Ika-5 Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 20, 2014
ANG PANGINOON NA ANG SIYANG GAGAWA: MAKINIG LANG AT MANIWALA!
Naranasan nyo naman sigurong utusan ng magulang nyo noong bata pa kayo. Di ba’t malimit, kapag inutusan tayo, ang sagot natin ay laging: “Opo. Mamaya po.” Pero, sapagka’t mas gusto natin ang maglaro, nakakalimutan natin ito, o tahasang kinakalimutan.
Naranasan nyo na rin ngayon bilang matanda ang mag-utos sa bata o sa inyong kasambahay o empleyado. Kung minsan, dahil sa maraming dahilan, kasama na rito ang medyo kabagalan, di ba’t nasasambit natin ang mga katagang: “Ako na nga! Tumabi ka nga at ako na ang gagawa!”
Hmmm … flashback tayo sa panahon ni Acaz … Medyo nagpatumpik-tumpik pa si Acaz … Ayaw daw niya humingi ng tanda sa Panginoon. Ayaw daw niya subukan pa ang Diyos upang magbigay ng isang palatandaan. Pero sa buhay, may mga bagay na hindi dapat maghintay. May mga mahahalagang bagay na hindi na dapat ipagpaliban. May mga pagkakataong ang isang bagay ay dapat nang gawin … ngayon, hindi bukas … dito, hindi saanman.
Di ba’t mahalaga ang kapakanan ng bayan ng Diyos? Di ba’t hindi dapat maghintay ang anumang ikapapanuto ng isang bayang matagal nang naglalakad sa dilim at naghihintay sa liwanag? Di ba’t may mga bagay, tulad ng MRT at LRT sa ating panahon, na hindi na dapat pag diskusyunan pa, bagkus komponihin na at ilayo ang manlalakbay sa tiyakang panganib?
Kahapon, pinag-usapan natin ang higit na mahalagang turo ng Kasulatan. Hindi ito tungkol kay Samson at kay Juan Bautista lamang, bagkus tungkol sa Diyos na tanging kaligtasan ng kanyang bayan ang gusto niyang marating.
Ito ang mahalaga. Ito ang pinaka-una. At ito ay hindi pinaghihintay, hindi ipinagpapaliban. Kung kaya’t si Isaias ay nainip, at sa ngalan ng Panginoon ay nagwika: “Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang paligid natin at ang buong buhay natin ay puno ng tanda … Nariyan ang mga No Parking Signs na wala namang sumusunod. Nariyan rin ang “no counterflow” sign, pero hindi yata ito para sa mga trisikad at mga kuliglig at mga tricycle. Nariyan rin ang “bawal magtapon ng basura dito,” pero kung saan naroon ang tanda, ay naroon ang higit na maraming basura. Nariyan rin ang senyas ng kotse kung pupunta sa kaliwa o sa kanan. Pero sa Pilipinas, kapag sumenyas ka, ang ibig sabihin noon ay bibilisan ng nasa likod mo para hindi ka makapunta sa pupuntahan mo.
Ang puno at dulo nito? … Wala halos naniniwala sa mga tanda, tulad nang wala halos na ngayon ang naniniwala sa mga survey, at mga pulong balitaan. Ang tanda, tulad ng mga tarpaulin na nagpapadilim sa EDSA, ay sobra-sobra na at wala na halos katuturan.
Ito ang mahalagang katotohanang dapat natin limiin nang mabuti ngayong Simbang Gabi. Si Acaz ay nagpatumpik-tumpik na humingi ng tanda. Pero nang dumating ang palatandaan, siya ay nakinig. Siya ay nagmuni-muni at tumigil sandali … tulad nang ginawa ng mga paham mula sa silangan, na naniwala sa tandang maliwanag na tala at naghanap nang isilang ang Hari ang mga Hari.
Sa dami-dami ng mga tanda, tunog, at patalastas na humihila sa atensyon natin, may puwang pa kaya ang ating puso at isipan upang makinig at magbulay?
Ang mga kwento ngayon ng Kasulatan ay lahat may kinalaman sa tanda, pagunita, paalaala… Dumating ang anghel kay Maria. Nagwika. Nagbitaw ng salita mula sa Diyos: “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos!”
Tumigil siya. Nagulumihanan, pero tumigil at nag-isip … at di naglaon ay nagwika rin: “Maganap nawa sa akin, ayon sa iyong wika.”
Marami na tayong hindi pinaniniwalaan ngayon. Sa dami ng balitang magkakasalungat, hindi na natin alam kung totoo nga bang maraming kolesterol ang itlog, o dapat kumain nang marami, o kung masama ang kape o nakatutulong laban sa Alzheimer’s o hindi. Tuwid ba o baluktot ang daang tinatahak ng bayan o tuwid lamang sa mga hindi kapartido, pero baluktot para sa mga kaalyado?
Diyos na ang nagwiwika sa atin ngayon. Ako na ang maghahatid ng tanda … Dapat lamang kayong tumahimik, makinig, at tumalima.
Ang Simbahan ang tanging pinagtitiwalaan ngayon ng marami. Sunod rito ang paaralan. Pinakamababa ang kongreso at senado. Siguro ay dapat nating pag-ibayuhin ang pakikinig sapagka’t pag nagturo ang Simbahan, ay wala itong hinahanap na sukli o kapalit. Hindi pakay ng Simbahan ang kumandidato o tumaas sa survey. Ang tanging pakay Niya ay maghatid ng palatandaan … at ito ang buod ng kanyang tanda: “Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Diyos ay sumasaatin. Ano pang tanda ang hanap nyo?