frchito

KATIYAKAN, KAGALAKAN, KALUWALHATIAN!

In Panahon ng Pasko, Taon A on Disyembre 24, 2010 at 15:57

Araw ng Pasko ng Kapanganakan(A)
Disyembre 25, 2010

Mga Pagbasa: Is 52:7-10 / Hebreo 1:1-6 / Jn 1:1-5.9-14

Parang atubili ang eklipse ng buwan noong isang araw. Bagama’t hindi tahasang nakita sa Pilipinas ang eklipse, marami ang nakakita noon sa pamamagitan ng livestreaming o sa You Tube, matapos ang pangyayari. Nguni’t pati sa Hilagang America, kung saan dapat sana ay malinaw ito, marami rin ang hindi nakakita … natakpan ng mga madidilim na ulap na nagdala ng ulan sa maraming lugar sa California. Pati mga estudyante ko sa Guam ay nag-asam, naghintay – at nabigo. Ako ay nanuod na lamang sa USTREAM sa internet, mula sa Maynila, at pati ako ay nabigo rin.

Ang Pasko ay hindi tulad ng isang bigong panonood ng eklipse. Ang hatid nito ay katiyakan … kasing tiyak ng hula ni Isaias na nagwiwika tungkol sa darating na pampalubag-loob na galing sa Diyos: “Sapagka’t nagbibigay-galak ang Panginoon … ang lahat ng bansa ay makakakita ng kaligtasan mula sa Diyos.” Ito ang katiyakang hatid ng kapistahang ito ng Pasko. Ito ang katiyakang batayan ng kagalakan natin tuwing darating ang Pasko. At ito ang kagalakang siya ring pangako ng darating na kaluwalhatian ng mga taong may mabubuting kalooban!

Ewan ko sa inyo, pero sa aking karanasan, nag-iiba at nagbabago ang takbo ng maraming bagay. Nagiging pasensyoso ang maraming tao; nagiging mapagpatawad, mahinahon, at matiisin. Tingnan na lamang natin sa sitwasyon ng trapiko sa buong kapuluan. Kahit saan tayo magpunta sa loob ng mga huling araw bago mag-Pasko, ang trapiko ay halos hindi umuusad. Subali’t sa kabila nito,puno ng pag-asa, paghihintay, at pag-aagguanta ang karamihan.

Iba talaga ang panahon ng kapaskuhan … nadadala tayo ng tunay na kahulugan ng pagdating ng Mananakop … Ang lahat, mapa sa mga kanta sa radio, sa kapaligiran sa pamamagitan ng walang patumanggang caroling o pamamasko, ay nagsusulong ng isang kalinangang may kinalaman sa kapayapaan, kahinahunan, at kapatawaran.

Sa Misa sa araw ng Pasko, matayog na teolohiya ang tinutumbok ng mga pagbasa … Matapos natin marinig ang katuparan ng hula ni Isaias sa kaloob na pampalubag-loob ng Diyos, binigyang-buod sa liham sa mga Hebreo ang matayog o malalim na batayan ng lahat ng ito: Si Kristo, aniya, ang maningning na pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos … Siya ang binibigyang-luwalhati at papuri ng lahat ng mga anghel.

Para naman kay Juan Ebanghelista, siya ang sinaunang Kataga ng Diyos, na kapiling ng Diyos sa mula’t mula pa, Kataga na Diyos mismo, Kataga na sa pamamagitan Niya ang lahat ay naganap. Ito ang siya ring Kataga na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin.

Sa panahon natin, pagkakaisa, pagsasamahan, pakikipagniig sa kapwa, sa mahal sa buhay, sa pamilya, sa angkan, sa bayan ang pakay ng lahat. Libo-libong mga OFW ang mga nagsisipag-uwian sa bayan natin upang ,makapiling ang pamilya sa mga araw na ito. Pakikipagniig sa Kanyang bayan ang ginawa ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao. Siya ang unang sugo. Siya ang unang nagsimula ng family reunion. Siya ang unang halimbawa ng isang ama ng pamilyang nagsikap makapiling ang asawa at mga anak upang makaisa sa araw ng Pasko. Siya rin ang unang misyonero ng Diyos Ama, ang unang sugo at embahador, at unang mensahero, na siya ring mensahe ng Ama. Siya ang tagapaghatid ng balita, at sa iisang pagkakataon ay siya ring balita mismo – balita ng kaligtasan.

Ginhawa ang nadarama ng lahat sa araw ng Pasko, maski na ang pinaka-salat sa buhay … kahit na spaghetti lamang at Ma-Ling ang handa … kahit na walang hamon at kesong mula sa isang bansa. Ang makataong ginhawang ito ang siyang pahimakas ng siya nating minimithi, inaasam, at pinakahihintay … ang ganap na kaluwalhatian, ang ganap na kaligtasan, ang lubos na kaganapan ng pangarap natin at pangarap rin ng Diyos para sa atin.

Bawal ang malungkot sa Pasko. Bawal ang pagkagalit at pagtatampo. Ang Pasko, bukod sa napakarami pang bagay ay may kinalaman sa katiyakan, kagalakan, at darating na kaluwalhatian.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

P.S. Sa mga araw na ito, kaming mga Salesiano ay may higit na dahilan upang magpasalamat. Kapiling namin ang Ama, Patron, Kaibigan, Guro, at Tagapamagitan ng mga Kabataan – si San Juan Bosco. Magmula pa noong Disyembre 5, 2010 ay narito siya sa Pilipinas, isa sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo na bibisitahin ng kanyang “pilgrim relic” bilang paghahanda sa kanyang ika-200 kaarawan sa 2015. Nais ko sanang ibahagi sa inyo ang isang montahe ng mga larawan patungkol kay Don Bosco, sa saliw ng opisyal na awitin sa kanyang pagbisita sa ating bayan. Viva Don Bosco! Mabuhay ang mga kabataang Pilipino!


Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: