frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

KABABAAN, KALUWALHATIAN, KALIGTASAN

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagbibinyag kay Jesus, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan Bautista on Enero 8, 2009 at 20:41

baptism_of_jesus

PAGBIBINYAG SA PANGINOON(B)
Enero 11, 2009

Mga Pagbasa: Is 55:1-11 / 1 Jn 5:1-9 / Mk 1:7-11

Parang tulay ang kapistahan natin ngayon. Namamagitan sa panahon ng Kapaskuhan, at sa karaniwang panahon. Wakas ngayon ng Pasko, at simula ng karaniwang panahon (unang Linggo ng karaniwang panahon).

Tubig ang larawang ipinipinta sa unang pagbasa. Pamatid-uhaw ang pahatid ng hula ni Isaias … isang paanyaya sa mga nauuhaw … isang panawagan sa mga nagugutom … Subali’t ang dulot ng hula ni Isaias ay ang kabusugang maipagkakaloob lamang ng Diyos, isang pamatid-uhaw na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay.

Ito ang tubig na tumutuon sa katotohanang may kinalaman sa kaligtasang hatid ng Mananakop.

Isa sa mga katangian ng tubig ay ang katotohanang hinahanap nito ang pinakamababang level sa tuwina. Habang tumataas ang level nito ay lumalakas ang presyon, nagsusumikap na makakita ng butas upang umagos sa pinakamababang lugar. Kababaan ang hanap ng tubig … kababaan ang likas na katangian ng tubig.

Masasabi natin na ang tubig ay mas makapangyarihan habang nagsusumikap na bumaba mula sa mataas na lugar. Masasabi natin na habang tumataas ito ay lalung lumalakas ang kapangyarihan nito, lalung sumisirit sa tubo o sa hose, at lalung nagiging higit na malakas ang presyon.

Ito ay maari natin gamitin bilang simulain sa isang pagninilay tungkol sa kapistahan sa araw na ito. Ang Panginoon ay hindi nangailangan ng binyag mula sa kamay ni Juan Bautista. Subali’t napasa ilalim siya kay Juan Bautista at nagpakababa, bilang tanda ng kanyang pagtugon sa hula ni Isaias at sa panawagang kanyang binitiwan noong una: “halina at dumulog … halina at kumain at uminom nang walang bayad.” Ito ang tugon sa paanyaya na tugon natin sa unang pagbasa: “Kakadlo kayo ng tubig mula sa bukal ng kaligtasan.”

Nguni’t tulad ng tubig na habang tumataas ay nagiging makapangyarihan, ang kababaan ni Kristo, ang pagpapakumbaba niya ay nagbunga na kapangyarihan mula sa itaas. Sa kanyang pagpapakababa, ay nagtamo siya ng kaluwalhatian at kapangyarihan mula sa Kanyang Ama: “Ikaw ang aking pinakamamahal na Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Isa sa mga trahedya at komedya ng ating lipunan ay ang walang patid na mga imbestigasyon, mga walang katapusang mga paglabasan ng sari-saring mga eskandalo sa parte ng mga politico at makapangyarihang tao sa lipunan. Trahedya ang mga ito sapagka’t ang lahat halos ay may kinalaman sa katiwalian na walang umaamin, katiwaliang alam ng lahat ay nauuwi sa paglawig ng kahirapan ng bayan, at patuloy na pagyaman ng mga mayayaman at makapangyarihan. Komedya rin ito sapagka’t ang karamihan ay may kinalaman sa mga maling grammar, mga pagpipilit na pagsasalita ng Ingles na nauuwi lamang sa pagiging katawa-tawa. Komedya ang mga ito dahil sa kabila ng mga seriosong mga pagkukunwari ng mga kinauukulan, alam ng lahat na ang hanap ng marami sa kanila ay ang tinatawag na pogi points lamang sa harapan ng camera, upang makita ng buong bayan sa telebisyon.

Malaking komedya at lalung malaking trahedya ang magpakatayog, magpakataas na wala namang ibubuga … ang maging parang ampaw na walang laman liban sa hangin. Nakatutuwang isipin na ang globo (balloon) ay pumapailanlang sapagka’t wala itong laman kundi katumbas ng utot. Habang nagyayabang ang tao, habang umaangat o nagpapanggap umangat, ay lalu namang walang laman kundi puro pautot lamang, ika nga.

Kababaan ang liksyon sa atin ng Panginoon na nagpabinyag kay Juan Bautista. Nguni’t ang kababaang ito ay nagbunga ng kapangyarihan at kaluwalhatian na hindi ihip ng hangin lamang kundi ihip ng panibagong buhay mula sa Espiritu, na bumaba sa kanya sa anyo ng kalapati. Ang kaluwalhatian at kapangyarihang kanyang tinanggap ay hindi isang pautot lamang, kundi wagas at tunay na pagsasakatuparan ng hula ni Isaias noong sinauna pa.

Pero tanong natin ngayon ay ito… Saan hahantong ang kapangyarihang ito? Ang tugon nito ay puede natin makita sa salaysay ng kapaskuhan. Nagsimula ang kapaskuhan kay Juan Bautista. Nguni’t nagwakas rin ang kapaskuhan kay Juan Bautista … sa araw na ito. Para siyang isang buhawi na nagdaan sumandali sa escena, sa entablado. Isa siyang napakababa ang loob na nagsabing hindi man lamang siya karapat-dapat magkalas ng sintas ng sapatos ni Jesus. Subali’t tulad ng kanyang Panginoon, ang kanyang kababaan ang kanyang kaluwalhatian; ang kanyang kahinaan ang kanyang kapangyarihan. “Dapat siyang tumaas, at ako ay bumaba.” Ito ang sinabi niya tungkol kay Kristo.

Ipinapanalangin ko ang mga hungkag na payaso sa gobyerno at lipunan natin na parang ampaw na puno lamang ng hangin. Para silang globo na utot lamang ang taglay sa kalooban. Idinadalangin ko ang mga pinuno ng bayan natin na puro pautot at pakitang-tao lamang ang hanap sa kanilang “public service.”

At ipanalangin natin ang sarili natin … na hindi tayo madala sa ihip ng hanging nagpapalobo lamang ng ating kayabangan. Idalangin natin ang sarili natin na tulad ni Juan Bautista, tulad ni Jesus, tulad ng ilang mabubuting tao na natitira sa lipunan natin na naninindigan para sa tama, sa katotohanan, at sa katarungan – sa kabila ng pwersa at kapangyarihan ng mayayaman at makapangyayari, ay mananatili tayong matatag sa pagkapit sa pangako ni Isaias, at ng buong kasulatan … kababaan, kapangyarihan, at kaligtasan. Ang tatlong ito ay hindi magkakasalungat ayon sa Banal na Kasulatan, at ayon sa buhay ni Juan at ni Jesus.

Isang paki-usap ang nais kong hilingin sa inyong lahat. Wala akong nadampot na “letterhead” na puedeng papirmahan mula sa isang taong lubhang makapangyayari sa lipunan natin. Ako ay simpleng tao lamang. Pero nais ko sanang ipagdasal natin at suportahan ang isang David na ngayon ay naninindigan sa harap ng mga Goliat ng mga politico at mga nagtutulak ng droga, kasama ng mga tiwaling fiscal, hukom, pulis, at makapangyayaring tao sa lipunan.

Alam kong takot ako para sa aking tinutukoy na David. Nangangamba ako sa tutoo lang. Pero ang pinanghahawakan ko ay ang pangako ng Diyos na nasa panig ng kababaan. Siya ang Diyos na pinagmumulan ng kapangyarihan, at Siya rin ang bukal at simulain ng kaligtasan!

BANAT SA PAGHIHIRAP; UNAT SA PAG-ASA

In Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 30, 2008 at 16:16

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21

philip15

Magandang tingnan ang mga Belen sa panahon ng Kapaskuhan; kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak … ang mumunting mga ilawan ay nakabibighani, nakaaakit, nakatatawag-pansin. Pati mga pastol ay kay sarap amuy-amuyin, ang mga munting tupa ay kay sarap pisil-pisilin. Ang lahat ay pinilakan o ginintuan at nababalot ng kagalakan.

Pero ganito nga ba ang nangyari sa unang Pasko? Tingnan natin muli … Hindi biro ang pinagdaanan ng mahal na Birhen sa pagsilang kay Jesus. Una sa lahat, pinagdudahan siya ng marami. Alam ng lahat na ang isang dalagang hindi pa nakakasal o nakakasama ng kanyang kasintahan ay hindi dapat magdalang-tao. Hindi lamang na siya ay nagdusa. Pati si Jose, na isang marangal na tao, ay nagdaan sa pagdurusa.

Nguni’t ang telenobelang ito ay hindi lamang natapos sa ganuong pagdurusa. Mayroon pang higit na paghihirap na pinagdaanan ang banal na mag-anak. Kasisilang pa lamang ng sanggol ay kinailangan nilang magbalot at maglakbay sa malayo. Sa balita ng anghel ay nagkawindang-windang kumbaga, ang buhay ni Maria – at ni Jose! Ni hindi pa nakabubutaw sa pagsuso ang bata, ay napatapon sila sa Egipto, upang umiwas sa isang hibang na hari na pumatol sa isang sanggol, at nagpakanang patayin ang mga walang kamuang-muang na mga batang paslit.

Malayo sa bumubusi-busilak at kumukuti-kutitap na mga Belen ang naging buhay ni Jesus, Maria, at Jose.

Tulad ng buhay natin, gaya nga ng malimit natin sabihin, “hindi araw-araw ay pasko.” Hindi lahat ay maganda ang takbo. Sa dami ng mga problema, maraming kabataan ang hindi na malaman kung paano haharapin ang mga pagsubok. Dumadami ngayon ang mga sumusuko sa problema, nagpapadala … Ang ilan, hindi lingid sa ating lahat, ay nagpapatiwakal, pati mga artista at mga anak ng mayayaman. Kundi man madaliang pagkitil sa sarili, ay maraming mga paraang pareho rin ang tinutumbok – mas matagal nga lamang – tulad ng droga, alak, at iba pang nakapipinsalang bisyo.

Si Maria ngayon ang pangunahing personahe na itinatanghal ng pagdiriwang natin. Ang titolo na kasukdulan ng kanyang kadakilaan ang siya natin ngayong tinitingala at ipinagmamakapuri – Maria, Ina ng Diyos! At bakit hindi? Si Kristo ay hindi puedeng hatiin, hindi puedeng partihin at isa-isang tabi ang katotohanang siya ay Diyos at tao. Ang kanyang pagka-Diyos at tao ay napapaloob sa iisang persona – ang persona ng Anak ng Diyos. Iisang persona, hindi dalawa, ang isinilang ni Mariang Birhen. At ang isinilang niya ay walang iba kundi si Kristong Diyos at tao. Siya samakatuwid ay Ina ni Kristong Diyos at tao. Si Maria ay Ina ng Diyos!

Pero ang mga titolong ito at marami pang iba ay walang saysay at katuturan kung walang angking kadakilaan ang Mahal na Birhen. Ang kanyang kadakilaan ay parehong kaloob at pinagsikapan ng pinagkalooban. Kinasihan si Maria ng Diyos. Maliwanag ito sa ebanghelyo. Pinagpala siya sa babaeng lahat, unang-una sapagka’t ginusto ito at binalak ng Diyos. Pero walang pinagpala lamang ang nagiging dakila kung hindi siya makikipagtulungan at tutugon sa biyaya.

Kay daming mga mayayamang isinilang nang may pilak sa bunganga, ika nga. Kay raming mga anak ng mga taong tanyag at dakila sa lipunan. Pero hangga’t hindi sila gagawa nang ganang para sa kanila, hangga’t hindi sila magsisikap nang pang kanila, ay hindi kailanman sila dadakilain ng tao. Si Maria ay dakila sapagka’t siya ay dinakila ng Diyos; pero hindi siya magiging tunay na dakila kung hindi siya gumanap at gumawa ayon sa kanyang itinalagang kadakilaan. Kahit ang mga paham tulad ni Einstein, ni Helen Keller, ni Alva-Edison, at marami pang iba, ay hindi magiging tunay na dakila kung hindi sila nagdaan sa hulmahan ng kahirapan at pagpupunyagi.

At dito nasasalalay ang kadakilaang wagas ni Maria, Ina ng Diyos. Dakila siya pagka’t dinakila siya ng Diyos. Dakila siya, bukod sa rito, sapagka’t nakipagtulungan siya sa panawagan ng Diyos na bigyang-buhay at kaganapan ang punla ng kadakilaang ipinagkaloob sa kanya.

Hindi nabigo ang Diyos. Hindi niya siniphayo ang paanyaya ng Diyos. Tulad ng gintong idinadaan sa lantayan upang maalis ang mga dumi, si Maria ay nagdaan sa lantayan ng paghihirap. Kung minsan, para ang isang bagay ay maunat, kailangan itong mabanat muna. Si Maria ay naging banat sa paghihirap. Nagdusa siya nang katakot-takot sa pagluluwal at pagpapalaki ng sanggol na si Jesus. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbunga nang masagana para sa Kanya at para sa atin lahat – naging unat, naging tuwid, at naging pantay ang daraanan natin tungo sa kadakilaan at kabanalan.

Binat tayo at banat sa maraming pagsubok. Pero hindi sapat ito. Tinatawagan tayo upang tulad ni Maria ay matuto tayong magbanat pa … matutong umungos pa nang kaunti … matutong umangat pa nang higit at tumingala sa isang pangakong naging katuparan sa katauhan ni Jesucristong kanyang Anak. Banat sa paghihirap, ngunit dahil kay Kristong Panginoon, ang makataong larawan ng Diyos, ay naging unat na unat sa pag-asa!