sa Pasko … ang mayroon at ang wala … ang salat at ang sagana. Walang naiiwang malungkot sa Pasko sa Pilipinas, kahit isang plato lamang ng spahetting matamis at ilang hiwa ng manok ang pinagsasaluhan. Sapagka’t ang puno at dulo at batayan ng tunay na kaligayahan ay malayo sa kung ano ang meron ang magsinta, walang kinalaman sa kalansing ng pera sa bulsa. Ito ay nakasalalay sa maalindog na tinig ng sumisinta sa kanyang sinisinta: “Bangon na sinta, at halina!”