frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

PAGSUYO, HINDI PAGSAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 20, 2010 at 08:44

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: Awit ng mga Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

Bagama’t panay ang ulan sa atin, ngayong papalapit ang Pasko, na dati-rati ay hindi nangyayari, laman ng unang pagbasa ang mga larawan ng magandang pag-asa. Sa matulaing panulat ni Solomon, sa Awit ng mga Awit, isang larawan ng pag-asa ang namumulaklak sa mga labi ng manunulat …

Iisa ang pakay ng pagbasang ito, ang pukawin ang natutulog nating pag-asa na may darating na tiyak na kaligtasan … ang kabatirang ang Mesiyas ay tiyak na darating upang tuparin ang mga pangakong nilalaman ng mga pangaral ng mga propeta.

Sa panahon natin, kailangan natin ang patuloy na paalaala. Madali tayong lumimot, kay bilis manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti. Madali tayong lipasan ng pag-asa, at mabilis tayong panawan ng kakayahang magtiis.

“Hanggang kailan, Panginoon” ang malimit nating tanong sa gitna na sari-saring paghamon sa buhay. Pagtangis at pagtatanong ang malimit na laman ng puso at kaisipan natin. May pag-asa pa kaya si Lauro Vizconde na malaman ang tunay na salarin na walang awang pumatay sa kanyang asawa at dalawang anak? May mahihintay pa kayang mabilis na kalutasan ang walang pakundangan at walang-awa ring pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao? May magbabayad pa kaya sa mga bilyon-bilyong ninakaw sa taong bayan sa dinami-dami ng mga katiwaliang naganap sa mga nagdaang administrasyon?

Unos, ulan, baha, at lahat ng uri ng pagkawasak ang nakikita natin sa kapaligiran. Mayroong mga isla na alam ng mga paham na maglalaho sa mapa, di maglalaon, tulad ng Marshall Islands sa Pacifico. Alam natin na sa walang ampat na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, ay hinahagupit ng mga unos at bagyo at kalalabisan sa klima ang maraming bahagi ng planeta. At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga panukalang batas na walang paggalang sa inosenteng buhay ng mga hindi pa isinisilang!

Ito ang dahilan kung bakit paborito kong panahon sa taon ng pagsamba ang Adviento o Pagdating. Tigib na tigib ng pag-asa at pag-aasam sa lahat ng urin ng napipintong kabutihan ang dulot sa atin. At lalung lalo na sa simbang gabi …

Sa araw na ito, pinupukaw muli ng pagbasa ang katiyakan na dapat ay laman ng puso at damdamin ng bawa’t kristiyano … huhupa ang unos … matatapos ang ulan … at tayo ay makakaranas ng masugid na pagsuyo ng Diyos na lubhang nagmamahal sa atin.

Sinuyo ng Diyos si Maria … Huwag kang matakot Maria …. Iyan ang mensahe ng anghel … Sinuyo ng Diyos rin si Jose … Huwag kang matakot, Jose, na tanggapin siya bilang iyong esposa … Alam natin ang nangyari … Isinama ni Jose si Maria sa kanyang tahanan. Sumagot ng “Oo” si Maria sa kanyang “fiat.” Naganap ang pangarap ng Diyos, sapagka’t nakipagtulungan si Maria at Jose!

Nais kong isipin na tayo ngayon ay sinusuyo rin ng Diyos. Sinuyo Niya tayo upang gumising ng maaga sa loob ng siyam na araw. Sinusuyo pa rin niya tayo upang tumugon sa abot ng ating makakaya sa kanyang paanyaya. Sinusuyo Niya tayo upang maging tagapaghatid ng kanyang magandang balita ng kaligtasan. Sinusuyo Niya tayo upang hadlangan ang anumang masamang balak ng mga taong tampalasan at hindi maka-Diyos.

Sinusuyo Niya tayo tulad ng pagsuyo na binabanggit sa matulaing awit ng mga awit ni Solomon.

Ang tanong kung gayon ay ito … Handa ba tayong sumagot sa kanyang pagsuyo? May pitak ba sa puso natin ang Diyos na patuloy na nagsusuyo at nagsusumamo upang tayo ay mabilang sa kanyang angkan?

Tayo ba ay mga pasuyuin na tumatalima o mga pasaway na nag-aalma ang puso at kaisipan? Tayo ba ay mga magaang dalahin o mabigat na pasanin ng Diyos?

Sa Paskong ito, hindi si Santa Claus at ang kanyang pabor ang dapat nating hanapin. Ang siya natin dapat bigyang pansin ay ang pagsuyo ng Diyos sa kanyang mahal na bayan… Pagsuyo hindi pagsaway … pagsunod, hindi pagtanod sa mga pansarili nating kagustuhan …. Pagtalima, hindi pagiging pakawala sa harap ng kagustuhan at kalooban ng Diyos!

KUNG ANO ANG WASTO AT MAKATARUNGAN!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 17, 2010 at 07:05

Ika-3 Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 18, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

Pangongopya sa test … mali! Pangongopya sa paggawa ng term paper? … palpak! Paggawa ng “cut and paste” sa anumang report sa klase? … mali pa rin! Pangongopya ng mga magistrado sa Korte Suprema sa mga desisyong sinulat ng magistrado at hukom mula sa ibang bansa? Palpak at palso pa rin … kahit na mayroon silang palusot.

Ang mali ay mali, at ang tama ay tama. Iyan ang sinabi mismo ni Corona kamakailan, tungkol sa Truth Commission, na idineklara bilang labag sa konstitusyon.

Pagiging responsable bilang magulang at pagpaplano ng pamilya? Tama! Karapatan ng bawa’t tao ang maging responsable sa kanilang sarili, magpasya, at magpalakad ng sariling buhay ayon sa batas ng Diyos! Pagkitil ng inosenteng buhay mula sa sinapupunan? … Mali!

Ang mali ay mali, at ang tama ay tama!

Noong 2005, sa sermon ni Cardinal Ratzinger bago magsimula ang conclave, binatikos niya ang diktadurya ng relativismo – ang paghahari ng kawalang objetivong tuntunin na dapat sundin.

Ito ang nagaganap sa lipunan natin ngayon … Kanya-kanyang batayan, kanya-kanyang paglalapat ng kung ano ang tama, at ano ang mali, na wari baga’y ang tama at mali ay depende sa dami ng bumoboto at sang-ayon.

Noong panahong nagpapagal pa ako sa aking doktorato, isang malinaw na babala ang dumating sa amin … dalawang doctoral graduates mula sa pangunahing pamantasan sa Pilipinas ang binawian ng kanilang diploma at titulo. Ang dahilan? Simple lamang … nakita nilang nangopya pala ang dalawa, plagiarismo kung tawagin, o “page lifting!”

Ang tama ay tama, at ang mali ay mali!

Sa mga makataong gawain, tulad ng pagsusulat ng mga report o siyentipikong mga papel, may batas, may alituntunin, may panuntunan – ayon sa convention, o napagtibayan ng mga dalubhasa sa buong mundo. Mayroon autoridad na nagsasabing puede ito, ay hindi maaari iyon. May tama at mali, may batas sa pagbibigay pugay sa pinagmulan ng datos, o unang naka diskubre ng anumang mahalagang katotohanan.

Ang tama ay tama, at ang mali ay mali.

Sa batas moral, na may kinalaman sa atin na mga nilalang ng Diyos, may tama at may mali. Subali’t kakaiba sa batas ng convention o napagtibayan ng mga tao, ang katotohanang moral ay hindi galing sa boto ng mga tao. Galing ito sa kalooban ng Maylikha, hindi ng nilikha o nilalang. At ang batas na ito ay kaakibat ng kalikasang galing sa lumikha, ang tinatawag natin sa kastila na naturaleza, o angking kalikasang makatao.

Magulo ang mundo natin. At isa sa dahilan kung bakit magulo ay sapagka’t nalimutan na ng tao na hindi siya ang hukom, ang abogado, at ang magistrado sa lahat ng bagay. Kailangan natin umasa sa aral na dulot ng ating kalikasang makatao na nilalang ayon sa larawan at wangis ng Diyos.

May isang sine na lalabas di maglalaon – isang sineng ang pakay ay pasayahin ang balana, na ang pamagat ay “Fr. Jejemon.” Idol ko si Dolphy sa larangan ng pagpapatawa. Wala akong anumang galit o pagdududa sa kanyang kakayahang magpasaya ng tao. Pero ang tama ay tama, at ang mali ay mali.

Kapag nililibak ang Koran, o si Mohamed, umaalsa ang mga kapatid nating Muslim. Tama lang na umalsa sila. Nguni’t kapag nililibak si Kristo, at ang mga banal na bagay natin bilang Kristiyano, may umaalsa ba? May tumatayo ba at nagwawala dahil sa nilibak ang Eukaristiya at binastos ang Simbahang Katolika? Bakit kapag belo ang pinag-uusapan ay mayroong “human rights” issue, nguni’t kung pinagbawal ang krusipiho ay ito ay isang “civil liberties issue?” Bakit walang nag-aalma kung ang krusipiho ay pinatatanggal sa mga silid-aralan at paaralan?

Ang tama ay tama at ang mali ay mali … para sa lahat … para kay Pedro at kay Pablo; para kay Sara at kay Gloria, para kay Mang Andoy at kay Penoy!

Lilibakin ng sineng “Fr. Jejemon” ang Eukaristiya … gagawing sangkalan para sa kasiyahang mababaw. May umaalma ba sa atin? Parang wala … Sa panahon natin, parang kaya na natin lahat baguhin ang batas, at gawing tama ang mali, at gawing mali ang tama … diktadurya ng relativismo!

Paano nangyayari ito? Hindi ito dahil kay Dolphy, o kaninuman … Dahil ito sa ating lahat na nagsasa-isang-tabi na lamang at nagkikibit-balikat na lamang. Tahimik … walang kibo … walang salita … at walang pakialam.

Pangarap at hula ni Jeremias ang pinanghahawakan natin ngayon. Nguni’t kailangan ni Jeremias ng kaunting tulong. Kailangan ng Diyos ng tulong natin upang ang kanyang pangarap para sa atin ay maganap at magkatotoo … “Siya ay maghahari nang buong kagalingan, at gagawa ng wasto at makatarungan!”