KAPISTAHAN NG SANTO NINO
Enero 17, 2010
Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 / Lucas 2:41-52
Ang mga kataga sa matulain at masagisag na panulat ni Propeta Isaias ay hindi maipagkakailang nagdudulot ng marubdob at matimyas na kagaanan ng loob sa sinumang makatunghay nito. Isa na ako sa mga paulit-ulit na naaantig ang damdamin tuwing marinig o mabasa ko ito.
Ang biglang sumagi sa aking kaisipan ay ang bantog na panulat ni Lope K. Santos – isang nobelang ang pamagat ay “Banaag at Sikat” na alam ng bawa’t Pinoy na nagdaan sa mahahabang oras ng Panitikan sa mataas na paaralan, na ewan ko ba kung bakit, ay laging inilalagay sa mga oras kung kailan pagod at antok na ang lahat, sa bandang kainitan ng araw, at kasagsagan ng inip ng mga mag-aaral!
Hindi ko masyadong napahalagahan ang nobela ni Lope K. Santos. Pinag-usapan lang naming, ang pamagat, pero hindi pinabasa sa amin. Matay kong isipin ngayon, sino nga ba naman ang magbabasa ng isang napakakapal na libro na naninilaw na ang mga pahina, at kinain na ng bukbok at tanga ang mga dahon nito?
Banaag … ito ang mga unang hibla ng liwanag na dumadatal sa pagdating ng bukang liwayway. Banaag … ito ang diwa ng pamumukadkad ng bagong pag-asa, ang pagsulong ng isang bagong pangako, ang pagsilay ng isang panibagong pangarap, na hindi kailangang ang tao ay paapu-apuhap sa dilim.
Banaag … ito ang unang silahis ng isang bagong bukas, isang bagong umaga, matapos ang karimlan ng pagkagupiling sa anumang hilahil, anumang pagsubok, at anumang suliranin.
Banaag … ito ang sagisag na hatid ng isang sanggol na tugon ng Diyos sa mahabang mga dantaon ng kadustaan at kahirapan na pinagdaanan ng bayang pinili ng Diyos. Ito ang sagot ng Diyos sa kanyang liping hinirang at kinasihan, bagama’t sa biglang-wari ay siniphayo na ng tadhana at tinikis ng kapalaran!
Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi magkanda ugaga ang Pinoy sa pagsayaw at pag-awit, pag-indak at pag-huni, pagpadyak at pag-indayog saliw ng mga tambol at trompeta, na naghihihiyaw ng Pit Senyor! Luwalhati sa banal na sanggol na sagisag ng pamamanaag ng liwanag sa likod ng karimlan. Ito rin marahil ang nasa likod ng tapang at katiyakan ng mga taong nagsisisigaw habang nagpapadyakan: “hala bira!”
Nasa kapistahan ng banal na sanggol ang buod ng pag-asa ng Pinoy na tulad ng silahis ng liwanag na namamanaag sa kabila ng lahat ng uri ng kadiliman. Nasa sanggol na ito ang lahat ng pangakong namutawi sa bibig ni Propeta Isaias, na siya ngayong nagpapainit ng damdamin natin. Nasa batang si Jesus, na “lumago sa karunungan at kaalaman” ang pamumukadkad ng ating pag-asa sa kinabukasang ang Diyos mismo ang gumawa ng paraan upang mabunyag ang pamamanaag sa katauhan ni Kristong isinilang bilang taong katulad natin.
Puno ng pag-asa at pangako ang mga pagbasa: “nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman” … “dinagdadan mo ang kanilang tuwa” … “nilupig mo ang bansang inalipin” … “binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila” … At ang lahat ng ito ay iisa ang dahilan, iisa ang simulain … “Sapagka’t ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.”
Ito ang dahilan kung bakit, sa wari ko, ay walang kalalabisan ang pag-indayog at pag-indak, pag-awit at pagpadyak ng mga deboto sa Santo Nino. Karapat-dapat lamang ito, sapagka’t mismong si San Pablo na ang nagsabi: “magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo.”
Nguni’t tulad ng lahat ng ibang uri ng pagdiriwang, hindi malayong mangyari na ang orihinal na dahilan ng pagdiriwang ay natabunan ng ibang mga elementong walang kinalaman sa pagpupugay sa Diyos na simulain ng lahat ng pagpapapala. Hindi malayong mangyari na makalimutan natin ang tunay na kahulugan ng pag-indayog, pag-indak at pagpadyak sa mga lansangan at liwasan sa buong bansang, sa araw na ito ay tila mga sinapian ng kung anong espiritu sa kanilang mga pagsasaya, na sa hindi kakaunting lugar, ay nauuwi sa paglalasing, at pagtutungayaw.
Hindi rin malayong mangyari na sa diwa ng walang puknat na pagsasaya ay makalimutan natin na ang tunay na dahilan ng pagsasayang ito ay sapagka’t “namanaag na ang liwanag” sa karimlan ng kasalanan.
Ito ngayon ang magandang balitang dapat nating harapin – ang karimlan ng isang sistema political na puno ng katiwalian, kadayaan, katakawan, kasakiman, at pagkamakasarili … Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa karimlan ng kasalanan, na kaakibat ng sistema political ng bansa natin.
Dito dapat mamanaag ang liwanag na dulot ng sanggol na si Jesus. Dito dapat masilayan ang mga nanunuot na hibla ng liwanag na papasok sa lahat ng antas ng buhay natin bilang indibidwal at bilang bayan. Dito dapat maghari ang diwa ng isang pag-asang hindi napapako sa paghihintay, bagkus nagbubunsod sa lahat sa paggawa at pagkilos, tulad ng ito ay nagbubunsod sa napakarami upang umindayog, umindak, at pumadyak sa mga lansangan sa Cebu, sa Maynila, at sa halos lahat ng lugar sa Pilipinas.
Sa nakaraang taon, nakita natin ang mga hibla ng pag-asa … mga bayaning nag-alay ng buhay para maligtas ang iba … si Muelmar Magallanes, at iba pa. … mga bayaning hindi nag-atubiling dalhin at ipagmakaingay ang dangal natin bilang Pinoy … sina Kuya Ef, si Pacman, at marami pang ibang nagbigay-dangal sa ating lahi … mga bayaning hindi kilala na patuloy na nagpapagal para sa pamilya at para sa bayan, sa kanilang mahihirap na trabaho sa ibang bansa.
Isinilang na ang pangakong sanggol … namanaag na ang liwanag … sumilay na sa atin ang mga unang hibla ng pag-asa … noon, ngayon, at sa mga panahong darating. Sa pamamanaag na ito ang liwanag, hindi tayo puedeng manatili sa banig ng kawalang-pag-asa. Kailangan natin gumising at bumangon, kumilos, gumawa, umindak at umindayog kung gusto mo, upang makilala ng balana ang tunay na magandang balita sa likod ng pagdatal ng banal na sanggol …. Namanaag na ang liwanag … gumising, bumangon, at humayo! Gawin ang nararapat, ang tama, at ang magaling …. Para sa bayan at para sa Diyos!