frchito

Archive for the ‘Simbang Gabi’ Category

TINGNAN AT MASDAN: NALALAPIT NA ANG KALIGTASAN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 22, 2009 at 18:23

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 23, 2009

Mga Pagbasa: Malaquias 3:1-4, 23-24 / Lucas 1:57-66

Ngayong wala nang klase, marami na naman ang nasa loob at paligid ng simbahan. Ewan ko sa inyong karanasan, pero sa ganang aking, mas maraming kabataan ang nasa paligid. Puro gurang katulad ko ang nasa loob ng simbahan. Isang dahilan dito ay sapagka’t mas maaga silang gumising, at mas mabilis umupo sa upuang kinasanayan na o inangkin na nila, kumbaga.

Ang paksa natin ngayon ay para sa kanila. Higit nilang mauunawaan ito, kaysa sa mga bata, na wala pang masyadong napagdaanan. Pero ang katotohanang dulot nito ay hindi namimili ng bata o matanda. Ang liksyon ng Kasulatan ay hindi namimili, sapagka’t ang hatid nito ay para sa buhay na walang hanggan, at ito ay hindi pambata, o pang matanda, kundi parang Family Rubbing alcohol – pampamilya at pang sports!

Ewan ko kung alam ninyo ang kahulugan ng lantay. Ginagamit natin ito sa salitang lantay na ginto, o kaya lantay na pilak. Ang kahulugan nito ay dalisay, puro, walang halo, walang dagdag, walang dumi o anumang makasisira sa kanyang ningning o kinang. Ang lantayan ay ang proseso kung saan ang mininang bato ay pinadadaan sa apoy, tinutunaw, at sinasala, upang lumitaw lamang ang ginto o ang pilak. Ang ginagamit na paraang ito ay tinatawag na lantayan.

Balikan ninyo ang sinaad ni Malaquias. Marami ang nalilito sa pagbasang ito. Binibigyang diin ng marami ang tungkol sa binabanggit na kahindik-hindik na araw na darating, ang araw ni Yahweh, na mababalot ng hilakbot, at ang tanong niya ay ito: makaka-aguanta ba aniya kayo sa pagdatal ng araw na yaon?

Sa halip na bigyang-diin ang kahihinatnan ng pagdating ng araw na yaon, ang nakikita ng marami ay ang kilabot, hindi ang ligayang dulot ng pagdadalisay na gagawin ng pinakahihintay na mananakop. Tingnan natin sumandali ang sinasaad sa hula ni Malaquias: “uupo siya at dadalisayin ang pilak, at dadalisayin niya ang mga anak ni Levi … upang mag-alay nang karampatang kaloob sa Panginoon.”

Karampatang kaloob … ito ang magandang balita para sa atin ngayon. Kay rami ang magbibigay ng regalo sa kapwa. Alam natin na lahat ng regalo ay isa lamang tanda, ika nga, ng higit na mahalagang bagay. Token ang tawag dito sa English, isang pahimakas lamang ng ating pagpapahalaga sa kapwa. Subali’t anu mang regalong ipagkaloob natin, ay hindi natin matutumbasan ang kaganapan ng pagkatao ng nireregaluhan natin. Isa lamang itong tanda, simbolo, o pahatid.

Ano ang pinakamahalagang regalo? Hindi ba’t ang mas pinahahalagahan natin ay ang pinaghirapan natin? Hindi ba’t lalung tumitingkad ang halaga ng isang kaloob kung ito ay pinagbuhusan natin ng lahat ng uri ng sakripisyo at pagpapahindi sa sarili? Iyan ang dahilan kung bakit mahal na mahal natin ang sinumang naghirap para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit sa kwentong narinig ko sa ANC kaninang umaga (Disyembre 20, 2009), ay naunwaan kong lubos kung bakit mahal na mahal ng magkakapatid ang kuya nila na nagsakripisyo para mapag-aral ang mga kapatid. Anu man ang kanyang ibigay ay mataas ang halaga, sapagka’t ang tunay na halaga nito ay napapaloob sa wagas ng pagmamahal na kalakip ng kaloob.

Ang pagdating ng Panginoon ay hindi isang araw ng kilabot, kundi araw ng pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit ang tugon natin sa unang pagbasa ay walang iba kundi ito: “Itaas ang inyong mga mata at tingnan; ang inyong kaligtasan ay malapit na.” Ito ang ginintuang balita ng pag-asa, na dinalisay ng larawan ng paghihirap at paglilinis ayon sa lingguahe ni Malaquias. Ito ang mahalagang lumulutang na balita sa likod ng tinagurian niyang araw ng Panginoon.

Patunay nito ang buhay ni Zacarias at ni Elizabet. Pareho silang matanda na, nguni’t tinawag pa rin sila ng Diyos. Nabulabog ang kanilang tahimik na buhay. Pinagkalipumpunan sila ng mga kapitbahay at kamag-anak. Nawalan siya ng kakayahang magsalita … napipi. At nangailangan si Elizabet ng tulong sa kanyang pinsan na si Maria. Dapat ay retirado na sila at namamahinga sa bahay. Nagulantang muli ang buhay nila dahil sa misyong ihatid ang tagapagpakilala sa mananakop.

Iisa lamang ang naging bunga ng lahat ng ito. Naging karapat-dapat silang alay para sa Diyos. Naging kaaya-aya silang kaloob at naging karampatang alay para sa Diyos. At ito ay nangyari lamang matapos sila magdusa at magbata ng hirap.

Susun-suson at sunod-sunod na ang nagdaang pahirap sa bayan natin, tulad ng masinsing mga paghihirap na pinagdaanan ng nagsasalaysay kanina sa ANC. Subali’t tulad ng kagalakang kanila ngayong nararanasan, bagama’t hindi pa tapos ang mga pagsubok, ganoon din ang naghihintay para sa atin sa wakas ng panahon, sa muling pagbabalik ng Panginoon, isang kagalakang ipinatitikim sa atin sa liturhiya ng Pasko, na ipagdiriwang natin sa makalawa.

Itaas ang inyong mga mata at masdan: malapit na ang pagdatal ng kaligtasan!

ALAY, ALAB, LAGABLAB

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 21, 2009 at 07:14

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 22, 2009

Mga Pagbasa: 1 Samel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

Si Hannah ay larawan ng lahat ng ina sa mundong ito na nag-aalab ang puso para sa kanilang anak. Walang anak na hindi kaaya-aya para sa kanyang sariling ina. Walang anak na hindi ipinag-aalab ng puso ng kanyang sariling ina. At walang ina na hindi naglalagablab ang damdamin sa pagmamalasakit sa kanyang anak.

Hindi naiiba si Hannah sa bagay na ito. Tulad ng isang mapagkalingang ina, inaraw-araw niya marahil si Eli upang ipag-alay sa templo ang kanyang anak at upang mapaanyo kumbaga ang kanyang kinabukasan. Bilang isang asawa at maybahay, inasam niya na magbunga ang kanyang sinapupunan. At ang kanyang maalab na dasal ay nagkabunga sa pagsilang ng isang bata.

Inaraw-araw niya rin ang templo sa naglalagablag na kagustuhang magka-anak. Ang kanyang pag-aasam na ito ay binendisyunan ng paring si Eli na naghulang siya ay pagkakalooban ng Diyos ng pinakamimithing anak.

Ang maikling mga linya natin na halaw sa unang aklat ni Samuel ay ang naganap matapos magkatotoo ang hula ni Eli. Matapos ang maraming taon, bumalik si Hannah sa templo sa Shiloh. Hinanap muli si Eli at sa kanya ay nagtapat: “Ako ang tumabi sa inyo at humiling ng isang anak. Narito siya ngayon, at handa ko siyang ipagkaloob sa Panginoon habang buhay.”

Tuwing darating ang Pasko, para bagang nabubuksan ang puso ng maraming tao. Lumalambot kumbaga … nagiging maamo, mabait, at mapagbigay ang lahat. Bagama’t dumarami ang nangongotong na mga pulis, at biglang bumabait ang mga basurerong tuwing Pasko ay biglang nagsisipag (magbigay ng envelop sa mga bahay-bahay!), hindi maipagkakaila na mas mapagbigay ang lahat, mas bukas ang palad, at mas madaling mag-pasensya sa kapwa.

Pero ito ang problema … pagdating ng mga unang linggo ng Enero, kapag tapos na ang mga party at ubos na ang budget, balik tayo lahat sa dating ugali. Wala na namang basurerong nangongolekta ng basura, at natutulog na muli ang mga guardia, na noong simbang gabi ay busyng-busy sa pamumudmod ng envelop. Ang mga public servants (politico) ay hindi na naman makita sa kapitolyo at ang mga mayor ay wala nang inaatupag kundi ang susunod na halalan.

Kakaiba si Hannah. Sino sa atin ang makapagsasabing matatandaan ni Eli ang pangako ng babaeng si Hannah? Sino sa atin ang makapagsasabing ang binitiwang pangako ni Hannah ay hindi na dapat tuparin sapagka’t isa iyong pangakong binitiwan noong siya ay nag-aasam magka-anak? Ilan sa mga pangako ng mga politico ang tunay nilang tinupad? Ilan ang mga pangako natin ang tunay nating pinagsikapang gawing makatotohanan?

Balik tayo sa buhay ni Hannah. Nag-asam, nag-alab ang puso para sa isang pinamimithing anak. Nag-alay, nagkaloob, at nagsakatuparan ng kanyang panalangin ang Panginoong Diyos. Naganap ayon sa kanyang nasa, sa biyaya ng Diyos.

At ito ang magandang balita para sa atin. Pagkaraan ng 12 taon, nagbalik si Hannah at nagtapat kay Eli: “ako ang tumabi sa inyo at nanikluhod.” Nagbalik ako upang ipagkaloob ang aking anak sa Diyos.”

Nagbalik si Hannah upang magpasalamat. At ang kanyang pasasalamat ay kung ano rin ang kanyang tinanggap. Ang kanyang pasasalamat ay katumbas rin ng alay ng Diyos sa kanya. Ibinalik niya sa Diyos ang kanyang ipinagkaloob, kung kaya’t nakuha niyang sabihin kay Eli: handa akong ialay siya sa Panginoon.

Pahimakas ni Abraham? Tumpak … Isang pahiwatig tungkol sa nag-aalab ring kaloob ni Maria at ni Jose? Tumpak. Nang mawala si Jesus noong 12 taong gulang sa templo, niyurakan ang puso ni Maria ng tugon ng bata: “Di ba’t dapat ay ginagampanan ko ang gawain ng aking Ama?” Masakit man sa damdamin ni Maria, ay tinanggap niya. Isa itong pasakit na muling mauulit sa paanan sa krus, sa kanyang sukdulang pag-aalay ng sariling anak hanggang sa kamatayan sa krus.

Malimit na ang ating ma kaloob ay may kawit. Nagbibigay tayo sapagka’t naghahanap tayo ng kapalit. Naghihintay tayong pagkalooban din ng higit na malaking regalo, higit na mahalaga.

Sa araw na ito, dalawang babae ang nagtuturo sa atin ng kung paano magpasalamat. Bukal sa puso, bukas ang loob, at lubos ang nag-aalab na pag-aalay ng kasukdulan. Walang sukat. Walang pakipot. Walang hele-hele at walang hangganan … tulad ng panalangin ni Maria sa ebanghelyo ayon kay Lucas. “Nagbubunyi ang aking kaluluwa sa kadakilaan ng Panginoon … ang aking espiritu ay nagagalak sa aking tagapagligtas.”

Ano ang maipagkakaloob natin sa Panginoong nagkaloob ng lahat? Alay na maalab, at pag-ibig na naglalagablab, tulad nang kay Hannah .. . tulad nang kay Maria.