frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagdating’ Category

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, San Juan Bautista, Taon A on Disyembre 7, 2013 at 11:18

advent2A_3

Ikalawang Linggo Adbiyento Taon A
Disyembre 8, 2013

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

Aaminin ko, mahirap ang tumanggap ng anumang mapait. Mahirap ang tumanggap na tayo ay mahina at walang kakayahan. Mahirap rin ang magbahagi ng isang bagong pag-asa, kung ang lahat ng nakikita natin ay kawalang pag-asa.

Matulain at mabulaklak ang mga salita ni Isaias na naririnig natin tuwing magpapasko. Mga pangitain … mga panaginip o panagimpan ng Diyos para sa kanyang pinakamamahal na bayan. Ito rin ang mga pangarap ng mga taong ngayon ay sadlak sa hirap … nawala ang bahay, nawala ang kabuhayan, at napawi ang lahat ng tulay tungo sa kinabukasan. Marami ang nagbabaka sakali sa ibang lugar … naglilipatan … naghahanap ng masusulingan. Ubos na ang bangka ay ubos pa rin ang mga niyog. Marami ay namatayan pa at ang mga katawan ay hindi na matagpuan.

Kahapon ay isang mapait na katotohanan ang nagpatangis sa akin. Isang malapit na itunuturing kong kaibigan ang pinaslang sa sariling tahanan ng mga tampalasang ang hanap lamang ay pera.

Mahirap makita rito ang matulaing pangarap ni Isaias.

Pero bago tayo manghinawa at magpadala sa kawalang pag-asa, teka muna sandali at pakinggan natin ang sinasabi ng dalawa pang pagbasa …

Unahin natin si Pablo. Sa kanyang liham sa taga Roma, ipinaalala niyang ang Kasulatan ay nakatuon sa “ikatututo natin,” sa “kalakasan ng loob,” at sa pagkakaroon ng pag-asa.

Naikwento ko na noong nakaraang mga pagninilay na sa likod ng bawat kapaitan ay may nagkukubling kaliwanagan. Nang manalasa ang bagyo, at tumambad sa kaalaman ng mundo ang dami ng namatay, ang dami ng winasak na kabuhayan at kinabukasan, mahirap isipin na ang pamumuhay na marangal na sinasaad ng kasulatan ay tunay na kapani-paniwala.

Walang iniwan ito sa kalagayan ng isang bansang tulad natin, na sa kabila ng ating pagiging Kristyano, ay pinamumugaran ng pinakamasahol na uri ng kurapsyon. Parang hindi na sinasagian ng hiya ang sinuman. Parang wala nang pakundangan sa dignidad ng tao ang mga salarin, tulad ng pumatay sa isang batang-batang dalagang ang tanging pagkakamali ay ang mapunta sa maling lugar, sa maling oras, kung kailan naghahanap ng mabibiktima ang mga kriminal na tila wala nang puso, wala nang konsiyensya, at wala nang damdaming makatao. Wala raw silang intensyong gawan siya ng masama. Wala raw silang masamang hangad sa babaeng walang awang sinakal at sinaksak sa loob ng kanyang sariling kotse. Wala ring iniwan ito sa ginawa ng dalawang binatilyo sa aking kaibigang walang kalaban-laban, walang kalakas-lakas upang makaganti, at walang masamang binhing ipinunla sa tanang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Wala na ring hiya ang mga nasa kongreso. Wala ni isang umaamin. Walang tumatanggap. Walang nagsisisi yaman din lamang at lahat daw ng kanilang pirma ay ginaya lamang. Bilyon-bilyong piso ang naglaho na lamang at sukat, pero wala ni isa diumano ang nakaaalam kung paano nawala ito.

Ang masamang balita ay ito … tayo man ay maraming palusot. Kanya-kanya tayong gawa ng istorya. Wala ang tumatanggap ng pananagutan. “Kasalanan ko bang ako ay isinilang nang mahirap?” “Masama bang magmahal nang lubos?” (kahit may tunay nang asawa at anak!) “Minana ko lamang ang problemang ito!” “Wala akong magagawa. Isinilang akong ganito.” “Wala akong intensyong masama!” (kahit masama ang ginagawa, may palusto pa rin).

Alam kong ayaw natin marinig ang salitang ito, pero hindi nag-atubili si Juan Bautista na tawagin ang mga ganitong tao nang ganito: “Kayong lahi ng mga ulupong!”

Masakit Kuya Eddie! Pero walang tama at totoo, lalo na’t tumitimo at tumatagos, ang masasabi nating hindi masakit.

Malinaw na ayaw ni Juan Bautista ang mga palusot natin. Malinaw na gusto niyang tayo ay manindigan at tumayo ayon sa tama. Tama na ang mga pasulot natin. Tama na ang paninisi ng iba. Wag na nating sisihin ang ating magulang, ang nakaraan, ang ating bayang sinilangan, ang kakulangan nito at kakulangan noon. Sapat na ang ipinagkaloob sa atin.

Panindigan ang tuwid na daan at kung hindi ay tuwirin at ihanda para sa kanya. Tama na ang palusot. Tama na ang paninisi. “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan.”

NASA TAMANG LUGAR BA ANG PUSO MO?

In Adviento, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 23, 2012 at 17:12

heartsinrightplacefinalIka-9 na Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 24, 2012

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5,8b-12,14a,16 / Lc 1:67-79

NASA TAMANG LUGAR BA ANG PUSO MO?

Sa wakas, nakarating na tayo sa huling yugto ng ating taunang pagninilay at paghahanda para sa Pasko. Mamaya, nasa simbahan na naman kayo, yayamang ayaw ninyo masyadong maging abala bukas, liban sa pagdiriwang ng pasko. Ngayon at mamayang gabi ay pasko ng mga di na bata. Bukas, lalu na sa umaga, ay pasko ng mga bata. Ang mga malls ay malamang na puno bukas ng mga bata, at mga lolo at lolang walang retirement, kasi full-time na trabaho nila ang mag-alaga sa mga apo.

Kung minsan, parang naliligaw ang ating puso sa maraming bagay. Nang dahil sa pag-ibig, (pag-ibig na makamundo lamang), maraming tao ang nadidiskaril, ika nga, ang buhay. Sa pag-ibig sa gadgets, nagkakabaon-baon sa utang sa credit card, sapagka’t madaling bumilin nang ano man, pagka plastic lang ang pambayad.

Nangyayari din minsan, na dahil sa maling mga prioridad, nadidiskaril rin ang mithiin sa buhay. May mga kilala akong hindi nakapagtapos ng pag-aaral, dahil sa halip na mag-aral ay ginugol ang panahon sa musika, sa banda, o sa pakikipag-barkada. Bilang guro sa loob ng 34 na taong lumipas, alam na alam ko sa simula pa lamang ang makakukuha ng magandang grado. Ang mga taong walang pokus, walang iisang layunin, ay laging natatangay ng kung ano ang “flavor of the month,” ika nga. Ang mga masisinop at matiyaga ay matiyaga na sa simula pa lamang … nagbabasa na, gumagawa na ng review guide sa simula pa lamang, at walang patid na naghahanap ng karagdagang mga babasahin.

Ang mga taong walang pokus ay kaladkarin, kumbaga, ang isipan at damdamin ng kung ano ang kinahihibangan ng marami – telenobela, DOTA, facebook, at chatting na walang patumagga – hanggang madaling araw!

May lumang kwento tungkol sa Tatlong Mago. Ayon sa kwentong ito, apat raw sila. Subali’t yung ika-apat ay hindi nakarating sa sabsaban. Kay raming tinulungan. Kay raming ginawa liban sa hanapin kung saan nanduon ang bagong silang na hari. Dumating siya 33 taon matapos isilang ang Mesiyas, at nakita niya diumano ang hari ng mga hari na nakabayubay sa krus.

Ang mga nadidiskaril ang buhay ay masasabi nating wala sa tamang lugar ang puso. Ang puso ay dapat nasa dibdib, sa ilalim ng rib cage o parilla – napaka sensitibo, maselan, at dapat ay pinoprotektahan. Kapag nasa labas ang puso, tulad ng nakikita sa internet na batang labas ang puso sa dibdib, delikado ang lagay ng buhay, sapagka’ta walang proteksyon ang puso.

Katumbas nito ang mga taong walang pahalaga sa kanilang pananampalataya. Kakaunti na nga ang alam ay isinusuong pa sa mga pagdududa sa pagbabasa ng mga kung ano-ano sa internet o iba pang mga babasahin na laban sa pananampalatayang Katoliko.

Mayroon namang ang puso ay malapit sa kamay o sa bibig, o sa utak. Kung karugtong ng utak, walang pinaiiral liban sa isip … walang damdamin, walang pakiramdam. Kung ano ang iginiit ng utak ay siyang tama. Katumbas nito ang mga taong ang lahat ay inaanalisa, pinag-aaralan, at hindi nilulukuban kahit kaunting damdamin. Ang lahat ay dinadaan sa kalkulasyon, sa pamimilosopo o sa pagpapairal ng isipan at wala nang iba.

Mayroon namang ang puso ay kakabit sa kamay. Ang lahat ay dinadaan sa gawa, sa pagsisikap. Walang pitak para sa pananampalataya … ang lahat ay nabibilang, nasusukat, natitimbang. Katumbas ito ng mga taong hindi masaya kung walang bunga, walang produkto, walang kita, at walang naikakahon o naiimbak.

Tanong natin ngayon ay ito: NASAAN ANG IYONG PUSO?

Bakit mahalaga ang tanong na ito? Simple lang po. Ito ay sapagka’t ang CREDO, ang ating pagpapahayag ng pananampalataya ay nangangahulugang IPAGKALOOB ANG PUSO SA DIYOS, na galing sa Latin cor-dare. Ang ibig sabihing literal ng Credo ay I give my heart!

Ano-ano ba ang kahulugan ng pagbibigay ng puso natin sa Diyos?

  • Sumasampalataya sa Diyos na mapagmahal na manlilikha na tumanggap sa tao bilang ka-partner o katuwang upang palawigin ang paghahari ng Diyos sa buong sangnilikha
  • Sumasampalataya tayo kay Jesus bilang ganap na tao at ganap na Diyos, na siyang ipinangakong Mesiyas – Kristo. Ang modelo ng buhay niya ay siyang DAAN  tungo sa pamumuhay Kristiyano. Ang kanyang pagpapakasakit at muling pagkabuhay ang nagbibigay lakas sa atin upang isabuhay at isatupad ang mapagpalayang kaligtasan sa kasaysayan ng sangkatauhan.
  • Sumasampalataya tayo sa Espiritu Santo bilang tagapag-kaloob ng  buhay, and ikatlong persona ng iisang Diyos. Siya ang naggagabay sa tao at sa buong Iglesya upang maging tapat sa kasunduan, upang mamuhay nang tama sa pakikipag-ugnay sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, at sa buong sangnilikha.
  • Iisa at parehong binyag at panawagan ang ating inaangkin upang maging Iglesya tayong nagkakaisa sa pag-ibig at pananampalataya, banal ayon sa bunsod ng Espiritu Santo, katoliko sa kanyang pagnanasang magkaisa ang lahat sa puso at kaisipan, at apostoliko sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa sinimulan ni Jesus.
  • Sama-sama tayong nagsisikap pumasok sa kaisahan ng mga banal; nagdiriwang tayo at nagsasaya sa awa ng Diyos; umaasa tayo sa muling pagkabuhay, katawan at kaluluwa; at nagtitiwala tayo sa pangako ng buhay na walang hanggan sa harapan ng Diyos.

Hindi mahirap unawain na ito rin ang ginawa ni Zacarias sa ating ebanghelyo sa wakas ng simbang gabi. Sa kanyang katandaan at kakulangan ng pang-unawa, nakuha pa rin niyang ipagkaloob ng kanyang puso. At nagawa niya ito sapagka’t wala sa kamay ang kanyang puso. At lalung wala sa kanyang talampakan. Wala rin sa kanyang noo, o sa tuhod. Nasa tamang lugar ang kanyang puso. Nababalot ng kaha sa dibdib – iningatan at itinaguyod nang buong pag-iingat, nag-aalaba sa pag-ibig, hindi mababaw na pagnanasa, nagpupuyos sa paggawa ng mabuti at hindi pahapyaw na pananaghili.

Ang pusong nasa tamang lugar ay pusong nag-uumapaw ng pag-ibig at papuri. Ito ang pusong handang umawit, tulad ng ginawa ni Zacarias: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagka’t iniligtas Niya at pinalaya ang kanyang bayan.”

Ang pagliligtas na ito ay magaganap mamaya sa historya at sa hiwaga; sa ritwal at sa pagsamba; sa awit at sa dasal; sa paggunita at sa pagdarasal nang buong Iglesya.

Matuwa at magalak, sapagka’t dumatal na ang kaligtasang dulot sa atin ng Diyos!