frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagkabuhay’ Category

PANGITAIN, PANGAKO, PAGGAWA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 4, 2010 at 13:10


Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 9, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 15:1-2, 22-29 / Pahayag 21:10-14, 22-23 / Juan 14:23-29

Puro kalumaan ang nakikita natin sa mga nagaganap sa lipunan. Lumang mga trapo, halimbawa, ang mga nagsisikap bumalik sa “paglilingkod sa bayan.” Lumang politika, ang namamayagpag sa bayan natin. Pati ang pagmasaker sa mahigit sa 50 katao ay lumang politika na nabahiran sa mula’t mula pa ng karahasan.

Panay kalumaan ang natutunghayan natin saanman … liban dito … sa simbahan, kung kailan ang mga pagbasa ay nagwiwika tungkol sa wagas at taos na pagbabago.

Sa unang pagbasa, naging isang malaking suliranin kung ang lumang batas ni Moises ay dapat pang maghari. Upang lutasin ito, ipinadala sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. Bagama’t hindi nila binale-wala ang batas ni Moises, malinaw na may isang panibagong batas na umiiral – ang bagong batas na dulot in Kristo.

Sa ikalawang pagbasa, wagas at lubos na pagbabago ang natutunghayan natin. Isinagisag ang ganap na pagbabagong dulot ni Kristo sa pamamagitan ng larawan ng isang “bagong Jerusalem” na bumababa mula sa kalangitan. Pangitain ito at hula tungkol sa wakas ng panahon kung kailan ang paghahari ng Diyos ay lubos na magaganap sa buong sangkalupaan at sangkatauhan.

Sa ebanghelyo naman, isang mataginting na bagong utos ang sinasaad – ang bagong utos ng pag-ibig.

Alam kong lahat tayo ay bagot na bagot na sa lumang politika sa bayan natin. Alam kong lahat tayo ay nag-aasam at naghahanap ng pagbabago. Alam ko ring, ang mga may kaya ay laging naghahanap ng bagong cellphone, bagong computer, bagong sapatos at bagong damit … bagong lahat. Ang kalumaan ay hindi natin gusting manatili at bumalot sa ating pagkatao.

Likas sa tao ang maghanap ng bago, ang gumawa o gumamit ng anumang hindi pa gasgas, hindi pa kupas, o hindi pa lagas. Likas sa atin ang mag-asam ng pagbabago sa lahat ng antas o larangan ng buhay.

Dito ngayon papasok ang magandang balita ng kaligtasan. Ang buod, puno, at dulo ng magandang balita ni Kristo ay walang iba kundi ito. Gusto ng Diyos ang pagbabago. Gusto niya ang pagpapanibago. Ito ang unang laman ng kanyang pangaral, “Magbago, at sumampalataya sa ebanghelyo.” Ito ang buod ng kanyang pangaral. At ito ang dahilan kung bakit ang kanyang pangaral ay isang bagong balita, tungo sa isang bagong buhay.

At ito ay hindi lamang pangako. Isa na itong katotohanang nagaganap na ngayon, na isinasalarawan ng pangitaing binabanggit sa aklat ng Pahayag. Nagsimula na ito sa pagtatatag ng Santa Iglesya, na isa sa mga tinutumbok ng larawan ng “bagong Jerusalem.” Isa na rin dito ang katotohanang may langit na siyang tunay nating bayan. Dito nagmumula ang “bagong Jerusalem.” Ito ang sukdulan ng ating pag-asa. Ito ang nilalaman ng lahat ng ating inaasam – ang ganap na pagbabagong dulot ng bagong Jerusalem, ng Inang Santa Iglesya, na nagpupunyagi upang tayo ay mapanuto at mapunta sa nilalarawan ng bagong Jerusalem.

Malayo pa ang bayan natin sa bagong Jerusalem. Subali’t bilang kasapi ng Santa Iglesya, may tungkulin tayong nakaatang sa balikat – ang tumulong upang ang pangitaing ito ay maganap, mangyari, at magkatotoo sa buhay natin.

Malayo pa nga tayo … lalu na’t panay paninira ang alam ng mga politikong, nagsisiraan, nagbibintangan, at nagpaparatang sa isa’t isa para lamang malampasan ang kalaban. Para silang mga kalderong napaka-iitim ang puwet na nagbibintangan sa isa’t isa na ang kalaban ay maitim at madungis.

Talagang malayo pa tayo … lalu na’t nakikita natin isang libong piso lamang pala ang katapat ng isang boto; lalu na’t ang namumuro ay ang mga mapera, madatung, mahaba ang pisi, at kayang bumili ng boto – o manloko ng mga mangmang at walang pinag-aralan.

Malayo pa nga tayo, nguni’t hindi tayo busabos na lubos. Hindi tayo mga taong walang kinabukasan. May isang pangitain at pangakong naghihintay sa ating alagaan at gawin. Ang pangitain at pangakong ito ay nagsimula na sa Inang Santa Iglesya. Ang pangakong ito ay naganap na sa pagsilang, pagpapakasakit, at pagkamatay ni Kristong Panginoon.

Isa na lamang ang dapat mangyari. At hindi ang Diyos ang dapat gumawa nito. Ako, Ikaw, tayong lahat ang dapat ngayong kumilos upang ang pangitain at pangako ay maging isang mataginting na katotohanan sa pamamagitan ng ating paggawa.

PINATATAG, PINAGPAYUHAN, PINAGTAGUBILINAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 1, 2010 at 13:24

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 2, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 14:21b-27 / Pahayag 21:1-5a / Juan 13:31-33a, 34-35

May panahon sa aking pagkabata kung kailan dalawang tirahan ang kinaroroonan naming magkakapatid. Ang isang grupo ay nasa Maynila habang nag-aaral, at ang ikalawang grupo na nasa mababang paaralan ay nasa probinsiya, sa Cavite. Ako noon ang pinakamatanda sa ikalawang grupo na naiwan sa Mendez, Cavite, habang ang mga nakatatanda ay nasa Makati. Tuwing Sabado, umuuwi ang mga magulang namin upang tingnan kung paano na kami, kasama ng lola, malayo sa iba naming kapatid. Tuwing Linggo ng hapon, bago bumalik sa Makati ang magulang namin, maraming pananalita ang natatandaan kong sinasabi sa amin … mga habilin, mga pagbibigay ng payo, at mga pagtatagubilin.

Iisa ang pakay nila – ang kami ay patatagin … ang kami ay matutong mag-agguanta, magtiis pa ng kaunti habang ang lahat ng bagay ay pinagsisikapang lutasin at hanapan ng solusyon.

Ito ang unang mga liksyong natutunan ko na may kinalaman sa pagtitiis, katatagan ng puso at damdamin, at ang pagtatanim ng anumang tagubiling iniwan sa akin. Naging responsable ako. Natuto akong tumayo sa aking sariling mga paa, at higit sa lahat, natutunan kong tumupad nang ayon sa mga tagubilin o habilin sa akin.

Sa ikalimang linggong ito ng pagkabuhay, may hibla ng lahat ng ito sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, natunghayan natin si Pablo at Bernabe na nagbalik sa Listra, at sa Antioquia ng Pisidia. “Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.”

Ganito yata talaga ang pananagutan, ang pagkakalinga na binanggit natin noong nakaraang Linggo, araw ng butihing pastol. Hindi natin matatakasan ito. Kung may malasakit ay may pananagutan. Kung may pananagutan ay may pagpupunyagi para sa pinagmamalasakitan. Ito ang hindi nasusulat na batas ng pananagutan. Ito ang lubusang pinatunayan ni Kristo, bilang butihing Pastol. Ito rin ang pinatunayan ni Pablo at Bernabe, na, sa kanilang pagmamalasakit sa mga iglesyang kanilang ipinundar, ay nagpamalas ng labis na pagkalinga at pangangalaga.

Ilang araw na lamang at halalan na sa bayan natin. May mga responsableng kandidato na mayroong malasakit. Mayroon din namang mapagsamantala at mandarambong na walang ibang hanap kundi kapangyarihan at karangyaan. Mayroong ang wagas at tunay na layunin ay maglingkod at magmalasakit. Subali’t hindi kaila sa lahat na mayroong mga makasarili, masiba, at mapanila. Sa halip na maging pastol ay nag-aasal buwitre o asong gubat, na walang ibang pakay kundi ang pagsamantalahan ang mga inosenteng mga mahihirap at walang kaya.

Nais kong isipin na, bagama’t tungkulin natin ang magsikap upang mapanuto ang buhay nating makamundo, mayroong higit pa sa buhay na ito. Ito ang pagpapatatag ng kaloobang laman ng ikalawang pagbasa. Sa pamamagitan ng matulain at masagisag na kataga, binubuhay ng aklat ng pahayag ang pag-asa at pagtitiwala sa Diyos na naghahatid sa isang panibagong buhay na pinasinayaan ng muling pagkabuhay ni Kristo: “Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagka’t lumipas na ang dating mga bagay.”

Alam kong ito ay maaring maghatid sa tao sa isang kawalang pansin sa mga nagaganap ngayon at dito. Maaring maging daan ito upang magkibit balikat na lamang at magsabing wala na tayong magagawa … wala na tayong pag-asa.

Ngunit hindi ito ang kabuuan ng banal na Kasulatan … hindi isang pagkikibit balikat at pagkawala ng pagpupunyagi ang ikinikintal sa ating isipan at damdamin, bagkus isang pag-asang bumabagtas sa mga bagay na makamundo at material. Hindi como bumabagtas ito sa makamundong mga bagay ay wala na itong kinalaman sa mundong ibabaw.

Tungkulin pa rin natin ang magsikap upang ang lipunan natin ay pagharian ng Diyos at ng kanyang kalooban. Tungkulin pa rin natin na pumili ng pinunong hindi asong gubat o buwayang ang pakay lamang ay lumamon at magpakayaman.

Iisa ang turong tinutumbok ng mga pagbasang ito. Bagama’t mayroon tayong tungkulin sa lipunan at sa bayan dito at ngayon, ang tunay na hantungan ng buhay na dapat pagsikapan ay kung ano ang “pinatatatag, pinagpapayuhan, at ipinagtatagubilin” sa atin ng Diyos … ngayon at kailanman … sa mundong ito.

Katatagan ng kalooban at pananampalataya ang dapat natin baunin bago tayo tumulak tungo sa halalan. At ang higit sa lahat na tagubilin ng Diyos sa atin ngayon ay ang higit sa lahat sa kanyang mga utos – ang mag-ibigan sa isa’t isa, tulad ng pag-ibig niya sa atin.

Bigyan kaagad natin ng ejemplo o halimbawa ang pag-ibig na ito … hindi ito isang damdaming puno lamang ng emosyon. Ito ay ginagampanan at tinutupad. At ang unang objeto ng pag-ibig na ito ay ang pagmamalasakit sa bayan natin … ang pagkakalinga sa mga naaapi at naiiwan sa larangan ng edukasyon, ang mga mangmang at mahihirap na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga mapanilang mga kandidatong walang ibang layunin kundi mandambong at magsamantala sa higit na nakararami. Isa pang ejemplo … bumoto nang tama. Pumili ng siyang pinakamalapit sa larawan ng butihing pastol.

Pinatatatag Niya ang ating kalooban … Pinagpapayuhan tayo … at pinagtatagubilinan. Ano ang gagawin mo sa Mayo 10?