frchito

Archive for Disyembre, 2012|Monthly archive page

PASKO … PATUNAY NA MAY PAG-ASA PA RIN!

In Homily in Tagalog, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 24, 2012 at 18:20

imagesPasko ng Pagsilang (K)

Disyembre 25, 2012

Minsan, sa ating buhay, may nagaganap na hindi natin binalak, at lalung hindi natin inaasahan. Minsan rin, itong mga hindi binalak ang siyang tumitimo sa ating gunita, at napupunla at yumayabong sa ating alaala.

Pagod na pagod ako sa mga nakaraang araw … konting tulog, maraming pinagkakaabalahan, kasama na ang mga padalang pera ng mga kaibigan mula sa ibang lugar, bilang tulong nila sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi biro ang maghintay, at kung minsan ay maghintay sa wala, sapagka’t ang mga kompanyang naglilipat ng pera ay hindi lahat maaasahan.

Pagod rin ang mundo. Puro trapik saan mang dako ng kapuluan. Ang daming naghambalang sa kalye. Ang dami ring mga batang nagkakaroling, o sapilitang nagpupunas ng iyong salamin na lalung dumudumi pagkatapos. Maraming nanghihingi ng tulong. Maraming suliranin at kakaunit ang kakayahan ninumang sagutin ang lahat sa isang iglap.

Ito ang laman ng aking puso at kaisipan nang nakatanggap ako ng tawag mula sa isang dating estudyante. May sakit na malubha ang kanilang kaklase – nag-aagaw-buhay.

Hindi ako nag-atubili sa kabila ng kakulangan ng tulog. Hindi ko alam kung bakit. Ngayon alam ko na. Hayaan ninyong ikwento ko.

Si Renan ay taga Sulat, Eastern Samar. Nang siya ay binatilyo ay nakilala niya ang mga Salesyano sa Borongan. Doon siya pumasok sa Training Center, at nakitira at tumulong sa mga pari. Di naglaon ay nagkaroon siya ng kagustuhang maging pari rin at kaya pumasok sa seminaryo.

Subali’t sa isang punto ay nagtatalo sa puso niya ang magpatuloy o ang tumulong sa kanyang pamilya at papag-aralin ang mga kapatid. Sa madaling salita, mabigat man sa kalooban ay lumabas siya.

Sa kanyang paglabas maraming alok na trabaho, pero ang kinuha niya sa simula ay yaong trabahong maaari siyang makatulong sa mga naghahanap rin ng trabaho. Naging call center agent at narating niya ang pagiging team leader. Nakapagpagawa siya ng bahay para sa kanyang magulang. Napag-aral ang isang kapatid at napagpatapos. Marami pa siyang adhikain at mga balak. At isinubsob niya ang sarili sa trabahong walang kapaguran, walang paghahanap sa sarili, kundi kapakanan ng pamilya.

Noong isang Linggo, natumba na lamang siya at nagkaroon ng sakit na misteryoso. Isang Linggo siyang hindi nakakakilala, nasa semi comatose na kalagayan. Noong Sabado, tinawagan ako ng kanyang kaibigan.

Pumasok ako sa hospital na mahirap pa sa kanya – walang gana, walang pag-asa, at nalulungkot sa maraming bagay na nagaganap sa mundo. Nang makita ko ang kanyang anyo, hindi ko halos matapos ang aking mga dasal. Nagimbal ako sa kanyang katayuan.

Nguni’t hindi ito ang punto ng pagninilay na ito … Nang aking pinatungan ng kamay ang kanyang ulo, dama kong nagpadama siya na nalalaman niya ang nagaganap. Ang mga matang dating umiikot at tila walang nakikita ay nagkaroon ng pokus, kahit paano. Nang matapos ang pagpapahid ng langis, nakita kong gustong-gusto niyang magwika, kahit wala ni gaputok ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang dami niyang gustong sabihin. Nagpuputok ang kanyang damdamin. Alam kong nakilala niya kami. At nang mabigyan ko siya ng absolusyon, ay unti-unting humupa ang kanyang kalagayan.

Nais ko sanang ibahagi ang milagrong naganap sa ospital. Sa sandaling humupa ang kanyang damdamin, matapos maipadama na nakilala niya at nauwaan ang nagaganap sa kanya, isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa amin. Hindi na kailangan ng salita. Hindi na kailangan pang magwika. Dama ko. Alam ko. Nakita ko.

At nakita kong talaga ang isang milagrong hindi para sa kanya kundi para sa akin – isang taong medyo kulang na ang tiwala sa maraming bagay, napagod at naparam ng napakaraming suliraning sobra kong inaako at pinangangatawanan – ang kakulangan ng pag-asa at tiwala na gaganda pa ang takbo ng maraming bagay sa mundo.

Sa bisperas na ito ng pasko, dahil sa ipinamalas sa akin ng isang taong walang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya, na pinaglaanan ng lahat na kanyang makakaya, na ibinuhos ang buhay para sa kanyang pangarap na merong natupad at hindi, nakita ko ang ngiti ng Diyos sa isang kaluluwang tulad ko na pinanawan na yata ng lubos na pagtitiwala sa Diyos na nagmamahal pa rin sa kanyang bayan.

Nabatid ni Renan marahil na nasa huling estado na siya ng kanyang paglalakbaya. Iiwan niya na ang mga pangarap na nais niya sanang magawa. Nguni’t sa loob ng 15 minutong pagpupuyos niya sa simula, na napalitan ng kapayapaan, at nagwakas sa isang ngiti ng pagtanggap at pagpapasa Diyos, nakita ko ang kahulugan ng pasko, ng tunay na diwa ng ginugunita natin sa araw na ito:

Isang sanggol ang isinilang para sa atin; isang anak ang ipinagkaloob sa atin.”  (Isaias)

“Ipinagkaloob ni Jesucristo ang kanyang sarili sa atin.” (Pablo)

“Isang manliligtas ang isinilang para sa inyo. Siya si Kristong Panginoon” (Lucas)

Ngunit sa mga tumanggap sa kanya, sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang maging anak ng Diyos.” (Juan)

Nagpapasalamat ako sa Diyos na tumawag sa akin upang makapiling ang isang nagturo sa akin. Pumasok ako sa ospital na dukha, nanlulumo sa kawang tiwala at kawalang pag-asa. Isang nag-aagaw buhay na binata ang nagpaaala sa akin na hindi pa huli ang lahat, at hindi pa pumanaw ang pag-asa. May katuturan pa rin ang kawalan, kahirapan, karukhaan sa taong marunong tumanggap, marunong kumilala, at marunong magpasalamat, kahit sa gitna ng isang matinding pagsubok – ang kahuli – huluihang pagsubok sa oras ng kamatayan.

Salamat Renan, sa iyong napakalaking regalo sa akin sa araw ng Pasko. Nawa’y tanggapin ka ng Diyos sa langit na tunay nating bayan, kung saan wala nang luha, wala nang pasakit, at wala nang pagpupunyagi.

Ang lahat ng ito ay ipinagkaloob ng Diyos, at tinanggap natin nang maging tao ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus! Papuri sa Diyos sa kaitaasan!

 

Bilang pag-alaala kay RENAN LUTERIO (1979-2012)

Advertisement

NASA TAMANG LUGAR BA ANG PUSO MO?

In Adviento, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 23, 2012 at 17:12

heartsinrightplacefinalIka-9 na Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 24, 2012

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5,8b-12,14a,16 / Lc 1:67-79

NASA TAMANG LUGAR BA ANG PUSO MO?

Sa wakas, nakarating na tayo sa huling yugto ng ating taunang pagninilay at paghahanda para sa Pasko. Mamaya, nasa simbahan na naman kayo, yayamang ayaw ninyo masyadong maging abala bukas, liban sa pagdiriwang ng pasko. Ngayon at mamayang gabi ay pasko ng mga di na bata. Bukas, lalu na sa umaga, ay pasko ng mga bata. Ang mga malls ay malamang na puno bukas ng mga bata, at mga lolo at lolang walang retirement, kasi full-time na trabaho nila ang mag-alaga sa mga apo.

Kung minsan, parang naliligaw ang ating puso sa maraming bagay. Nang dahil sa pag-ibig, (pag-ibig na makamundo lamang), maraming tao ang nadidiskaril, ika nga, ang buhay. Sa pag-ibig sa gadgets, nagkakabaon-baon sa utang sa credit card, sapagka’t madaling bumilin nang ano man, pagka plastic lang ang pambayad.

Nangyayari din minsan, na dahil sa maling mga prioridad, nadidiskaril rin ang mithiin sa buhay. May mga kilala akong hindi nakapagtapos ng pag-aaral, dahil sa halip na mag-aral ay ginugol ang panahon sa musika, sa banda, o sa pakikipag-barkada. Bilang guro sa loob ng 34 na taong lumipas, alam na alam ko sa simula pa lamang ang makakukuha ng magandang grado. Ang mga taong walang pokus, walang iisang layunin, ay laging natatangay ng kung ano ang “flavor of the month,” ika nga. Ang mga masisinop at matiyaga ay matiyaga na sa simula pa lamang … nagbabasa na, gumagawa na ng review guide sa simula pa lamang, at walang patid na naghahanap ng karagdagang mga babasahin.

Ang mga taong walang pokus ay kaladkarin, kumbaga, ang isipan at damdamin ng kung ano ang kinahihibangan ng marami – telenobela, DOTA, facebook, at chatting na walang patumagga – hanggang madaling araw!

May lumang kwento tungkol sa Tatlong Mago. Ayon sa kwentong ito, apat raw sila. Subali’t yung ika-apat ay hindi nakarating sa sabsaban. Kay raming tinulungan. Kay raming ginawa liban sa hanapin kung saan nanduon ang bagong silang na hari. Dumating siya 33 taon matapos isilang ang Mesiyas, at nakita niya diumano ang hari ng mga hari na nakabayubay sa krus.

Ang mga nadidiskaril ang buhay ay masasabi nating wala sa tamang lugar ang puso. Ang puso ay dapat nasa dibdib, sa ilalim ng rib cage o parilla – napaka sensitibo, maselan, at dapat ay pinoprotektahan. Kapag nasa labas ang puso, tulad ng nakikita sa internet na batang labas ang puso sa dibdib, delikado ang lagay ng buhay, sapagka’ta walang proteksyon ang puso.

Katumbas nito ang mga taong walang pahalaga sa kanilang pananampalataya. Kakaunti na nga ang alam ay isinusuong pa sa mga pagdududa sa pagbabasa ng mga kung ano-ano sa internet o iba pang mga babasahin na laban sa pananampalatayang Katoliko.

Mayroon namang ang puso ay malapit sa kamay o sa bibig, o sa utak. Kung karugtong ng utak, walang pinaiiral liban sa isip … walang damdamin, walang pakiramdam. Kung ano ang iginiit ng utak ay siyang tama. Katumbas nito ang mga taong ang lahat ay inaanalisa, pinag-aaralan, at hindi nilulukuban kahit kaunting damdamin. Ang lahat ay dinadaan sa kalkulasyon, sa pamimilosopo o sa pagpapairal ng isipan at wala nang iba.

Mayroon namang ang puso ay kakabit sa kamay. Ang lahat ay dinadaan sa gawa, sa pagsisikap. Walang pitak para sa pananampalataya … ang lahat ay nabibilang, nasusukat, natitimbang. Katumbas ito ng mga taong hindi masaya kung walang bunga, walang produkto, walang kita, at walang naikakahon o naiimbak.

Tanong natin ngayon ay ito: NASAAN ANG IYONG PUSO?

Bakit mahalaga ang tanong na ito? Simple lang po. Ito ay sapagka’t ang CREDO, ang ating pagpapahayag ng pananampalataya ay nangangahulugang IPAGKALOOB ANG PUSO SA DIYOS, na galing sa Latin cor-dare. Ang ibig sabihing literal ng Credo ay I give my heart!

Ano-ano ba ang kahulugan ng pagbibigay ng puso natin sa Diyos?

  • Sumasampalataya sa Diyos na mapagmahal na manlilikha na tumanggap sa tao bilang ka-partner o katuwang upang palawigin ang paghahari ng Diyos sa buong sangnilikha
  • Sumasampalataya tayo kay Jesus bilang ganap na tao at ganap na Diyos, na siyang ipinangakong Mesiyas – Kristo. Ang modelo ng buhay niya ay siyang DAAN  tungo sa pamumuhay Kristiyano. Ang kanyang pagpapakasakit at muling pagkabuhay ang nagbibigay lakas sa atin upang isabuhay at isatupad ang mapagpalayang kaligtasan sa kasaysayan ng sangkatauhan.
  • Sumasampalataya tayo sa Espiritu Santo bilang tagapag-kaloob ng  buhay, and ikatlong persona ng iisang Diyos. Siya ang naggagabay sa tao at sa buong Iglesya upang maging tapat sa kasunduan, upang mamuhay nang tama sa pakikipag-ugnay sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, at sa buong sangnilikha.
  • Iisa at parehong binyag at panawagan ang ating inaangkin upang maging Iglesya tayong nagkakaisa sa pag-ibig at pananampalataya, banal ayon sa bunsod ng Espiritu Santo, katoliko sa kanyang pagnanasang magkaisa ang lahat sa puso at kaisipan, at apostoliko sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa sinimulan ni Jesus.
  • Sama-sama tayong nagsisikap pumasok sa kaisahan ng mga banal; nagdiriwang tayo at nagsasaya sa awa ng Diyos; umaasa tayo sa muling pagkabuhay, katawan at kaluluwa; at nagtitiwala tayo sa pangako ng buhay na walang hanggan sa harapan ng Diyos.

Hindi mahirap unawain na ito rin ang ginawa ni Zacarias sa ating ebanghelyo sa wakas ng simbang gabi. Sa kanyang katandaan at kakulangan ng pang-unawa, nakuha pa rin niyang ipagkaloob ng kanyang puso. At nagawa niya ito sapagka’t wala sa kamay ang kanyang puso. At lalung wala sa kanyang talampakan. Wala rin sa kanyang noo, o sa tuhod. Nasa tamang lugar ang kanyang puso. Nababalot ng kaha sa dibdib – iningatan at itinaguyod nang buong pag-iingat, nag-aalaba sa pag-ibig, hindi mababaw na pagnanasa, nagpupuyos sa paggawa ng mabuti at hindi pahapyaw na pananaghili.

Ang pusong nasa tamang lugar ay pusong nag-uumapaw ng pag-ibig at papuri. Ito ang pusong handang umawit, tulad ng ginawa ni Zacarias: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagka’t iniligtas Niya at pinalaya ang kanyang bayan.”

Ang pagliligtas na ito ay magaganap mamaya sa historya at sa hiwaga; sa ritwal at sa pagsamba; sa awit at sa dasal; sa paggunita at sa pagdarasal nang buong Iglesya.

Matuwa at magalak, sapagka’t dumatal na ang kaligtasang dulot sa atin ng Diyos!