frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pasko’ Category

KATIYAKAN, KAGALAKAN, KALUWALHATIAN!

In Panahon ng Pasko, Taon A on Disyembre 24, 2010 at 15:57

Araw ng Pasko ng Kapanganakan(A)
Disyembre 25, 2010

Mga Pagbasa: Is 52:7-10 / Hebreo 1:1-6 / Jn 1:1-5.9-14

Parang atubili ang eklipse ng buwan noong isang araw. Bagama’t hindi tahasang nakita sa Pilipinas ang eklipse, marami ang nakakita noon sa pamamagitan ng livestreaming o sa You Tube, matapos ang pangyayari. Nguni’t pati sa Hilagang America, kung saan dapat sana ay malinaw ito, marami rin ang hindi nakakita … natakpan ng mga madidilim na ulap na nagdala ng ulan sa maraming lugar sa California. Pati mga estudyante ko sa Guam ay nag-asam, naghintay – at nabigo. Ako ay nanuod na lamang sa USTREAM sa internet, mula sa Maynila, at pati ako ay nabigo rin.

Ang Pasko ay hindi tulad ng isang bigong panonood ng eklipse. Ang hatid nito ay katiyakan … kasing tiyak ng hula ni Isaias na nagwiwika tungkol sa darating na pampalubag-loob na galing sa Diyos: “Sapagka’t nagbibigay-galak ang Panginoon … ang lahat ng bansa ay makakakita ng kaligtasan mula sa Diyos.” Ito ang katiyakang hatid ng kapistahang ito ng Pasko. Ito ang katiyakang batayan ng kagalakan natin tuwing darating ang Pasko. At ito ang kagalakang siya ring pangako ng darating na kaluwalhatian ng mga taong may mabubuting kalooban!

Ewan ko sa inyo, pero sa aking karanasan, nag-iiba at nagbabago ang takbo ng maraming bagay. Nagiging pasensyoso ang maraming tao; nagiging mapagpatawad, mahinahon, at matiisin. Tingnan na lamang natin sa sitwasyon ng trapiko sa buong kapuluan. Kahit saan tayo magpunta sa loob ng mga huling araw bago mag-Pasko, ang trapiko ay halos hindi umuusad. Subali’t sa kabila nito,puno ng pag-asa, paghihintay, at pag-aagguanta ang karamihan.

Iba talaga ang panahon ng kapaskuhan … nadadala tayo ng tunay na kahulugan ng pagdating ng Mananakop … Ang lahat, mapa sa mga kanta sa radio, sa kapaligiran sa pamamagitan ng walang patumanggang caroling o pamamasko, ay nagsusulong ng isang kalinangang may kinalaman sa kapayapaan, kahinahunan, at kapatawaran.

Sa Misa sa araw ng Pasko, matayog na teolohiya ang tinutumbok ng mga pagbasa … Matapos natin marinig ang katuparan ng hula ni Isaias sa kaloob na pampalubag-loob ng Diyos, binigyang-buod sa liham sa mga Hebreo ang matayog o malalim na batayan ng lahat ng ito: Si Kristo, aniya, ang maningning na pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos … Siya ang binibigyang-luwalhati at papuri ng lahat ng mga anghel.

Para naman kay Juan Ebanghelista, siya ang sinaunang Kataga ng Diyos, na kapiling ng Diyos sa mula’t mula pa, Kataga na Diyos mismo, Kataga na sa pamamagitan Niya ang lahat ay naganap. Ito ang siya ring Kataga na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin.

Sa panahon natin, pagkakaisa, pagsasamahan, pakikipagniig sa kapwa, sa mahal sa buhay, sa pamilya, sa angkan, sa bayan ang pakay ng lahat. Libo-libong mga OFW ang mga nagsisipag-uwian sa bayan natin upang ,makapiling ang pamilya sa mga araw na ito. Pakikipagniig sa Kanyang bayan ang ginawa ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao. Siya ang unang sugo. Siya ang unang nagsimula ng family reunion. Siya ang unang halimbawa ng isang ama ng pamilyang nagsikap makapiling ang asawa at mga anak upang makaisa sa araw ng Pasko. Siya rin ang unang misyonero ng Diyos Ama, ang unang sugo at embahador, at unang mensahero, na siya ring mensahe ng Ama. Siya ang tagapaghatid ng balita, at sa iisang pagkakataon ay siya ring balita mismo – balita ng kaligtasan.

Ginhawa ang nadarama ng lahat sa araw ng Pasko, maski na ang pinaka-salat sa buhay … kahit na spaghetti lamang at Ma-Ling ang handa … kahit na walang hamon at kesong mula sa isang bansa. Ang makataong ginhawang ito ang siyang pahimakas ng siya nating minimithi, inaasam, at pinakahihintay … ang ganap na kaluwalhatian, ang ganap na kaligtasan, ang lubos na kaganapan ng pangarap natin at pangarap rin ng Diyos para sa atin.

Bawal ang malungkot sa Pasko. Bawal ang pagkagalit at pagtatampo. Ang Pasko, bukod sa napakarami pang bagay ay may kinalaman sa katiyakan, kagalakan, at darating na kaluwalhatian.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

P.S. Sa mga araw na ito, kaming mga Salesiano ay may higit na dahilan upang magpasalamat. Kapiling namin ang Ama, Patron, Kaibigan, Guro, at Tagapamagitan ng mga Kabataan – si San Juan Bosco. Magmula pa noong Disyembre 5, 2010 ay narito siya sa Pilipinas, isa sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo na bibisitahin ng kanyang “pilgrim relic” bilang paghahanda sa kanyang ika-200 kaarawan sa 2015. Nais ko sanang ibahagi sa inyo ang isang montahe ng mga larawan patungkol kay Don Bosco, sa saliw ng opisyal na awitin sa kanyang pagbisita sa ating bayan. Viva Don Bosco! Mabuhay ang mga kabataang Pilipino!


IBUHOS NAWA NG LANGIT ANG KATARUNGAN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Panahon ng Pasko, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 13, 2009 at 12:33

N.B. Pipilitin kong magsulat ng pagninilay sa bawa’t araw ng Simbang Gabi. Narito ang para sa unang araw.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 16, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 45:6b-8, 18, 21b-25 / Lucas 7:18b-23

Walang makapipigil sa Pinoy pagdating ng Simbang Gabi! Sa kabila ng Pepeng at ng Ondoy, ng mga kahindik-hindik na balita tungkol sa masaker at mga hostage saan mang dako ng bansa, tuloy ang pag-asa. Tuloy ang pagsasama-sama ng mga kababayan natin saan mang dako, saan mang bansa sa lumiliit na daigdig!

May simbang gabi sa Arlington, Virginia sa USA … sa ganap na ika-5 ng malamig na umaga! Nakapagmisa ako duon noong nakaraang tatlong Pasko! May simbang gabi sa St. Anthony’s Parish sa Tamuning, sa Guam. May simbang gabi sa Roma, sa Milano, sa Torino, sa Napoli … maging sa Paris, sa Barcelona, sa Madrid … dumako kayo saan mang sulok ng daigdig na mayroong Pinoy at ang simbang gabi ay hindi ninyo matatakasan! Hindi mapigilan ang Pinoy kung ang pag-uusapan ay ang pag-asa sa hinaharap.

Sa loob ng maraming daang taon, ito ang regalo ng mga Pilipino sa Panginoon na nagkaloob ng kanyang sarili para sa tao. Ito rin ang kaloob ng mga Pinoy sa buong mundo. Nagmula sa mga magsasakang binigyang-pagkakataon na makapagsimba noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, ang kagawian ay hindi na mapupuknat sa kamalayang Pinoy, at ngayon pati sa kamalayan ng maraming tao sa buong mundo!

Ang unang araw ng Simbang Gabi ay puno ng pag-asa – tulad ng diwa ng buong Simbang Gabi, na kaakibat tuwina sa pag-asa. Dinggin natin muli ang sinabi sa atin ng pagbasa: “Ako ang Panginoon, wala nang iba pa. Ako, inyong Panginoon ang gumawa ng mga bagay na ito … Ibuhos nawa ng langit ang katarungan, tulad ng hamog mula sa kalangitan!”

Ito ang bungad ng ating siyam na umaga (o gabi) na pagpupuyat at pagbabantay. Ito ang bungad na mabuting balita para sa isang bayang muli na namang ginulantang ng mga makatindig-balahibong mga balita ng karahasan na minsan pang yumurak sa kapayapaan sa bayan natin.

Ito ang magandang katotohanan na hindi natin dapat talikdan – ang puno at dulo at batayan ng lahat ng kabutihang bumabalot sa pagkatao natin bilang Pinoy. Ito rin ang batayan ng lahat ng pinagkakaabalahan natin bilang mananampalataya – ang Panginoon na darating … ang Panginoon na maghahatid ng katarungan na parang mayamang hamog na bubuhos mula sa kaitaasan.

Nasaktan na naman tayo sa mga naganap kamakailan. Nasugatan na naman ang puso natin na hindi miminsang hinagupit ng mapait na kapalaran at mga kaganapan. Sa isa na namang pagkakataon ay minsan pang naghari ang kabuktutan, ang pagkagahaman sa poder, ang pagkamakasarili at pagkamakasalanan ng bayan natin.

Subali’t ngayon, sa unang araw ng ating nobena, (pagsisiyam), muli natin inuunat ang paa upang humakbang muli patungo sa kaligtasan at kaganapan ng pangako ng Diyos na naging taong tulad natin.

Kadarating ko lamang galing sa panonood ng sine na ang pamagat ay INVICTUS. Ito ay salitang Latin na ang kahulugan ay “hindi nagapi ninuman.” Sa kabila ng tila kawalang pag-asa ng Timog Africa, sa kabila ng tila walang pag-asang pamumuno ng isang dating bilanggo dahil sa politika na si Nelson Mandela, napag-isa niya at napagsama-sama niya ang diwa at puso ng mga taong magkakaibang-kulay at lahi, at dati-rating magkasalungat sa lahat ng bagay. Nagkaisa sila sapagka’t nagsama-sama sila sa iisang mithiin – ang magkaroon at makapagkamit ng kadakilaang nasyonal sa pamamagitan ng rugby – sa pamamagitan ng laro na naghatid sa kanila sa rurok ng kaisahan.

Malayo pa ang lalakbayin natin bilang bayan. Marami pang sugat na dapat hilumin. Marami pang tampong dapat lunasan, at nagnanaknak na mga pasakit na dapat lapatan ng lunas. Marami pang mga kabuktutan at katiwalian sa lipunan na dapat ituwid – mga lambak na dapat punuin, mga lubak na dapat patagin, tulad ng sabi ni Juan Bautista.

Sa inyong pagparito ngayon sa simbahan, nakatutuwang isipin na inyong tangan na sa mga kamay ang kasagutan. At ang kasagutang ito ay kung ano ang buong pananampalatayang binigkas natin matapos ang unang pagbasa: “Ibuhos nawa ng langit ang Makatarungan, at isilang ng daigdig ang Manliligtas!”

Ito ang tunay na nasa likod ng inyong pag-asa. Ito ang tunay na dahilan na inyong kagalakan. Ito ang kagalakang hindi kailanman mapupuknat ng karahasan, ng katiwalian, at lahat ng uri ng kadayaaan.

At ito ang pasimulang ginugunita at pinagyayaman ngayon sa unang araw ng ating pagsisiyam sa Pasko.

Alam kong mahaba pa ang lakbayin natin. Nguni’t ang isang paglalakbay na may habang isang libong milya ay nagmumula sa isang hakbang. Sa araw na ito, sama-sama, sabay-sabay nating gawin ang unak hakbang na ito.

At ito ay magagawa natin sa taimtim na panalangin sa Diyos … “Rorate coeli desuper et nubes pluant justum!” Magbukas nawa ang kalangitan at ibuhos sa amin ang makatarungan!”