Ika-4 na Linggo Kwaresma (A)
April 3, 2011
Natapos ko kanina pang umaga ang pagninilay na ito sa Cebu, habang kumakain ng agahan, at sa aking pagmamadaling mai-upload ang pagninilay, hindi ko alam kung ano ang napindot ko at biglang nabura ang lahat. Ginagawa ko ito ngayon sa Canlubang habang naghihintay sa Graduation kung saan ako ay panauhing pandangal.
Isang makatotohanang pagtanggap ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon – ang katotohanang mayroong kadiliman … ang katotohanang tulad ng lalaking isinilang na bulag, lahat tayo ay may pinagdadaanang pagkabulag sa buhay.
Pero ito rin ay isang pagtanggap sa pag-asang ang kabulagan, at ang kadiliman ay hindi mananatili … di maglalaon ay mapapawi at mapapalitan ito ng isang kaliwanagang hindi kailanman makakatkat ng kadiliman.
Maraming taon na ang nagdaan nang napanood ko ang isang sine na ang pamagat ay “Wait Until Dark.” Tungkol ito sa isang babaeng bulag pa sapul sa kanyang pagkabata na naging “saksi” kumbaga sa isang krimen at pinaghahanap ng kriminal. Nang matunugan ng bulag na siya ay tinutugis at nang malaman niyang malapit nang makarating sa kanyang bahay, pinagbabasag niya ang mga bumbilya at lahat ng ilaw sa kanyang bahay. Naisip niyang sa gitna ng kadiliman, may bentaha ang isang bulag na hindi nakakakita, at hirap ang isang taong malinaw ang paningin na kumilos habang nababalot ng kadiliman.
Sa pagkakataong ito, hindi kaila sa ating ang bulag ay may higit na kakayahan kaysa sa nakakakita nang normal.
Sa kwento ng ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggong ito ng Kwaresma, hindi lang bentaha ng isang bulag ang nakikita natin. Lamang na lamang ang bulag na ito kaysa sa mga Pariseo at mga may kapangyarihan. Tingnan natin sumandali kung bakit …
Noong kami ay mga bata pa sa Cavite, malimit kaming pagwikaan ng lola naming kapag ginigising sa malamig na umaga at ayaw naming pang bumangon. Mas madali, aniya, gisingin ang tunay na tulog kaysa sa nagtutulog-tulugan. Mas maigi pa raw ang bulag kaysa sa isang taong nagbubulag-bulagan.
Hindi ko ito makalimutan at sa araw na ito, muling nagbalik sa aking alaala ang mga salitang ito. Ang lalaking isinilang na bulag ay higit na nakakita kaysa sa mga Pariseong ayaw makita ang totoo. Walang mas masahol pa sa taong nagbubulag-bulagan.
Nguni’t sa pagkakataong ito, hindi lang bentaha ng isang bulag ang pinag-uusapan natin. Ang tinutukoy natin dito ay isang pagpapasya ng isang taong bukas ang kalooban, bagama’t nababalot ng dilim ang katawan. Ang tinutumbok natin ay ang saloobin ng isang wala mang paningin ay mayroong pananaw; wala mang nakikita ay may tinatanggap na totoo. Siya ang kabaligtaran ng mga taong may paningin nguni’t walang gustong makita, at lalung walang nais tanggapin bilang totoo.
Bilang isang tagapagpayo o counselor, bihasang bihasa ako makakita ng kung anong masama ang idinudulot ng pagtanggi sa tao. Batid ng marami sa atin kung anong iba-ibang uri ng kapansanang sikolohikal ang idinudulot ng hindi pagkilala o pagtanggap sa katotohanan na bumabalot sa buhay ng isang tao. Alam natin lahat na hindi makapagdudulot ng mabuti ang pagmamaang-maangan, at pagbubulag-bulagan. Ang bayan natin ay saksi sa kung ano-anong uri ng katiwalian ang nagaganap dahil lamang sa pagbubulag-bulagan ng mga kinauukulan.
Isang malinaw na halimbawa rito ang sinapit ng tatlong pinoy na binitay sa China, at marami pang nakakulong sa ibang bansa. Alam ng lahat na hindi dapat naganap ito kung walang korupsyon sa airport, sa mga recruiting agency, at sa mga travel agency. Alam ng lahat na hindi nila magagawa ito kung walang mataas na tao sa pamahalaan na kasabwat ng lahat ng mga masasamang taong naging sanhi ng kanilang kamatayan. Pero ano ba ang naririnig natin magpahanggang ngayon? Wala … Ni isang gaputok na pag-amin ninuman. Patuloy na ipinalalabas na ang tatlong binitay ay kriminal na dapat magbuwis ng buhay.
Malinaw pa sa sikat ng araw na may nagbubulag-bulagan, may nag mamaang-maangan, at may nagtatakip sa pananagutan.
Malinaw ang panawagan ng mga pagbasa sa atin … isang pagsulong … isang pagliban … isang paglisan mula sa kadiliman, patungo sa kaliwanagan. Ito ang isa sa malinaw na turo ng ebanghelyo … kung paanong ginawaan ng paraan ng Panginoon na makakita ang lalaking bulag. Ito rin ang paalaala ni San Pablo … na tayo, diumano ay dating nasa kadiliman ngunit ngayon ay nababalot ng liwanag. Ito ang malinaw na turo ng unang pagbasa … na sa kabila ng makataong pamamaraan ng pagpili, malinaw na ang Diyos ay may balak na hanguin mula sa kawalang-pansin, mula sa kawalang kakayahan sa kanyang paghirang sa pinaka-bunso at pinaka mahina sa mga anak ni Jesse, si David!
Hindi dapat mangimi ang mahihina. Hindi dapat manghinawa ang mga walang kaya at walang kapangyarihan. Diyos na mismo ang gumagawa ng paraan. Naparito siya upang hanguin tayo sa kadiliman at ihatid sa liwanag. Tunay na tunay, dati-rati’y tayong lahat ay nasa kadiliman, ngunit ngayon ay nasa kaliwanagan.
Magbubulag-bulagan pa ba tayo? Mangangapa pa baga tayo sa dilim?
words to ponder this season of Lent here.