frchito

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 18, 2010 at 14:22


Ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon K)
Enero 24, 2010

Mga Pagbasa: Nehemias 8:2-4a, 5-6, 8-10 / 1 Corinto 12:12-30 /
Lucas 1:1-4; 4:14-21

Kagalakan ang himig ng unang pagbasa … pagdiriwang, pagsasaya, pasasalamat … dala ng kabatirang sa kabila ng pagkatapon sa Babilonia, nakabalik ang mga Israelita sa kanilang bayan upang muling ipundar at itayo ang kanilang bayan. Nakatutuwang isipin kung paano sila nagdiwang … nagpatirapa, umiyak, nakinig kay Ezra habang binasa niya ang aklat ng Kautusan. Naantig ang kanilang damdamin sa kabaitan ng Diyos, at sa mga katagang namutawi sa labi ni Ezra: “Huwag kayong umiyak … Umuwi na kayo at magdiwang. Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon.”

Kagagaling lang natin sa isang mahabang pagdiriwang at pagsasaya. Matapos ang Pasko, mayroon pa tayong huling hirit. Mahigit 3 milyong katao ang dumagsa sa Quiapo para magpugay sa Panginoong Jesus Nazareno. Pagkatapos nito ay may isa pang higit na matinding hirit ang Pinoy … nagdiwang nang todo-todo … humataw at humirit pa nang labis ang lahat sa Aklan, sa Bacolod, sa Marinduque, sa Tondo, sa Pandacan, sa halos lahat ng lugar sa buong kapuluan … higit sa lahat sa Cebu, upang ipagdiwang ang musmos na sanggol na siyang naghatid sa atin ng kaligtasan. Mahigit na 8 milyong katao, local man o turistang banyaga, ang dumagsa sa Cebu para sa Sinulog festival.

Tulad ng karanasang ipinahayag ni Nehemias, at tulad ng pangaral ni Ezra sa kanyang kababayan, “ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”

Kagalakan at kalakasan … swak na swak ito sa kulturang Pinoy, sa ating isipin at saloobin. Mahalaga para sa atin ang kagalakan at kasayahan. Mahalaga para sa atin ang diwa ng piyesta, ang pagbubunyi at pagdiriwang sa maraming dahilan, umulan man o umaraw, umunos man o humupa ang panahon … mapa-trahedya o mapa-komedya, mapariwara man o mapanuto ang bayan … mayroon tayong laging natatagong hibla ng pagsasaya at pasasalamat, pagdiriwang at pagbubunyi sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.

Subali’t sa kabila ng lahat ng pagdiriwang, mayroon tayong dapat pang pag-ukulan ng pansin. Matapos ang piyesta at todo-todong pagdiriwang, mayroong mahalagang paalaala ang liturhiya natin sa araw na ito. Bukod sa paalaala na huwag umiyak at tumangis na galing kay Ezra, mayroon ring pagunita si Pablo sa atin: ang pangangailangang tayo ay kumilos bilang isang buong bayan, isang katawan, bagama’t may maraming mga bahagi.

Matay nating isipin, wala tayong kaibahan sa mga taga Corinto. Ang mga taga Corinto noong panahon ni Pablo ay puno ng pagtutungayaw, tigib ng lahat ng uri ng intriga at masalimuot na samahan. Watak-watak ang kanilang lipunan, at ang kaisahan ay tila isang imposibleng adhikain. Ito ang dahilan kung bakit ginawang misyon ni Pablo ang mga taga Corinto, at ang liham na ito na puno ng mainit na pangaral tungkol sa kaisahan ay galing sa kanyang masidhing pagnanasa na makintal sa kanilang isipan ang kaisahan.

Tapos na ang pagdiriwang para sa sanggol na mananakop. Ayon sa ebanghelyo, lumaki siya at lumago sa karunungan at sa edad. Tulad niya, lumalago din dapat ang ating pananampalataya. Lumalago din dapat ang kakayahan nating magdiwang nang wasto at may kapararakan, may kinahihinatnan. Bagama’t maraming magagandang bagay ang kaakibat ng lahat ng mga pagdiriwang na ito, tulad halimbawa ng katotohanang 25 milyong piso lamang ang ginastos ng Sinulog Foundation para sa lahat ng naganap sa Cebu noong Linggo, tulad ng katotohanang libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa mga Misa, sa nobena at pang-espiritwal na pagdiriwang parangal sa Santo Nino, alam rin natin na marami ring dapat pang bigyang-pansin. Marami pang dapat pag-ukulan ng atensyon liban sa pagsasayaw sa kalye at pagsigaw ng “Hala Bira” o “Viva Pit Senyor!”

Ito ang isa sa mga tinutumbok ng ebanghelyo ni Lucas ngayon. Tumayo si Jesus sa sinagoga at nagbasa. Tulad ng naganap sa panahon ni Ezra, nakinig ang lahat. Marahil ay naantig rin ang kanilang damdamin, lalu na nang binasa niya ang tungkuling dapat gampanan ng Mesiyas na darating … ang magbigay kaluwagan sa mga sinisiil … ang mangaral sa mga dukha ng Magandang Balita … ang ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Nakinig silang lahat. Ngunit hindi sila napako sa pakikinig lamang. Hindi sila nanatili sa pagdiriwang lamang. Hindi sila nasiyahan sa pagsasaya lamang.

At ito ay nagmula mismo sa sinugong Mesiyas na hindi na cute na sanggol na kay sarap pisil-pisilin at amuy-amuyin … hindi na isang batang paslit na inuugoy-duyan sa kalye na nararamtan ng lahat ng uri at kulay ng kasuotan, na inilalagay sa mga tindahan at negosyo upang maging swerte o palamuti.

Hinahamon niya tayo ngayon … tinatawagan at inuutusan … “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Ginawa niya ang ganang para sa kanya … tinupad … isinabuhay. Alam nating lahat ang kwento at ang kanyang nahita matapos ang lahat … paghihirap at kamatayan sa krus!

Nakikinig lang ba tayo? Nagdiriwang lang ba tayo o nagsasayaw sa kalye minsan isang taon? Nagpupunta lang ba tayo sa Quiapo para lamang makahawak sa lubid at matapos nito ay magpapaloko tayo muli sa mga trapo na gumagastos ng limpak-limpak para mabili ang ating dangal? O tayo ba ay sasama kay Jesus na nagpakit na halimbawa? … Natutupad habang nakikinig!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: