frchito

Archive for the ‘Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit’ Category

HANGGANG SUMAPIT ANG WALANG HANGGAN!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 25, 2009 at 11:30

jesusoneastersunday

IKA-3 LINGGO NG PAGKABUHAY(B)
Abril 26, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15, 17-19 / 1 Juan 2:1-5a / Lucas 24:35-48

Sa unang dakilang panalangin ng Misa sa araw na ito, na ang tawag ay “kolekta,” tila nagsasalpukang diwa at larawan ang binibigyang-diin: kadiliman, liwanag, libingan, pagkabuhay, liwanag ng isang bagong araw, at ang diwa ng kawalang hanggan. Ating dinasal sa ikalawang panalangin sa kolekta:

“Ama namin sa langit, may-akda ng lahat ng katotohanan, ang iyong bayan na dati ay nababalot ng kadiliman ay nakapakinig sa iyong Salita at sumunod sa iyong Anak na bumangon mula sa libingan. Dinggin ang panalangin ng bagong silang mong bayan, at patatagin ang Simbahan upang tumugon sa iyong panawagan. Nawa’y kami ay bumangon sa liwanag ng isang panibagong araw, upang kami ay manatiling nakatayo sa iyong harapan hanggang sa pagsapit ng kawalang hanggan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Di ba’t ito ang tinutumbok ng lahat ng pagbasa sa araw na ito? Di ba’t itong pag-asa sa darating na luwalhati ang siyang dahilan kung bakit si Pedro ay tumayo at naghayag ng magandang balita sa kabila ng kamatayang dinanas ng Panginoon? Hindi ba’t ito ang binibigyang-diin niya sa kanyang pahayag? “Ipinapatay ninyo ang may-akda ng buhay, subali’t siya ay muling binuhay ng Diyos; kami ay mga saksi sa pangyayaring ito.” Nguni’t ayon sa diwa ng pag-asang ito ay ipinagtagubilin ni Pedro: “Magsisi, kung gayon, at magbalik-loob, upang ang inyong pagkakasala ay mapawi nang lubusan.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Hindi ba’t ito rin ang siyang ipinagtatagubilin ni Juan sa kanyang unang liham? Ayon rin sa diwa ng pag-asang ito sa pagdatal ng kawalang hanggan, ay buong pagmamalasakit niyang isinulat: “Sumulat ako sa inyo upang hindi na kayo magkasala … Ang patunay na kilala natin Siya ay ang pagtupad ng kanyang mga kautusan.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Hindi ba’t ito ang panalangin nating mataimtim bilang tugon sa unang pagbasa? “Panginoon, matungyahayan nawa namin ang iyong mukha.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Ito rin ang diwang lumulutang sa salaysay ni San Lucas, karugtong sa kanyang salaysay tungkol sa dalawang disipulong papunta sana sa Emmaus, nguni’t nakasaksi sa Panginoong muling nabuhay. Dapat nating tandaan na hindi na sila nagtuloy sa kanilang paglalakbay, palayo sa Jerusalem, bagkus nagsipagbalikan upang ipamalita ang kanilang karanasan. At para saan ang lahat ng ito? Walang iba kundi bunsod ng malalim na pag-asa at masugid na paghihintay “hanggang sumapit ang kawalang hanggan.”

Walang kahulugan ang lahat … walang kakahu-kahulugan ang lahat ng ating pag-asa kung si Kristo ay hindi muling nabuhay. Walang dapat hintayin pa … walang dapat asahan pa … at lalung walang dapat ipagmakaingay pa – kung walang dakilang himala na gawa ng Diyos – ang muling pagkabuhay ng Kanyang bugtong na Anak, na nagbata ng hirap, nagpakasakit, namatay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw.

Ito ang dakilang pag-asa ng bayan ng Diyos. Ito ang patuloy na salaysay ng Inang Simbahan, at patuloy na daloy ng kamalayan ng pananampalataya ng mga Kristiyano. Itong pag-asang ito ang siya nating ipinagdiriwang at ginugunita. Ito rin ang parehong pag-asang patuloy na isinasa- katuparan ng bayan ng Diyos. Ito ang ginugunita at ginaganap. Ito rin ang patuloy na pangako at patuloy na katuparan. Ito ang lex orandi at lex credendi – ang pamamaraan ng pananalangin ay siya ring pamamaraan ng pananampalataya. Ang paniniwala ay nauuwi sa pagsisiwalat sa buhay, sa kilos, at sa asal. Nguni’t ito rin ang lex vivendi – ang pamamaraan ng pamumuhay.

Malayo pang landas ang dapat tahakin ng mga Pinoy tulad natin. Tulad ng dalawang disipulo na patungo sa Emmaus, tayong lahat at naglalakbay tungo sa pangako ng kawalang hanggan at lahat ng kaakibat nito. Nguni’t ang pananampalataya natin ay malayo sa pagsisiwalat ng parehong sampalataya sa buhay, pansarili man o panlipunan. Kay dali natin magtampo … Sa pagkamatay ni Kristo, ang dalawang disipulo ay akmang palayo sa Jerusalem, malungkot na nag-uusap habang naglalakbay. Wala nang pagtataya ng sarili sa kanilang sampalataya. Tulad ng isang kawan na nawalan ng pastol, ay nagkalat ang mga tupa, kanya-kanyang balikan sa kani-kanilang kinasanayang gawi sa buhay.

Si Pedro ay bumalik sa Capernaum – sa kanyang pangingisda. Nagsambulat ang mga disipulo at natakot sa mga Judio. Pati si Marco ay nagsiwalat ng kanyang pagtakbo sa takot, kahit walang saplot ang katawan, nang si Kristo ay dinakip matapos ang huling hapunan. Ang dalawang disipulo ay palayo sa sentro ng lahat, sa pinangyarihan ng lahat.

Nguni’t sa pagtakas at paglayo lalung nag-ibayo ang pagsasakatuparan ng balak ng Diyos. Ang panalanging dasal natin matapos sa unang pagbasa ay naganap at patuloy na nagaganap sa buhay natin: “Matunghayan nawa namin ang iyong mukha, O Panginoon.” Sumikat nawa ang liwanag ng Iyong mukha sa amin … magliwanag nawa sa amin ang iyong mukha, O Panginoon.

Ito rin ang ating pag-asa at hanap sa panahon natin. Ito rin ang ating panalangin, ang atin ring pagsusumamo. Ito ang katuparan ng pangakong sa tuwing Linggo ay ating ipinagmamakaingay at isinasalaysay sa buong sandaigdigan: “Kami ay mga saksi sa pangyayaring ito.” “Vidimus Dominum … Nakita namin ang Panginoon.”
Ito ang pag-asang hindi lamang laman ng isipan at puso natin. Ito ang simulain at pundasyon ng lahat ng ginagawa natin sa loob at labas ng Simbahan. Ito ang ating lex orandi, lex credendi, at lex vivendi… Sa Misang ito, dasal natin, pag-asa natin, at pinagsisikapan natin … bumangon nawa kami sa liwanag ng isang panibagong araw, upang kami ay manatiling nakatayo sa iyong harapan, hanggang sa pagsapit ng kawalang hanggan. Amen.

PANGAKO, PANANATILI, PAG-ASA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Sunday Reflections on Abril 24, 2008 at 13:43

Pag-akyat ng Panginoon sa Langit (Taon A)
Mayo 4, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Mateo 28:16-20

N.B. Ipinagpapauna ko na ang pagninilay na ito sapagka’t paalis ako sa Mayo 1, 2008 at babalik sa Junio 8, 2008. Pipilitin kong magampanan ang pagninilay na ito kahit mula sa US, Greece, Turkey, at Israel sa loob ng panahong ito. Salamat muli sa lahat!

Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay malimit nating isiping isang paglisan. Kung may paglisan ay may pamamaalam. Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay malayo sa diwa ng paglisan. Umiikot ang pagdiriwang natin ngayon sa tatlong kataga: pangako, pananatili, at pag-asa.

PANGAKO … Ang unang pagbasa ay nakatuon sa isang pangako: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba ng Espiritu Santo.” Subali’t kalakip ng pangakong ito ang isang paghamon: “Kayo’y magiging saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa lahat ng dako ng daigdig.”

PANANATILI … Ang pangakong binitiwan Niya sa unang pagbasa ay higit niyang binigyang liwanag sa ebanghelyo: “At alamin ninyong ako’y kasama ninyo tuwina hanggang sa wakas ng panahon.”

PAG-ASA … Si Pablo na isa sa mga saksi sa mga naganap sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo ay siyang nagbibigay-buod sa diwa ng ating pagdiriwang sa araw na ito: “Liwanagin nawa niya ang inyong panloob na paningin, upang mabatid ninyo ang dakilang pag-asa na siyang panawagan niya sa inyo.”

Ang pagtitipon natin tuwing Linggo ay maraming dahilan. Bukod sa pakay nating magbigay-puri sa Diyos, kagustuhan din natin na mabigyang-kahulugan ang ating buhay, ang ating pinagdadaanang karanasan … sa madaling salita, ang ating kasaysayan. Ang kasaysayan ng kaligtasan at ang kasaysayan ng tao sa mga araw na ito ay magka-ugnay, at may koneksyon sa isa’t isa. Una sa lahat, ang Diyos ay patuloy na nagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng ating kasaysayan.

Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang makasaysayang pangyayari. Kalakip ito at kaugnay ng higit na malawak na hiwaga ng Paskuwa, ang pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Nguni’t ito ay hindi isang pangyayaring naganap na lamang at sukat at wala nang kinalaman sa ating pangkasalukuyan at hinaharap. Ito ay kasaysayan rin natin. Ito ay may kaugnayan sa ating ngayon at bukas.

Nabubuhay pa rin tayo ngayon at nakapag-aaguanta sa pang-araw-araw na pagsubok dahil sa parehong pangako ng Diyos. Ang ating Diyos ay isang Diyos ng pangako, at Diyos ng katuparan. Tinupad Niya ang pangakong pagbaba ng Espiritu Santo. Tinutupad pa rin niya ngayon ang patuloy na pangako ng Espiritung nagtataguyod ng buhay, ng pagpapanibago, ng pagbabagong-anyo sa lipunan. Nasa likod siya ng lahat ng magagandang panukala na nagkakadiwa at naisasabuhay saanman sa daigdig. Halimbawa rito ang patuloy na kabatirang ang mga angking yaman ng daigdig ay dapat pakaingatan, at alagaan, at hindi aksayahin. Buhay pa rin ang pangako ng Diyos sa tao, at buhay pa rin ang katuparan ng mga pangakong ito.

Ikalawa, ang pananatiling ipinangako ni Jesus ay bagay na dapat nating pagyamanin, limiin, at isabuhay sa ating panahon. Marami tayong pangarap sa ating buhay sa daigdig na ito. Nariyan ang pagnanasa nating matulungan ang mga salat, ang mga walang kaya, ang mga api sa mundo. Hindi natin maitataguyod ang lahat ng dakilang hangaring ito kung wala ang Diyos, kung tayo ay nag-iisa. Ang mga dakilang hangaring ito ay nagpapatuloy, hind sapagka’t tayo ay masugid, masipag, at mapagtiis lamang. Kailangan natin ng lakas mula sa itaas. Hindi biro ang magpagal sa isang bagay na parang walang katapusan, parang naglalagay tayo ng tubig sa buslong walang ilalim, isang lukbutang walang puwit, kung baga. Hindi biro ang magpakahirap para sa mga taong hindi man lamang marunong tumanaw ng utang na loob, tulad ng mga special children, mga may kapansanan sa pag-iisip, na hindi nakakaramdam ng diwa ng pasasalamat. Sa aking karanasan bilang guro, napakahirap at lalong pahirap nang pahirap ang magturo lalu na’t ang kakayanahang matuto ng mga bata ngayon ay napakahina kung itutulad noong araw.

Nanghihinawa rin ang pinakamasugid na apostol. Nagsasawa rin ang pinakamasipag na disipulo. Subali’t sa kabila nito, ang misyon ng Simbahan ay nagpapatuloy. Bakit? Ito ay walang iba sapagka’t ang Diyos ay kapiling natin tuwina, tulad ng kanyang pangako.

Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Malinaw ang saad ng mga pagbasa. Ang lahat ng ito ay dapat mauwi sa pag-asa. Ito ang binigyang diin ni Papa Benito XVI sa kanyang ensiklikal, Spe Salvi. Pag-asa ang higit na kinakailangan natin sa ating panahon ngayon. Napapalibutan tayo ng kawalan ng pag-asa sa lahat ng larangan ng buhay. Marami ang nabubuhay sa kawalang-pag-asa, na para bagang wala nang hinihintay na katugunan sa mga suliranin.

Subali’t ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang katugunang malinaw sa kawalang-pag-asang ito. Si Kristo ay hindi lamang buhay. Siya ay kapiling natin. Siya ay pangako at katuparan ng pangako. At ang kanyang pag-akyat ay hindi paglisan, bagkus pananatili. “At tandaan ninyo, ako’y kasama ninyo tuwina, hanggang sa wakas ng panahon.”

DVMI House of Prayer
Tagaytay City, Cavite, Philippines
April 24, 2008