frchito

Archive for Nobyembre, 2015|Monthly archive page

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

In Uncategorized on Nobyembre 14, 2015 at 09:33

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unknown

Ika-33 Linggo ng Taon B

Nobyembre 15, 2015

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

Bihira na ngayon ang batang marunong kumilala ng puno. Hindi na nila alam ang kaibahan ng puno ng santol at puno ng mangga. Asa pa ba kayong masabi nila ang kaibahan sa kambing at sa tupa?

Lumaki akong nagtatanim ng sari-saring puno: kape, kakawate, chico, at mga halamang-laman tulad ng kamote, balinghoy at iba pa. Isa sa aking natutuhan ay ito … hindi komo naitanim mo na ay hahayaan mo na. Dapat kang tumingin sa mga senyas, sa mga palatandaan at kung hindi ka marunong tumingin sa mga tanda ng kalikasan ay wala kang mapapala sa iyong ipinunla. Kapag naunahan ka ng ulan bago umani, ay wala kang aanihin.

Mga senyas at tanda ang paksa ng mga pagbasa ngayon …

Ang buhay natin ngayon, sa totoo lang, ay puno ng senyas. Mahigit nang 100 ang namatay sa mga pasabog ng terorista sa Paris, Francia. Huwag na tayo lumayo sa Pilipinas. Araw-araw, panay kabuktutan, kadayaan at panlalamang ang laman ng balita. Ang mga tanda na nakikita natin ay nagtuturo lahat sa isang katotohanang hindi natin maipagkakaila.

Ang lipunan natin ay nababalot ng kasalanan. Ang kultura ng kasalanan, na nakikita sa katiwalian ay palasak na kahit saan ka magpunta: mga kalyeng nagiging paradahan lang ng sasakyan … mga bangketang nagiging barangay outposts, at mga liwasan at sementeryong nagiging bahayan. Kahit saan ka magpunta ay tila dapat mong bantayan ang kapaligiran mo sapagka’t hindi mo alam kung sino ang sunod na titira sa iyo. At wala nang lugar na pinipili ang masasamang loob – tulad ng airport at iba pa.

May mga tanda na ang bunga ay pangamba. May mga tanda na ang bunga ay paghahanda, pagsisikap, at pagpupunyagi. Depende ang lahat kung ano ang ating nababasa sa likod ng tanda.

Sa mga pagbasa ngayon, tandang maliwanag ang natutunghayan natin – mga tanda na nagtuturo sa wakas ng panahon, at sa darating na kaligtasang dulot ng Diyos.

Sa marunong bumasa, pananampalataya ang hatid. Sa marunong kumilatis, pag-asa ang bunga. Sa mga taong mababaw ang pananampalataya, takot ang namamayani.

Marunong ka bang magbasa? Sabi ng Panginoon na unawain daw natin ang aral mula sa puno ng igos.

Nababasa ba natin? Ang kanta dati ng mga Pinoy ay ito: Wala ka bang napapansin?

Wala ka ba talagang napapansin? Na palasak na sa atin ang kultura ng kasalanan? At bihasa na tayong makakita ng kasamaan at hindi na tayo natitinag sa kasamaan?

Atin sana bigyang pansin ang tanda na hatid sa atin ng mga pagbasa. “Yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning naparang tala sa kalangitan magpakailanman.”

Hindi na tayo dapat maghintay pa na dumilin ang araw, at hindi magliwanag ang buwan at magkamdahulog ang mga bituin. Marami na tayong tanda. At lahat ng ito ay tumutuon na ang paghahari ng kasalanan at kasamaan ay hindi pang magpakailanman.

Ang lahat ay tanda na ang Diyos ay tagapaglitas, at malapit na siyang dumating.

Unawain ang aral mula sa puno!

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

In Uncategorized on Nobyembre 7, 2015 at 09:57

widows-mite

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-32 Linggo ng Taon B

Nobyembre 8, 2015

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

Walang kinalaman rito ang asawa ni Babalu. Pero may babala ang Diyos sa mga taong tulad ng mga Eskriba noong araw, ay panay ang gawang baluktot – ang katumbas ng gusto kong tawaging laglag biyuda!

Inilaglag ng lipunan ang biyuda nang siya ay naging balo. Ang dati niyang katigan, ang kanyang Ama, ay wala nang pananagutan sa kanya nang siya ay nag-asawa. Pero nang mamatay ang kanyang asawa, ay tuluyan na siyang inilaglag ng lipunan.

Sa lumang tipan, wala nang mas hihirap pa sa biyuda, sa ulila, at sa wala ni kapirasong lupang puedeng sakahin.

Problema na itong malaki. Pero mas malaking problema ang dulot ng mga laglag biyuda gang na nagsasamantala sa kanila – ang mga Eskribang mahilig magdamit ng mahahaba, umupo sa mga upuang pang VIP, at kilalanin bilang VIP ng mga tulad ng mga balong wala ni isang kusing o balang puedeng ilaglag saanman.

Problema nang malaki ang pagiging mahirap. Subalit lalong malaking problema ang lamangan at lokohin o dayain ng mga taong aral at taong nasa posisyon.

Ito ang malungkot na nagaganap ngayon sa ating lipunan. Naglipana sa NAIA ang mga laglag biyuda, ang mga laglag OFW, ang mga nagsasamantala sa mga matatanda, mga lolo at lolang walang kaya, mga turistang walang alam gawin kundi magbayad na lamang ng suhol, at padala sa pangongotong ng mga tampalasang ito sa ating lipunan.

Ang mga Eskriba noong araw na binalaan ng Panginoon ay walang kaibahan sa mga laglag biyuda at laglag bala gang sa NAIA.

Malinaw ang liksiyon at aral sa araw na ito. Una, ang Diyos ay kapanig ng mga api, ng mga tinatapakan at inaalipusta. Ito ang dahilan kung bakit ang propeta ay naging daan upang makakain ang biuda sa Sarepat.

Subalit ang pagmamalasakit na ito ng Diyos ay dapat isabuhay at isakatuparan at bigyang laman o katotohanan ng mga taong nagsisikap maging tulad ng Diyos. Ito ang mga taong hindi kayang maglaglag ng kapwa at manlamang ng mga walang kamuang-muang.

Ito ang mga taong nagsisikap mamuhay nang marangal, hindi lamang nang nababalot ng yaman.

Ito ngayon ang ginagawa ng maraming taong galit na galit sa ginagawa ng iilan sa ating lipunan. Sila ay nagsisikap maging tinig ng moralidad, tinig ng nararapat at kapaki-pakinabang sa lahat.

Ito ang tanong sa atin ngayon? Aling uri tayo? Ang tampalasang laglag biyuda at laglag bala, o ang nagsisikap maging katulad ni Kristong nagbabala sa mga gawang baluktot ng mga taong mapang-api at mapanlamang?

Hala! Gumawa nang nararapat! Kumilos at manindigan at huwag nang idamay si Babalu na asawa ni Babala.

Lipulin na ang bala sa NAIA! Wakasan na ang abala at kahihiyan ng lahat.

Sundin ang turo ng dalawang biyuda … na ang tunay na mayaman ay hindi ang nagkakamal, kundi ang nagbibigay!