frchito

Archive for the ‘Arkanghel Gabriel’ Category

MAGANAP NAWA, AYON SA IYONG WIKA!

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2011 at 08:49

Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (B)

Disyembre 18, 2011

 

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lu 1: 26-38

 

N.B. Ito ay alternatibong pagninilay liban sa naipaskil ko nang pagninilay para sa ika-4 na Linggo ng Adbiyento. Ang pagbasa, maging sa Misa sa madaling araw, ayon sa batas liturhiko, ay nararapat halaw sa ika-apat na Linggo ng panahon ng Pagdating (Adbiyento).

 

Malimit natin marinig at gamitin ang salitang “harinawa!” Pag may nabanggit ang kausap natin na gusto natin, na siyang inaasam rin natin, ang ating sagot tuwina, ay “Harinawa!” Mangyari sana! Maganap sana! Magkatotoo sana ayon ang iyong sinabi! Magdilang anghel ka sana! Sana nga!

 Ang lahat ng ito ay kataga ng pag-asa, salitang tumutuon sa anumang ating pithaya o sanghaya sa ngayon. Maari itong maging isang panalangin … isang panambit ng pusong nag-aasam, naghihintay, umaasa, at nag-aabang!

 Nguni’t ito rin ay maaring maunawaan na isang pagtatalaga ng sarili, ang pagkakaloob ng sarili sa isang hangarin na maari namang hindi natin lubos na gusto, ganap na nauunawaan, o hindi natin tahasang maarok, matanggap, o lubos na makursunadahan. Kung gayon, ito ay isang katagang pumapawi sa agam-agam, sa pangamba, at sa pagdududa.

 Pero may isa pang posibleng kahulugan ito … Ang “harinawa” ay maaaring katumbas sa pag-ayon, pakikibagay sa isang panagimpang sa wari natin ay tila walang kahulugan, nguni’t, sa kabila ng ating pangamba, ay atin namang maluwag na tinatanggap at sinasang-ayunan, sapagka’t hindi na mababaw na paniniwala ang tangan natin, kundi matimyas na pananampalataya!

 May katotohanan sa mungkahing ang pananampalataya ay may kinalaman rin, kahit papaano, sa salitang “taya.” (wager sa Ingles). Ang sinumang tumataya ay hindi gumagawa nito dahil sa alam niya at sigurado siya sa kanyang tinatayaan. Ang sinumang “nagtataya” ng panahon, ay nagkakaloob lamang ng tinatawag nating edukadong panghuhula, (educated guess), isang pagsasabi, batay sa alam sa kasalukuyan ng agham, sa kung anong uring panahon ang mararanasan natin.

 Sa ganitong pagtataya, hindi na ang kaalaman natin ang inaasahan natin, kundi, umaasa tayo, na may higit na maalam kaysa sa atin upang gumawa ng matalino at kapani-paniwalang pagtatantiya (pagtataya) ng kung ano ang puedeng maganap.

 Nais kong isipin na sa araw na ito, ikatlo ng Simbang Gabi, isa sa tema na dapat natin ngayong pagnilayan ay may kinalaman sa halimbawa ni Maria, ang nagsabing “harinawa!” Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Ito para sa akin ay ang halimbawa ng pagtataya batay sa pananampalataya… ang paglalagak ng kanyang paniniwala, hindi sapagka’t tiyak siya sa magaganap, o hindi sapagka’t naunawaan niya ang sinabi ng anghel, bagkus bagama’t hindi niya nauunawaan, ay nagkaloob ng kanyang buong-buong pagtitiwala sa salita ng sugo ng Diyos.

 Marami rin tayong hindi maunawaan sa buhay natin ngayon. Hindi ko maunawaan kung ano ang balak ng Diyos at patuloy ang paglago ng persekusyon laban sa mga kristiano sa maraming lugar sa daigdig. Hindi ko maunawaan bakit kay raming taong, sa kahahilanang hindi sila naniniwala kay Kristo, ay muhing muhi sila sa mga taong nagdiriwang ng Pasko, at bumabati ng “Maligayang Pasko.” Hindi ko maunawaan, kung bakit sa kabila ng lahat ng ginawa na natin, patuloy pa rin ang gulo at sapawan at bintangan at parusahan at gantihan sa ating buhay politica dito sa bayan natin. Hindi ko maintindihan kung bakit ang pinakamalaking bayang kristiano sa Asia, ang siyang pinaka puno ng katiwalian, kadayaan, katakawan, at pagsasamantala sa kapwa, saan mang antas ng lipunan.

 Pumunta tayo sa Simbahang ito na puno ng mga katanungan, tigib ng pangamba, at balot ng pagdududa. Marami tayong mga agam-agam at iba pang bumabagabag sa damdamin natin.

 Tulad ng mga sinabi ko na sa aking panulat, ang bawa’t paglapit natin sa Eukaristiya ay isang pagpapalago, pagsasabuhay, at pagpapalalim ng kung ano ang ating binigyang “taya” sa buhay natin. Ano nga ba?

 Mayroong ang kanilang tiwala ay nasa pera at yaman. Iyan ang dahilan kung bakit walang patid ang taya nila sa Lotto …

 Mayroong ang kanilang pag-asa ay nasa mga politico … Iyan ang dahilan kung bakit ang tinatayaan nila tuwing eleksyon ay iyong namimigay ng pera, ng bigas, at ng patong-patong na mga pangakong wala ni isa man ang nagaganap.

 Mayroong rin namang nawalan na ng tiwala sa anumang pagtataya … Wala na silang paki-alam at pakikisangkot sa lipunan … Nagsawa nang maniwala … nagsawa nang maghintay … at wala nang tinatayaan kundi kung ano ang mangyayari sa kanilang paboritong artista, o kung ano ang sunod na kabanata sa kanilang paboritong telenobela. Ang tinatayaan nila ay ang takbo ng buhay ng mga mag-syotang artistang biglang naghihiwalay, at sisikapin nila at sisikaping malaman kung ano ang namagitan sa paghihiwalay ni Piolo at ni KC.

 Marami ay nawalan na ng hibla ng pag-asa. Sa halip na “harinawa” ang kanilang bukambibig ay “bahala na… bayaan mo na … hayaan mo na silang mag-away sa itaas … wala akong pakialam kung magbangayan ang judicatura at ang ejecutivo … wala akong paki-alam kung mapasa man o hindi ang RH bill …  Wala na akong anumang tinatayaan sa buhay!”

 Isipin nyo nga sandali! … Kung ang dalagang kinausap ng anghel ay nagwalang bahala, nagwala, at nagsabing “bahala kayo sa buhay nyo,” magaganap kaya ang lahat ng pinanghahawakan nating katiyakan? Kung si Maria kaya ay hindi nagtaya ng sarili, hindi umasa, at hindi nagkaloob ng isang malalim na pagtugon sa paanyayang hindi niya lubos na nauwaan, may dahilan kayo tayong magtipon dito sa umagang ito?

 Malaki ang bunga ng pagwawalang bahala, tulad na malaki rin ang kahihinatnan ng pagwawalang hiya sa lipunan! Malaki ang epekto ng pagwawala at pagiging pakawala. Nada … zero … niente … nil …

 Nagtaya si Maria ng sarili … Bunga? Pinuno siya ng grasya … Nagbunga nang masagana, sapagka’t siya ay naniwala, nanampalataya, at nagtaya ng buhay at lahat lahat sa kanyang sinabing ngayon ay dapat rin nating dasalin: “Maganap nawa ayon sa iyong wika!”

 Fiat voluntas tua! Adveniat regnum tuum! Fiat mihi secundum verbum tuum!

 Pagtataya! Pagtatalaga ng sarili. Pagkakaloob ng kaganapan ng pagkatao … Sa Diyos … na tanging siyang may kaya upang maganap ang kanyang sinabi. Maganap nawa ang ating pag-asa, ayon sa kanyang wika, sa kanyang panahon, sa kanyang pamamaraan!

MAPALAD KA, SAPAGKA’T NANALIG KA

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 18, 2009 at 17:46

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Ika-4 na Linggo ng Pagdating (Adviento) – Taon K
Diciembre 20, 2009

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

Kakaiba ang sukatan ng tao ngayon sa pagiging mapalad. Mapalad ang malapad ang papel sa lipunan … ang mga may tangang kapangyarihan, ang mga namumuno at naghahari. Isa ito sa pangunahing sukatan. Mapalad rin ang may malalapad na lupain … ang mga nahirati sa malalawak na tirahan na walang kapit-bahay, walang karibal, walang kasabay sa mga gawaing may kinalaman sa pagiging ordinaryong tao.

Panukat ng kapalaran ang mga bagay na nahihipo, nabibilang, nasusukat at naiipon. Nguni’t ito nga lamang ba ang palatandaan ng kapalaran? Tingnan natin ang mga pagbasa …

Hindi malaking bayan ang Efrata. Mismong si Miqueas na ang nagsabi: “Betlehem Efrata, bagama’t pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang maghahari sa Israel.” Hindi rin marami ang mga nalabi sa Israel. Nguni’t malaki at matayog ang pangakong patungkol sa kanila. Kahit na sila ay mapapasa kamay ng mga kaaway, magbabalik ang mga nalabi sa bayang Israel matapos isilang sanggol na pangako.

Sa sulat sa mga Hebreo, hindi pinansin ng Diyos ang mga mamahaling alay na susunugin, bagkus ang payak nguni’t lubos na pag-aalay ng sarili ng siyang nagwika: “narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.”

Isa sa napansin ko sa maraming kababayan natin sa America na hindi na natin dapat palawigin ay ito. Sa mga party, sa mga handaan at pagtitipon ng magkakababayan, malimit na nauuwi ang usapan sa kung anong bago ang meron sila, anong bagong kotse, anong bagong kagamitan sa bahay, anong bagong laruan ng mga anak, anong bagong dagdag sa bahay na palaki nang palaki at paluwang nang paluwang, kahit hindi kailangang dagdagan ang espasyo sa bahay sapagka’t malalaki na ang mga anak at nagsipaglipatan na.

Isa ring hindi ko gusto naman sa mga prayer communities ay ito. Kapag may bagong bahay o bagong kotse, o anumang “blessing ni Lord,” ang malimit na namumutawi sa bibig ng mga taong “pinagpala” ay “ang bait ni Lord; binigyan kami ng maraming blessing. Panibagong blessing na naman ang ibinigay sa amin.” Hindi ko lubos maisip ang simpleng katotohanang ito. Paano kaya ang may sakit ng cancer, hindi kaya siya blessed in Lord? Paano kaya yung kasamahan nilang walang ibili ng kotse … hindi sila blessed ni Lord. Iyan marahil ang dahilan kung bakit gusto man ng marami ay hindi na sila sumasama sa mga covenanted communities. Hindi nila kaya ang mga blessings ni Lord.

Kung inyong mapapansin, ang pagiging mapalad ay nakasalalay at nakaakibat sa bagay na malalapad, madatung, ika nga, marami, at nabibilang at nailalagay sa espasyo. Kakaunti ang naririnig kong nagpasalamat sa kabila ng isang anak na maysakit, sa isang biglang pagbaligtad ng takbo ng negosyo, o biglang lumiit ang kita, o nawalan ng malaking pagkakataon sa buhay. Halos hindi ko narinig na may nagsabing ang bait talaga ni Lord, at sa kabila ng kahirapan ay nakapagdadasal at nakapagsisimba pa kami.

Sa araw na ito, gusto kong bigyang pansin ang wagas at tunay na kahulugan ng pagiging mapalad. Mapalad ang siyang nagsabi sa Panginoon, “Narito ako O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.” Sa panahon natin kakaunit na ang gustong magpari at magmadre. Bakit?

Simple lang. Hindi mapalad para sa mundo ang walang sariling sasakyan, bahay at lote, at walang kakayahang makipagtagisan sa mga Inglisero at Inglisera. Hindi mapalad para sa daigdig ngayon na manggaling sa isang baryo na tulad ng Efrata. Hindi maganda ang dating ng isang “barriotic,” ika nga, na walang kamuang-muang sa gawaing pang-lungsod. Hindi mapalad ang isang taong sunud-sunuran lamang. Dapat, ayon sa mundo ngayon, ay wala kang bossing, wala kang pinaglilingkuran, at wala kang dapat bigyang paliwanag sa tuwina.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mayroong isang mapalad ang tinagurian ng Diyos. Mga barriotic na mga simpleng tao na galing sa kaburulan ng Judea, sa bundok, ika nga. Ito ay si Zacarias. At higit pa rito, hindi talubata si Zacarias. Isa siyang gurang, damatan, ulyanin na halos na may asawang baog, na hindi nagka-anak.

Sila ang mapalad. Mapalad sila hindi sapagka’t ang kanilang bahay ay mahigit isang libong metro kwadrado, kasama ng isang kasilyas na sinlaki na ng isang bahay sa Pilipinas. Hindi sila mapalad sapagka’t nakatira sila sa Beverly Hills, kundi sa bulubundukin ng Judea. Mapalad sila hindi sapagka’t sila ay naging instant celebrity sa pamamagitan ng extreme make-over. Mapalad sila … at bakit?

Simple lang … Mapalad sila sapagka’t sila ay nanalig! “Mapalad ka, sapagka’t nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.”

Nananalig ba tayo? Mapalad ba tayo?