frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Adviento’

PAGDATING NG PANAHON!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating on Disyembre 8, 2010 at 19:53

IKATLONG LINGGO NG ADVIENTO (A)
Disyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 35:1-6a,10 / Santiago 5:7-10 / Mateo 11:2-11

Malaon na ring panahon ang nagdaan magmula nang sumikat ang kantang ito ni Aiza … pagdating ng panahon. Bukod sa diwa ng isang taong marunong maghintay, bukod sa larawan ng isang nilalang na handang magpalipas ng panahon sa pag-aasam, hindi maipagkakailang ang bawa’t kataga, ang bawa’t linya ay nangungusap tungkol sa pag-asa.

Ito ang isang larawang hindi makakatkat sa mga awit na kundiman nating mga Pinoy. Hindi na marahil kilala ng aking tagabasa si Cenon Lagman, nguni’t isa siya sa mga mang-aawit sa aking pagkabata na tumimo sa aking guni-guni at alaala. Kilala man ninyo siya o hindi, may karapatan akong sabihing ang kanyang mga awit ay pawang nangungusap tungkol sa malalim na damdaming may kinalaman sa pag-ibig, pag-irog, pagsuyo, sagutin man o hindi … kundiman … “kung hindi mo man ako mahalin,” ika nga!

Ito ang buod ng kundiman … pag-asa at pagsuyo, paki-usap at pagsusumamo “kung hindi mo man ako mahalin,” ay sapat na ang kabatirang napahatid ng isang umiirog ang kanyang dinarama sa kaibuturan ng puso!

Talosaling man ang Pinoy at maramdamin, matampuhin man at mapagtanim, mapagpanibugho man o matiisin, hindi maipagkakaila, na ang pusong Pinoy ay hindi pusong mamon, kundi pusong tigib ng pag-asa, paghihintay, pagsusumamo, at pagpupunyagi … kung hindi mo man ako mahalin!

Pagpapahalagang makatao ang taguri dito …. na maaari natin gawing batayan ng pagpapahalagang Kristiyano. Kung gayon, ano bang pagpapahalagang Kristiyano ang tinutumbok nito? Mayroon ba itong kaugnayan sa ikatlong Linggong ito ng panahon ng Adviento?

Malaki … marami … at walang duda. Masahol pa sa isang talosaling at maramdaming Pinoy ang halimbawa ni Isaias – ang “ulilang” lupain! Malaon nang tigang at tuyot, ito ay ginawa niyang sangkalan upang maghabi ng isang larawan ng pag-asang darating: “muling sasaya,” aniya, “mananariwa at mamumulaklak ang ilang!”

Tuyot na tuyot ang kapaligiran natin ngayon. Hindi lamang ito … may mga islang tila siguradong maglalaho sa karagatan di maglalaon, tulad ng Marshall Islands. Tipak-tipak na lupa at bato ang unti-unting nilalapa ng tubig, at ang mga maliliit na isla ay tila lalu pang mahahati at liliit kapagdaka. Sa sarili nating kalagayan, hindi na natin malaman kung ano ang uunahin: ang bigyan ng trabaho ang mahihirap o ang sundin ang batas ang lubusang pagbawalan ang mga kuliglig na hindi sumusunod sa batas trapiko.

Ang bansa natin ay larawan ng kawalang pag-asa sa maraming antas, sa maraming aspeto, at sa maraming pagkakataon. Takot at pangamba ang bumabalot sa puso natin at kaisipan tuwina.

Subali’t hindi ito ang himig ng mga pagbasa natin ngayon. Lalong hindi ito ang tonalidad ng kabuuan ng pagsamba natin tuwing Linggo, at hinding-hindi rin ito ang buod ng pahayag sa atin ng taon ng pagsamba sa simbahan.

Ano baga ang buod at himig ng taon ng pagsamba?

Pag-asa … pagsusumamo … panunuyo … paghihintay at masintahing pag-asa sa darating na pagliligtas ng Diyos … pagdating ng panahon!

Ano ang darating na panahon?

Kagalakan ang buod nito. Magalak sa Panginoon! Ito ang pahatid ni Pablo. At bakit dapat magalak? Sa matulaing mga pananalita ni Isaias, “ang mahinang mga kamay ay palalakasin, at ang mga tuhod na lupaypay ay patatatagin.”

Katubusan ang pahatid, ang puno at dulo ng lahat ng ito. Bagamat wala pang katuparan, ang katubusang ito ay magkakaroon ng kalubusan, pagdating ng panahon!

Kaya’t ang mungkahi ni Santiago ay ito: “Magtiyaga kayo, hanggang sa pagdating ng Panginoon.”

Matibay at malalim na aral ang hatid sa atin ng mga kundiman, pati na rin ang tumanyag na kantang ito ni Aiza … Ang Pinoy ay talosaling, matampuhin, maramdamin, at mapagtanim … Oo … tanggapin na natin. Pero may isang tumataginting na kakayahan ang Pinoy na maaaring maging batayan at pundasyon ng pangaral ng Advient … Alam kong ang lahat ng pangako ng Diyos ay magaganap, mangyayari. Ang katubusan ay mayroong kalubusan. At ang lahat ng ito ay may kaganapan … pagdating ng panahon!

Disyembre 8, 2010
Paranaque City
Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria

TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 2, 2010 at 07:43

Ikalawang Linggo ng Pagdating(A)
Disyembre 5, 2010

Mga Pagbasa: Is 11:1-10 / Roma 15:4-9 / Mateo 3:1-12

Larawan ng imposibilidad ang mga ipinipinta ng mga pagbasa. Imposible magsama ang asong gubat at mga kordero, ang guya at ang batang leon, ang leopardo at mga batang kambing. Imposible umusbong ang isang supling mula sa isang tuod. Imposible … malayong mangyari … hindi kailanman maaaring maganap.

Ito ang malimit sumagi sa isipan natin. Humahaba ang listahan natin ng mga bagay na hindi kailanman puedeng mangyari. Sa panahon natin, kung kailan tila lahat na lamang ng bagay ay humuhulagpos mula sa ilalim ng pananampalatayang Kristiyano, tila imposible na yata na mangyari pa ang paghahari ng kalooban ng Diyos: kung bilang ng mga taong sang-ayon sa reproductive health bill ang pag-uusapan, tila imposible nang mabaligtad ang balakin ng mga mambabatas … Kung bilang ng mga taong walang malasakit sa kapakanan ng kapwa ang pag-uusapan, tila wala nang solusyon sa problema ng terorismo, at dagdagan man natin ang mga makinarya sa mga paliparan, ay patuloy pa ring maghahari ang terorismo saanman.

Tila isang mahabang listahan ng kawalang pag-asa ang nasa harapan natin sa mga panahong ito.

Noong isang Linggo, unang araw ng panahon ng pagdating, ilang magkakasunod na karanasan ang gumulantang sa aking parang natutulog na pag-asa. Sinimulan ito ng Misa para sa libing ng isang kapatid ng aking kakilala at kaibigan. Nang makita ko ang mga batang naiwan, nakaramdam ako ng kurot sa puso. Nguni’t nang makita ko ang kanilang katatagan sa harap ng paghihirap, at tapang sa harap ng pagsubok, muling naantig ang kakayahan kong umasa, at sumampalataya pa sa kapangyarihan ng Diyos at kakayahan ng tao.

Nguni’t dalawa pang mga pangyayari ang nakahanay sa araw na yaon na nagpatibay sa kung ano ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon, at sa diwa ng buong panahon ng pagdating. Isang grupo ng mga pawang lalaking mga kabataan, na bumuo ng isang koro, bagama’t walang pormal na pagsasanay, ang narinig kong nagpamalas ng kakayahan. Mula sa Isabela pa, umawit sila sa libing at nagpamalas ng isang impormal na konsiyerto.

Sinundan ito ng isang family therapy session para sa tatlong magkakapatid na binatilyo, kasama ang kanilang ina, matapos ma-ambush at paslangin ang kanilang ama sa edad na 49. Hindi lang kurot sa puso ang naramdaman ko. Naghalong awa at galit ang pumasok sa aking kalooban, awa sa tatlo na alam kong nahihirapan sa nangyari, at galit sa karumal-dumal na gawi ng mga taong sobra na ang layo sa Diyos ang pamamalakad sa buhay.
Wala na kayang pag-asa ang lahat para sa atin?

Tinugon ito ng aking karanasan noong isang Linggo. Tinutugon rin ito ng mga pagbasa natin ngayon. Mga pangitaing tila imposible ang laman ng unang pagbasa … supling mula sa isang tuod, baka at osong magkasamang manginginain, at iba pa!

Tumpak ang sinabi ni Pablo: “Anumang nasa kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagka’t lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.”

Subali’t ang pag-asang ito ay may halaga, may kabayaran, may puhunan. Ang imposible ay nagiging posible lamang kung ang tao ay makikipagtulungan sa Diyos. Ang kaganapan ng pangitain ni Isaias ay makakamit kung mayroong kaakibat na paggawa at pagpupunyaging makatao. Ito ang paalaala sa atin ni Juan Bautista: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagka’t malapit nang maghari ang Diyos!”

Imposible ba kayang maayos pa ang trapiko sa buong Metro Manila? Sa biglang wari, parang wala. Ang pinakamadaling gawin ay magasawalang bahala, ang sumuko, at ang magpadala sa kawalan ng batas, ang pagkakakanya-kanya, at ang sumuko sa kawalang kaayusan, at hayaan na ang mga kuliglig makipagpaligsahan sa mga bus at kotse.

Bilang Kristiyano, patuloy tayong nangagarap at umaasa. Ngunit bilang Kristiyano rin, ang pangarap na ito ay may kalakip na paggawa, pagsisikap, at pagpupunyagi. Kung meron tayong nakikitang imposible, nasa atin, sa tulong ng grasya ng Diyos, ang tungkuling gawin itong posible. Sapagka’t sa lingguahe ng Diyos, tuod man, ay puedeng gumawa ng supling!