frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

SA KABILA NG LAHAT, KINAHABAGAN AKO!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Moises, Taon K on Setyembre 7, 2010 at 18:21

Ika-24 ng Linggo (Taon K)
Setyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Tim 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Pag-alala, pagsusumamo, at pasasalamat ang pinapaksa ng mga pagbasa ngayon. Sa harap ng isang matinding pagsuway ng mga Israelita sa kalooban ng Diyos, sa napipintong matindi ring parusang dapat sana ay ipapataw sa kanilang di pagtalima, isang malabuntong-hiningang pagsusumamo ang namutawi sa bibig ni Moises: “Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”

Pag-alala … Ito rin ang inaasahan ngayon sa atin ng Panginoon. Tuwing tayo ay dadalo sa Misa, ganap na pag-alala ang ginagawa natin – ang paggunita at pagsasakatuparan ng anumang ginugunita at inaalala sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristong Panginoon.

Pag-alala … Ito ang lubha nating kailangan bilang bayan ng Diyos, bilang mga Pilipinong di miminsang nakaranas, nakatikim, at nakakita ng lahat ng uri ng kapaitan at kapariwaraan. Di miminsang yinurakan ang kalayaan natin. Nagapi tayo at nagupo ng mga banyagang nagmalabis sa atin sa loob ng mahabang panahon. Di miminsan ring pati kapwa nating Pinoy ay nagpahirap sa atin – sa pamamagitan ng maling pamumuno, katiwalian, at labis na pagmamahal sa sariling kapakanan.

Pag-alala … Ito rin ang lubha nating kailangan yamang napakabilis nating lumimot. Nalimutan na natin ang mga nagpahirap sa atin, nandambong, nagnakaw, at nang alipin sa kanilang kapwa. Mga kongresmen na naman sila … namamayagpag … naghahari, at nanlilimahid pa rin sa bahid ng pagmamalabis na tila nasulat lamang sa buhangin at nakatkat na sa guni-guni ng bayan.

Pag-alala … ito rin ang dapat nating pagyamanin bilang Kristiano – ang pag-alala sa mga naganap, paggunita sa magaganap pang kaligtasan, at pagyayaman sa kaganapan ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan.

Bunga ng paggunita at pag-alalang ito, nakuha ni Moises ang magsumamo. Ang panalangin ay kaakibat ng pag-alala. Walang taong nagdarasal na wala ring pagpapahalaga sa paggunita, sa pagbabalik-isip, at pagtanggap sa katotohanang naganap, nagaganap, at magaganap pa. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos – ang pagtawid sa dagat na pula, at pagtakas mula sa Egipto, at ang paghahatid sa bayan ng Diyos sa lupang pangako. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa buod ng kasaysayan ng kaligtasan: SI KRISTO’Y NAMATAY, SI KRISTO’Y MULING NABUHAY, SI KRISTO’Y DARATING SA WAKAS NG PANAHON!

Marami tayong dapat alalahanin … ang mga kabalbalang patuloy natin ginagawa, bilang indibidwal o pamayanan … ang mga katiwaliang nagaganap sapagka’t pinapayagan natin … ang mga panloloko ng mga politikong walang alam gawin kundi mangako at talikuran ang mga pangako … ang mga pakikilahok natin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagmamalabis, at pagsasamantala sa kapwa.

Dapat natin alalahanin ang mga kapalpakan natin … ang mga swat team na walang gamit at walang training … ang mga gas mask na wala palang filter … ang mga katawan na mga nasawi sa hostage crisis noong nakaraang linggo na nagkapalit-palit ang mga pangalan … ang mga turistang nadadalang bumalik sa atin sapagka’t di miminsan silang naloko ng taxi driver, o tourist guide, o nasakuna sa ating mga bus na sunud-sunod na nahuhulog sa bangin.

Dapat nating alalahanin ang mga kamalian natin … ang pagluluklok sa mga tampalasan sa kanilang posisyon, ang kawalan ng continuidad sa mga programa ng gobyerno matapos mabago ang mga namumuno … ang mga posteng may ilaw nagbabara sa bangketa, na ang tanging pakay ay para may masulatan ng kaygagandang pangalan ni mayor, kongresman, o kapitan ng barangay …

Ito ang ginugunita natin sa simula ng bawa’t Misa … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Nagsisimula ang bawa’t Misa sa paggunita, nagtutuloy sa pag-alaala sa mga pagbasa, at nagwawakas sa paggunita pa rin sa darating na luwalhating inilaan para sa kanyang bayan … “Si Kristo’y darating sa wakas ng panahon!”

Nguni’t hindi sapat na tayo ay magumon lamang sa pag-alala. Hindi sapat na tayo ay magbalik-isip lamang sa nakaraan, o mangarap para sa kinabukasan. Kailangan natin magsumamo. Kailangang ang paggunita ay magbunga ng pananalangin. Kailangang ang pagsasama-sama natin sa Misang ito ay hindi matapos lamang sa pag-alala at bagkus mauwi sa paggawa.

Dito tayo kulang bilang Pinoy. Kay dami nating ngawa, ngunit kulang sa gawa. Namamayagpag na naman ang mga imbestigasyon. Naglalakasan na naman ang mga boses ng mga senador at kongresmen na walang tigil ang bunganga sa pag-iimbestiga. Nguni’t sa dami ng mga imbestigasyon na naganap, wala pa tayong maipagmamalaking isa man na nagbunga ng paggawa.

Bilang Pinoy at Katoliko, ginugunita natin ngayon ang kapalpakan natin … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Bilang Pinoy at Katoliko nagtitiklop-tuhod tayo ngayon at nagsusumamo sa buong mundo: “patawarin ninyo ang aming kapalpakan.” Bilang Katoliko, ay nagsusumamo rin tayo sa Panginoon: “Alalahahin Mo ang mga pangako Mo sa amin … alang-alang sa dugo ng iyong bugtong na Anak, na dumanak para sa amin.”

Bilang Pinoy at Katoliko, gumagawa tayo ng paggunita at pag-aalaala … sa Diyos na naging tao, isinilang, namatay, at muling nabuhay. Ginugunita natin ang kanyang pagmamalasakit para sa atin. Nagpapasalamat tayo tulad at kasama ni Pablo sapagka’t bagama’t hindi karapat-dapat, kinasihan Niya tayo at pinagmasdan, kinalinga at biniyayaan … Sa kabila ng lahat, ay kinahabagan tayo! Ito ang mabuting balitang lumulutang sa Misa natin ngayon. Purihin Siyang tangi nating tagapagligtas!

KAPOS NA KAISIPAN; MARUPOK NA MGA PANUKALA

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 31, 2010 at 08:28

Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 5, 2010

Mga Pagbasa: Kar 9:13-19 / Fil 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33

Dumarating sa buhay natin ang pagkakataong tila natatanga tayo, natitigilan, naguguluhan … Sa mga sandaling ito, hindi natin tukoy kung ano ang dapat gawin, o ano ang dapat unahin, at alin ang dapat lapatan ng lunas, sa dami ng mga sabay-sabay at susun-susong mga bumabagabag sa isipan natin. Sa loob ng silid-aralan, tila kay dali ang lahat ng bagay, madaling ikahon, madaling i-analisa, mabilis siyasatin at hanapan ng katugunan. Nguni’t sa harapan ng isang krisis, hindi sapat ang mayroong isang komite … hindi puede ang magbuo lamang ng isang lupon upang pag-usapan, pag-aralan, at i-disekto ang mga nagaganap.

Sa ganitong mga pagkakataon, isang lider at matikas na pinuno ang kailangan. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi komite, at lalung hindi isang propesor sa silid-aralan, ang dapat mangasiwa. Oo, at kailangan niya ng payo ng mga aral… Oo, at kailangan niya ng liwanag mula sa mga paham. Pero matapos marinig ang lahat at mapagtanto at matimbang ang mga sali-salimuot na bagay, ang maalam (hindi matalino), ang prudente (hindi tuso), at ang may karunungan (hindi ang may titulo lamang) ang nakapagsusulong ng kung anong dapat gawin ng kanyang mga tauhan.

Noong nakaraang Linggo, tinumbok ng mga pagbasa ang pangangailangan ng kababaang-loob. Ang kababaang-loob, sinabi natin, ay hindi ang maging isang sintu-sinto, isang taong walang kamuang-muang, at tila walang masulingan. Ang kababaang-loob ay ang pagiging matibay at matatag sa katotohanang panloob na kung sino tayo, sa mata ng Diyos at ng tao. Ang kababaang-loob ay hindi ang pag-aasam nang hindi natin makakayanan, ang paghahanap ng hindi para sa atin, at ang pagtutugis sa bagay na labis-labis sa ating katatayuan! Sa isang salita – ang kababaang-loob ay ang pananagana, pananatili, at pagtanggap sa KATOTOHANAN!

Sa Linggong ito, ano ba ang KATOTOHANANG dapat natin mapulot sa mga pagbasa?

Binuksan ng aklat ng Karunungan ang pinakamahalaga … “Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang ating mga panukala!”

Kapos ang kaisipan natin … tingnan nyo na lang kung paano tayo inaalipusta ng buong mundo … kapos ang mga gamitng mga pulis, kapos ang kanilang kakayahan, at kapos rin ang pinakamahalaga – ang pamumuno at buong-loob na pag-ako sa pananagutan!

Kapos ang kaisipan natin … Malimit hindi natin alam ang tama at mali. Mayroon pa ring mga nilalang na nagpakuha ng litrato sa tapat ng bus kung saan nagkamatay ang mga walang malay, na galit na galit sapagka’t nagtampo ang maraming tao sa kanilang kawalang ng pandama at pagiging manhid sa kanilang pagluluksa. Mayroon pa ring taong hindi nakauunawa na ang kanilang pagpapakuha ng piktyur sa tapat, na nakangiti, at naka-pose na parang nasa Grand Canyon o sa Tagaytay, ay kamuhi-muhi at kahiya-hiya. Hindi pa rin nakuha ng nag-aalaga ng Facebook account ng isang pinuno ang punto… Pinalitan nila ng hindi nakangiting larawan ang account niya. Hindi nila nakuha na hindi ito may kinalaman sa pagngiti o pagiging serious ng tao, kundi sa pagngisi sa maling lugar, sa maling pagkakataon, at sa oras na ang kailangan niyang ipakita ay pamumunong buo ang loob at matikas.

Kapos ang kaisipan natin … Mayroon pa ring galit at natanggal ang Wowowee … Ang tingin nila ay ito ang pang-aapi. Hindi nila nakikita ang mas malawak na larawan ng isang bayang nagiging engot dahil sa mga hungkag na palabas tulad nito na nagbibigay luwalhati sa mga bagsak sa skul, kulelat sa lahat ng bagay, at nanlilibak sa lahat ng uri ng kapansanan, kasalatan, kabobohan – lahat sa ngalan ng pagtulong sa kapwa at paggawa ng kabutihan.

Kapos ang kaisipan natin, at marupok ang mga panukala natin. Marupok ang panukala ng isang namumunong walang ibang alam gawin liban sa hamakin, libakin, at sisihin ang nauna sa kanya. Marupok ang panukala ng isang taong ang unang pinag-uukulan ng pansin ay sirain ang ginawa ng nauna, o palitan, o baguhin na parang nililikha niyang muli ang gulong mula sa kawalan.

Marupok ang panukala natin malimit … bihasa tayong maliitin ang mga tulad ni Onesimo na isang alipin … bihasa tayong mang-ismol ng mga taong walang kakayahan. Nguni’t ang karunungang binabanggit ni Pablo ay may kinalaman sa pagtuturing kay Onesimo, hindi bilang alipin, kundi bilang isang kapatid sa Panginoon.

Marupok ang panukala natin … Tingnan nyo na lang ang naglipanang mga poste ng ilaw sa buong Pilipinas… binabarahan nila ang bangketa … Alam ng lahat na ang tunay na pakay ay hindi ang pagpapailaw ng mga kalyeng may ilaw na galing sa Meralco. Alam natin na ang tunay na pakay ay ang ilagay ang kanilang mga naggagandahang mga pangalan sa poste, wag nyo nang pakialaman kung walang malakaran ang mga mahihirap na walang sasakyan!

Marupok ang mga panukala natin … mga tulay na walang patutunguhan, mga kalyeng tuwing eleksyon lamang naaaspaltuhan, at mga waiting shed na nagiging tulugan ng mga informal settlers.

Naparito tayo sa simbahan ngayong araw upang magpugay at magpuri, tumanggap ng aral at mag-balak nang mabuti. Ang magandang balita ay isang reality check … kapos ang ating kaisipan … Hindi lang iyan, marupok ang ating mga panukala!

Kailangan natin ng isang antidota sa kamangmangang ito … na nagdulot at patuloy na nagdudulot sa atin sa kahihiyan. Kailangan nating matuto sa paanan ni Kristo, tulad ng ginawa ni Maria na kapatid ni Marta. Kailangan nating mapaalalahanan na para sa Diyos, walang bagay na imposible… walang hindi makakamit. Nguni’t kailangan natin maupo at magkwenta, magbalak at humabi ng isang panibagong kasalukuyan at panibagong kinabukasan … kailangan nating tingnan kung kaya natin gumawa ng isang tore … kailangan natin mag-plano at mag-isip ng anumang hihigit sa pansariling kapakanan … Oo, tumpak …. Kapos ang ating kaisipan at marupok ang mga panukala, nguni’t nagkakaloob ang Diyos ng karunungan … “Sa ganitong paraan lamang maiwawasto ang mga tao sa matuwid na landas.” (Unang Pagbasa).