frchito

Archive for Disyembre, 2012|Monthly archive page

SINO, MULA SAAN, ANO, PAANO, & PASAAN?

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 22, 2012 at 15:23

5_31_champaigne_visitationIka-8 Araw ng Simbang Gabi (K)

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento

Disyembre 23, 2012

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

SINO, MULA SAAN, ANO, PAANO, & PASAAN?

Lilima at lilima ang mga katanungang pinagsikapang tanungin ng mga tao mula’t sapul … wala nang iba. Lahat ng ibang tanong ay karugtong lamang ng limang ito:

Sino ba ako?

Mula saan ako? O Saan ba ako nagmula?

Ano bang dahilan at naririto ako?

Paano ko makakamit iyon?

Saan ba ako patungo?

Isang magandang kwento ang Mahogany, isang lumang-lumang sine kung saan tinanong ni Diana Ross sa bandang huli ang tanong natin: ‘DO YOU KNOW WHERE YOU’RE GOING TO?’ Medyo malungkot ang kwento. Nagsimula siya na parang Cinderella … walang-wala hanggang naging tanyag na modelo, yumaman, nakilala, nagwala, ika nga, at napariwara ang buhay. At sapagka’t nasa huli ang pagsisisi, duon nya napagtanto na may kulang pala sa kanyang buhay. Hindi lamang pala pera, katanyagan, karangyaan at kagalingang pangkatawan ang buhay.

Napipinto na ang Pasko. Isa na lamang gising o puyat at paskong-pasko na. Sa bandang wakas ng ating pagninilay sa paghahanda sa Kapaskuhan, nais nating bigya lagom ang nilalaman ng pananampalataya na pinagsikapan nating ipaliwanag sa buong siyam na umaga o gabi.

Ang limang katanungan sa itaas ang siyang pinagsikapang ipaliwanag ng lahat ng relihiyon sa mundo. Ito rin ang sinagot nina Confucious, Lao-Tzu, Homer, Euripides, Sophocles, Shakespeare, Plato, Aristotle, Dostoyevsky, Huxley, Ernest Hemingway, C.S. Lewis, Henry David Thoreau, atbp. Ito ang katanungan ng lahat ng pusong gutom at uhaw sa katotohanan.

Pero hindi lamang sina Confucius ang sumagot nito. Ang sagot ng lahat ng mga pantas ng daigdig ay lahat ay makahulugan … lahat ay may butil ng katotohanan. Subali’t wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay tuldok o kaganapan sa malalim, malawak, at masalimuot na katanungan.

Una, wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay paliwanag sa ating tunay na pinagmulan. Ito ay hindi isang katanungang pilosopikal, o katanungang pampanitikan o sosyolohikal. Sina Aristotle at Plato ay nakapagbigay paliwanag sa diwa ng isang kahuli-hulihang hantungan o ultimate end, at para sa kanila ang huling hantungan ng tao ay tinawag ni Aristotle na eudaemonia, o kaligayahang pandaigdig, o panlupa. Bukod sa pagkakamit ng makamundong kaligayahan o kaganapan, wala nang iba silang maisagot, pagkatapos ng kamatayan ng tao.

Ang mga katanungang ito ay bumihag sa isipan ng mga pilosopo, mga paham, mga pinuno ng mga relihiyon, nguni’t tanging Diyos at Diyos lamang, sa kanyang unti-unting pagpapakilala ang nag-alay ng tugon na lubos, wagas, at tagos sa buto at sa kasu-kasuan ng tao.

Ang mga tanong na ito ay hindi mga tanong ng agham, hindi mga tanong ng panitikan, at hindi lamang tanong ng mga survey sa Pilipinas, na alam nating nakapagbibigay ng kamangha-mangha at kataka-taka, o di kapani-paniwalang mga resulta.

Ito ang mga tanong na masasagot nang lubusan lamang ng pananampalataya. Hindi ito kaya ng survey. Hindi ito kaya ng botohang nababayaran. Hindi ito kaya ng grupong nagkakampi-kampi depende kung merong pabuya o paalagwa kapag pasko o pista. Hindi ito masasagot ng mga naghahanap lamang ng boto, at naghahanap ng paraaan para mapagsamantalahan ang utang na loob ng mga mangmang at dukha.

Ito ay mga tanong na ang sagot ay galing sa dakilang pagpapahayag o pagpapakilala ng Diyos sa kanyang bayan.

Saan ba natin makikita ang mga sagot sa mga ito?

Sa Diyos mismo, na nagwiwika sa pamamagitan ng kasaysayan ng kaligtasan at ng Kanyang Salitang nasulat at naipasa sa sali’t saling lahi sa loob ng kasaysayan. Ito ang naging malinaw na pangaral ng Katesismo.

Ang unang tanong SINO AKO  ay may kinalaman sa kung sino tayo sa mata ng Diyos. Ito ang tinatawag nating Christian Anthropology, ang ating kalikasan, kaakuhan, at mga katangian bilang tao. Ito ay sinasagot sa PART ONE ng Katesismo – The Profession of Faith. Dito natin nakikita ang katotohanang tayo ay galing sa Diyos, nilikha ng Diyos mula sa kawalan. Hindi lamang nilikha kundi tinawag ng Diyos sa isang pakikipagniig sa Kanya. Sa Unang Bahagi rin natutunghayan natin ang layunin ng buhay ng tao, ang tugon sa ikatlong tanong, na ANO BANG DAHILAN AT NARIRITO AKO?

Ito ang dahilan kung bakit ang Chapter One ay nagtuturo tungkol sa MAN’S CAPACITY FOR GOD. Dito binabalangkas ang likas na pagnanasa ng tao sa Diyos at kung paano natin nakikilala ang Diyos sa kalikasan, sa kasaysayan, at sa kanyang personal na pagpapakilala o pagpapahayag. Sa Chapter Two naman ng Unang Bahagi ay dito natin matutunan kung paano natin makikilala ang Diyos, at paano natin makakamit at mararating ang pangakong binitiwan ng Diyos.

Pero ang pinakamahalaga siguro ay ang makita nating ang buong Katesismo ay hinati sa tatlong malalaking bahagi: Part One: CREED – the profession of the faith. Part Two: CULT – The Celebration of the Christian Mystery. Part Three: CODE – Life in Christ, o pamumuhay kapiling kasama, at kaagapay si Kristo.

Nguni’t ang matindi ay ito. Balot na balot tayo sa kasinungalingan. Ang mundo ngayon ay nahirati sa paniniwalang ito: Ang ginagawa mo at kung ano ang meron ka ang pinakamahalaga sa mundo. Ito ay isang malaking kasinungalingan. Sa panahon natin, hindi ka bigatin kung hindi rin bigatin ang bahay mo, ang kotse mo, at ang pangalan mo. Sa halip na human being ang dapat tawag sa atin, naging human doing at human having. 30 anyos ka na wala ka pang bahay? Mahina ka. 40 anyos ka na hindi ka pa milyonaryo? Wala kang abilidad, tsong!

Pero alam nating lahat ito. Hindi kailanman nagdudulot ng wagas na kaligayahan ang gamit gaano man kaganda. Matapos mo magamit ang Galaxy SIII mo ng ilang buwan, meron nang bago. Meron nang mas maganda. Talo ka na. Laos ka na. Luma ka na.

Kelangan natin ang kakayahang makakita ng kabuuan, hindi ng pira-pirasong pangarap na mabababaw. At ito ay hindi kayang ibigay ng agham, ng siyensiya, ng komersyo, at ng gamit o yaman. Tanging Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng lubos, ng taos at ganap.

Tanungin natin muli ang ating sarili, gamit ang tanong ni Diana Ross … Do you know where you’re going to?

NANG DAHIL SA PANANAMPALATAYA …

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 21, 2012 at 17:44

advent-angelico-annunciationIkapitong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 22, 2012

Mga Pagbasa: 1Samuel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

NANG DAHIL SA PANANAMPALATAYA!

Ilang beses na ring naging paksa ng kanta ang mga katagang “NANG DAHIL SA PAG-IBIG.”  Naging pamagat pa ito ng isang telenobela, na pinangunahan nina Piolo Pascual at Jericho Rosales. Alam kong madali kayong makakaunawa sa mga salitang ito. Maraming nagagawa ang tao kapag puno ng pag-ibig ang puso. Maraming pati imposible ay nagaganap, at napangyayari.

Pero sapagka’t hindi ako nanunuod ng teleserye, hindi ko na pakikialaman ang hindi ko nalalaman. Wala yata akong pasensyang manuod ng TV na sa bawa’t 1 minutong eksena ay may 2 minutong patalastas. Napakabagal tumakbo ng kwento pero napakabilis tumakbo ng mga pang-akit para bumili, gumastos, mag-shopping, at magnasa ng higit pa.

Walang masama ang magnasa at mag-asam. Hindi kasalanan ang maghangad, ang magsikap ng higit pa, at maghanap ng mas makabubuti sa ating kalagayan. Hindi sumisimangot ang simbahan kung ang tao ay nagsisikap, at nagpapagal upang mapabuti ang lipunan, ang takbo ng pamemera, o ang ekonomiya ng bayan.

Ilang taon na ang lumipas, isang artikulo sa Tima Magazine na ang pamagat ay “WHY IS EVERYTHING GETTING BETTER?” ay lumabas. Marami siyang binanggit. Gumaganda nga naman ang mga bagay-bagay sa mundo. Dumadami ang bilihin, ang gamit. Tuwing anim na buwan ay may bagong cellphone, o tablet, o phablet, o anumang electronic gadget. Gumaganda ang mga bahay, lumalaki, at dumadami ang modelo ng kotse.

Gumaganda nga ba ang lahat ng bagay? Sabi sa artikulo, gumaganda raw. Pero kung titingnan ninyo ang mga dahilan kung bakit gumaganda raw, iisa at iisa ang batayan ng paghuhusga – ekonomiya, o larangan ng pamemera.

Pero tingnan natin ang nasa likod ng sinasabing pagganda ng pamemera sa buong mundo. Sa nakalipas na 50 taon, ang mga kabataang nagpatiwakal ay dumami ng 5,000 porsiyento. Sa ilang mga mayayamang bansa, mas marami ang aso o poodle kesa sa mga bata. Pero, di rin kaila sa inyo na ang suicide rate ay naka-ayon kumbaga sa pagtaas ng ekonomiya ng bansa.  Sinulat ni Peter Kreeft: “The richer you are, the richer your family is, and the richer your country is, the more likely it is that you will find life so good that you will choose to blow your brains out.”

Hindi magandang batayan, sa aking wari, ang pamemera kung kaligayahan ang pinag-uusapan. Totoo ngang mas marami tayo ngayong mga gamit kesa noong araw, pero ang sabihing ang buhay ay gumaganda dahil lamang sa ekonomiya o panukat na pamemera ay isang kababawan o kakitiran ng isipang walang katulad. Gusto ko sanang kalkalin ninyo nang kaunti ang mababaw na ipinipinta ng mass media. Sapagka’t sa kabila ng dami ng gamit at dami ng pagkain, milyon-milyon ang hindi lubos na masaya. Laging mayroong kulang. Ano mang timbangan ang gamitin mo, laging may kulang.

Tanda ng lahat ng ito? — Tanungin ninyo ang Vivere sa Alabang. Ilan na ang nagpatiwakal doon. Tanungin ninyo ang mga kaibigan ninyong dati ay masayang masayang nagpakasal … marami sa kanila ay hindi na mag-asawa, kundi magkasawa na. Hindi na kaya ng marami ang magpatuloy sa relasyon. Hindi na kaya ng marami ang magtiis, ang mag-agguanta, ang magparangya sa kapwa, at magdaan sa pagsubok. Sa buong mundo, higit sa isa sa bawa’t dalawang kasal ang nauuwi sa diborsyo o paghihiwalay.

Ayon sa mga lumilitaw na kalakaran, marami ay hindi na lang nagpapakasal. Nagsasama na lamang. Sa dami ng mga wedding planners na unti-unting ginagawang mala-Hollywood ang kasal ng mga tao, hindi na kaya ng karamihan ang kasal sa simbahan, at tapos ay sisisihin ang simbahan kasi ang mahal daw ng kasal sa simbahan. Gagastos sila ng 1 milyon sa reception at sa restaurant at sa wedding planner, at nanggagalaiti sa mga pari sapagkat siningil raw sila ng simbahan ng 10 libong piso! Sa aking 30 taon pagkapari, nalulungkot ako tuwinang magkakasal ako sa mararangyang lugar sa Maynila. Galing pa mandin ako sa Canlubang, Laguna, at ang envelope na iaabot sa akin ay 300 piso ang lamang, kulang pa sa gasolinang ginamit ko sa pagpunta sa Intramuros! Nakakapikon lalu na kapag nakita mong sa kalapati pa lamang na pinalipad at bulaklak na itinapon libo na ang ginastos.

Sa panahon natin, napaka swerte ng mga batang hindi napatay ng abortifacient drugs, o hindi tinanggihan sa pamamagitan ng artipisyal na paraan … sa kanyang unang birthday, na hindi pa niya nauunawaan, ay 50 libong piso na ang ginagastos ng mga magulang para sa isang party na matatanda naman at photographer ang nag-eenjoy. Gumaganda talaga ang buhay!

Gumaganda nga, ayon sa mga nagsusulong ng batas na hindi maka-diyos. At gusto nilang pagandahin pa nang mabilis, nang hindi na mag-iintay. Gusto nilang mangyari ang lahat ng ito nang hindi na nahihirapan. Paano? Sa pamamagitan ng pag-ako sa kalayaan ng mahihirap na sila mamili nang kung paano mapaiigi ayon sa utos ng Diyos ang kanilang pamumuhay. Sabi ng batas na ito, “Huwag na kayo mag-isip! Gobyerno na bahala dyan. Eto, lahat ng kelangan nyo para maging malusog kayo at magkaroon ng safe and satisfying sex … gamitin nyo lang lahat ito.” Kelangang mawala sa mundo ang mga mangmang, ang mga nahihirapang manganak. Pag nahirapan kayo, may solusyon dyan.”

Gumaganda nga naman ang buhay ng tao. Kumokonti na ang mahihirapan, at magiging kaunti rin ang ipanganganak ng mga mahihirap, sapagka’t gobyerno na ang tutulong sa kanila para guminhawa ang buhay nila, kahit na ang mga paaralan ay wala ni bangkito para maupuan ng mga bata.

Maganda, di ba? Sino nga ba naman sa atin ang hindi gusto ng magagandang parke, magagandang liwasan? Sino nga ba sa atin ang aayaw sa napakaraming mga bahay na gawa sa lata at karton, at sa mga kalyeng walang mga nagpapalimos at kalbit sa inyo nang kalbit na humihingi raw ng pagkain pero kapag binigyan mo ng pagkain ay sumisimangot kasi ang gusto nila ay pera?

Gumaganda ang buhay – ayon sa panuntunang pang ekonomiya! Dumarami ang mall, at kahit saan ka sumuling ay may Puregold Jr, at may Waltermart, at may SM at Jollibee. Hindi lang yan, magiging malusog na ang mga kababaihan, magiging marunong na sila, sa kabila nang kahit na singkong duling ay hindi tinaasan ang budget sa bagong eskwelahan, o ni kapurit na budget ay napunta sa pag-aangat ng kalinangan o kultura ng madlang bayan. Hindi baleng walang alam sa sining at kultura. Hindi baleng walang kamuang-muang sa agham at sa pagpapahalagang makatao, basta malusog, basta hindi daraming parang daga, at siempre, basta’t madaling makahingi ng kailangan para sa kalusugan ng mga kababaihan. Kawawa naman ang mga kalalakihan. Wala kayong kalusugan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa mawari ang koneksyon ng condom at kalusugan ng kababaihan.

Gumaganda ang buhay, pero hindi ibig sabihin nito ay nagiging mas makabuluhan at mas makahulugan ang buhay. Sa dami ng mga taong hindi pa rin masaya, kahit gumastos ng daang libo o milyon sa extreme makeover, o sa mga pagpapapayat sa paghigop ng taba sa katawan, tunay ba kayang gumaganda ang buhay? Bakit mayroon pang kulang? Bakit mayroong hindi pa masaya?

Kung merong babae na hindi dapat masaya, ay si Hannah.  Ang tagal niyang naghintay ng anak. Montik pang mamatay sa gutom. Nguni’t naligtas siya sa pagdatal ng propeta. At nang maligtas, may isa pang hiningi sa kanya – ang ialay ang kanyang baby na si Samuel sa templo. Napakasakit Kuya Eddie! Tanging anak, na kamontik nang mawala, ngayon ay pinag interesan pa ng Diyos! Kahit anong pagsusuma ang gawin mo … pagbali-baligtarin mo man ang iyong calculator, iisa ang sagot makatao nito … Talunan ka Hannah!  Baog … Loser … Kawawa ka naman.  Hindi ka malusog. Hindi ka masaya. Mag-isa ka na nga, hiningi pa ng Diyos ang tangi mong kaligayahan.

Ito ang takbo ng isip ng taong masaya dahil lang sa pamemera. Nang dahil sa pera … Nang dahil sa salapi, kay rami ngayong ayaw tumulad kay Hannah. Ano ako, hibang? Ginto na nga, hahayaan ko pang maging bato? Timang!

Ito ngayon ang magandang balita. Bakit laging kulang? Sapagka’t wala sa larawan ang Diyos. Tanging makataong solusyon, tanging makamundong mga paglapat ng lunas.

Isa pang babae ang ngayon ay iniaalay bilang larawan ng isang malusog na babae, malusog sa ganang kaniyang kabuuan bilang tao – pisikal, emosyonal, sikolohikal, at espiritwal. “Nagpupuri ang aking kaluluwa sa Panginoon!” Hindi niya sinabing, “nagpupuri ang aking matres, sapagka’t wala itong virus … malusog!”

Ano ang kanyang batayan? Hindi makamundong batayan tulad ng materyal na bagay … hindi mababaw na pangako ng kalusugang pangkatawan lamang kundi kapakanang pangkabuuan bilang tao, bilang wangis at larawan ng Diyos.

May higit pa sa pamemera. May higit pa sa luhong pangkatawan. Mayroong espiritwal na batayan ang tunay na kaligayahan, at ito ay ang PANANAMPALATAYA.

Kay daming taong dahil sa iba-ibang antas ng pananampalataya, ay naganap ang mga dakilang bagay.

Nang dahil sa pananampalataya, kay raming naganap:

By faith, Mary said Yes.

By faith, Mary stood with Jesus.

By faith, Mary tasted the fruits of the resurrection of Jesus.

By faith, the apostles left everything to follow their Master.

By faith, the apostles believed Jesus’ teachings.

By faith, the apostles preached the Gospel throughout the whole world.

By faith, the disciples offered the first Eucharist and gathered reading Scripture.

By faith, the martyrs gave their lives.

By faith, men and women have consecrated their lives to Christ.

By faith, unknown men and women have confessed Jesus and borne witness to Him in the workplace and in public life.

We too live by faith.

Hindi lang dahil sa pag-ibig.

Hindi lang dahil sa pera.

Kundi dahil sa pananampalataya.!