frchito

Archive for Pebrero, 2010|Monthly archive page

TULAD NG HALAMANG TUMUBO SA ILANG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Tagalog Homily, Taon K on Pebrero 10, 2010 at 02:05


Ika-6 na Linggo ng Taon (K)
Pebrero 14, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 17:5-8 / 1 Corinto 15:12, 16-20 / Lucas 6:17, 20-26

Puno ng kabalintunaan ang mga pagbasa sa araw na ito … kabalintunaang halos ay nauuwi sa kasalungatan, at tahasang kabaligtaran. Ang pagbasa mula kay Jeremias, na isa sa mga propetang ang buhay ay puno rin ng kabaligtaran, ay nag-aalay ng isang larawan ng isang bagay na tila walang anumang bahid ng katotohanan … isang halamang tumubo sa ilang, isang punong nabubuhay sa katuyutan at sa kabila ng kasalatan.

Puno ng kabalintunaang tulad nito ang buhay natin bilang kristiyano. Magsimula tayo sa mismong nagsimula ng sangkakristiyanuhan – ang Panginoong isinilang na mahina, mahirap, at walang pangako sa isang sabsaban sa Belen, nanirahan at lumaki sa isang bayang siniphayo ng tadhana at ng kasaysayan … Nazaret … “Anong magaling ang puedeng manggaling sa Nazaret?”

Puno rin ng kabalintunaan ang kanyang pangaral … mapalad aniya ang mahihirap … mapalad ang mga mababang-loob …. Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanya … Sa mata ng taong nahirati sa kalinangan ng salapi, kapangyarihan, at kakayahan, isa itong malaking dagok. Paano magiging mapalad ang mga walang kaya? Paano ituturing na mapalad ang mga inaapi at sinisiil? Paano dapat italaga ang mga naghihirap sa ngalan ng katarungan bilang mapalad at puno ng kagalakan?

Marami tayong halimbawa sa larangang ito halaw sa ating buhay na napalilibutan ng lahat ng uri ng katanungang tila walang kasagutan…

Ewan ko kung mapalad tayo at lahat ng naging pinuno natin ay pawang nabahiran ng mantsa ng katiwalian… Ewan ko kung mapalad ang Pilipinas at tayo ay pahirap nang pahirap, at ang antas ng ating edukasyon ay isa na sa mga pinaka-aba sa buong mundo! Ewan ko ba sa inyo kung maituturing nating kapalaran ang katotohanang ang hanay ng mga mangmang at mga dukha ay hindi kumakaunti at bagkus lalong dumarami?

Subali’t ito mismo ang tinutumbok ng magandang balita ng kaligtasan … na narinig natin makailang ulit sa mga nagdaang Linggo … kalayaan para sa mga bihag, kagalingan sa mga maysakit … Ito ang dahilan kung bakit siya isinugo ng Ama. At ito ang sinabi niya nang siya ay tumayo sa sinagoga at magbasa mula sa propeta Isaias … Ang lahat ng iyon, aniya, ay nagaganap habang sila ay nakikinig!

Sa aking pagninilay noong mga nakaraang Linggo, binigyang-diin ko ang katotohanang tunay na nagaganap ang mga ito sa panahon natin. Subalit akin ring binigyang-diin na ito ay nagaganap dahilan sa may mga “nakikinig.” Walang katuparan kung walang kalinangan ng pagtalima, pakikinig, at paggawa sa mga narinig.

Dito pumapasok ngayon ang magandang balita ng kaligtasan. Hindi ito isang lathala na binabasa lamang ng mga tagapagbalita. Hindi ito isang palabas at pahayag lamang ng taong ang pinagkakakitaan ay ang maglabas ng pawang magagandang “praise releases” sa madlang taong ang hanap lamang ay makiliti at “matuwa sa galak” dahil sa mga pambobola ng mga survey at kaek-ekan ng mass media purveyors.

Ito ay balitang ang pakay ay gumising, pumukaw, at tahasang gumulantang sa mga natutulog na taong nahirati na sa kalinangan ng kadiliman at katiwalian.

Nakalulungkot na kay rami sa atin ang kay daling matangay ng mga survey. Nakalulungkot na kay rami sa atin ang nadadala lamang ng magagandang damdaming dulot ng mga pangalang kumakatawan lamang sa ating maiinit na pangarap, nguni’t walang katumbas na kakayahan at lakas ng political will. Nakalulungkot isiping marami pa rin ang nasisilaw sa salapi at sa unos at dagundong ng mga palabas sa TV, pakitang-tao na tulad lamang at sinlalim lamang ng mga aspaltong ipinapalitada sa mga lansangan. Nakalulungkot isipin na ang nagwawagi ay tila ang mga madadatung, mahahaba ang pisi ng kakayahang material, at ang kulelat ay ang mga mayroong tunay na kakayahan upang isulong ang malalim na pangarap at kagustuhan nating umangat sa paggalang ng buong daigdig.

Subali’t ang aking mga sinasaad ay may kinalaman lamang sa mga taong darating … ngayon, 2010 hanggang 2016. Nguni’t ang magandang balita ng kaligtasan ay may kinalaman hindi lamang sa anim na taon, kundi sa kawalang hanggan. At dito papasok ang pangangailangan natin ng perspektibo – ng wastong pagtingin sa mga bagay-bagay. At ang wastong pagtinging ito sa mga bagay-bagay ay may kinalaman sa katotohanang hindi magagapi ng katiwalian, hindi magugupo ng kamatayan, at hindi matatalo ng kasamaan at kasalanan ng tao.

Tama si Jeremias. Ang taong tapat, tulad ng katapatan ng Diyos ay isang halamang nakapunla sa tabi ng batisan, sa tabi ng tubig na nagbibigay-buhay. Hindi matitinag ang punong ito … Bagama’t salat sa lahat ng bagay, ay puno siya at busog na busog na mga pagpapahalagang nararapat.

Tuyot ang kapaligiran natin ngayon sa maraming bagay. Ngunit sa tagtuyot, ang halamang tumubo sa ilang ay larawan ng pagwawagi … larawan ng kapalaran.

Malinaw ang hanap sa atin ng Diyos na nagbibigay sa atin ngayon ng isang panawagan at paanyaya, kalakip at ang isang paalala. Ang mapalad ay sinumang matutulad sa halamang tumubo sa ilang!

Anong uri ng halaman tayong lahat?

February 5, 2010
700 Tchoupitoulas St.
New Orleans, LA 71300

Advertisement

PUMALAOT, IHULOG ANG LAMBAT, UPANG MAKAHULI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 2, 2010 at 13:03

Ika-5 Linggo ng Taon(K)
Pebrero 7, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a, 3-8 / 1 Taga-Corinto 15:1-11 / Lucas 5:1-11

Ayaw natin ng lahat ng uri ng kababawan. Ayaw natin ng puro pa-cute lamang sa mga naglilingkod sa bayan. Hindi natin gusto ang puro palabas lamang, bagaman at, tila ang mananalo bilang Presidente ay isang taong katulad lamang ng mga kalsadang aspaltado na kanyang pinagkakaabalahan. Ayaw rin natin ng mga kandidatong kaya lamang tumanyag ay dahil sa kanilang apelyidong tanyag. Ayaw natin ng mga pangakong parang ampaw lamang – hungkag at walang laman. At higit sa lahat, ayaw natin ng mga taong sa kabila ng lahat ng pangako at mababagsik na salita laban sa katiwalian, ay tiwali rin palang walang katulad.

Kababawan … ito ang hindi ipinagawa ng Panginoon sa mga disipulo. Tumbukin agad natin … Nang buong magdamag na nagsikap makahuli ang mga disipulo ng isda, muli niyang inutusan ang mga puyat at pagod, at marahil ay wala nang pag-asang mga disipulo: “Pumalaot kayo …”

Isang magandang panalangin ni Sir Francis Drake ang hindi makatkat sa aking isipan. Hiniling niya sa Diyos na hindi siya matulad sa mga taong nanatili lamang sa pampang at malapit sa dalampasigan … mga taong ayaw pumalaot sapagka’t nangangamba, natatakot, nag-aalanganin, nag-aatubili.

Ang pananatili sa pampang ay isang malinaw na tanda ng isang taong ayaw mangahas, ayaw isugal, ika nga, ang katiyakan, at kapanatagan ng kalooban, at walang kakayahang isuong ang sariling kapakanan sa ikabubuti ng pangkalahatan. Ito ang mga taong sukat na sukat ang bawa’t kilos, mga namumunong hindi gagalaw hangga’t wala silang mahihita o kikitain sa anumang transaksyon.

Takot ako sa kababawang ito ng isang taong walang kurap na nagnanakaw sa kaban ng bayan, at naniningil ng labis sa pamahalaan, kahit na ang tunay na kikita ng malaki ay siya rin.

Takot ako sa kababawan ng mga panoorin sa TV na nagsasamantala sa kahirapan, kamangmangan, at kasalatan ng mga taong ang tanging pinanghahawakan lamang ay isang hungkag na pag-asang sila ay baka sakaling maambunan ng biyaya mula sa lahat ng uri ng kababawan at panlilibak sa kapwa na nagaganap sa telebisyon.

Takot rin ako sa kababawan ng mga pastol ng simbahan na laging wala sa kanilang mga parokya, parang mga retiradong mga “tagapaglingkod” na may oras para sa golf at panonood ng TV, nguni’t walang oras sa pagpapakumpisal at pagbisita sa mga maysakit.

Kababawan … ito ang sakit ng mga taong ang gusto ay manatili sa pampang at dalampasigan, namamaybay lamang sa mababaw na tubig ng katiyakan at kawalang-pansin.

Mayroon tayong ilang halimbawa ng kabaligtaran ng kababawan. Una si Isaias, na hindi nag-atubiling sumagot sa Panginoon: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Ang taong handang sumuong sa trabaho ay hindi isang taong mababaw at walang kakayahang lumalim at maging makahulugan.

Isa ring halimbawang tumataginting si San Pablo … Itinuring niya ang sarili bilang “tulad ng isang batang ipinanganak nang di kapanahunan,” subali’t naging apostol. Anong uring apostol ba si Pablo? Siya na mismo ang nagsabi. Hindi basta basta. Hindi patakbuhin. Hindi mababaw at pakitang-tao lamang. Siya na rin ang nagsabi: “Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagama’t hindi ito sa sarili kong kakayanan.”

Pumalaot si Isaias. Pumalaot rin si Pablo. Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay hindi lamang pumalaot. Mayroon pa siyang ginawa … nagpatihulog siya sa kamay ng mga tampalasan sa ikapapanuto ng sambayanan. Ngayon, sinasabi niya sa atin … Hindi sapat ang kababawan. Walang mararating ang pagkukunwari, panlilinlang, at pangbabalasubas ng bayan. Walang mahihita ang lahat ng uri ng pakitang-tao at pahapyaw na pagtupad sa tungkulin. Hindi makakalayo ang kalsadang pinalitadahan lamang ng manipis na patong ng alkitran o semento.

Malinaw ang tagubilin ni Jesus … pumalaot … lumayo … lumalim … lumarga pa … at ipagtagubilin ang sarili sa Diyos. Higit rito, sinabi niyang kailangang “ihulog” ang lambat sa kalaliman. Kailangang ihulog ang lahat ng personal na katiyakan at kasiguraduhan. Kailangang tulad ng binhi ng mustasa, ay mahulog sa lupa upang yumabong at mamunga.

Iisa ang tinutumbok nito … kailangang lumalim… kailangang magpakatunay, magpakatapat, magpaka-totoo.

Pumalaot … ihulog ang lambat, ibagsak ang lahat ng kababawan at ka-plastikan … magpakatotoo, magpakatunay, at ano ang bunga ng lahat ng ito?

Upang makahuli!

Isang mungkahi para sa lahat … mag-ingat sa lahat ng uri ng kababawan, kabulastugan, at kasakiman … Lahat ng ito ay nauuwi sa kapariwaraan. Pumalaot upang makahuli!