frchito

Archive for the ‘Mahal na Birheng Maria’ Category

BANAT SA PAGHIHIRAP; UNAT SA PAG-ASA

In Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 30, 2008 at 16:16

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21

philip15

Magandang tingnan ang mga Belen sa panahon ng Kapaskuhan; kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak … ang mumunting mga ilawan ay nakabibighani, nakaaakit, nakatatawag-pansin. Pati mga pastol ay kay sarap amuy-amuyin, ang mga munting tupa ay kay sarap pisil-pisilin. Ang lahat ay pinilakan o ginintuan at nababalot ng kagalakan.

Pero ganito nga ba ang nangyari sa unang Pasko? Tingnan natin muli … Hindi biro ang pinagdaanan ng mahal na Birhen sa pagsilang kay Jesus. Una sa lahat, pinagdudahan siya ng marami. Alam ng lahat na ang isang dalagang hindi pa nakakasal o nakakasama ng kanyang kasintahan ay hindi dapat magdalang-tao. Hindi lamang na siya ay nagdusa. Pati si Jose, na isang marangal na tao, ay nagdaan sa pagdurusa.

Nguni’t ang telenobelang ito ay hindi lamang natapos sa ganuong pagdurusa. Mayroon pang higit na paghihirap na pinagdaanan ang banal na mag-anak. Kasisilang pa lamang ng sanggol ay kinailangan nilang magbalot at maglakbay sa malayo. Sa balita ng anghel ay nagkawindang-windang kumbaga, ang buhay ni Maria – at ni Jose! Ni hindi pa nakabubutaw sa pagsuso ang bata, ay napatapon sila sa Egipto, upang umiwas sa isang hibang na hari na pumatol sa isang sanggol, at nagpakanang patayin ang mga walang kamuang-muang na mga batang paslit.

Malayo sa bumubusi-busilak at kumukuti-kutitap na mga Belen ang naging buhay ni Jesus, Maria, at Jose.

Tulad ng buhay natin, gaya nga ng malimit natin sabihin, “hindi araw-araw ay pasko.” Hindi lahat ay maganda ang takbo. Sa dami ng mga problema, maraming kabataan ang hindi na malaman kung paano haharapin ang mga pagsubok. Dumadami ngayon ang mga sumusuko sa problema, nagpapadala … Ang ilan, hindi lingid sa ating lahat, ay nagpapatiwakal, pati mga artista at mga anak ng mayayaman. Kundi man madaliang pagkitil sa sarili, ay maraming mga paraang pareho rin ang tinutumbok – mas matagal nga lamang – tulad ng droga, alak, at iba pang nakapipinsalang bisyo.

Si Maria ngayon ang pangunahing personahe na itinatanghal ng pagdiriwang natin. Ang titolo na kasukdulan ng kanyang kadakilaan ang siya natin ngayong tinitingala at ipinagmamakapuri – Maria, Ina ng Diyos! At bakit hindi? Si Kristo ay hindi puedeng hatiin, hindi puedeng partihin at isa-isang tabi ang katotohanang siya ay Diyos at tao. Ang kanyang pagka-Diyos at tao ay napapaloob sa iisang persona – ang persona ng Anak ng Diyos. Iisang persona, hindi dalawa, ang isinilang ni Mariang Birhen. At ang isinilang niya ay walang iba kundi si Kristong Diyos at tao. Siya samakatuwid ay Ina ni Kristong Diyos at tao. Si Maria ay Ina ng Diyos!

Pero ang mga titolong ito at marami pang iba ay walang saysay at katuturan kung walang angking kadakilaan ang Mahal na Birhen. Ang kanyang kadakilaan ay parehong kaloob at pinagsikapan ng pinagkalooban. Kinasihan si Maria ng Diyos. Maliwanag ito sa ebanghelyo. Pinagpala siya sa babaeng lahat, unang-una sapagka’t ginusto ito at binalak ng Diyos. Pero walang pinagpala lamang ang nagiging dakila kung hindi siya makikipagtulungan at tutugon sa biyaya.

Kay daming mga mayayamang isinilang nang may pilak sa bunganga, ika nga. Kay raming mga anak ng mga taong tanyag at dakila sa lipunan. Pero hangga’t hindi sila gagawa nang ganang para sa kanila, hangga’t hindi sila magsisikap nang pang kanila, ay hindi kailanman sila dadakilain ng tao. Si Maria ay dakila sapagka’t siya ay dinakila ng Diyos; pero hindi siya magiging tunay na dakila kung hindi siya gumanap at gumawa ayon sa kanyang itinalagang kadakilaan. Kahit ang mga paham tulad ni Einstein, ni Helen Keller, ni Alva-Edison, at marami pang iba, ay hindi magiging tunay na dakila kung hindi sila nagdaan sa hulmahan ng kahirapan at pagpupunyagi.

At dito nasasalalay ang kadakilaang wagas ni Maria, Ina ng Diyos. Dakila siya pagka’t dinakila siya ng Diyos. Dakila siya, bukod sa rito, sapagka’t nakipagtulungan siya sa panawagan ng Diyos na bigyang-buhay at kaganapan ang punla ng kadakilaang ipinagkaloob sa kanya.

Hindi nabigo ang Diyos. Hindi niya siniphayo ang paanyaya ng Diyos. Tulad ng gintong idinadaan sa lantayan upang maalis ang mga dumi, si Maria ay nagdaan sa lantayan ng paghihirap. Kung minsan, para ang isang bagay ay maunat, kailangan itong mabanat muna. Si Maria ay naging banat sa paghihirap. Nagdusa siya nang katakot-takot sa pagluluwal at pagpapalaki ng sanggol na si Jesus. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbunga nang masagana para sa Kanya at para sa atin lahat – naging unat, naging tuwid, at naging pantay ang daraanan natin tungo sa kadakilaan at kabanalan.

Binat tayo at banat sa maraming pagsubok. Pero hindi sapat ito. Tinatawagan tayo upang tulad ni Maria ay matuto tayong magbanat pa … matutong umungos pa nang kaunti … matutong umangat pa nang higit at tumingala sa isang pangakong naging katuparan sa katauhan ni Jesucristong kanyang Anak. Banat sa paghihirap, ngunit dahil kay Kristong Panginoon, ang makataong larawan ng Diyos, ay naging unat na unat sa pag-asa!

BIYAYANG NAGKUKUBLI SA LIKOD NG KAHINAAN

In Adviento, Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 20, 2008 at 15:38

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 22, 2008

Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lk 1:46-56

bogorod

Ilang tila magkakasalungat na diwa ang umaagaw ng ating atensyon sa araw na ito. Nandiyan ang diwa ng katandaan, kabaogan, at kadalagahan sa katauhan ni Elizabet, ni Hannah, at ni Maria. Pero ang diwa ng bagong buhay, pagsibol, at pagsilang ay pumupukaw din ng ating pansin at kamalayan.

Kung ating bibigyang-lagom sa dadalawang salita ang mga ito, mananatili lamang ang katagang “buhay” at “kamatayan.” Ito ay dalawang katagang parang langit at lupa; parang kapatagan at kabundukan, o karagatan at katihan … walang iniwan sa dalawang dulo ng isang bato-balani na pinag-usapan natin noong isang linggo.

Ito ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon – na puedeng bigyang buod sa kabalintunaang hatid ng Diyos na mapagligtas.

Umaasa tayo sa mga matipuno, malalakas at matikas upang maghatid ng kaligtasan sa atin. Tinitingala ng balana ang mga may kaya, ang may datung, ika nga, ang mga mahaba ang pisi, kumbaga, upang mapalawig ang anumang programa sa lipunan. Walang mananalo sa pagka-Senador na walang makinarya at limpak-limpak na salapi. Walang makapagsusulong ng anumang adhikain nang walang pantustos at pampadulas, ika nga, ng lahat ng programa tungo sa ikapagtatagumpay. Ito ang kalakaran ng mundo at ng pamamaraang maka-mundo.

Pero hindi magandang balita ang lahat ng ito. Kung ito lamang ang daan ng tagumpay, ay wala nang kapag-a-pag-asa ang mga walang datung, ang mga walang kaya, ang mahihina at mahihirap at mga walang posisyon sa lipunan.

Tayo ay pabalik-balik sa Misa sapagka’t mayroon tayong pananampalatayang ang Diyos ay nagwiwika sa atin ngayon, dito, at kung saan man tayo nagtitipon sa Kanyang ngalan. Nag-aasam tayo ng kahulugan sa likod ng tila walang kalinawan sa maraming bagay sa lipunan.

At dito papasok ang katotohanang ang liturhiya, ang pagdiriwang natin sa Simbahan ay isang paraan ng Diyos upang maghatid ng magandang balita. At ang magandang balita ay pumapasaatin sa pamamagitan ng katipunan ng mga banal na aklat na tinatawag nating Biblia, ang pagsasama-sama ng mga banal na sulating natipon ng Inang Simbahan sa pagdaloy ng mahabang panahon at maraming taon.

Isa sa malinaw na daloy ng katotohanang hatid ng Banal na Kasulatan ay ang tema ng tinatawag nating kabalintunaan – mga bagay na tila magkasalungat, magkasangga, at tila kabaligtaran ng isa’t isa. Ano ba ang mga kabaligtarang ito na binabanggit ng mga pagbasa ngayon?

Unahin natin si Hannah. Wala na siyang pag-asang magka-anak. Matanda na siya at lipas na. Nguni’t nagsilang siya ng isang sanggol na si Samuel na naging propeta at tagapaglingkod sa Diyos. Iyan ang tinutumbok ng unang pagbasa.

Tingnan natin ang isa pang babae … si Maria. Wala dapat siyang anak … dalagita … birhen … nakalaan at nakatalaga ang sarili sa Diyos. Subali’t si Maria ang kinasihan ng Espiritu Santo, mula sa itaas, tulad nang nangyari kay Hannah.

Ang kwento ng dalawa ay kwento na pinag-usapan natin sa ikatlong araw – tag-ani sa tag-tuyot! Ang Diyos ay Diyos ng buhay, at hindi kamatayan. At higit pa sa rito, ang kanyang dulot na buhay ay umuusbong at yumayabong mula sa tuod, sa isang suloy, sa tila walang buhay na ugat. Sa likod ng kamatayan ay umuusbong ang buhay. Buhay at kamatayan … Ito ang pangunahing kabalintunaang pahatid ng Kasulatan at Banal na Kasaysayan na pag-aakda ng Diyos.

Masdan natin ang awit ng dalawang babae … pakinggan natin ang nag-uumapaw nilang pasasalamat … Nabakli ang mga sibat ng mga makapangyarihan … pinuksa ng Diyos ang kamatayan at nagkaloob ng buhay … iniangat Niya ang mga mahihina at iniluklok sila kasama ng mga kagalang-galang …

Hindi lamang ito … Pakinggan natin ang dalangin ni Maria … Nagpupuri ang aking kaluluwa sa Panginoon sapagka’t kinasihan Niya ang kanyang alipin. Ang lahat ng salinlahi ay tatawag sa akin bilang pinagpala … Kay haba ng listahan … Pero iisa ang tinutumbok … Ang Diyos ay malapit sa mahihina, sa mahihirap, at sa mga mababa ang loob.

Lubhang kailangan natin sa panahon ngayon ang magandang balitang ito. Bugbog-cerrado na tayo sa balitang masasama kahit saang dako ng daigdig. Kay raming mga masasamang loob na namamayagpag sa lahat halos ng dako ng ating kapuluan. Maraming inosenteng tao ang nadadamay. Ang mga ciudad tulad ng Iligan at iba pa ay sinasagian ng pangamba at takot. Kasama nito ang kabilang pisngi ng katotohanang ang mga makapangyarihan ay patuloy na nagkakamal ng salapi at impluwensiya upang mapangyari ang gusto nila, tulad ng CARP na wala nang ngipin, walang nang saysay, at wala nang kakabu-kabuluhan. Sa ating lipunan, ang mayayaman, ang makapangyarihan, ay silang lalung higit na nagkakamal ng lahat ng kailangan upang umangat pa nang higit pa sa kailangan.

Malinaw ang turo sa atin ng mga pagbasa ngayon. Ang buhay at kamatayan ay nasa kamay ng Diyos, at Siya ay nagkakaloob ng buhay sa kabila ng tila umaatikabong kamatayan o kawalang pag-asa. Si Hannah, si Elizabet, si Maria – mga figura ng taong walang kaya, walang kapangyarihan, walang kapag-a-pag-asang makatao. Sila ang kinasihan ng Diyos. Sila ang pinagpala ng Maykapal. Sila ang iniangat ng Diyos na Diyos ng buhay at hindi kamatayan.
Siya lamang ang makapag-babaligtad sa lahat ng kawalang katarungang naghahari sa mundong ibabaw. At ito mismo ang Kanyang ginagawa … kay Hannah, Elizabet, at Maria noon … sa mga taong matuwid at nagpapakatuwid ngayon … Dulot Niya ay biyayang nagkukubli sa likod ng kahinaan!