frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Pebrero 7, 2014 at 14:32

saltandlight

Ikalimang Linggo Taon A
Pebrero 9, 2014

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

Paksa ng tatlong pagbasa ang liwanag o ilaw. Tamang-tama, lalu na’t hanggang ngayon ay paapu-apuhap pa rin sa dilim ang maraming lugar na sinalanta ni Yolanda. Parang bumalik uli ang Candelaria sa diwa ng mga pagbasa. Iyan ang nakikita natin sa biglang wari.

Pero sa pangalawang tingin ay may nakikita tayong higit pa. Hindi sapat ang magliwanag. Kay raming ilaw sa ating mga siudad. Kay raming mga taong malinaw kung magsalita. Kay raming mga kagalang-galang sa kongreso ang mahusay magpaliwanag lalu na’t nasa harap ng camera sa TV. Kay rami rin naming mga paring mahusay bumulalas ng mga bagay na banal. Kay raming mga gurong maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang mga liksyon, tulad ng marami ring ang gawa ay mag-check lamang ng attendance at magtinda ng tsinelas at kung ano-ano pa para mabuhay.

Hindi sapat ang magsabing ako ay liwanag. Hindi sapat na bilang pari ako ay magturo kung paano pumunta sa langit. Kailangan ko ring ipakita ito sa gawa, hindi lamang sa salita.

Maraming mahusay magtalumpati sa ating lipunan. Maraming magaling gumawa ng pasinaya, at tuwing fiesta, maraming handa (kahit utang na babayaran nang mahabang panahon ang inihanda). Maraming honorable sa ating lipunan, kahit na ang pinaggagagawa ay hindi naman honorable o kagalang-galang. Madali ang gumawa ng pailaw, lalu na sa pasko. Madaling itago ang mga barong-barong sa likod ng mga parol at makukulay na pailaw.

Hindi sapat ang ilaw. Pati si Pablo ay sinasabi ito. Dapat, ika nga noong lumang patalastas ng Royal Tru-Orange, ay mayroong pulp bits ang orange drink. Kailangan ng patunay. Heto ang sabi ni Pablo: “Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Hindi tayo makakabingwit ng isda sa salita lamang. Kailangan masilo ito sa bunganga. Kailangan kumilos at gumawa, hindi lamang ngawa.

Ito marahil ang malaking pagkukulang sa ating bayan nating mga Pilipino. Tanging tayo ang Kristianong bayan sa Asya, pero tayo rin ang pinakamalakas uminom (pangatlo sa katunayan) at isa sa mga pinaka korap sa mga bayan sa Asya. Halos tatlong daan ang ating mga kongresista at 24 ang mga senador. Bilangin ninyo ang perang ginagastos sa kanila pa lamang, at huwag nyo nang hanapin kung saan napupunta ang pork barrel funds.

Kaming mga pari ay ilan sa mga pinaka-aral sa ating lipunan. Mahaba at maraming taon ang aming formation process. Pero sa hindi kakaunting pagkakataon, talong-talo kami ng mga laiko sa pagpapahayag ng magandang balita. Hitik kami sa pangaral tungkol sa liwanag, subali’t kulang sa pagbibigay-lasa sa buhay ng karamihang Pinoy.

Kailangan ng higit pa sa ilaw. At ito ang turo ng ebanghelyo. Kailangang maging asin, at magbigay lasa sa buhay ng mga taong karaniwan. Kailangang maging liwanag, pero kailangan ring magpagal upang ang liwanag ay magdulot ng pagbabago sa lipunan.

Magandang halimbawa ang ipinakita ngayon ni San Pablo. Nanginginig, nagpakumbaba, tumatanggap ng kanyang kahinaan at karupukan. Pero tumatanggap rin ng katotohanang sa kabila ng aming karupukan at kasalanan bilang pari at bilang tao, mayroon isang bagay at katotohanang hindi maaaring ipagkaila – na ang lahat ng produkto at katotohanang aming itinutulak bilang pari at tagapaghatid ng magandang balita, hindi “batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Maging liwanag at asin nawa tayong lahat!

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Malaquias, Propeta Simeon, Taon A on Enero 31, 2014 at 16:30

2_2_presentation

Pag-aalay ng Sanggol sa Templo
Pebrero 2, 2014

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP

Candelaria ang tawag sa pista natin ngayon. May kinalaman ito sa mga kandila, na kakaunti na lamang ang gumagagawa, nakakaunawa, at nagdadala. Pero, ano ba ang mayroon sa kandila na kailangan ipabasbas sa araw na ito?

Sa totoo lang, hindi naman talaga kandila ang pinag-uusapan dito, eh, kundi kung ano ang isinasagisag ng kandila. At ito ay walang iba kundi ang LIWANAG!

Pero, isa isahin natin… Magsimula tayo sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, ang ating bida ay isang malabong propeta na kakaunti naman ang sinulat o sinabi. Pero kahit malabo siya, mayroon siyang sinabing malinaw pa sa sikat ng araw. At ito ang malinaw niyang sinabi: “At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo.”

Higit na lumiwanag ito sa kwento ni Lucas. Nang dalhin at ialay ang sanggol sa templo, bilang pagtupad sa sinasabi sa kautusan, medyo nasapawan sa eksena ang mga magulang na si Maria at Jose. Pumapel ang isang hindi inaasahang tao. Mayroon palang isang matandang walang ginawa kundi magpaali-aligid sa templo upang maghintay.

Naghahanap siya ng liwanag. Naghihintay siya ng katuparan at kaganapan ng kanyang pananampalataya. Naging propeta siyang tulad ni Malaquias. At nang nakita niya ang hinahanap, tumayo siya at ginawa ang isang bagay na wala sa script, ika nga. Kinuha niya ang sanggol at kinalong … nagpuri sa Diyos at namaalam nang bigla dahil aniya, ay “nakita na ng aking mata ang iyong pagliligtas.”

Ang dami ngayon na naghahanap sa kawalan. Ang dami ngayon ng nadadala ng kasinungalingan. Hanggang ngayon, halimbawa, wala pang may alam kung saan napunta ang pera ng bayan. Liban sa sabihing pinagparte partehan ng mga NGO, ay hindi natin alam kung sino talaga ang nanagana rito. Pero alam natin kung gaano kalaki ang halaga ng dambuhala at maraming mga bahay ng mga “honorable senators at congressmen.”

May pasintabi tayo kay Isaias, pero ang sinabi niya noon ay totoo pa rin … naglalakad pa rin tayo sa landas ng kadiliman, at naghihintay pa rin tayong sumikat ang liwanag sa karimlan.

Pero ngayon, Pista ng Candelaria, ay malinaw ang sagot ng mga pagbasa. Paano niya ba ginawa ito?

Ang sabi ng sulat sa mga Hebreo ay ito … Naging tulad natin siya sa lahat ng bagay. “Naging tao rin si Jesus tulad nila – may laman at dugo.” Pero, sa likod ng kanyang kapayakan at kasimplehan ay nabanaag ang liwanag na ating hinihintay – ang liwanag ng kaligtasan.

Mahirap makita ang liwanag kung lahat ay nauunahan ng panlilinlang, pandaraya, at kasinungalingan. Pero ang ating pagiging makasalanan ay hindi kailanman magwawagi sa lakas ng katotohanang mula sa Diyos, sa harap ng kapangyarihan ng katotohanan galing sa Diyos.

Pero kailangan natin maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagsuri. Bukas ang puso sa inspirasyon o bulong mula sa itaas. Kailangan natin matulad kay Simeon … naghihintay … nagmamasid … naghahanap nang masinsin … at sa sandaling makita ay handang kumilos, handang gumawa, handang pumapel ika nga, para sa ikabubuti ng lahat …

Kinarga niya ang sanggol. Kinalong at itinaas habang tumataas rin ang kanyang panalangin at papuri sa Diyos na nagkaloob ng liwanag: “Kunin mo na Pangioon ang iyong abang alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita ng ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa.”

Huwag nating ismolin o maliitin ang kandila. Huwag nating maliitin o siphayuin ang mistulang walang halagang bagay o tao, tulad ng matandang si Simeon. Baka sila pa ang makapaghahatid sa atin sa liwanag na tunay. Huwag tayong pakapadala nang husto sa mga nagpapanggap na kagalang-galang … sa mga nagbabalita diumano ng naganap, pero naghuhubog ng kanilang sariling katotohanan sa isipan ng balana.

Maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagmasid. Mapagkilatis. At higit sa lahat, bukas ang mata, ang isipan at ang puso sa katotohanan. Maging tulad ni Simeon. Masigasig. Mapaghintay. Mapaghanap sa totoo, at gumawa nang nararapat nang masumpungan ito.

Huwag ninyong itapon o ibasura ang mga kandila ninyo. Sagisay iyan ng inyong hanap at mithiin: ang liwanag ng Panginoon. Tanging sa kanya lamang makikita at matatanggap ang kaligtasang ganap.