frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Jeremias, Tagalog Homily on Nobyembre 30, 2012 at 18:35

jeremiah-michelangeloiUnang Linggo ng Adbiyento (Taon K)

Disyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Jer 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12-4:2 / Lc 21:25-28, 34-36

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

Dama nyo ba ang pinapasan ni Jeremias? Hindi ko masasabing damang dama ko, pero sa pakiwari ko’y may konti akong pakiramdam. Mahirap ngayon ang manindigan, di ba? Ang daming kontra … ang daming maraming alam, at sa dami ng mga nasa cyberspace ngayon, na kanya-kanyang mga alyas at avatar, mas madali ngayon ang manira, ang sumalungat, ang bumatikos. Pati ba naman ang canonisasyon ni San Pedro Calungsod ay binabatikos ng mga taong antemano ay may kimkim na galit sa ating mga Katoliko.

Pero tingnan nating mabuti. Ang pinagdaanan ng mga Israelita na mapatapon sa Babilonia ay karanasang hindi natin pa nararanasan. Ito ang pinagdaanan ni Jeremias, na hindi nagkulang ng paalaala sa kanyang mga katoto na magbalik-loob sa Diyos.

Nguni’t naganap nga ang siyang naganap, dahil sa kabuktutan ng tao, at pagkamasuwayin. Nagkasala sila ng paulit-ulit, at sila’y ipinatapon sa lupaing banyaga, sa ilalim ng mga taong walang pagkilala sa tunay na Diyos. Ewan ko kung ano pakahulugan ninyo dito, pero sa ganang akin, ito ay isang paghamong walang katulad, ang mayurakan ang kasarinlan, at matapakan ang pinagpipitagang pananampalataya.

Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, sa loob ng 40 taong darating, ang Pilipinas ay hindi na malalayo sa tayo ng Espana at Italya at Kanlurang Europa ngayon – halos walang Diyos, walang pananampalataya, at walang pitagan sa Maylikha. Marami sa mga kabataan ngayon ay nagsisimba (daw) lamang sa labas ng simbahan, at hindi nila binibitawan ang cellphone. Wala nang nakikinig sa aming mga pari, at lalung hindi sa mga obispo. Hirap kaming ipaliwanag ang mayamang pangaral ng simbahan, pangaral na lubha nilang kinakailangan upang mapalapit sa Diyos.

Tuyot na tuyot ang pangitaing hinaharap natin ngayon. Nakapanlulumo. Nakalulungkot, at kapanga-pangamba.

Subali’t ang taon ng Simbahan ay patuloy na nagpapaalala sa atin. Sa tuwing sasapit ang Adbiyento, muling binubuhay sa puso natin at kaisipan ang hibla ng pag-asa, at himig ng katuparan. Di ba’t ito ang mga katagang binanggit ni Jeremias, na kamakailan lamang ay nasabi nating lubusan nang nanghinawa at pinanawan ng pag-asa? Darating daw ang araw, kung kailan tutuparin ang pangako ng Diyos. Darating rin ang araw kung kailan pasisibulin ang matuwid na sanga ni David. Di lamang ito, paiiralin din daw niya ang katarungan at katuwiran.

Ito ay mga salitang puno ng pangako at lalung puno ng pag-asa.

Ito ang pag-asang natupad, natutupad, at muli pang matutupad sa pagdating ng panahon.

Natutupad nga ba?

Bakit hindi? Habang sinusulat ko ito, nanonood ako sa livestream ng Misa sa Cebu, bilang pagpapasalamat sa Diyos sa karangalang ipinagkaloob kay San Pedro Calungsod. Buhay pa rin kahit papaano ang pananampalataya! Libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa Misa, at sa iba pang pagdiriwang sa kanyang karangalan. Ilang mga maysakit ang sa kabila ng paghihirap ay patuloy na umaasa at tumitingala sa langit, na wari baga’y ipinagpapasa Diyos na ang lahat, lalu na ang kanilang paghihirap!

Ito ang katotohanang hatid sa atin ng mga pagbasa – Diyos na mismo ang “magpapalakas ng ating loob” at tayo ay may kakayahang “manatiling banal at walang kapintasan.”

Ako man ay personal na nagdaan sa iba-ibang uri ng pagsubok. Nagtampo rin ako sa Diyos lalu na’t alam kong ang pagdurusang sinapit ko ay hindi dahil sa anumang masama at maitim kong balak, kundi galing sa makataong inggit at kakulangan lamang ng pagkakaintindihan.

Ito ang malinaw na turo sa atin sa araw na ito. Dumating man ang mga tanda, sumapit man ang anumang mga nakasisindak na signos o mga tanda mula sa kalawakan, ay nananatili ang katotohanang ito … at wala nang iba:

TUTUPARIN KO ANG PANGAKO, PASISIBULIN KO ANG MATUWID NA SANGA NI DAVID, AT PAIIRALIN KO ANG KATARUNGAN AT KATUWIRAN.

Meron pa bang hahalaga pa kaysa rito? Meron pa bang dapat hanapin pa? Tanging Siya lamang … Tanging Diyos lamang … Purihin nawa ang kanyang ngalan!

MAGLILIHI, MANGANGANAK, AT TATAWAGIN!

In Adviento, Catholic Homily, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 19, 2011 at 10:19

Ikalimang Araw ng Simbang Gabi(B)
Disyembre 20, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 /Lucas 1:26-38

MAGLILIHI, MANGANGANAK, AT TATAWAGIN!

Ayaw natin ng anumang bitin … Gusto natin ay todo-todo, kompleto, hindi isang bagay na iniiwan kang naglalaway pa at umaasa pa ng higit pa. Noong bago pa ang Jollibee, hindi bitin ang bawa’t order mo. Malaki ang balot ng kanin, (na kalimitan nuon ay hindi nauubos ng mga bata), at hindi tinitipid ang gravy. Ngayon, parang dadalawang subo na lamang ang kanin, at ang hamburger nila ay parang dadalawang kagat lamang.

Iyan ang dahilan kung bakit nauso ang UNLI rice … pinauso ni Mang Inasal, na ngayon ay pag-aari na rin ng makapangyarihang bubuyog na nakausli ang puwet. Lahat ng UNLI ay kumikita, sa kadahilanan ngang ayaw natin ng anumang bitin o kulang.

Ayaw rin natin ng mga kwentong alanganin ang wakas, yung mga nobelang ang katapusan ay nakabitin sa ere, nakayangyang sa alanganin, at ang nanunuod ang dapat gumawa ng kanyang sariling katapusan. Wala na sa uso ang komiks noong araw na “wakasan” – walang “itutuloy” na nakakabitin.

Ayaw natin ng mga proyektong hindi tapos … mga kalsadang sinimulan ngunit walang siguradong pagwawakas. Sa Bohol, may isang tourist attraction, sa Loboc … isang tulay na tinutumbok ang isang lumang simbahan na kung natapos ay sana’y nawala na sa mapa ang matanda at mayaman sa kulturang simbahan. Bitin na bitin … isang malinaw na palatandaan ng katiwaliang umaalingawngaw at hindi maikukubli.

Ayaw natin ng anumang kaunti na lamang sana ay tapos na. Kay raming mga nagsimulang mag master’s studies at doctoral studies … Karamihan sa kanila ay natapos lamang ang academics, pero walang thesis o dissertation. Ang kanilang degree? ABD … anything but dissertation! Ito ang tunay na bitin … puro simula, walang katapusan. Isang proyektong nabuksan, nguni’t hindi nasaraduhan. Isang mithiing sinimulan, nguni’t walang katapusan, walang “closure,” sabi nga natin sa Ingles.

Pues, tingnan natin ang kwento tungkol sa simula, o sa bukang liwayway ng kaligtasan … isang kwentong may simula at may kaganapan! Di ba’t ang Diyos mismo ang nagsabi na siya ay ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas? Di ba’t sa bawa’t bukang liwayway ay may takipsilim, at sa bawa’t paggising ay may pagtulog, at sa bawa’t simulaing taludtod ay may panghuling saknong? sa bawa’t tula, sa bawa’t awit, sa bawa’t himig, may umpisa at may tapos …

Di ba’t sa bawa’t maikling kwento na may kilos pataas, ay may kilos pababa (rising action and denouement?) Hindi bitin … hindi kapos … kundi taos, tapos, at lubos!

Ito ang pangakong binitiwan ng Panginoon sa pamamagitan ni Acaz – “Ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”

May simula – maglilihi. May gitna – manganganak. At may wakas – tatawagin siyang Emmanuel. Tuluyan, hindi ginitlian. Hindi pinigilan. Hindi tinutulan, at hindi pinagtaksilan ang batang ipinaglihi!

Magulo ang lipunan natin. Sapin-sapin at susun-suson ang suliranin. Di pa man natatapos ang marami, bigla namang naulit ang Ormoc, ang Ondoy, ang Pepeng, at ngayon ang Sendong. Paulit-ulit. Di na tayo natuto. Di na tayo nakabatid at nakatanda. Matapos rumagasa ang tubig mula sa bundok sa Tanay, at sa buong Sierra Madre, na ikinamatay ng napakarami noong Ondoy at Pepeng, heto na naman, sa Mindanao naman.

Nguni’t isa lamang ito sa mga problemang hinaharap natin. Ang isa na mas masahol, sapagka’t isang problemang moral ay walang iba kundi ito – ang pagpigil sa isang tuluyang kwento ng buhay ng maraming bata dahil sa balak na RH law. Simula pa lamang ay tepok na ang bata. Sa paglilihi pa lamang ay tigok na ang mga walang kamuang-muang. Kung sa paglilihi pa lamang ay binitin na at pinuksa na, paano pa kaya ang kasunod nito – ang panganganak? Paano pa kaya ang normal na katapusan ng kwento ng isang buhay, tulad nyo at tulad ko – ang mabigyan ng ngalan? Tulad ng tinawag na Emmanuel – ang Diyos ay sumasaatin?

Hindi na para sa atin ang pagsikapang maghanap ng masisisi sa trahedyang ito. Lahat tayo ay bahagi nito. Lahat tayo ay kasama nito. Tayong lahat ay mga taong pag minsan ay hadlang kumitil, handang sumiil, at handang pumigil sa paggawa ng mabuti. Tayo’y mga taong masakalanan, makasarili, at mapagkait.

Handa tayong kitlin ang buhay na hindi pa isinisilang upang ituloy ang sarili nating kwento ng pagpapasasa, at paghahanap sa sariling ikagiginhawa. Kwento lamang natin ngayon at dito ang may simula, may gitna, at may katapusan.

Ngayon pa man, dagsa na ang sisihan dahil sa trahedya. Sa mga sisihang ito, hindi napapansin ang mga tampalasang walang puknat na sumisila at naninira ng kalikasan, lalu na ng mga kabubatan at kabundukan. Sanay sila magtago. Sanay sila magkunwari. Nguni’t alam ng lahat, na wala nang natitira halos na gubat sa bayan natin, at pati mga bundok ay napatituluhan ng mga tonggresista at mga governator na walang alam kundi ang manira ng kalikasan para magkapera sila sa sunod na eleksyon, para sa kanilang sarili o sa mga anak, o sa mga apo hanggang sa mga apo sa tuhod. Sila lamang ang hindi bitin. Laging sagana. Laging kompleto. Panay labis at walang kulang. Sa maraming pagkakataon, parang sila lamang ang may karapatang “maglingkod sa bayan,” diumano.

Ang tanging ni walang simula ay mga batang ipinaglihi, nguni’t hindi kailanman ipanganganak sapagka’t labag sa “kalusugan ng nanay,” at lalung hindi mabibigyan ng pangalan.

Matindi ang pagkamakasalanan ng ating bayan. Nakasusuklam. Nakaririmarim. Sana’y sa ikalimang araw na ito ng Simbang Gabi, habang daan-daang libo ang tumatangis at naghihirap sa CDO, sa Iligan, at sa iba pang lugar sa Mindanao, ay matuto tayong magpasya na hindi payagan ang pag-aasal bitin, ang gawaing kitlin ang buhay, hindi pa man nabigyang pansin ng taong ang inuuna ay sarili, sa ngalan ng “kalusugan” at ang hinihingi (at binabayaran) ng mga banyagang makikinabang sa dambuhalang programang ito.

Hayaan nating ang Diyos ang siyang magpasya sa buhay, yamang Siya ang Diyos ng buhay at may akda ng buhay.

Halimbawang tumataginting ang isang dalagang nanganak sa pagkadalaga kumbaga, galing sa Espiritu Santo. May dahilan siya upang putulin rin ang kwento ng kanyang anak, kitlin, kundi man ang kanyang buhay, at pigilin ang katuparan ng balak ng Diyos. Nguni’t hindi. Naglihi siya. Nanganak siya. At pinangalanan ang anak niya bilang Emmanuel – ang Diyos na sumasaatin. May simula. May gitna. At may katuparan!