frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagkabuhay’ Category

PAGBABAGO@LIPUNAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 11, 2009 at 08:36

jesusresurrection

MULING PAGKABUHAY NG PANGINOON (B)
Abril 12, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 10:34a, 37-43 / Col 3:1-4 / Juan 20:1-9

Isang kilusan ang lumutang sa kamalayan ng mga Pinoy kamakailan. Sa gitna ng napakaraming luma at lisyang mga kalalagayan ng lipunan, mapasa politika, mapasa kamalayang sibil, mapasa larangan ng komersiyo at edukasyon, sampu ng larangang pang-relihiyon, isang malakas na agos ng pagnanasang magpanibago ang unti-unting rumaragasa sa kamalayan ng buong bayan natin.

Pagbabago … Ito ang sigaw ng lahat. Pagbabago … Ito ang masidhing panaginip ng napakarami sa atin. Pagbabago … Ito ang lubhang kinakailangan ng balana.

Pagbabago … Ito ang pangako na pinanghahawakan nating lahat mula sa Diyos na Maylikha!

Pagbabago … Ito ang hindi lamang pangako kundi bagkus patunay at kaganapan ng kaloob at likha ng Diyos.

Pagbabago ang daloy ng pagdiriwang natin sa araw na ito. Walang iba. Walang duda. Walang katulad. Ang lahat ay mataginting na pagsasa-alaala ng pagbabago.

Gabi ng ipagkanulo ni Judas si Jesus. Gabi ng ipinagtatwa ni Pedro ang kanyang Panginoon. Gabi nang si Jesus ay hatulan ng mga hindi makatanggap sa kanya. Dilim ang pinili ng mga taong mas minatamis mamuhay sa kadiliman. Gabi rin ng siya ay magpawis ng dugo sa halamanan at gabi ng Siya ay dakipin at hatulan ng kamatayan.

Ano ba ang bago sa pagdiriwang natin? Una sa lahat, ang salaysay ng muling pagkabuhay ay naganap sa unang araw ng linggo. Ikalawa, ang parehong salaysay ay naganap sa pagbubukang-liwayway. Ikatlo, isang babae – si Maria ng Magdala – ang siyang unang nakasilay sa isang bagong katotohanan.

Isang bagong kwento para sa isang bagong katotohanan. Isang panibagong tingin sa isang lumang pangako na sa kanyang katuparan ay nagpanibago ng lahat. Ito ang salaysay ng muling Pagkabuhay ng Panginoon!

Isang bagong Pedro ang lumantad sa unang pagbasa. Isang nagpanibagong kaluluwa, na mula sa isang masidhing pagtangis matapos itatwa ang Panginoon, ay bumangon sa isang masidhing pagtugis sa katotohanang natambad sa kanyang paningin… “Kami ay mga saksi sa lahat ng kanyang ginawa para sa mga Judio at sa Jerusalem.” Mula sa isang kinakabahan at nahihintakutang taga-sunod ay bumalikwas si Pedro sa isang magiting at tapat na tagapagpatunay.

Bagong araw para sa isang bagong katotohanan. “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; matuwa tayo at magalak.”

Nguni’t hindi lamang ito … isang panibagong panagimpan ang mungkahi ni Pablo sa mga taga Colosas: “Kung kayo ay muling nabuhay kasama ni Kristo, hanapin ninyo ang mga bagay sa itaas, kung saan Siya ay nakaluklok sa kanan ng Ama.” Bagong pangarap hinggil sa bagong kalalagayan ng mga taong sinagip ni Kristo…

Sa bukang liwayway, isang babae ang nakatunghay sa puntod na pinaglibingan kay Kristo … sa unang araw ng Linggo, sa pagkagat ng liwanag sa gitna ng karimlan. Dilim at kalungkutan ang dala ng puso’t kalooban ni Maria ng Magdala. Ngunit’ sa pagkakita sa bato na pinagulong sa lagusan ng puntod, sapat na para kay Maria Magdalena na tumalilis, tumakbo, at buong galak na ibalita ang napipintong katotohanan ng isang malaking pagbabago sa kanilang buhay at sa buhay na buong daigdig.

Panay pagbabago ang tinutumbok ng mga pagbasa natin ngayon … At ang batayan ng lahat ng ito ay walang iba kundi ang muog at pundasyon ng lahat ng pagbabagong naganap sa buhay ng isang mundong nagupiling sa lumang kwento ng kasalanan at kamatayang dulot nito.

Luma na ang ating pagtangis sa mga kwento ng katiwalian at kadayaan sa lipunan natin. Luma na ang mga paulit-ulit nating pagsisikap na itumba ang paghahari ng mga kampon ni Ali Baba at ang kanyang 40 kampong mandarambong. Luma na ang ating mga pagnanasang muling ibangon ang bayan natin upang maihanay sa mga bansang puedeng magyabang, puedeng magmakaingay sa pag-unlad at karampatang karangyaan. Luma na at gasgas na plaka na ang mga pagpupunyagi natin upang lipulin sa balat ng lupa ang lahat ng uri ng katakawan, pagkamakasarili, at walang sawang pagkakamal ng nakaw na yaman ng bayan.

Ang lumang salaysay ng kasalanan ay talagang laon na …. Mula pa kay Adan at Eba ay nakilala na natin kung saan pupulutin ang mga mapag-imbot, mapanaghili, masiba, at makasarili. At ito ay hindi lamang isang kangkungan … Ito ay masahol pa sa dahilig ng Hinnom na pinagtatapunan ng lahat ng basura ng Jerusalem, na laging nagdadaig, naaagnas, at nangangamoy.

Sa araw na ito, bagong balita at bagong pangako ang natambad sa ating kamalayan. Ito ang tunay na batayan ng lahat ng ating mga pangarap, pag-asa, at pagnanasa sa tunay na pagbabago. Ito ang magandang balita na talagang posible at maaaring mangyari ang lahat ng ating inaasam at hinihintay.

Ito ang tunay at walang katulad at walang kaparis na simulain ng pagbabago@lipunan na siyang isinusulong ng grupong ang hangad ay pagpanibaguhin ang lipunang Pinoy.

Ito ang ganap na patunay na walang pagbabago liban kay Kristo – ang Diyos na may-akda ng tunay na pagbabago. Iyan ang mataginting na aral ng mga pagbasa, na nagdudugtong at nag-uugnay sa muling pagkabuhay ng Panginoon sa gawang paglikha ng Diyos sa aklat ng Genesis. Kung paanong ang Diyos ang siyang lumikha ng lahat at nagpanibago sa malaking kawalan at kaguluhan sa kalawakang binabanggit sa Genesis, ganuon rin naman, ang muling pagkabuhay ni Jesus ay larawan ng parehong Diyos na patuloy na lumilikha ng bagong buhay at bagong kaayusan sa lipunan.

Pagbabago@ lipunan … Ito ang pangarap ng Diyos para sa atin. Pagbabago@lipunan … Ito ang kaganapang naghihintay sa atin. Ito rin ang kanyang pinatunayan sa pinaka matinding bagong balita na naganap sa araw ng Panginoon – ang kanyang muling pagkabuhay.

Umaasa pa rin tayo sa isang ganap na pagbabago sa lipunan. Nangangarap pa rin tayo at patuloy na nananalangin sa ikalalaganap ng ganitong uri ng pagpapanibago. Isang magandang aral ang dapat pulutin kay Maria Magdalenang sa kanyang pagtangis ay di niya nakuhang makilala ang tunay na batayan, muog, at simulain ng lahat ng makabuluhan, makahulugan, at makatotohanang pagbabago – ang muling pagkabuhay ng Kanyang Panginoon!

Ikaw, ano ang dapat mong hawanin sa buhay mo upang matunghayan ang ganap na pagbabagong ito?

PANGAKO, PANANATILI, PAG-ASA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Sunday Reflections on Abril 24, 2008 at 13:43

Pag-akyat ng Panginoon sa Langit (Taon A)
Mayo 4, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Mateo 28:16-20

N.B. Ipinagpapauna ko na ang pagninilay na ito sapagka’t paalis ako sa Mayo 1, 2008 at babalik sa Junio 8, 2008. Pipilitin kong magampanan ang pagninilay na ito kahit mula sa US, Greece, Turkey, at Israel sa loob ng panahong ito. Salamat muli sa lahat!

Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay malimit nating isiping isang paglisan. Kung may paglisan ay may pamamaalam. Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay malayo sa diwa ng paglisan. Umiikot ang pagdiriwang natin ngayon sa tatlong kataga: pangako, pananatili, at pag-asa.

PANGAKO … Ang unang pagbasa ay nakatuon sa isang pangako: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba ng Espiritu Santo.” Subali’t kalakip ng pangakong ito ang isang paghamon: “Kayo’y magiging saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa lahat ng dako ng daigdig.”

PANANATILI … Ang pangakong binitiwan Niya sa unang pagbasa ay higit niyang binigyang liwanag sa ebanghelyo: “At alamin ninyong ako’y kasama ninyo tuwina hanggang sa wakas ng panahon.”

PAG-ASA … Si Pablo na isa sa mga saksi sa mga naganap sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo ay siyang nagbibigay-buod sa diwa ng ating pagdiriwang sa araw na ito: “Liwanagin nawa niya ang inyong panloob na paningin, upang mabatid ninyo ang dakilang pag-asa na siyang panawagan niya sa inyo.”

Ang pagtitipon natin tuwing Linggo ay maraming dahilan. Bukod sa pakay nating magbigay-puri sa Diyos, kagustuhan din natin na mabigyang-kahulugan ang ating buhay, ang ating pinagdadaanang karanasan … sa madaling salita, ang ating kasaysayan. Ang kasaysayan ng kaligtasan at ang kasaysayan ng tao sa mga araw na ito ay magka-ugnay, at may koneksyon sa isa’t isa. Una sa lahat, ang Diyos ay patuloy na nagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng ating kasaysayan.

Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang makasaysayang pangyayari. Kalakip ito at kaugnay ng higit na malawak na hiwaga ng Paskuwa, ang pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Nguni’t ito ay hindi isang pangyayaring naganap na lamang at sukat at wala nang kinalaman sa ating pangkasalukuyan at hinaharap. Ito ay kasaysayan rin natin. Ito ay may kaugnayan sa ating ngayon at bukas.

Nabubuhay pa rin tayo ngayon at nakapag-aaguanta sa pang-araw-araw na pagsubok dahil sa parehong pangako ng Diyos. Ang ating Diyos ay isang Diyos ng pangako, at Diyos ng katuparan. Tinupad Niya ang pangakong pagbaba ng Espiritu Santo. Tinutupad pa rin niya ngayon ang patuloy na pangako ng Espiritung nagtataguyod ng buhay, ng pagpapanibago, ng pagbabagong-anyo sa lipunan. Nasa likod siya ng lahat ng magagandang panukala na nagkakadiwa at naisasabuhay saanman sa daigdig. Halimbawa rito ang patuloy na kabatirang ang mga angking yaman ng daigdig ay dapat pakaingatan, at alagaan, at hindi aksayahin. Buhay pa rin ang pangako ng Diyos sa tao, at buhay pa rin ang katuparan ng mga pangakong ito.

Ikalawa, ang pananatiling ipinangako ni Jesus ay bagay na dapat nating pagyamanin, limiin, at isabuhay sa ating panahon. Marami tayong pangarap sa ating buhay sa daigdig na ito. Nariyan ang pagnanasa nating matulungan ang mga salat, ang mga walang kaya, ang mga api sa mundo. Hindi natin maitataguyod ang lahat ng dakilang hangaring ito kung wala ang Diyos, kung tayo ay nag-iisa. Ang mga dakilang hangaring ito ay nagpapatuloy, hind sapagka’t tayo ay masugid, masipag, at mapagtiis lamang. Kailangan natin ng lakas mula sa itaas. Hindi biro ang magpagal sa isang bagay na parang walang katapusan, parang naglalagay tayo ng tubig sa buslong walang ilalim, isang lukbutang walang puwit, kung baga. Hindi biro ang magpakahirap para sa mga taong hindi man lamang marunong tumanaw ng utang na loob, tulad ng mga special children, mga may kapansanan sa pag-iisip, na hindi nakakaramdam ng diwa ng pasasalamat. Sa aking karanasan bilang guro, napakahirap at lalong pahirap nang pahirap ang magturo lalu na’t ang kakayanahang matuto ng mga bata ngayon ay napakahina kung itutulad noong araw.

Nanghihinawa rin ang pinakamasugid na apostol. Nagsasawa rin ang pinakamasipag na disipulo. Subali’t sa kabila nito, ang misyon ng Simbahan ay nagpapatuloy. Bakit? Ito ay walang iba sapagka’t ang Diyos ay kapiling natin tuwina, tulad ng kanyang pangako.

Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Malinaw ang saad ng mga pagbasa. Ang lahat ng ito ay dapat mauwi sa pag-asa. Ito ang binigyang diin ni Papa Benito XVI sa kanyang ensiklikal, Spe Salvi. Pag-asa ang higit na kinakailangan natin sa ating panahon ngayon. Napapalibutan tayo ng kawalan ng pag-asa sa lahat ng larangan ng buhay. Marami ang nabubuhay sa kawalang-pag-asa, na para bagang wala nang hinihintay na katugunan sa mga suliranin.

Subali’t ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang katugunang malinaw sa kawalang-pag-asang ito. Si Kristo ay hindi lamang buhay. Siya ay kapiling natin. Siya ay pangako at katuparan ng pangako. At ang kanyang pag-akyat ay hindi paglisan, bagkus pananatili. “At tandaan ninyo, ako’y kasama ninyo tuwina, hanggang sa wakas ng panahon.”

DVMI House of Prayer
Tagaytay City, Cavite, Philippines
April 24, 2008