frchito

ALAY, ALAB, LAGABLAB

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 21, 2009 at 07:14

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 22, 2009

Mga Pagbasa: 1 Samel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

Si Hannah ay larawan ng lahat ng ina sa mundong ito na nag-aalab ang puso para sa kanilang anak. Walang anak na hindi kaaya-aya para sa kanyang sariling ina. Walang anak na hindi ipinag-aalab ng puso ng kanyang sariling ina. At walang ina na hindi naglalagablab ang damdamin sa pagmamalasakit sa kanyang anak.

Hindi naiiba si Hannah sa bagay na ito. Tulad ng isang mapagkalingang ina, inaraw-araw niya marahil si Eli upang ipag-alay sa templo ang kanyang anak at upang mapaanyo kumbaga ang kanyang kinabukasan. Bilang isang asawa at maybahay, inasam niya na magbunga ang kanyang sinapupunan. At ang kanyang maalab na dasal ay nagkabunga sa pagsilang ng isang bata.

Inaraw-araw niya rin ang templo sa naglalagablag na kagustuhang magka-anak. Ang kanyang pag-aasam na ito ay binendisyunan ng paring si Eli na naghulang siya ay pagkakalooban ng Diyos ng pinakamimithing anak.

Ang maikling mga linya natin na halaw sa unang aklat ni Samuel ay ang naganap matapos magkatotoo ang hula ni Eli. Matapos ang maraming taon, bumalik si Hannah sa templo sa Shiloh. Hinanap muli si Eli at sa kanya ay nagtapat: “Ako ang tumabi sa inyo at humiling ng isang anak. Narito siya ngayon, at handa ko siyang ipagkaloob sa Panginoon habang buhay.”

Tuwing darating ang Pasko, para bagang nabubuksan ang puso ng maraming tao. Lumalambot kumbaga … nagiging maamo, mabait, at mapagbigay ang lahat. Bagama’t dumarami ang nangongotong na mga pulis, at biglang bumabait ang mga basurerong tuwing Pasko ay biglang nagsisipag (magbigay ng envelop sa mga bahay-bahay!), hindi maipagkakaila na mas mapagbigay ang lahat, mas bukas ang palad, at mas madaling mag-pasensya sa kapwa.

Pero ito ang problema … pagdating ng mga unang linggo ng Enero, kapag tapos na ang mga party at ubos na ang budget, balik tayo lahat sa dating ugali. Wala na namang basurerong nangongolekta ng basura, at natutulog na muli ang mga guardia, na noong simbang gabi ay busyng-busy sa pamumudmod ng envelop. Ang mga public servants (politico) ay hindi na naman makita sa kapitolyo at ang mga mayor ay wala nang inaatupag kundi ang susunod na halalan.

Kakaiba si Hannah. Sino sa atin ang makapagsasabing matatandaan ni Eli ang pangako ng babaeng si Hannah? Sino sa atin ang makapagsasabing ang binitiwang pangako ni Hannah ay hindi na dapat tuparin sapagka’t isa iyong pangakong binitiwan noong siya ay nag-aasam magka-anak? Ilan sa mga pangako ng mga politico ang tunay nilang tinupad? Ilan ang mga pangako natin ang tunay nating pinagsikapang gawing makatotohanan?

Balik tayo sa buhay ni Hannah. Nag-asam, nag-alab ang puso para sa isang pinamimithing anak. Nag-alay, nagkaloob, at nagsakatuparan ng kanyang panalangin ang Panginoong Diyos. Naganap ayon sa kanyang nasa, sa biyaya ng Diyos.

At ito ang magandang balita para sa atin. Pagkaraan ng 12 taon, nagbalik si Hannah at nagtapat kay Eli: “ako ang tumabi sa inyo at nanikluhod.” Nagbalik ako upang ipagkaloob ang aking anak sa Diyos.”

Nagbalik si Hannah upang magpasalamat. At ang kanyang pasasalamat ay kung ano rin ang kanyang tinanggap. Ang kanyang pasasalamat ay katumbas rin ng alay ng Diyos sa kanya. Ibinalik niya sa Diyos ang kanyang ipinagkaloob, kung kaya’t nakuha niyang sabihin kay Eli: handa akong ialay siya sa Panginoon.

Pahimakas ni Abraham? Tumpak … Isang pahiwatig tungkol sa nag-aalab ring kaloob ni Maria at ni Jose? Tumpak. Nang mawala si Jesus noong 12 taong gulang sa templo, niyurakan ang puso ni Maria ng tugon ng bata: “Di ba’t dapat ay ginagampanan ko ang gawain ng aking Ama?” Masakit man sa damdamin ni Maria, ay tinanggap niya. Isa itong pasakit na muling mauulit sa paanan sa krus, sa kanyang sukdulang pag-aalay ng sariling anak hanggang sa kamatayan sa krus.

Malimit na ang ating ma kaloob ay may kawit. Nagbibigay tayo sapagka’t naghahanap tayo ng kapalit. Naghihintay tayong pagkalooban din ng higit na malaking regalo, higit na mahalaga.

Sa araw na ito, dalawang babae ang nagtuturo sa atin ng kung paano magpasalamat. Bukal sa puso, bukas ang loob, at lubos ang nag-aalab na pag-aalay ng kasukdulan. Walang sukat. Walang pakipot. Walang hele-hele at walang hangganan … tulad ng panalangin ni Maria sa ebanghelyo ayon kay Lucas. “Nagbubunyi ang aking kaluluwa sa kadakilaan ng Panginoon … ang aking espiritu ay nagagalak sa aking tagapagligtas.”

Ano ang maipagkakaloob natin sa Panginoong nagkaloob ng lahat? Alay na maalab, at pag-ibig na naglalagablab, tulad nang kay Hannah .. . tulad nang kay Maria.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: