Ika-7 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 22, 2008
Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lk 1:46-56
Ilang tila magkakasalungat na diwa ang umaagaw ng ating atensyon sa araw na ito. Nandiyan ang diwa ng katandaan, kabaogan, at kadalagahan sa katauhan ni Elizabet, ni Hannah, at ni Maria. Pero ang diwa ng bagong buhay, pagsibol, at pagsilang ay pumupukaw din ng ating pansin at kamalayan.
Kung ating bibigyang-lagom sa dadalawang salita ang mga ito, mananatili lamang ang katagang “buhay” at “kamatayan.” Ito ay dalawang katagang parang langit at lupa; parang kapatagan at kabundukan, o karagatan at katihan … walang iniwan sa dalawang dulo ng isang bato-balani na pinag-usapan natin noong isang linggo.
Ito ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon – na puedeng bigyang buod sa kabalintunaang hatid ng Diyos na mapagligtas.
Umaasa tayo sa mga matipuno, malalakas at matikas upang maghatid ng kaligtasan sa atin. Tinitingala ng balana ang mga may kaya, ang may datung, ika nga, ang mga mahaba ang pisi, kumbaga, upang mapalawig ang anumang programa sa lipunan. Walang mananalo sa pagka-Senador na walang makinarya at limpak-limpak na salapi. Walang makapagsusulong ng anumang adhikain nang walang pantustos at pampadulas, ika nga, ng lahat ng programa tungo sa ikapagtatagumpay. Ito ang kalakaran ng mundo at ng pamamaraang maka-mundo.
Pero hindi magandang balita ang lahat ng ito. Kung ito lamang ang daan ng tagumpay, ay wala nang kapag-a-pag-asa ang mga walang datung, ang mga walang kaya, ang mahihina at mahihirap at mga walang posisyon sa lipunan.
Tayo ay pabalik-balik sa Misa sapagka’t mayroon tayong pananampalatayang ang Diyos ay nagwiwika sa atin ngayon, dito, at kung saan man tayo nagtitipon sa Kanyang ngalan. Nag-aasam tayo ng kahulugan sa likod ng tila walang kalinawan sa maraming bagay sa lipunan.
At dito papasok ang katotohanang ang liturhiya, ang pagdiriwang natin sa Simbahan ay isang paraan ng Diyos upang maghatid ng magandang balita. At ang magandang balita ay pumapasaatin sa pamamagitan ng katipunan ng mga banal na aklat na tinatawag nating Biblia, ang pagsasama-sama ng mga banal na sulating natipon ng Inang Simbahan sa pagdaloy ng mahabang panahon at maraming taon.
Isa sa malinaw na daloy ng katotohanang hatid ng Banal na Kasulatan ay ang tema ng tinatawag nating kabalintunaan – mga bagay na tila magkasalungat, magkasangga, at tila kabaligtaran ng isa’t isa. Ano ba ang mga kabaligtarang ito na binabanggit ng mga pagbasa ngayon?
Unahin natin si Hannah. Wala na siyang pag-asang magka-anak. Matanda na siya at lipas na. Nguni’t nagsilang siya ng isang sanggol na si Samuel na naging propeta at tagapaglingkod sa Diyos. Iyan ang tinutumbok ng unang pagbasa.
Tingnan natin ang isa pang babae … si Maria. Wala dapat siyang anak … dalagita … birhen … nakalaan at nakatalaga ang sarili sa Diyos. Subali’t si Maria ang kinasihan ng Espiritu Santo, mula sa itaas, tulad nang nangyari kay Hannah.
Ang kwento ng dalawa ay kwento na pinag-usapan natin sa ikatlong araw – tag-ani sa tag-tuyot! Ang Diyos ay Diyos ng buhay, at hindi kamatayan. At higit pa sa rito, ang kanyang dulot na buhay ay umuusbong at yumayabong mula sa tuod, sa isang suloy, sa tila walang buhay na ugat. Sa likod ng kamatayan ay umuusbong ang buhay. Buhay at kamatayan … Ito ang pangunahing kabalintunaang pahatid ng Kasulatan at Banal na Kasaysayan na pag-aakda ng Diyos.
Masdan natin ang awit ng dalawang babae … pakinggan natin ang nag-uumapaw nilang pasasalamat … Nabakli ang mga sibat ng mga makapangyarihan … pinuksa ng Diyos ang kamatayan at nagkaloob ng buhay … iniangat Niya ang mga mahihina at iniluklok sila kasama ng mga kagalang-galang …
Hindi lamang ito … Pakinggan natin ang dalangin ni Maria … Nagpupuri ang aking kaluluwa sa Panginoon sapagka’t kinasihan Niya ang kanyang alipin. Ang lahat ng salinlahi ay tatawag sa akin bilang pinagpala … Kay haba ng listahan … Pero iisa ang tinutumbok … Ang Diyos ay malapit sa mahihina, sa mahihirap, at sa mga mababa ang loob.
Lubhang kailangan natin sa panahon ngayon ang magandang balitang ito. Bugbog-cerrado na tayo sa balitang masasama kahit saang dako ng daigdig. Kay raming mga masasamang loob na namamayagpag sa lahat halos ng dako ng ating kapuluan. Maraming inosenteng tao ang nadadamay. Ang mga ciudad tulad ng Iligan at iba pa ay sinasagian ng pangamba at takot. Kasama nito ang kabilang pisngi ng katotohanang ang mga makapangyarihan ay patuloy na nagkakamal ng salapi at impluwensiya upang mapangyari ang gusto nila, tulad ng CARP na wala nang ngipin, walang nang saysay, at wala nang kakabu-kabuluhan. Sa ating lipunan, ang mayayaman, ang makapangyarihan, ay silang lalung higit na nagkakamal ng lahat ng kailangan upang umangat pa nang higit pa sa kailangan.
Malinaw ang turo sa atin ng mga pagbasa ngayon. Ang buhay at kamatayan ay nasa kamay ng Diyos, at Siya ay nagkakaloob ng buhay sa kabila ng tila umaatikabong kamatayan o kawalang pag-asa. Si Hannah, si Elizabet, si Maria – mga figura ng taong walang kaya, walang kapangyarihan, walang kapag-a-pag-asang makatao. Sila ang kinasihan ng Diyos. Sila ang pinagpala ng Maykapal. Sila ang iniangat ng Diyos na Diyos ng buhay at hindi kamatayan.
Siya lamang ang makapag-babaligtad sa lahat ng kawalang katarungang naghahari sa mundong ibabaw. At ito mismo ang Kanyang ginagawa … kay Hannah, Elizabet, at Maria noon … sa mga taong matuwid at nagpapakatuwid ngayon … Dulot Niya ay biyayang nagkukubli sa likod ng kahinaan!