frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

PANGANGASIWA, PANGANGALAGA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 17, 2010 at 08:58

Ika-25 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Hindi nalalayo sa katotohanang nagaganap sa ating panahon ang mga binabanggit ni propeta Amos. Sa dami ng mga imbestigasyong naganap sa Senado at Kongreso sa nakaraang 10 taon sa bayan natin, tila mga barya at sencillo lamang ang ipinuputok ng damdamin ni Amos. Sa paulit-ulit na balitang lumalabas sa mga pahayagan at sa telebisyon at radyo, hindi sikreto sa lahat na walang pagtitiwala ang marami sa mga kapulisan, kahit sa mga pinakamataas na namumuno sa mga alagad ng batas. Hindi rin kaila na palasak ang lahat ng uri ng katiwalian, mapa loob o mapa labas man ng pamahalaan, sa lahat ng antas, sa lahat ng dako at sulok ng ating bayan. Pati ang tinamaan ng jueteng na jueteng ay patuloy pa ring namamayagpag sa maraming lugar ng bansa.

Pakinggan natin at tumbukin agad ang kalooban ng Diyos tungkol sa bagay na ito: “Hindi ko na maipatatawad ang masasama nilang gawa.” (Unang Pagbasa)

Subali’t ang mensahe ng Banal na Kasulatan ay wala sa mga pira-pirasong linya o taludtod, kundi nasa kabuuan ng kasulatan. Sa kabila ng katotohanang hindi kaaya-aya sa Diyos ang lahat ng uri ng katiwalian at panlalamang, nananatili ang matimyas na pagmamahal ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. Patuloy Siyang nananawagan at nagsusumamo, tulad ng pagsusumamo ni Pablo apostol sa atin: “ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao.”

Sa araw na ito, natatangi sa “lahat ng tao” na binabanggit ni Pablo ang mga may panunungkulan – ang mga nangangasiwa, ang mga nangangalaga, ang mga pinuno ng bayan, ang mga pastol ng simbahan, ang mga naghahawak ng posisyon sa lipunan.

Di kaila sa atin kung gaano ka tuso ang marami sa kanila. Di kaila sa atin na matapos makatikim ng kapangyarihan, ang mga dating simpleng tao lamang ay nag-iiba, matapos mabahiran ng dungis ng unti-unting pagmamalabis. Sa haba ng tinatawag nilang “paglilingkod sa bayan,” marami sa kanila ay ay mabilis na natuto kung paano mandambong, mangulimbat, magsamantala, at manlamang sa mga taong walang kamuang-muang. Hindi ba’t ito ang kinasadsarang burak ng mga pinuno sa Maguindanao na nakuhang pumatay ng mahigit na 50 katao, dahil lamang sa kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan?

May mataginting na mga aral para sa atin lahat ang pagbasa natin ngayon. Una: palasak ang kasalanan sa mundo … palasak ang katiwalian sa lahat ng antas ng lipunan. Ikalawa: hindi ito ang panghuling kabanata ng kasaysayan ng tao na nilikha ng Diyos sa Kanyang wangis at anyo. “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan.”

Nguni’t ang ikatlo ay lubhang mahalaga. Dapat nating pagsikapan na tularan ang karunungang ginamit ng mayamang may katiwala sa kwento natin sa ebanghelyo. Dapat tayong maging “tuso” sa magandang paraan, upang gumawa ng kabutihan. Ang pagiging tuso ay isang kakayahang nagkukubli sa pagkatao nating lahat. Lahat tayo ay mga supling ni Adan at ni Eba, na may kakayahang gamitin ang talino at galing para sa kasamaan at sa kabutihan.

Sa mga naganap kamakailan, sa mga naganap na matagal na, at sa mga nagaganap pa sa ating panahon, malinaw na higit na nabibigyang-pansin ang madilim na bahagi ng ating pagiging bayan. Hindi nagiging balita ang kabutihang nangyayari saanman. Ang nabebentang balita ay yaong may kinalaman sa bagay na nakahihiya, nakagugulantang, nakabibigla, at nakaeeskandalo. Sa nakaraang trahedya sa Luneta, nagsipag-unahan ang mga peryodista at komentarista sa radyo at TV, upang ipamalita sa buong mundo kung gaano kapalpak at kung paano walang nangasiwa, nangalaga, at namahala sa isang pangyayaring naging malaking kahihiyan para sa atin lahat.

Iisa ang tinutumbok ng mga mahahalagang aral na ito. Tulad ng Diyos na pastol, gabay, at Ama, tinatawagan tayong matutunan ang pananagutan sa likod ng dalawang tungkuling nakaatang sa balikat natin bilang tagasunod ni Kristo: ang pamumuno ay may kinalaman sa pangangasiwa at pangangalaga. At para magampanan ito, kailangan natin ng karunungang nagmumula sa langit, karunungang mula sa Diyos.

TIPON AT TIPAN

In Catholic Homily, Eukaristiya, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Agosto 18, 2010 at 10:10

Ika-21 Linggo ng Taon (K)
Agosto 22, 2010

Mga Pagbasa: Is 66:18-21 / Heb 12:5-7, 11-13 / Lucas 13:22-30

Ang mga pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa malakihang pagtitipon. Ang pagtitipon ay isa sa mga pangunahing “pangarap” ng Diyos para sa kanyang bayan. “Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga taong iba’t iba ang wika.” (Unang Pagbasa).

Nagaganap ang pagtitipong ito sa maraming paraan at pagkakataon. Nang buksan ang Summer Olympics sa Beijing, nagtipon ang napakaraming tao mula sa lahat ng sulok ng mundo. Ganoon din noong ganapin kamakailan ang World Cup sa football sa South Africa. Ang pangarap ng Diyos ay tila may katuparan …

Subali’t sa kabila ng katuparan, ay hindi pa natin nakakamit ang kaganapan! Mayroong iba-ibang uri ng pagtitipon sa panahon natin … pagtitipon halimbawa ng mga rebelde, ng mga taong walang pakay kundi manggulo, manira ng kapayapaan at kapakanang pangkalahatan… Malayo pa tayo sa kaganapan ng pangako at pangarap ng Diyos.

Ito mismo ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon. Ito ang simulain at ang katuparan ng pangarap ng Diyos. Wala pang kaganapan, totoo, nguni’t walang kaganapan kung walang simulain at katuparan. Ito ang ginaganap natin tuwing nagtitipon tayo sa liturhiya, lalu na sa Misa.

Mabilis at matagumpay ang mga pagtitipon nagaganap sa lipunan natin. Tumawag ka ng party o gimik, at mabilis pa sa alas kwatro ang mga kabataan. Tumawag ka ng pangkasiyahan at inuman, at kaunti ang mag-aatubili sa pagdalo. Madaling magtipon ang tao kung may laban si Pacquiao. Sa katunayan, tuwing darating ang kanyang laban, kumakaunti ang mga nagsisimba, o naghihintay sa mga Misang pagabi, o maaga sa umaga.

Tunay na “makipot ang pintuan” tungo sa kalangitan. Subali’t ito ang paalaala sa atin ngayon: “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.”

Ano nga ba ang dahilan at makipot ang pintuan sa pagtitipong pinapanagimpan ng Diyos? Ano nga ang rason at kakaunti ang nakalalampas sa daang patungo sa tipunang ito?

Ang sagot ay napakasimple … ang tipunang nais ng Diyos ay may kaakibat na tipanan. Ang pagtitipon na gusto ng Diyos ay may hinihinging responsabilidad, may kaakibat na katungkulan … Ang pagtitipon ay dapat mauwi sa pagtitipan … pagkakasunduan, pananagutan!

Madali ang maki-inom. Madali ang makisalo sa kainan. Hindi ba’t ito ang sumbat ng mga hindi makapasok sa handaan? – “Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.” Tunay na madali maging kongresman, o mayor, o anumang uri ng “paglilingkod sa bayan.” Kailangan lamang ng pera, koneksyon, at isang buntong pangako sa madaling mautong mga botante. Para sa mga sanay at bihasa, sapat na ang pagsisinungaling, ang tahasang pandaraya, ang walang kahihiyang panloloko sa mga uto-utong mga taga-boto, mangmang at walang kamuang-muang. Pero kapag nasaling ang kanilang pork barrel, na kung tawagin nang maganda sa ingles (pero mabaho pa ring katotohanan), ay “congressional initiatives.” Madali ang maging tao, nguni’t mahirap magpakatao. Madali ang mangako, ngunit hindi madali ang managot sa pangako. Madali ang magtipon ngunit mahirap ang maging tapat sa pakikipagtipan!

Ngayong hindi na puede ang magpaskil ng kasuklam-suklam nilang mga pangalan at larawan, umaalsa ang mga “naglilingkod sa bayan.” Ngayong hindi na puede makuha nang ganuong kabilis ang pera para sa mga tinamaan ng kulog na congressional initiatives, ay biglang nawalan ng gana ang mga honorable na naturingan!

Madali ang magtipon sa kongreso, nguni’t mahirap ang managot sa tipan na binitiwan sa harap ng bayan!

Marami tayong halimbawa … natanggal nga ang wang-wang, napalitan naman ng hawi boys! Napalitan nga ang administrasyon, ngunit patuloy pa rin ng ngawa ang mga makakaliwang para sa kanila ay walang nagawang tama ang sinumang umupo at mamuno! Napalitan nga ang mga namumuno sa mga kawanihan ng gobyerno, pero tuloy pa rin ang mga pangungulimbat sa kaliwa at sa kanan … Puno pa rin ng lahat ng uri ng sagabal ang mga bangketa. Barado pa rin ng mga nagsulputang mga ilaw na parang Disneyland ang mga dapat sana ay nilalakaran ng mga mahihirap na walang sasakyan. Ang mga makikipot na kalye ay lalong pinakipot ng mga poste at ilawang may mga naglalakihang pangalan ng mga kagalang galang na mayor at barangay chairman! Milyon-milyong piso ang ginastos upang magmistulang Disneyworld ang mga lansangan, puno ng kumukutitap na mga iba-ibang kulay na ilaw para sa mga payasong walang alam kundi pagmalasakitan ang sariling bulsa.

Kakaunti na yata ang mga tapat sa tungkulin… Nguni’t tulad ng sinaad sa unang pagbasa, puno pa rin tayo ng pag-asa: “Magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba’t ibang bansa … magsusugo ako sa mga baybaying hindi pa ako nabalita sa aking kabantugan” …

Nagdaraan tayo sa sari-saring mga pagsubok. Mahirap magpakatapat sa tipunang ito na hinihingi ng Diyos. Mahirap ang magpakatapat sa tipanang ito ng Diyos at ng tao. Ngunit ito ang pinanghahawakan natin: “”lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas!” (Ika-2 pagbasa).

Sa Misang ito, pinatitikim tayo ng Diyos ng dakilang pagtitipon na magaganap sa darating na panahon. Ito ang pangarap ng Diyos para sa atin. Tulad nga ng turo ni Santo Tomas de Aquino, ang Misa ay “nobis pignus datur futurae gloriae!” Isang pangako ng darating na kaluwalhatian … kung kailan ang tipunan at tipanan ay magkakaroon ng tunay na kaganapan!