frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

ISIP-BATA, ASAL-BATA, O TULAD NG BATA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Santo Nino, Taon B on Enero 14, 2009 at 22:39

santonino02-25_jpg

atiatihan6

PISTA NG SANTO NINO
Enero 18, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6, 15-18 / Marco 10:13-16

Malapit sa puso ng Pinoy ang bata. Magaan ang loob sa bata; mapagbigay; bukas-palad, at puno ng karinyo at kaamuan sa bata. Bata ang tampulan ng lahat ng atensyon sa pamilya, sa tahanan, sa pagtitipon ng mga matatanda. Ito marahil ang dahilan kung bakit ganuon na lamang at sukat ang pamimintuho ng Pinoy sa banal na sanggol, ang Santo Nino!

Ang pagpapahalaga ng Pinoy sa bata ay malinaw na malinaw. Para sa bata, lalu na kung panganay, ang pinakamahal na eskwela ang hinahanap ng marami. Laging pinakamagara, pinakamaganda, at pinakamaayos ang hinahanap para sa bata. Sa unang kaarawan ng panganay, maraming magulang ang hindi nag-aatubiling gumastos ng malaki, at maghanda ng marangya, maidaos lamang ang unang kaarawan.

Subali’t nakapagtataka … Galit tayo sa mga isip-bata at asal-bata. Liban kay Bentot noong araw, o kay Bondying noong maraming taon na ang lumipas, o kay Anjo Yllana na maraming taong nagpanggap na parang Bondying sa TV, hindi tayo panig sa mga asal-bata, isip-bata, o sa mga nagbabata-bataan lamang.

Tama ang ebanghelyo ni Lucas … lumago si Jesus sa karunungan at sa katandaan. Lumaki ang banal na sanggol… naging ganap na adulto … naging ganap na tao, at ganap na manliligtas, hanggang sa kasukdulan ng pag-aalay ng sarili sa krus.

Mahalaga na maunawain natin ang kahulugan nito. Kay raming pag-aasal bata at pag-iisip bata ang nakikita natin sa lipunan. Masahol pa ang mag-asal bata kaysa sa pagiging tunay na bata. Ang tunay na bata ay walang itinatago. Ang tunay na bata ay parang computer na WYSIWYG … what you see is what you get … kung ano ang nakikita ay siyang nahihita … Walang pagpapanggap ang bata … walang pagbabalatkayo … walang pagkukubli ng tunay na layunin … kung ano ang hiling ay siyang turing. Kung gustong kumain ay iiyak o hihingi. Kung galit ay galit; kung masaya ay masaya; kung tunay na nais ay walang patumpik-tumpik pa … Walang hele-hele pero quiere, ika nga.

Maraming mga nagbabata-bataan sa lipunan natin. Maraming nagkukubli. Maraming sanga-sanga ang dila. Sa dalawang pamilyang nagpanapok (nag-away) sa golf course, walang nagsasabi at umaamin na sila ang nanguna. Walang umaamin ng kanilang pananagutan. Pero walang sinuman ang makapagsasayaw ng tango kung nag-iisa. Dalawa lagi ang kinakailangan upang magkasuntukan at magpanapok sa isa’t isa. Nandyan din ang napakadulas ang dila na katatagan na ang pagkabulaan (kasinungalingan). Hindi daw siya nagnakaw kundi nag “download” lamang. Iyon nga lang, mahigit na pitong daang milyon ang perang naglaho, pinagpartehan, at na “download” ewan natin kung saan at kaninong “USB” disk napunta (Umit na Salapi sa Bangko). Nagtuturuan ang mga kampon ng kabulaanan … nagpipitulunan … kanya-kanyang pagdadahilan at pag-iwas at pagmamaang-maangan. Nguni’t ang mga nag-aasal batang ito na tila mga inosente pa sa mga ninos inocentes sa bagong tipan, ay nangaglalakihan at nag-gagaraan ang mga bahay at kotse. Asal bata silang lahat sa pagtanggi at pag-iwas sa pananagutan.

Napupuno na ang madlang tao. Nagpupuyos ang damdamin. Nangangamba at nawawalan ng pag-asa ang marami. Ito marahil ang dahilan kung bakit kinukuha na lamang sa panatisismo, at pagsama sa mga prusisyong 14 na oras ang tagal at haba. Ito marahil kung bakit ang lahat ng atensyon ay napupunta sa mga festival, kasama na rito ang malaking kabalbalang aswang festival sa Capiz! Tanging sa Pilipinas lamang nangyayari ito. Sa ibang bansa sa Asya, ang hanap nila ay maging numero uno sa tagisan ng talino sa agham at matematika atbp. Sa Pilipinas, ang hanap natin ay ang pinakamaraming tambalan ang naghahalikan sa araw ng mga puso. Ang hanap natin ay ang pinakamalaking bibingka o pinakamaraming daing na bangus upang matala sa Guinness book of world records.

Para tayong mga bata sa maraming bagay. Masahol pa tayo sa bata na nga, ay nagbabata-bataan pa.

Ang pista natin ngayon ay malayo sa pagbabata-bataan. Malayo ito sa pag-aasal o pag-iisip-bata. Ito ang kapistahan ng sanggol na si Jesus na umako ng isang pananagutang hindi pambata kundi pista ng isang matipunong sanggol na naghatid ng liwanag sa isang mundong nababalot ng dilim.

Ang daigdig na ito ay balot na balot sa dilim … dilim ng katiwalian … dilim ng pagkakanya-kanya at pagmakasarili. Ang daigdig na ito ay nababalot ng dilim ng kadayaan, katakawan, at ng kulturang ang pinahahalagahan ay ang biglang pagyaman at biglang pagkakamal ng kapangyarihan at katanyagan.

Dilim ang bumabalot sa ating pamahalaan, sa gobyerno, at sa sistema political. Hindi ito gawaing naghihintay sa mga isip-bata, asal-bata, o taong nagbabata-bataan. Ito ang isang mundong naghihintay ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kahinaan at kababaan ng isang sanggol.

Ang sanggol na ito ang atin ngayong ipinagmamakaingay at ipinagmamakapuri. Ang sanggol na ito ang naghatid ng isang gawaing angkop sa isang matipuno at matapang na tao na handang pagbayaran at pagbuwisan ang isinasapuso at balak isakatuparan.

Napamahal na ang bayang Pilipino sa banal na sanggol. Kasama natin siya sa maraming pamilyang pinoy. Wala yatang Pinoy na pamamahay ang walang maliit na istatwa ng Santo Nino o larawan man lamang. Nguni’t ang pagmamahal na ito ay hindi dapat manatili sa antas o libel ng pagbabata-bataan, pag-aasal-bata, o pag-iisip-bata.

Sa maraming halimbawa ng pagaasal-bata sa lipunan, unti-unti tayo natututo. Unti-unti tayong umuunlad, lumalago, lumalaki sa katandaan at karunungan … tulad ni Jesus, tulad ng Mananakop na nagsimula bilang isang mahina at mababang-loob na sanggol, ngunit umako sa isang gawaing-pagliligtas na nangailangan ng katatagan, katibayan ng loob, at katapangan, bagama’t nababalot ng kahinahunan ng puso at kilos. Itinanghal niya ang mga bata … ang mga tulad ng bata … tuwid, tapat, at tiyak ang nais at balakin. “Ang hindi marunong tumulad sa mga batang ito ay hindi makapapasok sa kaharian ng langit.” Tulad ng bata, hindi isip-bata, hindi asal-bata, at lalung hindi nagbabata-bataan!

PIT SENYOR! HALA BIRA!

TAKOT NGA BA ANG PROBLEMA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Agosto 6, 2008 at 21:11

Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon A
Agosto 10, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 19:9a, 11-13 /Roma 9:1-5 / Mateo 14:22-33

Takot at pangamba ang siyang tila lumulutang sa mga pagbasa natin ngayon. Si Elias, puno ng takot dahil sa kapangyarihan ni Jesebel, ay nagkubli sa bundok ng Horeb. Si Pedro, na panandaliang nabalot sa takot, ay nagsimulang lumubog, gayong nakapaglakad na siya sa tubig, ayon sa panawagan ng Panginoon.

Takot at pangamba rin ang telon na nasa likod ng sari-saring eksena ng ating pang-araw-araw na buhay. Kung minsan, nagkukubli tayo sa iba’t ibang paraan.  May mga taong nagkukubli sa likod ng sari-saring panoorin sa TV. May iba namang nagtatago sa likod ng konsumerismo, ng walang patid na pagpapagal upang kumita nang higit pa. May mga nagsisikap lumimot sa pamamagitan ng sobrang pagkain o pag-inom, at mayroon namang nalululong sa masamang droga, at iba pang makapipinsalang bisyo tulad ng alak at sugal.

Ang takot at pangamba ay maaaring mauwi sa kaguluhan, sa kawalang-pagtititiwala, at sa iba pang mga suliranin. Ito ang isinasalarawan ng dagat, ng tubig, ng lawa ng Galilea kung saan natakot si Pedro. Ito ang larawan ng buhay natin na puno ng iba’t ibang uri ng pangamba at kaguluhan sa puso at isipan.

Marami ang dahilan upang  tayo ay madala ng pangamba. Takot tayo sa terorismo. Takot tayo sa hinaharap kung kailan ang lahat ng kalabisan ng mga tao sa kalikasan ay tuluyang hihingi ng malaking kabayaran. Takot tayo sa isang hinaharap na walang katiyakan … hindi natin tukoy kung ano  na namang mga bagong sakit ang dadapo sa sangkatauhan. Takot tayong magutom. Takot tayong maghirap. Takot tayong lahat na ang mga pangarap natin ay maaaring mawalan ng katuparan bukas o makalawa.

Subali’t ang takot ay hindi pawang masama ang bunga, depende sa kung ano ang ginagawa natin dito. Ang mga pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa takot na nagbunga nang maganda, sapagka’t nagamit nang tama. Ang takot ni Elias ay nagbunsod sa kanya upang magkubli sa bundok kung saan nakatunghay siya ng isang dakilang pagpapakilala ng Diyos – sa pamamagitan ng banayad na hangin. Ang kanyang pangamba ay sinuklian ng Diyos ng pagpapala – ang kanyang pagpapakilala ng sarili, o teopaniya.

Si Pedro ay may dahilan upang matakot rin. Bagaman at siya ang kinilalang pinuno ng mga apostol, si Pedro ay isang tao ring nababalot rin ng takot at pangamba. Nang siya ay palakarin ng Panginoon sa tubig at sumunod nang walang atubili, nakalakad siya. Ang kanyang pananampalataya at pagtalima ang naging tulay niya sa isang kamangha-manghang milagro. Nakalakad siya sa tubig, tulad ng kanyang Panginoon na naglakad sa tubig.

Humangin at ang alon ay nagpamalas ng kaguluhan, na hindi malayo sa mga kaguluhang atin ring pinangangambahan. Natakot si Pedro and nagsimulang lumubog. At sa sandaling yaon na lumubog siya, ang kanyang takot ay nagbunsod sa kanya sa isang napakaganda at mabungang pagsalig sa kanyang guro at Panginoon.

Ito ang pagsalig o pananalig ni Pedro. Ito ang dapat nating kapulutan ng aral at magandang balita. Hindi masama ang matakot. Hindi nakahihiya ang masagian ng pangamba. Maging si Pedro ay nakaranas at napasa-ilalim sa takot at pangamba.

Nguni’t dito siguro tayo naiiba kay Pedro. Si Pedro ay taong natakot nguni’t hindi napadala sa takot. Tinanggap niya at hinarap ang takot niya.

At ang taong humaharap at tumatanggap sa sariling takot ay nakakakita ng kahit na maliit na bintana ng pag-asa. Nanalig siya. Nanawagan at humiling nang buong puso. Nanalangin si Pedro. Nagpahayag siya ng kawalang kakayahan at kahinaan. “Panginoon, iligtas mo ako!” At ang higit na dakilang milagro ng kaligtasan ay naganap nang nanalig si Pedro sa isang higit na makapangyarihan sa kanya.

Hindi masama ang matakot. Ang masama ay ang mapadala sa takot. Ang taong tanggap ang takot niya, ay handang manawagan, humingi, at manikluhod. Batid niyang hindi niya kaya ang lahat, at nangangailangan siya ng tulong mula sa itaas.

Magulo ang mundo, tulad ng dagat ng Galilea na hinagupit bigla ng hangin. Tigib tayo ng pangamba sa maraming dahilan. Sa araw na ito, hindi takot ang problema. Ang tunay na problema ay kung marunong tayong manawagan, kung marunong tayong manalig at magtiwala sa kanyang sa atin ngayon ay nagwiwika: “Huwag kayong matakot. Ako ito!”