frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

SIYA ANG MAMAMAHALA SA ATIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon A on Enero 14, 2011 at 07:33

Banal na Sanggol (Santo Nino)
Enero 16, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 /Mt 18:1-5.10

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng mga pagbasa … Sa isang banda, karupukan, kahinaan, kabataan, at kababaang-loob. Nguni’t sa kabilang banda, ay nababasa natin ang kabaligtaran ng lahat ng ito. Narinig natin kung paano “nilupig ang bansang umaalipin,” “binali ang panghambalos ng mga tagapagpahirap,” at ang “panyapak ng mga mandirigma ay susunugin.”

Malayo ito sa imahen ng isang munting inosente at walang kayang sanggol na ipinagpuprusisyon natin ngayon sa buong kapuluan. Malayo rin ito sa larawan na ikinikintal ng isang musmos na bata na, bagama’t itinatanghal bilang hari ng santinakpan, ay isang sanggol na tila walang kayang magligtas, walang kayang mag-ahon sa atin sa lusak ng kapariwaraan.

Ano bang lusak ang ating kinasadlakan at tayo ay hirap na hirap na bumangon at umahon?

Malinaw ang turo ng Banal na Kasulatan. Ang lahat ay nagmula sa kasalanan, sa pagsuway ni Adan at ni Eva. Ang lahat ng kinasadlakan nating putik sa lipunan – ang katiwalian, kadayaan, pagkakanya-kanya, ang palasak na kahirapan ng napakaraming tao sa bayan natin, ay nag-uugat sa kasalanan. Nagsanga-sanga na, yumabong at lumawig, kumalat at lumago, at ngayon ay nanunuot sa lahat ng antas at aspeto ng buhay natin bilang isang bayan.

Nguni’t tulad ng pistang atin ngayong ipinagdiriwang, tila magkasalungat na larawan ang nakikita natin sa ating lipunan. Sa isang banda, ay puno ang mga simbahan natin tuwing magpapasko. Nagkakalipumpon ang milyon-milyong katao tuwing darating ang pista na Nazareno. At tuwing ipinagdiriwang ang pista ng Senor Santo Nino, na naging isa nang malaking pangitaing pangturismo lalu na sa Sinulog sa Cebu, daan-daang libo, kung hindi, milyon ang nakikipagsiksikan, nakikipagdiwang, at nagsasaya hindi lamang sa Cebu, kundi sa marami pang lugar sa Pilipinas.

Ang kahinaan ng isang bata ay naging makapangyarihang bugso at dagsa ng milyon-milyong Pilipino, sa Pilipinas at sa marami ring lugar sa buong mundo kung saan may Pinoy na naninirahan. Ang kapayakan ng isang musmos na sanggol na madaling pitikin at itulak saanmang dako ay napalitan ng isang hindi maipagkakailang kapangyarihan na galing sa debosyon ng sanlaksang katao na nagsasaya sa mga simbahan at mga lansangan!

Alam natin ang kapangyarihang nagkukubli sa bawa’t patak ng ulan. Nakikita natin ito sa mga araw na ito, kung paano ang tubig at baha ay nakasisira ng pananim, nakamamatay, at nakapagdudulot ng matinding suliranin sa napakaraming mga magsasaka at mahihirap na kababayan natin, sa Albay, sa Leyte, sa Mindanao at sa marami pang lugar sa Pilipinas, maging sa Australia at iba pang mayayamang bansa.

Ang simpleng patak ng ulan, na hindi natin napapansin, kapag nagsama-sama ay gumagawa ng matinding problema sa atin. Ang maliit at mahina ay di nananatiling mahina at walang kapangyarihan. Kapag nagkaisa ay nagiging pwersa na hindi madaling sansalain at labanan.

Ang sanggol na si Jesus, ang Santo Nino, na sa biglang wari ay walang kaya, walang kapangyarihan, at walang kamuang-muang ay lumalabas na isang pwersa sa likod ng milyon-milyong mga deboto sa kanya. Ang ingay at saya, mga sigaw at sayaw sa kalye man at sa simbahan, ang mga panalangin at pangakong binibitiwan ng lahat ng tao tuwing sasapit ang kanyang kapistahan ay isang dilubyo ng kapangyarihang dapat ngayon ilapat sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Sa harap ng matinding katiwalian sa lipunan, ang hiling natin ay ang katuparan ng pangako at hula ni Isaias: “malupig nawa ang mga umaalipin sa atin.” Sa harap ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkamakasarili sa lipunan natin, panalangin natin ngayon ay ito: “baliin nawa Niya ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa atin.” Sa gitna ng lahat ng uri ng kriminalidad at karumihan ng budhi ng ating mga kababayan, (kasama tayong lahat!), ang dasal natin at pangako natin ay walang iba kundi ito: “sunugin nawa niya ang mga panyapak ng mga mandirigma.”

Banal na Sanggol, Mahal na Santo Nino, makapangyarihang Diyos, bugtong na Anak ng Ama, nagkubli ka sa likod ng kahinaan at karupukan ng isang bata. Ipinahayag Mo ang kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng larawan ng kahinaan at kapayakan bilang isang musmos na sanggol, dinggin ang panalangin namin. Batid namin na sa aming pag-iisa, wala kaming malaking magagawa, nguni’t batid rin namin na sa aming pagsasama-sama, sa mga matinding pagdiriwang namin, ay nabubuo ang isang kalakasang hindi magagapi ng anumang kasamaan, sapagka’t kasama ka namin.

Ipahayag Mo ang iyong kapangyarihang mapagligtas sa pamamagitan ng mga namimintuho sa iyo … sa pamamagitan ng magkakasamang kalakasang namumuo sa mga pagdiriwang na ginagawa naming. Hayaan mong hindi lamang manatili sa pagsigaw ng Pit Senyor ang aming debosyon. Itulot mong ang mga sayaw naming sa kalye at lansangan ay mauwi sa paghambalos sa mga katampalasanang idinudulot ng mga kasalanan namin. Gawin mo kaming isang bayang nagkakaisa upang kumilos kami nang sama-sama upang mabali ang mga panghambalos ng mga tagapagpahirap sa amin, at masunog ang mga panyapak ng mga tampalasang mandirigma sa paligid namin. Tuparin Mo nawa ang pangakong binitiwan noong una. Pamahalaan kami, O Senyor Santo Nino! Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, Diyos, magpakailanman. Amen!

TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 2, 2010 at 07:43

Ikalawang Linggo ng Pagdating(A)
Disyembre 5, 2010

Mga Pagbasa: Is 11:1-10 / Roma 15:4-9 / Mateo 3:1-12

Larawan ng imposibilidad ang mga ipinipinta ng mga pagbasa. Imposible magsama ang asong gubat at mga kordero, ang guya at ang batang leon, ang leopardo at mga batang kambing. Imposible umusbong ang isang supling mula sa isang tuod. Imposible … malayong mangyari … hindi kailanman maaaring maganap.

Ito ang malimit sumagi sa isipan natin. Humahaba ang listahan natin ng mga bagay na hindi kailanman puedeng mangyari. Sa panahon natin, kung kailan tila lahat na lamang ng bagay ay humuhulagpos mula sa ilalim ng pananampalatayang Kristiyano, tila imposible na yata na mangyari pa ang paghahari ng kalooban ng Diyos: kung bilang ng mga taong sang-ayon sa reproductive health bill ang pag-uusapan, tila imposible nang mabaligtad ang balakin ng mga mambabatas … Kung bilang ng mga taong walang malasakit sa kapakanan ng kapwa ang pag-uusapan, tila wala nang solusyon sa problema ng terorismo, at dagdagan man natin ang mga makinarya sa mga paliparan, ay patuloy pa ring maghahari ang terorismo saanman.

Tila isang mahabang listahan ng kawalang pag-asa ang nasa harapan natin sa mga panahong ito.

Noong isang Linggo, unang araw ng panahon ng pagdating, ilang magkakasunod na karanasan ang gumulantang sa aking parang natutulog na pag-asa. Sinimulan ito ng Misa para sa libing ng isang kapatid ng aking kakilala at kaibigan. Nang makita ko ang mga batang naiwan, nakaramdam ako ng kurot sa puso. Nguni’t nang makita ko ang kanilang katatagan sa harap ng paghihirap, at tapang sa harap ng pagsubok, muling naantig ang kakayahan kong umasa, at sumampalataya pa sa kapangyarihan ng Diyos at kakayahan ng tao.

Nguni’t dalawa pang mga pangyayari ang nakahanay sa araw na yaon na nagpatibay sa kung ano ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon, at sa diwa ng buong panahon ng pagdating. Isang grupo ng mga pawang lalaking mga kabataan, na bumuo ng isang koro, bagama’t walang pormal na pagsasanay, ang narinig kong nagpamalas ng kakayahan. Mula sa Isabela pa, umawit sila sa libing at nagpamalas ng isang impormal na konsiyerto.

Sinundan ito ng isang family therapy session para sa tatlong magkakapatid na binatilyo, kasama ang kanilang ina, matapos ma-ambush at paslangin ang kanilang ama sa edad na 49. Hindi lang kurot sa puso ang naramdaman ko. Naghalong awa at galit ang pumasok sa aking kalooban, awa sa tatlo na alam kong nahihirapan sa nangyari, at galit sa karumal-dumal na gawi ng mga taong sobra na ang layo sa Diyos ang pamamalakad sa buhay.
Wala na kayang pag-asa ang lahat para sa atin?

Tinugon ito ng aking karanasan noong isang Linggo. Tinutugon rin ito ng mga pagbasa natin ngayon. Mga pangitaing tila imposible ang laman ng unang pagbasa … supling mula sa isang tuod, baka at osong magkasamang manginginain, at iba pa!

Tumpak ang sinabi ni Pablo: “Anumang nasa kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagka’t lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.”

Subali’t ang pag-asang ito ay may halaga, may kabayaran, may puhunan. Ang imposible ay nagiging posible lamang kung ang tao ay makikipagtulungan sa Diyos. Ang kaganapan ng pangitain ni Isaias ay makakamit kung mayroong kaakibat na paggawa at pagpupunyaging makatao. Ito ang paalaala sa atin ni Juan Bautista: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagka’t malapit nang maghari ang Diyos!”

Imposible ba kayang maayos pa ang trapiko sa buong Metro Manila? Sa biglang wari, parang wala. Ang pinakamadaling gawin ay magasawalang bahala, ang sumuko, at ang magpadala sa kawalan ng batas, ang pagkakakanya-kanya, at ang sumuko sa kawalang kaayusan, at hayaan na ang mga kuliglig makipagpaligsahan sa mga bus at kotse.

Bilang Kristiyano, patuloy tayong nangagarap at umaasa. Ngunit bilang Kristiyano rin, ang pangarap na ito ay may kalakip na paggawa, pagsisikap, at pagpupunyagi. Kung meron tayong nakikitang imposible, nasa atin, sa tulong ng grasya ng Diyos, ang tungkuling gawin itong posible. Sapagka’t sa lingguahe ng Diyos, tuod man, ay puedeng gumawa ng supling!