Ika-3 Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 18, 2010
Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25
Pangongopya sa test … mali! Pangongopya sa paggawa ng term paper? … palpak! Paggawa ng “cut and paste” sa anumang report sa klase? … mali pa rin! Pangongopya ng mga magistrado sa Korte Suprema sa mga desisyong sinulat ng magistrado at hukom mula sa ibang bansa? Palpak at palso pa rin … kahit na mayroon silang palusot.
Ang mali ay mali, at ang tama ay tama. Iyan ang sinabi mismo ni Corona kamakailan, tungkol sa Truth Commission, na idineklara bilang labag sa konstitusyon.
Pagiging responsable bilang magulang at pagpaplano ng pamilya? Tama! Karapatan ng bawa’t tao ang maging responsable sa kanilang sarili, magpasya, at magpalakad ng sariling buhay ayon sa batas ng Diyos! Pagkitil ng inosenteng buhay mula sa sinapupunan? … Mali!
Ang mali ay mali, at ang tama ay tama!
Noong 2005, sa sermon ni Cardinal Ratzinger bago magsimula ang conclave, binatikos niya ang diktadurya ng relativismo – ang paghahari ng kawalang objetivong tuntunin na dapat sundin.
Ito ang nagaganap sa lipunan natin ngayon … Kanya-kanyang batayan, kanya-kanyang paglalapat ng kung ano ang tama, at ano ang mali, na wari baga’y ang tama at mali ay depende sa dami ng bumoboto at sang-ayon.
Noong panahong nagpapagal pa ako sa aking doktorato, isang malinaw na babala ang dumating sa amin … dalawang doctoral graduates mula sa pangunahing pamantasan sa Pilipinas ang binawian ng kanilang diploma at titulo. Ang dahilan? Simple lamang … nakita nilang nangopya pala ang dalawa, plagiarismo kung tawagin, o “page lifting!”
Ang tama ay tama, at ang mali ay mali!
Sa mga makataong gawain, tulad ng pagsusulat ng mga report o siyentipikong mga papel, may batas, may alituntunin, may panuntunan – ayon sa convention, o napagtibayan ng mga dalubhasa sa buong mundo. Mayroon autoridad na nagsasabing puede ito, ay hindi maaari iyon. May tama at mali, may batas sa pagbibigay pugay sa pinagmulan ng datos, o unang naka diskubre ng anumang mahalagang katotohanan.
Ang tama ay tama, at ang mali ay mali.
Sa batas moral, na may kinalaman sa atin na mga nilalang ng Diyos, may tama at may mali. Subali’t kakaiba sa batas ng convention o napagtibayan ng mga tao, ang katotohanang moral ay hindi galing sa boto ng mga tao. Galing ito sa kalooban ng Maylikha, hindi ng nilikha o nilalang. At ang batas na ito ay kaakibat ng kalikasang galing sa lumikha, ang tinatawag natin sa kastila na naturaleza, o angking kalikasang makatao.
Magulo ang mundo natin. At isa sa dahilan kung bakit magulo ay sapagka’t nalimutan na ng tao na hindi siya ang hukom, ang abogado, at ang magistrado sa lahat ng bagay. Kailangan natin umasa sa aral na dulot ng ating kalikasang makatao na nilalang ayon sa larawan at wangis ng Diyos.
May isang sine na lalabas di maglalaon – isang sineng ang pakay ay pasayahin ang balana, na ang pamagat ay “Fr. Jejemon.” Idol ko si Dolphy sa larangan ng pagpapatawa. Wala akong anumang galit o pagdududa sa kanyang kakayahang magpasaya ng tao. Pero ang tama ay tama, at ang mali ay mali.
Kapag nililibak ang Koran, o si Mohamed, umaalsa ang mga kapatid nating Muslim. Tama lang na umalsa sila. Nguni’t kapag nililibak si Kristo, at ang mga banal na bagay natin bilang Kristiyano, may umaalsa ba? May tumatayo ba at nagwawala dahil sa nilibak ang Eukaristiya at binastos ang Simbahang Katolika? Bakit kapag belo ang pinag-uusapan ay mayroong “human rights” issue, nguni’t kung pinagbawal ang krusipiho ay ito ay isang “civil liberties issue?” Bakit walang nag-aalma kung ang krusipiho ay pinatatanggal sa mga silid-aralan at paaralan?
Ang tama ay tama at ang mali ay mali … para sa lahat … para kay Pedro at kay Pablo; para kay Sara at kay Gloria, para kay Mang Andoy at kay Penoy!
Lilibakin ng sineng “Fr. Jejemon” ang Eukaristiya … gagawing sangkalan para sa kasiyahang mababaw. May umaalma ba sa atin? Parang wala … Sa panahon natin, parang kaya na natin lahat baguhin ang batas, at gawing tama ang mali, at gawing mali ang tama … diktadurya ng relativismo!
Paano nangyayari ito? Hindi ito dahil kay Dolphy, o kaninuman … Dahil ito sa ating lahat na nagsasa-isang-tabi na lamang at nagkikibit-balikat na lamang. Tahimik … walang kibo … walang salita … at walang pakialam.
Pangarap at hula ni Jeremias ang pinanghahawakan natin ngayon. Nguni’t kailangan ni Jeremias ng kaunting tulong. Kailangan ng Diyos ng tulong natin upang ang kanyang pangarap para sa atin ay maganap at magkatotoo … “Siya ay maghahari nang buong kagalingan, at gagawa ng wasto at makatarungan!”
Magandang araw po Fr. Chito.
Ako naman po’y nabigla sa pelikula na Fr. Jejemon. Ngunit hayaan po ninyo akong ibahagi ang isang repleksyon tungkol sa kalagayang ito. Hinihiling kong huwag po ninyo akong husgahan na hindi ko ginagalang ang Banal na Eukaristiya sa kabila ng kabaligtarang perspektiba sa pagtingin sa nasabing isyu.
Hindi ko tatalakayin ang ‘blasphemy’ sa trailer o kabuuan ng pelikula. Sa mga sumusunod na pagmumuni, sana ay mayroong positibong maipahihiwatig ang ’emerging issue’ na nakababahala sa ating pananampalataya.
Ako po ay nagagalak na tinanggal na ang mga bahaging hindi karapatdapat sa paningin ng mga mananampalataya.
1. Sa ganang akin, ang pelikulang ito ay nagsasalamin ng TUNAY na kalagayan ng Simbahan at kung papaano nito hinaharap ang ‘signs of the times’. Hindi dito pinag-uusapan ang pagiging konserbatibo o moderno. Maraming mga Katoliko ang hindi mulat at bulag sa katotohanan; marami pa rin ang nakakulong sa karimlan ng tinatawag na ‘hypocrisy of faith’. Sa panahong mainit ang usapin ng ‘VERITAS’ o Katotohonan: at ang katotohanan ay siyang makapagpapalaya sa ating lahat.
2. Hindi pa po natin napapanood ang buong pelikula. Ang konteksto na siyang nagpapaliwanag ng buong ibig ipahiwatig sa mga nanonood. Ipinapakita lamang dito ang TUNAY na mga nangyayari, kung papaano mayroong limitasyon ang kaparian at kung papaano nangangailangan ng panalangin at suporta. Kung papaano rin isinasakrpisyo ng mga kaparian ang kanilang mga sarili kaalinsabay ng pagsakripisyo ni Hesukristo sa Banal na Eukaristiya.
3. Ang kasagraduhan ng Eukaristiya ay nawawala kung ang tumatanggap nito ay isinasawalang-bahala ang kanyang pananagutan sa kapwa. Ang kadiliman ng pang-unawa sa tinatawag na ‘AGAPE’ o ‘unconditional love’ or kaya’y ‘CARITAS’ na siyang esensya ng ‘communio’, ay siyang sasaklob sa kawalang kapakialaman ng mga mananampalataya. Kung titingnan ang ‘videoclip’ talaga namang hindi maganda, ngunit ano nga ba ang mensahe? What have we done to the ‘hominis corpus’: the ‘templum sancti spiritus’?
4. Maaaring ito’y nakabibigla at nakasasakit ng damdamin sa atin, ngunit ang buong narrative na ito ay bumabalik din sa atin sa pamamagitan ng isang hamon: Papaano natin isinasabuhay ang Eukarsitiya? Ang pagkakaisa na ibinibigay nito? At ang bisa ng Eukaristiya ay hindi nagtatapos sa ‘Tapos na ang Misa’-‘Salamat sa Diyos’. Ito’y isang panawagan sa araw-araw kaakibat ang misyon: hahayo ng mapayapa at ipamalita ang magandang Balita.
5. Sa kalagayan ng mundo, ang Eukaristiya ay lagi na lamang ikinukulong sa karimlan ng ating mga bibig; kaya minsan ito’y nahuhulog na lamang nang hindi natin namamalayan dahil iba ang ating iniisip habang Siya’y ating tinatanggap – nakatunganga, nakanganga. Maaaring buo ang ating loob sa pagtanggap, ngunit paglabas ng Simbahan ay hindi man lang natin nabisita ang mga maysakit at nakakulong, hindi napakain ang nagugutom, hindi nadamitan ang walang damit (awitin ang ‘Hesus na Aking Kapatid’).
6. O kaya, aminin na nating, baka nga nagkulang rin tayo sa pagtuturo sa mga mananampalataya ng tunay na esensya, kahalagahan at kabanalan ng Eukaristiya, kaya humantong sa ganitong pelikulang sa tingin ay kasalaulaan sa kabanalan nito. Nagkulang nga kaya ang produksiyon o tayo ang nagkulang sa pagtuturo?
7. Ang pelikulang ito ay isang pampagising na maaaring humamon sa lahat. Isa itong presentasyon kung saan ang bawat mananampalataya ay makikilala ang sarili. Ang kabanalan ng Eukaristiya ay nawawala kung ang tatanggap nito ay hindi tinatanggap ang hamon ng pagiging isang Kristiyano, kung hindi tapat sa mga kautusan at hindi tinatanaw at isinasabuhay ang pananagutan sa kapwa. Paanong maghahari ang kabanalan ng Eukaristiya kung ang naturang pinto ng Templo ng Espirito Santo ay nakapinid?
8. Sa aking mga komento ay hindi ko sinabi na hindi ako agree sa pelikula. Ang sabi ko nga ay huwag husgahan ang pelikula kaagad-agad. Nais kong mapanood pati ang mga tinanggal. Buo ang aking suporta sa pelikula. Kung ako ang tatanungin, hindi na kinakailangang tanggalin ang mga ‘scenes’ dahil ito ay kailangan sa buong narrative ng pelikula sa perspektiba ng mga gumawa nito.
9. Mas maganda sanang buong-buo. Sana sa edited version, hindi mawawala ang konteksto. Sa aking pagtingin, ang pelikulang ito ay mahalaga at napapanahon dahil nakalimutan na ng ibang mga alagad ng Diyos ang pananagutang panlipunan at isinasawalang bahala ang tinatawag na Social Doctrines of the Church na kung saan hindi lang sila tinatawag upang magsabi ng ‘humayo kayong mapayapa’ kundi kumilos para sa katarungang panlipunan at ipamalita, isabuhay at ipamahagi ang PAG-IBIG at KABANALAN.
10. Ang tunay na pag-ibig ng Diyos ay masasalamin sa diwa ng Adviento na kung saan hindi natin alam kung kelan, saan, at papaano natin makikita at makikilala ang tunay na Mesiyas. Ito ang kabuuan ng kahulugan ng Father Jejemon, ang kilalanin ang Mesiyas sa kapwa at lipunan, walang pinipili. Ito ang Father Jejemon: responding to the challenges of the signs of the times. (Awiting muli ang ‘Hesus na Aking Kapatid’).
SA pagtatapos, humahanga ako sa boluntarismo ng RVQ na tanggalin ang mga ‘scenes’ na sa tingin ng ating mga kapatid ay ‘morally disturbing’ o kaya’y ‘nakakainsulto’ o ‘blasphemous’. Upang maging patas sa lahat. Ngunit ang mahalaga, napapanahong balikang muli ang paningin ng mga tumatanggap sa Banal na Eukaristiya na sa panahon ng pagdating ng Mesiyas sa Kapaskuhan, sa paglabas ng simbahan, ang Emmanuel ay hindi nananahan lamang sa apat na sulok ng Simbahan o sa dila lamang ng mananampalataya.
Ang Diyos ay nasa atin. Sumasaatin. Emmanuel.
Maraming salamat po.
Disclaimer:
Kung mayroong man akong mga tinura na hindi naaayon sa kautusan ng Simbahan, humihingi kaagad ako ng kapatawaran.
walang problema, kaibigan. hindi ko pakay ang tuligsain ang pelikula. ginamit ko lamang halimbawa ito, at tulad mo, palagay ko na ito ay sumasalamin lamang sa kalagayan ng lipunan, at tulad mo rin, gusto ko lamang bigyang pansin ang kakulangan ng kaalaman tungkol sa pananampalataya. ito ang dahilan kung bakit nagsisikap ako magsulat kahit puyat at pagod. salamat sa iyong tugon