frchito

Archive for the ‘Propeta Jeremias’ Category

TULAD NG HALAMANG TUMUBO SA ILANG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Tagalog Homily, Taon K on Pebrero 10, 2010 at 02:05


Ika-6 na Linggo ng Taon (K)
Pebrero 14, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 17:5-8 / 1 Corinto 15:12, 16-20 / Lucas 6:17, 20-26

Puno ng kabalintunaan ang mga pagbasa sa araw na ito … kabalintunaang halos ay nauuwi sa kasalungatan, at tahasang kabaligtaran. Ang pagbasa mula kay Jeremias, na isa sa mga propetang ang buhay ay puno rin ng kabaligtaran, ay nag-aalay ng isang larawan ng isang bagay na tila walang anumang bahid ng katotohanan … isang halamang tumubo sa ilang, isang punong nabubuhay sa katuyutan at sa kabila ng kasalatan.

Puno ng kabalintunaang tulad nito ang buhay natin bilang kristiyano. Magsimula tayo sa mismong nagsimula ng sangkakristiyanuhan – ang Panginoong isinilang na mahina, mahirap, at walang pangako sa isang sabsaban sa Belen, nanirahan at lumaki sa isang bayang siniphayo ng tadhana at ng kasaysayan … Nazaret … “Anong magaling ang puedeng manggaling sa Nazaret?”

Puno rin ng kabalintunaan ang kanyang pangaral … mapalad aniya ang mahihirap … mapalad ang mga mababang-loob …. Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanya … Sa mata ng taong nahirati sa kalinangan ng salapi, kapangyarihan, at kakayahan, isa itong malaking dagok. Paano magiging mapalad ang mga walang kaya? Paano ituturing na mapalad ang mga inaapi at sinisiil? Paano dapat italaga ang mga naghihirap sa ngalan ng katarungan bilang mapalad at puno ng kagalakan?

Marami tayong halimbawa sa larangang ito halaw sa ating buhay na napalilibutan ng lahat ng uri ng katanungang tila walang kasagutan…

Ewan ko kung mapalad tayo at lahat ng naging pinuno natin ay pawang nabahiran ng mantsa ng katiwalian… Ewan ko kung mapalad ang Pilipinas at tayo ay pahirap nang pahirap, at ang antas ng ating edukasyon ay isa na sa mga pinaka-aba sa buong mundo! Ewan ko ba sa inyo kung maituturing nating kapalaran ang katotohanang ang hanay ng mga mangmang at mga dukha ay hindi kumakaunti at bagkus lalong dumarami?

Subali’t ito mismo ang tinutumbok ng magandang balita ng kaligtasan … na narinig natin makailang ulit sa mga nagdaang Linggo … kalayaan para sa mga bihag, kagalingan sa mga maysakit … Ito ang dahilan kung bakit siya isinugo ng Ama. At ito ang sinabi niya nang siya ay tumayo sa sinagoga at magbasa mula sa propeta Isaias … Ang lahat ng iyon, aniya, ay nagaganap habang sila ay nakikinig!

Sa aking pagninilay noong mga nakaraang Linggo, binigyang-diin ko ang katotohanang tunay na nagaganap ang mga ito sa panahon natin. Subalit akin ring binigyang-diin na ito ay nagaganap dahilan sa may mga “nakikinig.” Walang katuparan kung walang kalinangan ng pagtalima, pakikinig, at paggawa sa mga narinig.

Dito pumapasok ngayon ang magandang balita ng kaligtasan. Hindi ito isang lathala na binabasa lamang ng mga tagapagbalita. Hindi ito isang palabas at pahayag lamang ng taong ang pinagkakakitaan ay ang maglabas ng pawang magagandang “praise releases” sa madlang taong ang hanap lamang ay makiliti at “matuwa sa galak” dahil sa mga pambobola ng mga survey at kaek-ekan ng mass media purveyors.

Ito ay balitang ang pakay ay gumising, pumukaw, at tahasang gumulantang sa mga natutulog na taong nahirati na sa kalinangan ng kadiliman at katiwalian.

Nakalulungkot na kay rami sa atin ang kay daling matangay ng mga survey. Nakalulungkot na kay rami sa atin ang nadadala lamang ng magagandang damdaming dulot ng mga pangalang kumakatawan lamang sa ating maiinit na pangarap, nguni’t walang katumbas na kakayahan at lakas ng political will. Nakalulungkot isiping marami pa rin ang nasisilaw sa salapi at sa unos at dagundong ng mga palabas sa TV, pakitang-tao na tulad lamang at sinlalim lamang ng mga aspaltong ipinapalitada sa mga lansangan. Nakalulungkot isipin na ang nagwawagi ay tila ang mga madadatung, mahahaba ang pisi ng kakayahang material, at ang kulelat ay ang mga mayroong tunay na kakayahan upang isulong ang malalim na pangarap at kagustuhan nating umangat sa paggalang ng buong daigdig.

Subali’t ang aking mga sinasaad ay may kinalaman lamang sa mga taong darating … ngayon, 2010 hanggang 2016. Nguni’t ang magandang balita ng kaligtasan ay may kinalaman hindi lamang sa anim na taon, kundi sa kawalang hanggan. At dito papasok ang pangangailangan natin ng perspektibo – ng wastong pagtingin sa mga bagay-bagay. At ang wastong pagtinging ito sa mga bagay-bagay ay may kinalaman sa katotohanang hindi magagapi ng katiwalian, hindi magugupo ng kamatayan, at hindi matatalo ng kasamaan at kasalanan ng tao.

Tama si Jeremias. Ang taong tapat, tulad ng katapatan ng Diyos ay isang halamang nakapunla sa tabi ng batisan, sa tabi ng tubig na nagbibigay-buhay. Hindi matitinag ang punong ito … Bagama’t salat sa lahat ng bagay, ay puno siya at busog na busog na mga pagpapahalagang nararapat.

Tuyot ang kapaligiran natin ngayon sa maraming bagay. Ngunit sa tagtuyot, ang halamang tumubo sa ilang ay larawan ng pagwawagi … larawan ng kapalaran.

Malinaw ang hanap sa atin ng Diyos na nagbibigay sa atin ngayon ng isang panawagan at paanyaya, kalakip at ang isang paalala. Ang mapalad ay sinumang matutulad sa halamang tumubo sa ilang!

Anong uri ng halaman tayong lahat?

February 5, 2010
700 Tchoupitoulas St.
New Orleans, LA 71300

MAGPAKATAPANG, HUMAYO, AT MANGARAL!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Jeremias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 28, 2010 at 06:16

Ika-4 na Linggo (K)
Enero 31, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 1:4-5, 17-19 / 1 Corinto 12:31 – 13:13 / Lucas 4:21-30

Higit sa limang libong kaparian mula sa buong Pilipinas ang nagmistulang parang Jeremias sa mga nagdaang araw sa linggong ito. Masugid silang nagtipon, nakinig, at nagnilay na sama-sama. Mataman nilang pinakinggan ang mga propetikong pananalita ni Father Raniero Cantalamessa, sa kanilang pagnanasa na maging higit na karapat-dapat na mga tagapaglingkod ng Inang Simbahan at sugo sa bayan ng Diyos.

Alam nating lahat ang kwento tungkol sa buhay ni Jeremias … isang talubatang sa simula ay tila napilitang gumampan sa tungkulin bilang isang propeta, isang binatilyong tila nag-atubili, natakot nang kaunti marahil, at pansamantalang umurong sa tungkuling iniaatang sa kanya ng Diyos.

Pero alam rin natin kung ano ang kinahinatnan ng kwento. Siya mismo ang nagsalaysay sa sinabi sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Josias: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Bagaman at mahigit na isang libo at kalahating milya ang layo ko sa aking mga kapatid na pari, kaisa nila ako sa kanilang marubdob na pagnanasang maging higit na karapat-dapat na mga sugo ng Diyos. Kaisa rin nila ako sa gitna ng kanilang mga pangamba, pag-aatubili, at maging sa kanilang mga panimdim at suliranin.

Mahigit na 27 taon na ako bilang pari, at mahigit 32 taong nagtuturo at nangangaral. Sa edad ko ngayon, lihis sa aking paniniwalang ang magiging trabaho ko ay higit na tahimik – pagsusulat, pagtuturo, at pagbibigay payo bilang counselor, naatangan na naman ako ng tungkuling magpatakbo ng isang paaralan para sa mga high school malayo sa Pilipinas.

Mahirap ang magpasan ng anumang tungkulin. Mahirap ang mangaral lalu na’t ang pangaral ay hindi na magandang pakinggan sa panahong nababalot ng posmodernismo. Hindi madali ang manindigan para sa tama at angkop sa kalooban ng Diyos at pangaral ng simbahan. Gustuhin mo man o hindi, mayroon laging magagalit, magtatampo, at masasaktan ang kalooban dahil sa pangaral na hindi maaaring baliin, bale-walain, at ibahin. Mismong si Jeremias na rin ang nagsalaysay: “Ang mga saserdote at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo.”

Nguni’t tinumbok ni San Pablo na naghirap din ng katakot-takot dahil sa ebanghelyo ang siyang batayan, simulain, at kadluan ng lakas na siyang ngayon ay pinagsisikapang pagyamanin ng mga kaparian sa buong Pilipinas – ang pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya!
Nais ko sanang manawagan sa lahat ng mga layko na katuwang ng mga kaparian sa maselang tungkuling ito. Nais ko sanang hilingin sa kanila ang lubos na pang-unawa, lubusang pagtulong at pagsuporta sa aming mga kaparian hindi lamang sa linggong ito, kundi sa mga taong darating.

Hindi kami perpekto at ganap. Hindi kami kasing banal ng ayon sa inyong kagustuhan at paniniwala. Marami kaming kapalpakan. Marami kaming kamalian. Sa kabila ng maraming taong pag-aaral, hindi namin alam ang lahat, bagama’t malimit kaming kumilos na tila alam namin ang lahat, at siguradong-sigurado kami sa aming sarili.

Pero ang katotohanan ay ito. Kaming lahat ay mga talubatang Jeremias na nangangamba rin, nag-aatubili, nagkakamali, nagkakasala.

Ang ebanghelyo natin sa araw na ito ay angkop na angkop. Nang si Jesus ay pumasok sa sinagoga, pinangatawanan niya ang kanyang misyon, ang dahilan kung bakit siya naparito sa daigdig. Nang binasa niya ang sipi mula kay Isaias, daglian niyang idinagdag ang katotohanang ito: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Totoo na tao rin kaming lahat. Totoo na tulad ng lahat ng tao, kami ay mahina, marupok, at kay daling lumimot, tulad ng inawit ni Rico Puno. Totoo rin na tulad ni Jeremias, di miminsan na kami ay nag-aatubili, natatakot, at nangingimi lalu na’t pinupukol kami ng lahat ng uri ng tsismis, angal, at akusasyong susun-suson, totoo man o kathang-isip.

Kailangan namin ang tapang ni Jeremias. Kailangan naming ang pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ng bayan ng Diyos. Kailangan namin kayong lahat. At sapagka’t nagkakasala rin kami sa inyo, sa bayan ng Diyos, hinihiling rin namin na ang inyong pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ay hindi mabuwag, manghina, at malugmok dahil sa aming kahinaan – at maraming kasalanan.

At kung mayroon kaming dapat isapuso, isaisip, at isadiwa sa mga araw na ito, ang lumulutang na pangaral na ito ay parang isang taludtod ng tula o awiting dapat namin marinig, hindi lamang kay Jeremias, kundi lalu na sa inyo: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Tai, Mangilao, Guam
Enero 28, 2010