frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 17, 2012 at 15:52

Joseph_and_Mary_76-15Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 18, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

Pangatlong araw na. Puyat na marahil ang marami … pagod na. Sa maraming taon ko nang pagmimisa, alam kong sa ikatlo at ika-apat na araw, ay nangongonti ang sumisimba, liban sa mga nagpanatang tatapusin ang siyam na araw.

Magbalik-tanaw tayo. Sa unang araw, TIWALA at PANANAMPALATAYA ang ating paksa, sa kabila ng mundong tila pakawala. Kahapon, binigyang-diin natin ang diwa ng pinto ng pananampalataya. Dalawa ang sabi nating may hawak ng susing ito – ang Diyos at tayo mismo. Para mabuhay at magbunga ang pananampalataya, dapat nating buksan ang pinto ng puso at isipan natin, kung kaya’t pati ang pagsisimba ay dapat hindi lamang simbang tambay, simbang tabi, bagkus tunay na simbang gabi.

Ngayon, hindi lamang pinto ang pag-uusapan natin, kundi dalawang mahahalagang bagay tuwing magpapasko. Ang una ay ang asin.  Ang ikalawa ay ang ilaw. Ang asin at ilaw ay hindi puedeng mawala sa pasko. Ang asin ay sahog sa lahat ng ating handa sa pasko – mapa hamon, mapa spaghetti, at marami pang iba. Walang lasa ang pagkain kapag walang asin, at kung walang lasa ay halos hindi kinakain, ni pinapansin.

Ang liwanag naman ay bagay na lubha ring mahalaga. Hindi ito ang nakikita ng tao. Ang nakikita ng tao kapag may liwanag ay lahat ng naliliwanagan, hindi ang liwanag mismo. Sa madaling salita, ang lahat ay nakikita at napapansin kung magkaroon ng liwanag, pero ang liwanag mismo ay hindi natin napapansin, ni pinapahalagahan.

LASA at LIWANAG … Ito ang ating susing kataga sa ikatlong araw. Lasa … ang lasa ay patunay. Ito ang ninanamnam sa bibig. Ito ang bunga at patunay na may namamagitan sa pagkain at sa ating dila at bibig. Hindi lang patunay, kundi patibay – na nagiging dahilan upang hindi mabulok agad ang pagkain.

Nais kong imungkahi na ito ang ginampanan ni Jeremias. Siya ang nagpatibay sa pangakong darating: “Darating ang panahon,” aniya, “kung kailan magpapausbong ako ng makatarungang sanga sa angkan ni David.” Ano ba ang patunay na ang sanga ay may katuturan sa buhay natin? “Bilang hari, siya ay mamumuno at mamamahala nang may katarungan.”

Pangako itong hindi matabang, hindi malabnaw. May patunay, may patibay, may lasa at may katuturan. Lasap na lasap ni Jeremias, tulad ng salmistang nagwika: “Tikman at namnamin ang kagandahang loob ng Diyos.”

LIWANAG … may taong dilim, hindi liwanag ang dulot. Sa anumang samahan, mayroong taong kapag pumasok ay gumagaan ang puso at damdamin ng marami. Mayroon namang kapag sumama sa grupo, ay bumibigat ang damdamin ng marami … nangangamba, natatakot, nag-aatubili. Bakit? Sapagka’t wala silang kalinga, walang pag-iingat, mabigat ang mga yapak, at padalos-dalos ang paglalapat ng kanilang mga kamay. Sa Ingles, may tinatawag na “gentle presence” ang mga sikolohista. Hindi sila napapansin, o nagiging tampulan ng atensyon, ngunit, dahil sa kanila ay nakikita ng marami kung ano ang dapat mapansin at kagya’t nalalapatan ng atensyon.

Ito ang naging papel in San Jose. Banayad. Mahinahon. Mapagkalinga. Bagama’t nagduda, hindi niya iniwan si Maria. Ang kanyang pag-ibig ay tunay na may “pulp bits” ika nga. May bunga, may patunay, at lalung may patibay.

Dito ngayon papasok ang turo ni Papa Benito XVI mula sa PORTA FIDEI, o sa taon ng pananampalataya. Sabi niya, napakarami pa rin ang taong naghahanap at nag-aasam kay Kristo, sa Diyos, sa mga bagay na banal, at sa buhay na walang hanggan. Nguni’t ang suliranin ay ito … maaring ang tagapaghatid ng balita ay parang asin na wala nang lasa, parang ilaw na wala nang liwanag, walang bisa, walang tapang, at walang silbi.

Ito ang paghamon ngayon sa atin. Hindi daw katanggap-tanggap na ang asin ay mawalan ng lasa, at ang ilaw ay matago sa ilalim ng mesa. Bilang Kristiyano, tungkulin natin ang pagyamanin ang asin ng pagiging kristiyano at ang ilaw ng pagiging tagapaghatid rin ng magandang balita ng kaligtasan.

Huwag sana tayong manatili sa gilid, sa tabi, sa dilim, o sa walang sasapiting pahapyaw na pagkakilala sa ating pananampalataya. Gaya ng sinabi natin kahapon, nasa mga kamay rin natin ang susi ng pinto. Hindi kayang gawin ng Diyos ay ayaw mong gawin sa iyong ganang sariling kakayahan. God helps those who help themselves.

Bigyan nating bisa ang ating pagiging asin. Magpakita tayo ng bunga, patunay, at patibay. Bigyan nating liwanag ang ating mga ilawan. Hayaan nating ang lahat ng uri ng kadiliman ay mapawi ng liwanag ni Kristong ngayon ay nagsusumikap bumusilak sa ating pagkatao, sa ating buhay.

Hali! Pumasok na’t iwanan ang tagiliran, gilid o tabi ng simbahan. Sumali. Makilahok at makisangkot! Bilang asin, hubugin natin ang panlasa ng kapwa. Bilang liwanag, bigyan sila ng halimbawa ng kung paano ang maging patunay at patibay ng kagandahan at bisa ng magandang balita ng kaligtasan.

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

In Adviento, Homily in Tagalog, Life Journey, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 16, 2012 at 10:31

438d780358b24db04f10b1767806_grande

Ikalawang Araw ng Simbang Gabi (Taon K)

Disyembre 17, 2012

Mga Pagbasa: Gen 49:2, 8-10 / Mt 1:1-17

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

Hiniram ko ang mga katagang pabiro na ginamit ni Cardinal Tagle tungkol sa karaniwang nagaganap sa buong kapuluan. Kahapon, kay dami ang nasa simbahan. Kay rami rin, at sa katunayan, mas marami ang nasa tabihan – sa parking lot, sa devotion garden, sa ilalim ng mga puno, at kung saan madilim, liblib, o may upuan! Sa tuwing magsisimbang gabi, dumarami rin ang mga nasa simbang tabi. Sa amin sa Mendez, Cavite, ang tawag namin noon dito ay “simbang balete” – sa ilalim ng puno ng balete kapag oras na ng sermon.

Kahapon pinaksa natin ang simula ng ating pagninilay sa buong 9 na araw ng nobena … TIWALA SA GITNA NG MUNDONG TILA PAKAWALA. Sinimulan nating ipaliwanag na ang pananampalataya natin ay parang isang pinto (PORTA sa Latin), na dapat pasukin, pintong dapat buksan, mula sa loob at sa labas. Dalawa ang may hawak ng susi sa PORTA FIDEI – pinto ng pananampalataya – ikaw at ang Diyos.

Dagdagan natin sana ang ilang mga mahalagang diwa ng pintong ito. Sabi ng turo ng liham apostolika ni Papa Benito XVI, ang pintong ito ay bukas tuwina para sa atin. Puedeng puedeng pumasok sa pintuan tuwing ang Salita ng Diyos ay ipinahahayag. Pero puede ring magmatigas ng kalooban at ang mangyari ay tila baga tulad ng isang taong pumasok sa simbahan, at tuloy-tuloy palabas sa kabilang lagusan, tulad ng malimit mangyari sa ating simbahan dito.

Sa panahon natin, maraming ganito ang saloobin – papasok kunwari, pero isinasara ang puso sa patuloy na pangaral ng Dios at ng Simbahan. Ito ang katulad ng mga tao, tulad ng mga congressmen na nagsasabing “katoliko” raw sila at pro-life, pero pro abortion, pro-quality life raw, at kung ano-anong kaek-ekan. Binuksan nila ang pinto ngunit ipininid ang puso, at kinandaduhan pati mga kamay at paa sa paggawa ng tama at moral.

Puede ring mangyari na bukas na bukas ang bibig sa pagsamba sa Diyos sa tuwing magsisimba. Pero mas malaki ang bukas ng bulsa, at kung masapalpalan ng pork barrel, ay uurong na sa botohan, at kung ano-anong mga dahilan ang namumutawi sa bibig. Bukas ang pinto papasok … bukas ang bibig sa pusok … bukas rin ang bulsa sa bungkos ng salapi, at cerrado ang puso at kamay sa kabutihang hindi lamang sa kanilang ipinagmamakaingay na kabutihan ng mahihirap.

Puede ring mangyari na bukas ang bibig sa papuri, tulad ng mga katoliko diumano na nanggagalaiti sa aming mga pari dahil daw hindi namin nirerespeto ang separation between church and state. Tinanggap ang mababaw na pang-unawa sa separation … nguni’t hindi lumalim nang sapat upang malamang ang orihinal na doktrinang ito ay ginawa upang pangalagaan ang karapatan ng relihiyon, at hindi baligtad, upang hindi makapang-himasok ang relihiyon sa mga gumagawa ng batas at nagpapatakbo ng pamahalaan. Simpleng kasaysayan lang ito kapatid! Magbasa ka nang kaunti upang maliwanagan. Walang separation between Church and State kung ang usapan ay bagay moral, bagay pang buhay na walang hanggan.

May dagdag pa sana akong dapat pagnilayan tungkol sa PORTA FIDEI … Sabi ng dokumento na ang pagpasok sa pinto ng pananampalataya ay hindi minsanang gawain lamang. Ito ay isang nagpapatuloy na lakbayin.

Kawawa naman ang mga nagsasabing katoliko raw sila, pero ito ay naganap lamang noong sila ay binyagan, o pumasok sa isang mamahalin at exclusibong catholic school. Nang nagtapos ay nagtapos na rin ang kanyang lakbayin sa pananampalataya. Natutunan lamang nila magdasal nang kaunti, o magsimba, (pag may Misa) o magbigay ng kaunting “limos” sa simbahan. Walang iniwan sila sa maraming taong tuwing Linggo ay ganito ang ginagawa … Papasok sa simbahan hanggang sa may pintuan lamang … yuyuko nang kaunti … at bago matapos ang komunyon ay patakbo nang palabas. Hindi nakinig sa mga pagbasa … hindi rin nakinig sa homiliya … at lalung hindi nakibahagi sa mga panalangin at pag-awit.

Ito ang tunay na simbang tabi, na gumawa lamang ng minimum, ng pinakamaliit masabi lamang na katoliko pa rin siya. Ang pananampalataya nila ay isang bitbitin, hindi isang lakbayin.

Sa Misa natin kahapon, araw ng Linggo, mahigit isa’t kalahating beses ang mga kabataang nasa labas, nasa devotion garden, nasa parking lot, nasa tabi.

Mahaba pa ang ating lakbayin … Marami pang dapat unawain at pagnilayan …

Itong mga simbang tabi na ito kahit sa simbang gabi ang galit na galit kapag nagwika ang Simbahan nang turo na hindi angkop sa turo ng ABS-CBN, at mga jukebox journalists, at mainstream media. Ito ang madaling humusga na makaluma ang simbahan, at ang turo nila ay hindi na angkop sa modernong panahon.

Mahirap ihatid ang mga taong ayaw pumasok, at ayaw maglakbay. Mahirap hilahin ang mga taong ayaw magpaturo at ayaw magpatulong o ayaw humingi ng payo.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mahabang lakbayin ang tinahak ng angkan ni Jesucristo, mula kay Abraham hanggang kay David, mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia, at mula sa pagkatapon hanggang kay Kristo, na isinilang ng Birheng Maria, esposa ni Jose, na angkan ni David.

Ang mensahe natin sa ikalawang araw ay ito … Lakbayin ang pananampalataya. Para maganap ito, dapat kang pumasok sa loob ng pinto. Simbang gagi tayo, hindi simbang tabi. At kami naman ay ito ang wika … TULOY PO KAYO … TAYO NA AT MATUTO … TAYO NA AT PATULOY NA MAG-ARAL AT MANAGANA SA KANYANG PANGAKO … Maghahari ang katarungan at ang kaganapan ng kapayapaan magpasawalang hanggan! Saan pa kayo?