Dakilang Kapistahan ng Epipaniya(A)
Enero 2, 2011
Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2,-3a, 5-6 / Mt 2:1-12
Araw ngayon ng pagharap ng Diyos sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak , na si Jesus. Araw ng pagpapakilala, pagpapahayag, pag-aalis, kumbaga, ng belo na nakatalukbong sa pagkatao ni Jesus, na isinilang sa Belen.
Ang pagharap na ito ay hinabi ng isang pangarap … pangarap na binabanggit ni Isaias: “Bumangon,” aniya, “at magliwanag! Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.” Ang pangarap na ito ang siyang hinintay, pinaghandaan, at inasam ng maraming salinlahi.
Ito ang arap na naganap sa araw ng Pasko, arap na patuloy na nagaganap sa panahon natin, tulad ng ito ay naganap sa pagpapakilala ng Diyos na kung tawagin natin ay Epipaniya.
Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap. Tanda ko pa ang kwento ng mga magulang ko noon. Galing sa probinsiya, nangarap sila para sa aming lahat … nangarap na kaming lahat ay papag-aralin at bigyan ng magandang kinabukasan. Hindi ko na dapat sabihin pa … na ang pangarap ay kahit papaano ay naganap.
Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap … Hindi kaila na marami sa mga nagtagumpay na tao ay mayroong pinagdaanang matatayog na pangarap. Walang bahay na nagawa kung hindi nagdaan sa pagguhit o pagpaplano. Walang gusali ang maaring maitayo kung walang blueprint, kung walang iginuhit na detalyadong plano.
Bagama’t kaya ng Diyos ang magbigay ng kaligtasan sa sangkatauhan, ninais Niya na ang tao ay makipagtulungan. Hinirang niya si Maria … Inatangan ng misyon … Kinasihan ng biyaya at naging Ina ng Diyos, tulad ng sinabi natin kahapon. Ang kaligtasan ay naganap sa pakikipagtulungan ng tao.
Ang arap ng Diyos ay naganap sa pagsilang ng Mesiyas. Nguni’t sa araw na ito, ang pagharap ng Diyos sa sanlibutan at sa sangkatauhan ay hindi naganap kung walang mga magong naghanap, at nagbasa ng mga tanda galing sa tala.
Ang arap nila ay natupad nang sila ay lumikas, at naglakbay, patungo kung saan sumilay ang tala. Walang pangarap na naganap, kung walang taong nagpagal at nagsikap!
Ang sayaw na “tango” ay hindi kailanman puedeng gawin ng iisang tao. Dapat ay laging dalawa, babae’t lalake. Kung walang pagtutulungan ay walang kaganapan. Ito marahil ang isa sa maraming aral ng araw ng pagharap ng Diyos sa kanyang sariling bayan. Nagsimula sa pangarap … Naganap dahil may naghanap at naghangad makipagtulungan sa Diyos. Naganap ang pagharap ng Diyos sa tao sapagka’t may magong naghanap.
Mas kilala na ngayon ng marami ang mga artistant Koreano kaysa sa Panginoon. Mas alam nila ang kwento tungkol kay Noah, kaysa sa kwento tungkol kay Jesus. Higit na alam ng mga bata ang salaysay tungkol kay Harry Potter, kaysa sa mga sinasaad sa ebanghelyo.
Nagpakilala ang Diyos, humarap na ang Diyos sa tao, ngunit nananatili siyang tago sa kaalaman ng marami. Siya kaya ay hanap pa rin ng mga taong nagpapakasasa na sa lahat ng uri ng kabatirang hindi na kailangan ang Diyos?
Sa isang mundong ang lahat ay madaling makita at malaman dahil sa internet, may saysay pa kaya ang ginawa ng mga mago na lumikas, upang maghanap sa Mananakop?
Ang kapistahan ngayong araw na ito ay isang paala-ala sa lahat.
Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap. Nguni’t gaano man katayog ang pangarap at walang naghahanap, ay walang anumang magaganap. Sa araw ng pagharap ng Diyos sa bayan, tingnan natin ang ating hinaharap. At ang hinaharap ay napapaloob sa pangarap mismong binitiwan ni Isaias para sa atin: “Bumangon at magliwanag, sapagka’t nililiwanagan ka na ng Panginoon!”