Ikalawang Linggo ng Pagdating(A)
Disyembre 5, 2010
Mga Pagbasa: Is 11:1-10 / Roma 15:4-9 / Mateo 3:1-12
Larawan ng imposibilidad ang mga ipinipinta ng mga pagbasa. Imposible magsama ang asong gubat at mga kordero, ang guya at ang batang leon, ang leopardo at mga batang kambing. Imposible umusbong ang isang supling mula sa isang tuod. Imposible … malayong mangyari … hindi kailanman maaaring maganap.
Ito ang malimit sumagi sa isipan natin. Humahaba ang listahan natin ng mga bagay na hindi kailanman puedeng mangyari. Sa panahon natin, kung kailan tila lahat na lamang ng bagay ay humuhulagpos mula sa ilalim ng pananampalatayang Kristiyano, tila imposible na yata na mangyari pa ang paghahari ng kalooban ng Diyos: kung bilang ng mga taong sang-ayon sa reproductive health bill ang pag-uusapan, tila imposible nang mabaligtad ang balakin ng mga mambabatas … Kung bilang ng mga taong walang malasakit sa kapakanan ng kapwa ang pag-uusapan, tila wala nang solusyon sa problema ng terorismo, at dagdagan man natin ang mga makinarya sa mga paliparan, ay patuloy pa ring maghahari ang terorismo saanman.
Tila isang mahabang listahan ng kawalang pag-asa ang nasa harapan natin sa mga panahong ito.
Noong isang Linggo, unang araw ng panahon ng pagdating, ilang magkakasunod na karanasan ang gumulantang sa aking parang natutulog na pag-asa. Sinimulan ito ng Misa para sa libing ng isang kapatid ng aking kakilala at kaibigan. Nang makita ko ang mga batang naiwan, nakaramdam ako ng kurot sa puso. Nguni’t nang makita ko ang kanilang katatagan sa harap ng paghihirap, at tapang sa harap ng pagsubok, muling naantig ang kakayahan kong umasa, at sumampalataya pa sa kapangyarihan ng Diyos at kakayahan ng tao.
Nguni’t dalawa pang mga pangyayari ang nakahanay sa araw na yaon na nagpatibay sa kung ano ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon, at sa diwa ng buong panahon ng pagdating. Isang grupo ng mga pawang lalaking mga kabataan, na bumuo ng isang koro, bagama’t walang pormal na pagsasanay, ang narinig kong nagpamalas ng kakayahan. Mula sa Isabela pa, umawit sila sa libing at nagpamalas ng isang impormal na konsiyerto.
Sinundan ito ng isang family therapy session para sa tatlong magkakapatid na binatilyo, kasama ang kanilang ina, matapos ma-ambush at paslangin ang kanilang ama sa edad na 49. Hindi lang kurot sa puso ang naramdaman ko. Naghalong awa at galit ang pumasok sa aking kalooban, awa sa tatlo na alam kong nahihirapan sa nangyari, at galit sa karumal-dumal na gawi ng mga taong sobra na ang layo sa Diyos ang pamamalakad sa buhay.
Wala na kayang pag-asa ang lahat para sa atin?
Tinugon ito ng aking karanasan noong isang Linggo. Tinutugon rin ito ng mga pagbasa natin ngayon. Mga pangitaing tila imposible ang laman ng unang pagbasa … supling mula sa isang tuod, baka at osong magkasamang manginginain, at iba pa!
Tumpak ang sinabi ni Pablo: “Anumang nasa kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagka’t lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.”
Subali’t ang pag-asang ito ay may halaga, may kabayaran, may puhunan. Ang imposible ay nagiging posible lamang kung ang tao ay makikipagtulungan sa Diyos. Ang kaganapan ng pangitain ni Isaias ay makakamit kung mayroong kaakibat na paggawa at pagpupunyaging makatao. Ito ang paalaala sa atin ni Juan Bautista: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagka’t malapit nang maghari ang Diyos!”
Imposible ba kayang maayos pa ang trapiko sa buong Metro Manila? Sa biglang wari, parang wala. Ang pinakamadaling gawin ay magasawalang bahala, ang sumuko, at ang magpadala sa kawalan ng batas, ang pagkakakanya-kanya, at ang sumuko sa kawalang kaayusan, at hayaan na ang mga kuliglig makipagpaligsahan sa mga bus at kotse.
Bilang Kristiyano, patuloy tayong nangagarap at umaasa. Ngunit bilang Kristiyano rin, ang pangarap na ito ay may kalakip na paggawa, pagsisikap, at pagpupunyagi. Kung meron tayong nakikitang imposible, nasa atin, sa tulong ng grasya ng Diyos, ang tungkuling gawin itong posible. Sapagka’t sa lingguahe ng Diyos, tuod man, ay puedeng gumawa ng supling!