frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2011 at 07:10

Simbang Gabi, Ika-apat na Araw
Disyembre 19, 2011

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7.24-25 / Lucas 1:5-25

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

Maraming tao ang naantig ang puso at damdamin sa isang video na nagpatanyag kay Lola Cevera, isang palimos na araw-araw nagtutulak ng kanyang kariton at nabubuhay sa kusang anumang ibigay ng sinumang makapansin sa kanya. Sa loob ng ilang araw, parang isang matinding mikrobyo o virus sa facebook ang video na naipaskil tungkol kay Lola.

Tunay na kalugud-lugod sa paningin, bagama’t nakapanlulumo nating isipin at limiin. Matay nating isipin, ilang daan, ilang libo kayang Lola Cevera ang naglipana sa mga lansangan, na tulad niya, ay kailangang hindi lang kaawaan, bagkus tulungan? Ilan kayang matanda na dapat sana ay nagpapalubog na lamang ng araw sa katahimikan at konting luho, ang nagkakayod pa rin, sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos?

Nakapanlulumong isipin … nakatatakot mabatid at malaman natin. Ang totoo kung minsan ay hindi lang masakit … mapanuot rin, at mapagsuri … tumitimo, hindi lang sa puso, kundi pati sa kalamnan at kasu-kasuan ng taong handang humarap sa totoo.

Panalangin kong ang bayan natin ay makapansin, hindi lamang kay Lola Cevera, kundi, pati sa lahat na ikinakatawan ng kahinaan, kawalang-kaya, at kasalatan ni Lola Cevera.

Tumbukin natin agad ang masakit na katotohanan … dalawang uri ng tao ang mahina, walang kaya, at walang kalaban-laban sa mga malalakas, matitikas, matipuno, at walang pansin sa tunay na kahalagahan ng tao – ang matatanda (tulad ni Lola Cevera) at ang mga bata, lalu na ang hindi pa isinisilang!

Pero tingnan muna natin ang kwento ng ebanghelyo. Tinutumbok nito ang dalawang matanda, na nagpapalubog na ng araw … si Zacarias at si Elisabet. Dapat sa dalawa ay naka-upo na lamang sa tumba-tumba, habang nanonood sa pagdaloy ng panahon at pagtakbo ng mga nagaganap sa kapaligiran. Dapat silang dalawa ay wala nang inaalala, wala nang pinoproblema, at wala nang dapat pang alagaan at panagutan.

Pero, ibahin natin ang mga taong “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” Ibahin natin ang taong may takot sa Diyos. Ibahin natin ang dalawang matandang, mayroong tunay na pinagtandaan, at tunay na may pananagutan.

Bagama’t matanda, sila ay may dangal at pananagutan, may pinanghahawakan … may tinutupad at pinaglilingkuran, … may pagpapahalagang pinangangalagaan.

Dalawa silang matanda na hindi lang matandang walang silbi. Ayon kay Lucas, hindi lamang sila “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kundi namumuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

At ito ay hindi lamang isang press release o pakawalang scoop sa mass media. Hindi lamang ito isang viral video na dahil sa isang may kayang nagpaskil ng video, ay natanghal at nakilala ng balana.

Tingnan natin kung ano ang kanilang ginawa. Inatangan pa sila ng Diyos ng isang pananagutan. Naglihi si Elisabet sa kanyang katandaan. Naging abalang ama si Zacarias sa kanyang kahinaan. Sa kanilang dapat sana’y panahon na ng pamamahinga, muli pa silang tinawagan ng Diyos, muli pang inaasahan, muli pang inatangan ng pananagutan – ang maging ama at ina ni Juan Bautista.

Paano na lang ang kanilang retirement? Paano na lang ang kanilang inipong pera sa bangko? Paano na lang kanilang pangarap na makabili ng condominium sa tabing dagat, sa Nasugbu, o sa Palawan kaya? Paano na lang ang inaasam sana nilang pagpapasasa sa sarili, tutal sila naman ay retirado na? at nakapangahoy na kumbaga?

Paano na lamang ang pag-aalaga ng isang bagong “asungot” sa buhay? Paano kaya nila itataguyod ang isang batang kailangan pasusuhin, kailangang arugain, kailangan paramitin at pakainin at pag-aralin? Ang lahat ng mga tanong na ito ay hindi biro, hindi isang nakatatawang pansing video, na matapos mapanood ay wala nang kinalaman sa buhay ng nakakita!

Ang mga pangambang ito ay walang iniwan sa pangamba ngayon ng mga tao, kung kaya’t sang-ayon silang kitlin ang bawat buhay na nabubuo sa sinapupunan … sobrang dami na raw ang tao, sobrang dami na raw ang mahirap, sobrang dami na ang nag-aagawan sa yaman ng mundo, at dapat pigilin na ang tao sa pag-aanak at pagpaparami. Hindi tamang sila ay lumabas at mabasa at baka dumaming parang gremlins.

Isipin natin sandali … Kung si Zacarias kaya’y nakinig sa Senate investigation, o nakinig sa mga maka-kaliwang mga mambabatas, o sa mga madadamot at masisibang makapangyarihan na ayaw ibahagi ang kanilang yaman, matutuloy kaya ang drama ng kaligtasan? May dahilan ba kaya tayong magtipon tuwing simbang gabi at patuloy na umasa?

Dalawang bagay ang malinaw na liksiyon ng matandang tulad ni Lola Cevera, Zacarias at Elizabet, at ng mga walang kayang musmos, o batang nabubuo pa lamang sa sinapupunan … pawa silang mahalaga sa Diyos. Kalugud-lugod sila sa paningin ng Diyos. Nguni’t may ikalawang dapat tayong bigyang pansin … hindi sapat ang pa-cute … hindi sapat ang puro porma, at grandstanding tuwing Senate investigation o kampanya tuwing eleksyon … hindi sapat na kalugud-lugod tayo sa paningin ng tao. Dapat rin tayong kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, at higit sa lahat, tulad ni Zacarias at Elizabet, na sa halip na maupo na lamang sa balconahe at uuga-uga sa tumba-tumba, ay nagbanat-buto pa, nagsikap pa, at nakipagtulungan pa sa Diyos, at namuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

Halina! Bumangon at gumising. Bata man, matanda, buhay na o binubuo pa sa tiyan, o uugud-ugod nang tulad ni Lola Cevera, ang lahat ay tinatawagan sa buhay na mahalaga at hindi natutumbasan ng anumang makamundong bagay na labag sa utos at tuntunin mula sa Panginoon.

MAGANAP NAWA, AYON SA IYONG WIKA!

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2011 at 08:49

Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (B)

Disyembre 18, 2011

 

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lu 1: 26-38

 

N.B. Ito ay alternatibong pagninilay liban sa naipaskil ko nang pagninilay para sa ika-4 na Linggo ng Adbiyento. Ang pagbasa, maging sa Misa sa madaling araw, ayon sa batas liturhiko, ay nararapat halaw sa ika-apat na Linggo ng panahon ng Pagdating (Adbiyento).

 

Malimit natin marinig at gamitin ang salitang “harinawa!” Pag may nabanggit ang kausap natin na gusto natin, na siyang inaasam rin natin, ang ating sagot tuwina, ay “Harinawa!” Mangyari sana! Maganap sana! Magkatotoo sana ayon ang iyong sinabi! Magdilang anghel ka sana! Sana nga!

 Ang lahat ng ito ay kataga ng pag-asa, salitang tumutuon sa anumang ating pithaya o sanghaya sa ngayon. Maari itong maging isang panalangin … isang panambit ng pusong nag-aasam, naghihintay, umaasa, at nag-aabang!

 Nguni’t ito rin ay maaring maunawaan na isang pagtatalaga ng sarili, ang pagkakaloob ng sarili sa isang hangarin na maari namang hindi natin lubos na gusto, ganap na nauunawaan, o hindi natin tahasang maarok, matanggap, o lubos na makursunadahan. Kung gayon, ito ay isang katagang pumapawi sa agam-agam, sa pangamba, at sa pagdududa.

 Pero may isa pang posibleng kahulugan ito … Ang “harinawa” ay maaaring katumbas sa pag-ayon, pakikibagay sa isang panagimpang sa wari natin ay tila walang kahulugan, nguni’t, sa kabila ng ating pangamba, ay atin namang maluwag na tinatanggap at sinasang-ayunan, sapagka’t hindi na mababaw na paniniwala ang tangan natin, kundi matimyas na pananampalataya!

 May katotohanan sa mungkahing ang pananampalataya ay may kinalaman rin, kahit papaano, sa salitang “taya.” (wager sa Ingles). Ang sinumang tumataya ay hindi gumagawa nito dahil sa alam niya at sigurado siya sa kanyang tinatayaan. Ang sinumang “nagtataya” ng panahon, ay nagkakaloob lamang ng tinatawag nating edukadong panghuhula, (educated guess), isang pagsasabi, batay sa alam sa kasalukuyan ng agham, sa kung anong uring panahon ang mararanasan natin.

 Sa ganitong pagtataya, hindi na ang kaalaman natin ang inaasahan natin, kundi, umaasa tayo, na may higit na maalam kaysa sa atin upang gumawa ng matalino at kapani-paniwalang pagtatantiya (pagtataya) ng kung ano ang puedeng maganap.

 Nais kong isipin na sa araw na ito, ikatlo ng Simbang Gabi, isa sa tema na dapat natin ngayong pagnilayan ay may kinalaman sa halimbawa ni Maria, ang nagsabing “harinawa!” Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Ito para sa akin ay ang halimbawa ng pagtataya batay sa pananampalataya… ang paglalagak ng kanyang paniniwala, hindi sapagka’t tiyak siya sa magaganap, o hindi sapagka’t naunawaan niya ang sinabi ng anghel, bagkus bagama’t hindi niya nauunawaan, ay nagkaloob ng kanyang buong-buong pagtitiwala sa salita ng sugo ng Diyos.

 Marami rin tayong hindi maunawaan sa buhay natin ngayon. Hindi ko maunawaan kung ano ang balak ng Diyos at patuloy ang paglago ng persekusyon laban sa mga kristiano sa maraming lugar sa daigdig. Hindi ko maunawaan bakit kay raming taong, sa kahahilanang hindi sila naniniwala kay Kristo, ay muhing muhi sila sa mga taong nagdiriwang ng Pasko, at bumabati ng “Maligayang Pasko.” Hindi ko maunawaan, kung bakit sa kabila ng lahat ng ginawa na natin, patuloy pa rin ang gulo at sapawan at bintangan at parusahan at gantihan sa ating buhay politica dito sa bayan natin. Hindi ko maintindihan kung bakit ang pinakamalaking bayang kristiano sa Asia, ang siyang pinaka puno ng katiwalian, kadayaan, katakawan, at pagsasamantala sa kapwa, saan mang antas ng lipunan.

 Pumunta tayo sa Simbahang ito na puno ng mga katanungan, tigib ng pangamba, at balot ng pagdududa. Marami tayong mga agam-agam at iba pang bumabagabag sa damdamin natin.

 Tulad ng mga sinabi ko na sa aking panulat, ang bawa’t paglapit natin sa Eukaristiya ay isang pagpapalago, pagsasabuhay, at pagpapalalim ng kung ano ang ating binigyang “taya” sa buhay natin. Ano nga ba?

 Mayroong ang kanilang tiwala ay nasa pera at yaman. Iyan ang dahilan kung bakit walang patid ang taya nila sa Lotto …

 Mayroong ang kanilang pag-asa ay nasa mga politico … Iyan ang dahilan kung bakit ang tinatayaan nila tuwing eleksyon ay iyong namimigay ng pera, ng bigas, at ng patong-patong na mga pangakong wala ni isa man ang nagaganap.

 Mayroong rin namang nawalan na ng tiwala sa anumang pagtataya … Wala na silang paki-alam at pakikisangkot sa lipunan … Nagsawa nang maniwala … nagsawa nang maghintay … at wala nang tinatayaan kundi kung ano ang mangyayari sa kanilang paboritong artista, o kung ano ang sunod na kabanata sa kanilang paboritong telenobela. Ang tinatayaan nila ay ang takbo ng buhay ng mga mag-syotang artistang biglang naghihiwalay, at sisikapin nila at sisikaping malaman kung ano ang namagitan sa paghihiwalay ni Piolo at ni KC.

 Marami ay nawalan na ng hibla ng pag-asa. Sa halip na “harinawa” ang kanilang bukambibig ay “bahala na… bayaan mo na … hayaan mo na silang mag-away sa itaas … wala akong pakialam kung magbangayan ang judicatura at ang ejecutivo … wala akong paki-alam kung mapasa man o hindi ang RH bill …  Wala na akong anumang tinatayaan sa buhay!”

 Isipin nyo nga sandali! … Kung ang dalagang kinausap ng anghel ay nagwalang bahala, nagwala, at nagsabing “bahala kayo sa buhay nyo,” magaganap kaya ang lahat ng pinanghahawakan nating katiyakan? Kung si Maria kaya ay hindi nagtaya ng sarili, hindi umasa, at hindi nagkaloob ng isang malalim na pagtugon sa paanyayang hindi niya lubos na nauwaan, may dahilan kayo tayong magtipon dito sa umagang ito?

 Malaki ang bunga ng pagwawalang bahala, tulad na malaki rin ang kahihinatnan ng pagwawalang hiya sa lipunan! Malaki ang epekto ng pagwawala at pagiging pakawala. Nada … zero … niente … nil …

 Nagtaya si Maria ng sarili … Bunga? Pinuno siya ng grasya … Nagbunga nang masagana, sapagka’t siya ay naniwala, nanampalataya, at nagtaya ng buhay at lahat lahat sa kanyang sinabing ngayon ay dapat rin nating dasalin: “Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Fiat voluntas tua! Adveniat regnum tuum! Fiat mihi secundum verbum tuum!

 Pagtataya! Pagtatalaga ng sarili. Pagkakaloob ng kaganapan ng pagkatao … Sa Diyos … na tanging siyang may kaya upang maganap ang kanyang sinabi. Maganap nawa ang ating pag-asa, ayon sa kanyang wika, sa kanyang panahon, sa kanyang pamamaraan!