Ika-8 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 23, 2009
Mga Pagbasa: Malaquias 3:1-4, 23-24 / Lucas 1:57-66
Ngayong wala nang klase, marami na naman ang nasa loob at paligid ng simbahan. Ewan ko sa inyong karanasan, pero sa ganang aking, mas maraming kabataan ang nasa paligid. Puro gurang katulad ko ang nasa loob ng simbahan. Isang dahilan dito ay sapagka’t mas maaga silang gumising, at mas mabilis umupo sa upuang kinasanayan na o inangkin na nila, kumbaga.
Ang paksa natin ngayon ay para sa kanila. Higit nilang mauunawaan ito, kaysa sa mga bata, na wala pang masyadong napagdaanan. Pero ang katotohanang dulot nito ay hindi namimili ng bata o matanda. Ang liksyon ng Kasulatan ay hindi namimili, sapagka’t ang hatid nito ay para sa buhay na walang hanggan, at ito ay hindi pambata, o pang matanda, kundi parang Family Rubbing alcohol – pampamilya at pang sports!
Ewan ko kung alam ninyo ang kahulugan ng lantay. Ginagamit natin ito sa salitang lantay na ginto, o kaya lantay na pilak. Ang kahulugan nito ay dalisay, puro, walang halo, walang dagdag, walang dumi o anumang makasisira sa kanyang ningning o kinang. Ang lantayan ay ang proseso kung saan ang mininang bato ay pinadadaan sa apoy, tinutunaw, at sinasala, upang lumitaw lamang ang ginto o ang pilak. Ang ginagamit na paraang ito ay tinatawag na lantayan.
Balikan ninyo ang sinaad ni Malaquias. Marami ang nalilito sa pagbasang ito. Binibigyang diin ng marami ang tungkol sa binabanggit na kahindik-hindik na araw na darating, ang araw ni Yahweh, na mababalot ng hilakbot, at ang tanong niya ay ito: makaka-aguanta ba aniya kayo sa pagdatal ng araw na yaon?
Sa halip na bigyang-diin ang kahihinatnan ng pagdating ng araw na yaon, ang nakikita ng marami ay ang kilabot, hindi ang ligayang dulot ng pagdadalisay na gagawin ng pinakahihintay na mananakop. Tingnan natin sumandali ang sinasaad sa hula ni Malaquias: “uupo siya at dadalisayin ang pilak, at dadalisayin niya ang mga anak ni Levi … upang mag-alay nang karampatang kaloob sa Panginoon.”
Karampatang kaloob … ito ang magandang balita para sa atin ngayon. Kay rami ang magbibigay ng regalo sa kapwa. Alam natin na lahat ng regalo ay isa lamang tanda, ika nga, ng higit na mahalagang bagay. Token ang tawag dito sa English, isang pahimakas lamang ng ating pagpapahalaga sa kapwa. Subali’t anu mang regalong ipagkaloob natin, ay hindi natin matutumbasan ang kaganapan ng pagkatao ng nireregaluhan natin. Isa lamang itong tanda, simbolo, o pahatid.
Ano ang pinakamahalagang regalo? Hindi ba’t ang mas pinahahalagahan natin ay ang pinaghirapan natin? Hindi ba’t lalung tumitingkad ang halaga ng isang kaloob kung ito ay pinagbuhusan natin ng lahat ng uri ng sakripisyo at pagpapahindi sa sarili? Iyan ang dahilan kung bakit mahal na mahal natin ang sinumang naghirap para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit sa kwentong narinig ko sa ANC kaninang umaga (Disyembre 20, 2009), ay naunwaan kong lubos kung bakit mahal na mahal ng magkakapatid ang kuya nila na nagsakripisyo para mapag-aral ang mga kapatid. Anu man ang kanyang ibigay ay mataas ang halaga, sapagka’t ang tunay na halaga nito ay napapaloob sa wagas ng pagmamahal na kalakip ng kaloob.
Ang pagdating ng Panginoon ay hindi isang araw ng kilabot, kundi araw ng pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit ang tugon natin sa unang pagbasa ay walang iba kundi ito: “Itaas ang inyong mga mata at tingnan; ang inyong kaligtasan ay malapit na.” Ito ang ginintuang balita ng pag-asa, na dinalisay ng larawan ng paghihirap at paglilinis ayon sa lingguahe ni Malaquias. Ito ang mahalagang lumulutang na balita sa likod ng tinagurian niyang araw ng Panginoon.
Patunay nito ang buhay ni Zacarias at ni Elizabet. Pareho silang matanda na, nguni’t tinawag pa rin sila ng Diyos. Nabulabog ang kanilang tahimik na buhay. Pinagkalipumpunan sila ng mga kapitbahay at kamag-anak. Nawalan siya ng kakayahang magsalita … napipi. At nangailangan si Elizabet ng tulong sa kanyang pinsan na si Maria. Dapat ay retirado na sila at namamahinga sa bahay. Nagulantang muli ang buhay nila dahil sa misyong ihatid ang tagapagpakilala sa mananakop.
Iisa lamang ang naging bunga ng lahat ng ito. Naging karapat-dapat silang alay para sa Diyos. Naging kaaya-aya silang kaloob at naging karampatang alay para sa Diyos. At ito ay nangyari lamang matapos sila magdusa at magbata ng hirap.
Susun-suson at sunod-sunod na ang nagdaang pahirap sa bayan natin, tulad ng masinsing mga paghihirap na pinagdaanan ng nagsasalaysay kanina sa ANC. Subali’t tulad ng kagalakang kanila ngayong nararanasan, bagama’t hindi pa tapos ang mga pagsubok, ganoon din ang naghihintay para sa atin sa wakas ng panahon, sa muling pagbabalik ng Panginoon, isang kagalakang ipinatitikim sa atin sa liturhiya ng Pasko, na ipagdiriwang natin sa makalawa.
Itaas ang inyong mga mata at masdan: malapit na ang pagdatal ng kaligtasan!