frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pasko’ Category

PASKONG MAKULAY O PASKONG WAGAS AT TUNAY?

In Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 24, 2013 at 14:16

454351339_640

Araw ng Pasko ng Pagsilang (A)
Disyembre 25, 2013

Tuwing magpapasko, ilang beses rin binabasa ang listahan ng mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Kung bulol o utal ang nagbabasa, o hindi pinaghandaan, masakit sa tainga ang makinig sa tatlong tig-lalabing-apat na salinlahi bago makarating kay Jesus na Mananakop.

Mahirap rin maunawaan kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito. Mas madaling maunawaan ang larawan ng sabsaban, ang kweba kung saan naroon ang sabsaban, ang mga hayop na katabi niya sa sabsaban. Ito ang madaling gawing nababalot ng ginto at palara, na makikinang at makukulay na papel.

Ang diwa ng Pasko ay madaling mapagkamalian sa ginto at palara at magaganda at makukulay na palamuti. Pero hindi ito ang pinakamahalagang diwa ng Pasko. Hindi ito ang tunay na buod at batayan ng ating pagdiriwang. Maganda mang isiping si Jesus ay isinilang na walang bahay, mahirap, at wala ni matuluyan, ay hindi ito ang pinakamahalagang batayan ng hiwaga ng Pasko.

Ang Pasko ay hindi nababatay sa kahirapang pinaganda, ginawang sagisag at pinagkalooban ng isang matulaing kahulugan. Ang Pasko ay hindi pagdarahop na dinamitan ng ginto at makikintab na palara.

Mayroon kayang kahulugan ang mapupulot sa salinlahi ng Panginoon na narinig natin sa Misa ng Vigilia kagabi at isang araw ng Simbang Gabi? Ano bang aral ang ipinahihiwatig ng mga listahan ng mga angkan ng Panginoon na tiglalabing-apat na makaitlong beses inulit?

Tingnan man ninyo at muling titigan … may mga taong hindi magaganda ang ugaling ipinakita sa mga angkan ng Panginoon. Dalawa sa apat na babaeng binanggit ay mga babaeng mababa ang lipad, ika nga. Si David ay isang mangangagaw ng asawa, at nagbalak pang isabak si Urias sa giyera para masarili niya si Batsheba. Pero sila ay pawang mga kasama sa listahan ng mga angkan ni Jesus.

Dito ngayon natin matatanong kung ano ba talaga ang pakay ng pagsasalansan ng mga salinlahi ng Panginoon!

At dito rin natin mapapagtanto ang tunay na batayan ng kadakilaan ng Pasko. At ito ay hindi nababatay sa kanyang pagsilang sa isang mahirap na sabsaban, hindi nababatay sa kanyang pagiging anak ng mga salat na taong wala ni matuluyan noong gabing siya ay isilang.

Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi nakatuon sa tao bagkus nakatuon sa kung anong uri ng Diyos ang ating Diyos. Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi ang kasalatan o kahirapan ni Jesus at ng kanyang ama’t ina, kundi sa kayamanan, kabukasang-palad at pagiging mapagbigay ng Diyos at mahabagin para sa kanyang bayan.

Ito ang diwa ng Pasko … ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya – biyaya ng kaligtasan. Ang biyaya ng kaligtasan ay yaman mula sa Diyos, nag-uumapaw na grasya na hindi bagay na nararapat o karapatan ng tao, kundi isang wagas na tanda ng pag-ibig ng Diyos.

Generasyon … grasya … ito ang dapat natin pakatandaan. Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kung kaya’t ipinagkaloob Niya ang sarili sa katauhan ni Kristong Panginoon, ang kanyang bugtong na Anak.

Salin-lahi … biyaya … Hindi tayo karapat-dapat pero ipinagkaloob sa atin ang kaligtasan. At ang dakilang biyayang ito ay ipinadaan niya sa mga taong siya ring naghatid sa atin ng buhay, sa pamamagitan ng kasaysayan, sa pamamagitan ng mga taong tulad natin ay nagkulang rin sa kadakilaan, ngunit pinadakila mismo ng Diyos.

Ito ang Pasko. Maganda mang isipin na ito ay batay sa kahirapan o karukhaan, ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay batay hindi sa kasalatan, kundi sa kayamanan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, para sa bawa’t isa sa ating lahat.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

In Mahal na Birheng Maria, Panahon ng Pasko, Taon K on Disyembre 31, 2012 at 20:22

yhst-37939424361191_2027_161446281MARIA, INA NG DIYOS

Enero 1, 2013

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lk 2:16-21

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

Puro pagpapala ang naririnig natin tuwing dumarating ang Bagong Taon. Sa paghahati ng taon, at paghihiwalay ng luma at ng bago, paniguradong barado ang texting, ang mga cellphone at kompanyang namamahala nito ay masayang-masayang magbibilang bukas sa dami ng mga text messages at gamit ng telepono. Ang facebook ay panigurado ring buhay na buhay at nag-iinit sa maiinit ring mga pagbati at pagpapala.

Halos lahat ay nagpapala… Halos lahat ay mananagana sa pagbabasbas. At halos lahat ay may inangking kakayahan sa araw na ito upang maggawad ng pagbabasbas at pagpapala sa isa’t isa.

Dapat lang … sapagka’t ang mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagbabasbas.

Sa unang pagbasa, narinig natin ang maka-itlong pagpapalang iginawad ni Moises sa mga Israelita. Ang tugon natin sa unang pagbasa ay isa ring pagpapala para sa ating lahat: Pagpalain nawa tayo ng Diyos alang-alang sa kanyang dakilang habag!

Ang ikalawang pagbasa naman ay nagwiwika sa dakilang pagpapala na naging batayan ng ating pagbabasbas sa isa’t isa: “Nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na isinilang ng isang babae, isinilang sa ilalim ng batas, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng batas.”

Pagtubos … ito ang dakilang pagpapalang batayan ng lahat ng ating pagpapala. Walang anumang pagpapala ang maituturing na tunay na bendisyon kung hindi naganap ang dakilang pakikipamayan ng Diyos sa piling ng kanyang bayan.

Tapatin natin agad ang ating sarili. Kailangan natin ng lahat ng pagpapalang maaari  nating makamit. Magulo ang mundo … masalimuot … maraming bagay ay tila walang solusyon. Magpahanggang ngayon, wala pang linaw ang pagpaslang sa mahigit na 50 katao sa Mindanao, dahil sa politica. Hati-hati ang mga Pinoy ngayon sa isang isyu na sadyang walang linaw, walang tiyak na kaliwanagan. Dahil sa mapanlinlang na mass media, na panig lagi sa kung sino man ang inaakala nilang may hawak ng poder, marami ang lubusan natatangay, nadadala, at ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay siyang nagiging tama.

Nguni’t ang pagbabasbas na ipinagkakaloob natin sa isa’t isa ay hindi dapat manatiling hungkag na mga pananalita lamang. Dapat ito ay magkatawang-tao tulad nang si Kristo ay nagkatawang-tao – nagkadiwa, nagka-buto at balat, ika nga. Hindi isang parang palarang makinang lamang na kumukuti-kutitap lamang kapag nilagyan ng ilaw.

Di ba’t ito ang ipinakita ng mga tao sa ebanghelyong narinig natin? Ang mga pastol, na dali-daling nagpunta sa Belen at doon nakita sa sabsaban ng hayop ang sanggol. Nagkatotoo, ika nga, ang balita ng anghel – nagkadiwa, at talagang nagdilang-anghel ang arkanghel na si Gabriel!

Pari si Maria, bagama’t hindi niya lubos naunawaan ang kanyang narinig ay sumampalataya – naniwala – tumalima – kahit mahirap ang sumunod sa hindi mo nauunawaan nang lubos.

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … ang pagpapalang pinagpapalitan natin ay dapat maging katotohanan at realidad sa buhay natin, at walang gagawa nito kundi tayo rin, sa tulong ng Diyos. Ang ating dasal ngayon ay malinaw na isang pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos: “Pagpalain nawa tayo ng Diyos, alang-alang sa kanyang dakilang habag!”

Nagmadali si Maria sa pagpunta sa kanyang pinsan na si Elizabet. Nagmadali rin ang mga mago. Nagmadali rin ang mga pastol. Ang lahat ay naging abala. Sinalubong nila ang magandang balita ng anghel ng isang kabukasan ng puso, isipan, at pagkatao at ang kabukasang ito ang siyang naging daan upang magkatotoo ang lahat, at matupad ang balak ng Diyos.

Tayo na magmadali rin. Hindi sa paghahanda sa Valentine’s Day o sa susunod na Pasko, o sa anumang gusto nating gawin agad. Magmadali tayo sa pagtupad sa kaloobag ng Diyos, sa kabila ng maraming hilahil, pagsubok, at balakid.

Pagpapala sa inyo sa ngalan ng Panginoong naging taong tulad natin. Pagpalain nawa tayo ayon sa Kanyang dakilang habag!