frchito

Posts Tagged ‘Pagpapala’

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

In Mahal na Birheng Maria, Panahon ng Pasko, Taon K on Disyembre 31, 2012 at 20:22

yhst-37939424361191_2027_161446281MARIA, INA NG DIYOS

Enero 1, 2013

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lk 2:16-21

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

Puro pagpapala ang naririnig natin tuwing dumarating ang Bagong Taon. Sa paghahati ng taon, at paghihiwalay ng luma at ng bago, paniguradong barado ang texting, ang mga cellphone at kompanyang namamahala nito ay masayang-masayang magbibilang bukas sa dami ng mga text messages at gamit ng telepono. Ang facebook ay panigurado ring buhay na buhay at nag-iinit sa maiinit ring mga pagbati at pagpapala.

Halos lahat ay nagpapala… Halos lahat ay mananagana sa pagbabasbas. At halos lahat ay may inangking kakayahan sa araw na ito upang maggawad ng pagbabasbas at pagpapala sa isa’t isa.

Dapat lang … sapagka’t ang mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagbabasbas.

Sa unang pagbasa, narinig natin ang maka-itlong pagpapalang iginawad ni Moises sa mga Israelita. Ang tugon natin sa unang pagbasa ay isa ring pagpapala para sa ating lahat: Pagpalain nawa tayo ng Diyos alang-alang sa kanyang dakilang habag!

Ang ikalawang pagbasa naman ay nagwiwika sa dakilang pagpapala na naging batayan ng ating pagbabasbas sa isa’t isa: “Nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na isinilang ng isang babae, isinilang sa ilalim ng batas, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng batas.”

Pagtubos … ito ang dakilang pagpapalang batayan ng lahat ng ating pagpapala. Walang anumang pagpapala ang maituturing na tunay na bendisyon kung hindi naganap ang dakilang pakikipamayan ng Diyos sa piling ng kanyang bayan.

Tapatin natin agad ang ating sarili. Kailangan natin ng lahat ng pagpapalang maaari  nating makamit. Magulo ang mundo … masalimuot … maraming bagay ay tila walang solusyon. Magpahanggang ngayon, wala pang linaw ang pagpaslang sa mahigit na 50 katao sa Mindanao, dahil sa politica. Hati-hati ang mga Pinoy ngayon sa isang isyu na sadyang walang linaw, walang tiyak na kaliwanagan. Dahil sa mapanlinlang na mass media, na panig lagi sa kung sino man ang inaakala nilang may hawak ng poder, marami ang lubusan natatangay, nadadala, at ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay siyang nagiging tama.

Nguni’t ang pagbabasbas na ipinagkakaloob natin sa isa’t isa ay hindi dapat manatiling hungkag na mga pananalita lamang. Dapat ito ay magkatawang-tao tulad nang si Kristo ay nagkatawang-tao – nagkadiwa, nagka-buto at balat, ika nga. Hindi isang parang palarang makinang lamang na kumukuti-kutitap lamang kapag nilagyan ng ilaw.

Di ba’t ito ang ipinakita ng mga tao sa ebanghelyong narinig natin? Ang mga pastol, na dali-daling nagpunta sa Belen at doon nakita sa sabsaban ng hayop ang sanggol. Nagkatotoo, ika nga, ang balita ng anghel – nagkadiwa, at talagang nagdilang-anghel ang arkanghel na si Gabriel!

Pari si Maria, bagama’t hindi niya lubos naunawaan ang kanyang narinig ay sumampalataya – naniwala – tumalima – kahit mahirap ang sumunod sa hindi mo nauunawaan nang lubos.

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … ang pagpapalang pinagpapalitan natin ay dapat maging katotohanan at realidad sa buhay natin, at walang gagawa nito kundi tayo rin, sa tulong ng Diyos. Ang ating dasal ngayon ay malinaw na isang pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos: “Pagpalain nawa tayo ng Diyos, alang-alang sa kanyang dakilang habag!”

Nagmadali si Maria sa pagpunta sa kanyang pinsan na si Elizabet. Nagmadali rin ang mga mago. Nagmadali rin ang mga pastol. Ang lahat ay naging abala. Sinalubong nila ang magandang balita ng anghel ng isang kabukasan ng puso, isipan, at pagkatao at ang kabukasang ito ang siyang naging daan upang magkatotoo ang lahat, at matupad ang balak ng Diyos.

Tayo na magmadali rin. Hindi sa paghahanda sa Valentine’s Day o sa susunod na Pasko, o sa anumang gusto nating gawin agad. Magmadali tayo sa pagtupad sa kaloobag ng Diyos, sa kabila ng maraming hilahil, pagsubok, at balakid.

Pagpapala sa inyo sa ngalan ng Panginoong naging taong tulad natin. Pagpalain nawa tayo ayon sa Kanyang dakilang habag!

UMAKYAT, MAGBAGO, AT MULING MANAOG!

In Uncategorized on Marso 3, 2012 at 10:55

Image

Ikalawang Linggo ng Kwaresma (B)

Marso 4, 2012

UMAKYAT, MAGBAGO, MANAOG

Matindi ang pinagdaanan ni Abraham. Hindi lamang siya binulabog ng Diyos at hinilang palabas ng Ur, ang sarili niyang bayan. Ngayon, matapos siyang lumisan sa bayang sinilangan, higit pang pagsubok ang ibinigay sa kanya. Umakyat daw siya dapat sa Moria, akay-akay ang tanging anak  na si Isaac, na nakatadhanang iaalay niya bilang isang susunuging sakripisyo sa tuktok ng bundok.

Umakyat! … Ito ang larawan ng buhay natin saanman at kailanman … laging pasaka, ayon sa mga Bisaya, laging paahon ayon sa mga Tagalog … laging puno ng pagsubok at isang landasing hindi nawawalan ng balakid at hilahil. Subali’t ayon sa kwento mula sa Genesis, isang bendisyon, isang mataginting na pagpapala ang tinanggap ni Abraham: “Yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita!”

Nguni’t matanong natin … ano ba ang batayan ng ganoong saganang pagpapala? Hayaan natin ang pagbasa mismo ang sumagot … iisa ang dahilan … “sapagka’t ikaw ay tumalima sa akin!”

Noong ako ay batang pari, ayaw kong mapunta sa seminaryo. Sa aming pakiwari noon at ngayon, walang masyadong “buhay” sa seminaryo … walang kulay kumbaga, walang gimik … walang excitement. Pero duon ako napunta matapos ma-ordinahan. Matapos ang tatlong taon, nakatikim ako ng apat na taon sa isang malaking eskwela. Makulay at puno ng iba-ibang gawain sa eskwela. Dito ko sinimulan ang isang grupo ng mountaineers, at maraming bundok ang aming naakyat, kasama ang bigong pagsisikap na marating ang tuktok ng Apo, kung kailan kami ay hinarang ng isang grupong armado, at ako ay kasama sa nabihag ng ilang araw.

Nang ako ay ipadala sa Roma upang mag-aral muli, mabigat ang katawan kong umalis. Masaya ako duon at ayaw ko sanang iwanan ang aking ginagawa. Nguni’t bago ko matapos nang lubusan ang pag-aaral na magdudulot sana ng dagdag na tatlong letra sa aking ngalan, pinauwi naman ako at binigyan ng isang bagong gawain … Saan? Balik seminaryo – bagay na ayaw ko nang gawin pa. Ngunit sa kabila ng aking pagsusumamo, nangyari ang ayaw ko. Sumunod ako … tumalima, mabigat man at katawan at kalooban.

Nguni’t matapos ang sampung taon, nang ako ay muling dapat lumipat, mabigat na naman ang kalooban at katawan. Napamahal na ako sa ginagawa ko, ang hirap na naman akong sumunod. Hindi maipagkakailang ang aking pagsunod at nagbunga ng sari-saring pagpapala. Nagbunga nang marami ang aking pananatili sa lugar na sa simula ay ayaw ko. May bendisyong naghihintay sa sinumang handang sumunod at tumalima.

Ang ebanghelyo ay mayroon ring dulot na diwa ng pag-akyat. Sa pagkakataong ito, tatlong disipulo ang isinama ni Jesus sa bundok ng Tabor, kung saan siya nagbagong-anyo at naging busilak sa harapan ng mga disipulo.

Maraming angking aral ang pangyayaring ito. Isa sa mga aral na ito ang katotohanang “hindi tayo nag-iisa.” Oo, mahirap ang buhay saanman at kailanman. Tanging ang mga nagbubulaan lamang sa sarili ang makatatanggi rito. Ang buhay ay parang isang walang hanggang pag-akyat sa isang bundok. Isa itong walang katapusang pakikibaka at pakikisalamuha sa mga usaping walang tahasang sagot at walang tiyak na katugunan.

Ngayon pa man, binabagabag na tayo ng kawalang kaisahan. Ngayon pa man, hati-hati tayo sa maraming usapin sa lipunan. Nagbabangay-bangay tayo sa maraming isyu, at tila walang sinuman ang kayang bigyang malinaw na tugon ang mga ito. Tulad halimbawa ng giyera sa pagitan ng mga nagsusulong ng pagmimina sa bayan natin. Sabi nila, ito raw ang tugon sa kahirapan. Ngunit sabi naman ng kabila, na kinabibilangan ko, tugon ito sa kahirapan ngayon at dito lamang, pansamantala lamang ika nga. Bukas at makalawa, ay mas masahol na kahirapan ang darating sa atin … kung kailan ubos na ang bundok, at wasak na ang kalikasan, at ubos na pati ang miminahin. Ano ba kayang malinaw na kasagutan ang matutunghayan natin?

Sa pagkakataong ito, mas gusto na natin ang manatili sa isang panaginip … ang mamihasa sa pagtigil sa sarili nating comfort zone o magandang kalalagayan. Ayaw na natin umalis kung maalwan ang katawan, tulad ng tatlong disipulo na nagmungkahing gumawa na lamang doon ng tatlong tolda.

Nguni’t hindi iyon ang utos ni Jesus. Umakyat nga sila at nagbagong anyo pa siya. Nguni’t hindi nila tadhanang manatili sa lugar na nalalambungan ng alapaap ng pahapyaw at di nagtatagal na panagimpan. May gawaing naghihintay sa kanila. Kailangan nilang bumaba mula sa bundok at magpagal upang maganap ang kabuuan ng balakin ng Diyos.

Kailangan rin nating bumaba sa matatayog nating mga pangarap. Kailangan natin ng tapang at kabatiran na “kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?” Kailangan natin ng tapang na nagmumula sa kaalamang ang sinumang tumalima sa Diyos ay pagkakalooban Niya ng pagpapala, tulad nang pinagpala Niya si Abraham, na handang ipagkaloob pati bugtong na anak bilang isang susunuging alay.

Umakyat tayo sa piling ng Diyos. Maghanda rin tayong magbago kasama Niya. Nguni’t huwag kalimutang bumalik sa pinagmulan, at manaog sa katotohanan. Matapos umakyat at magbago, ay dapat rin tayong bumalik at magpanibago … dito sa lupang bayang kahapis-hapis, upang makamit natin ang tunay na buhay sa langit na tunay nating tadhana at tahanan!