Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon (K)
Hunyo 19, 2016
PAGKAUHAW SA PANGINOON
Ilang beses na rin natin naranasan ang El Nino, ang kasalatan ng tubig, ang tagtuyot
na nagdadaan sa ilang bahagi ng mundo ng ilang beses makailang taon. Batid natin
ang suliraning dulot ng El Nino – ang pagkalanta ng halaman, ang kakulangan ng
tubig na sariwa, ang kainitan sa kapaligiran na wari’y nagiging tigang na disyerto
ang maraming lugar sa daigdig.
Batid rin natin kung gaano kahirap ang umasa na walang aasahan, ang maghintay sa
wala, ang humingi at hindi mapagbigyan. Marahil ay alam rin natin na ang higit na
nakararami sa lipunan natin ay wala nang anu pa mang dapat hintayin. Anim sa
sampung batang isinisilang sa Pilipinas ay hindi makakakita sa tanang buhay nila ng
isang duktor, at hindi makakatikim kailanman ng kalinga sa klinika o ospital. Sa
kabila ng mga babala at utos ng Department of Health na mag-ingat sa pagkalat ng
Swine Flu, alam ng lahat na walang kakayahan ang karamihan.
Nandiyan ang walang sabong panghugas ng kamay; nandiyan ang walang gripo o
kung may gripo man, ay walang dumadaloy na tubig. Nandiyan ang aapat na
palikuran sa libo-libong mga estudyante sa mga paaralang pampubliko. Mahaba ang
listahan natin.
Tigang na tigang ang lupa nating hinirang, ang perlas ng silanganan!
Marami tayong pangarap bilang Pinoy; maraming adhikain; maraming balakin.
Subali’t saan man tayo sumuling, iisang katotohanan ang tumatambad sa ating
paningin. Ang lahat ng antas at sulok ng lipunan ay nagmimistulang tigang na ilang
na hindi man lang dinadampian ng kaunting hamog ng pag-asa.
Pag-asa … Ito ang isa sa mga pinapaksa ng mga pagbasa. Ito ang pag-asang awit ni
Zacarias para sa atin: Magpapadaloy ako sa bahay ni David at sa mga nakatira dito
ng espiritu ng biyaya at paghiling; titingalain nila ang kanilang niyurakan, at
magluluksa sila tulad ng pagluluksa sa kanilang tanging anak na lalaki, at tatangis
sila tulad ng pagtangis para sa isang lalaking panganay.
Matalinghaga ang mga katagang ito, nguni’t hindi mahirap unawaing ito ay
tumutuon sa diwa ng pag-asa.
Ang pag-asang ito ay nagbubunsod sa isang madamdaming panalangin: Nauuhaw
ang kaluluwa ko sa Iyo, O Panginoon. Ang pagkauhaw na ito ay tinugunan ng Diyos,
ayon sa sinabi ni Pablo: Sa pamamagitan ng pananampalataya, kayo ay naging anak
ng Diyos kay Kristo Jesus.
Subali’t ang pagkauhaw na ito ay tinutugunan ng Diyos sa maraming paraan.
Nariyan ang hula ni Zacarias, at ang katuparan nito sa pagkatao at pagka Manliligtas
ni Kristong Panginoon. Nandiyan ang kaloob na kaligtasang naganap sa katauhan ng
Panginoong Jesucristo.
Nguni’t hindi kabilanin ang Diyos. Hindi ito isang one-way na daan. Mayroon din
tayo bilang tagasunod ng Panginoon na ating sariling tungkuling walang
makagagawa liban sa atin. Ang tupa ay nakikinig sa aking tinig, wika ng Panginoon;
Kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.
Sa ebanghelyo, isa pang malaking katungkulan ang naka-atang sa balikat ng disipulo
ni Kristo … Tinanong sila ng Panginoon: Sino ba ako, ayon sa mga tao? Natinag ang
mga disipulo. Nagkaripas sila ng pagbibigay ng kani-kanilang mga sagot … Subali’t
hindi mga sagot na ito ang hanap ng Panginoon. Hindi isang pagka-uhaw lamang sa
mababaw na kaalaman ang kanyang hanap. Ang hanap niya ay ang wagas, malalim,
at matimyas na pagka-uhaw sa kung sino si Kristo para sa atin; kung sino ang Diyos
para sa Kanyang bayan.
Tigang at tuyot ang daigdig na ito sa maraming bagay. Walang pag-asa kung ang
pag-uusapan ay mga suliraning bumabagabag sa atin lahat. Magulo ang mundo at
lalung higit na magulo ang tao. Tuyot sa wastong paniniwala ang maraming tao.
Nguni’t ang disipulo ni Kristo ay hindi maaaring manatili sa tagtuyot, o sa kadiliman
ng kawalang kamalayan sa pagkanaririto ng Diyos at sa kung sino Siya para sa
Kanyang bayan.
Kung kaya’t muling itinanong ni Kristo sa kanila: Nguni’t kayo …. Kayo … ano ang
sabi ninyo tungkol sa akin? Sino ako para sa inyo? At dito bumulwak ang daluyong
ng wagas na pag-asa, pagnanais, at pagka-uhaw ng tao sa Diyos: Ikaw ang Kristo ng
Diyos.
Uhaw na uhaw rin tayo sa Panginoon. Iyan ang pangaral ni San Agustin: Hindi
mapalagay ang puso namin Panginoon, at mananatili silang balisa hangga’t hindi
namin nakakamit ang kapanatagan sa Iyo, O Panginoon.
Ito ang daloy na dapat natin patuloy na pagyamanin … ito ang tanda ng pagka-uhaw
na dapat natin ding patuloy na siyasatin at bigyang-kasagutan, kahit na ito ay
nasagot na ni Kristo, kahit na ito ay nabigyang-lapat na ng Diyos na mapanligtas.